Monday, May 26, 2008

Sa Salita Rin Naman Ni Yahweh

Sa pagbasang inihanda ng Simbahan ngayong Linggo ng Corpus Christi, ang salin sa Tagalog Popular Version ay nakatawag sa aking pansin. Ito ay ang sikat na linyang isinagot ni Jesus sa Diablo noong tinutukso siya sa disyerto: “Hindi lamang sa tinapay nabubuhay ang tao, kundi sa bawat salitang namumutawi sa bibig ng Diyos” (Mt 4:4). Ito ay sinipi ni Jesus mula sa aklat ng Deuteronomio. Ganito ang sinabi ni Moises: “Ginawa niya [ni Yahweh] ito upang ipakilala sa inyo na ang tao ay hindi lamang nabubuhay sa pagkain kundi sa salita rin naman ni Yahweh” (8:3). Sa unang tingin ay mukha namang maayos ang lahat dahil sa kawastuhang gramatikal nito. Pero kung ang pagbabasehan ay ang katotohanang gustong ipahayag ng nagsasalita, may mali sa linyang ito. Ang tamang bersyon ay ang nasa sulat ni Mateo kung saan wala ang mga katagang “rin naman”.

Ang lahat ng bagay, nakikita man o hindi, materyal man o mga sirkumstansya, ay nagmula sa Diyos sa pamamagitan ng kanyang salita. Walang intensyon ang may-akda na ipantay ang salita ng Diyos sa pagkain na kinikilala ng tao bilang pinagmulan ng kanyang buhay araw-araw, sa halip ay linilinaw niya na maging ang tinapay o pagkain na bumubusog at bumubuhay sa tao ay nagmumula din sa mga “salitang namumutawi sa bibig ng Diyos.” Kapuna-puna na sa tamang salin nito, si Moises at si Jesus ay nagsisimula sa pagsasabing, “hindi lang…” pero hindi nila dinugtungan ng ekspresyon na “…rin naman,” tulad ng pangkaraniwan. Sa gramatikang Ingles, ang paggamit ng pariralang “not only…” ay madalas na dinudugtungan ng “…but also…” Pero sa kasong ito ay iba ang gustong iparating ng nagsasalita: “…to make you understand that man does not live on bread alone but that man lives on everything that comes from the mouth of Yahweh” (The Jeruselem Bible). Ibig sabihin, ang pagkain ay isa lamang sa aspeto ng buhay ng tao, at ito man ay nagmumula din sa salita ng Diyos. Sa bahaging ito ng kwento ng bayang Israel, ipinararating ni Moises na ang pagsunod sa kalooban ng Diyos ang tunay na buhay. Ipinakita ng Diyos na hindi sila namatay kahit na sila ay nagutom nang husto, dahil si Yahweh ang may hawak at pinagmumulan ng kanilang buhay at hindi ang tinapay. Nagiging buhay lang ang tinapay para sa tao dahil ito ang itinakda ng Diyos pero walang sariling halaga ang bagay na ito. Kung wala ang salita ng Diyos, ang masarap na pagkain ay lason sa katawan; kasama ang salita ng Diyos, ang lason ay masustansyang inumin. Kaya sinabi ni Jesus, “Hindi ba’t ang buhay ay higit na mahalaga kaysa pagkain…” Hindi tayo kumakain para sa pagkain kundi para mabuhay, ngunit ang buhay ay hindi talaga sa pagkain nanggagaling kundi sa Diyos. Idinugtong pa niya, “Ngunit pagsumakitan ninyo nang higit sa lahat ang pagharian kayo ng Diyos at mamuhay ayon sa kanyang kalooban,” dahil ito ang tunay na buhay. Kung hindi ibibigay ng Diyos ang kabusugan, walang halaga ang isang basket na tinapay o dalawang bandehadong kanin. Hindi rin pakikinabangan ng tao ang mga sustansya kung hindi ito pahihintulutan ng Diyos.

Sa makatwid, ang tao ay hindi lamang sa tinapay nabubuhay kundi sa bawat salitang namumutawi sa bibig ng Diyos.

* Isinulat para sa sanisidroparish.ning.com.

No comments:

Post a Comment