Monday, May 26, 2008

Ang Pagkain at ang Katawan

Bago umakyat si Jesus sa langit, sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Tandaan, ninyo: Ako’y laging kasama ninyo hanggang sa katapusan ng panahon” (Mt 28:20). Hindi ba’t kasama naman talaga natin lagi ang Diyos dahil siya ay nasa lahat ng lugar sa lahat ng panahon? At di ba kasama talaga ng mga Cristiano ang Diyos dahil ang kanilang katawan ay templo ng Espiritu Santo? At hindi ba’t sinabi ni Jesus na kung saan may natitipong dalawa o tatlong tao sa pangalan niya, siya ay kasama nila? Pero ang pangako ni Jesus sa mga alagad ay hindi lamang totoo sa ispiritwal na paraan, dahil simula noong umakyat siya sa langit hanggang ngayon, si Jesus ay pisikal na nananatili sa mundo sa pamamagitan ng Banal na Sakramento. Kahit kailan ay hindi iniwan ni Jesus ang mundo sa ispiritwal man o pisikal na paraan. Ang kanyang katawan – ang pisikal na bahagi ng kanyang pagkatao, kasama ng kanyang kaluluwa at pagka-Diyos – ay laging nananahan sa mga tabernakulo. Ang linikhang tinapay ay nagiging May-Likha tuwing ipinagdiriwang ang Sakramento ng Pasasalamat (Eukaristiya), at ito ay tuloy-tuloy na nangyayari sa magkakadikit na oras sa buong mundo araw at gabi.

Sa dinami-dami ng mga pisikal na bagay na nakapaligid sa tao, bakit pinili ng Diyos ang tinapay? Dahil ang tinapay, lalo na sa mga lugar kung saan ito ang pangunahing pagkain, ay sumisimbolo sa pinagmumulan ng buhay. Mas mulat tayo sa importansya ng pagkain kaysa importansya ng hinihinga nating hangin dahil araw-araw nating nararamdaman ang gutom tuwing oras ng pagkain. Gusto ni Jesus na tugunan ang ating pagkagutom sa pamamagitan mismo ng kanyang katawan, at sa gayon ay matanggap natin kapwa ang kabusugan ng katawan at kabusugan ng kaluluwa. Bukod dito, ang tinapay at alak ay nagpapaalala sa atin ng hinihintay at inaasam nating pagharap sa bangkete (malaking salo-salo) na inihanda ng Diyos para sa atin sa langit.

Sa microbiology, matututunan natin na ang pagkain ay nagiging bahagi ng kumakain. Ang sustansyang tinatawag nating protina ay mga “building block” o mga pangunahing (Gr. protos) materyales na kailangan ng katawan para makabuo ng mga bagong cell na pumapalit sa mga luma. Ang mga cell naman ay nagsasama-sama para maging tissue tulad ng dugo at muscles. Ang mga tissue namang ito ang bumubuo sa mga organ katulad ng tiyan, atay, mata, puso, at iba pa, at ang mga organ ang bumubuo sa body system o sa pisikal na katawan ng tao. Ang glucose naman o asukal ang siyang pagkain ng mga cell dahil ito ang pinoproseso para maging energy. Pero syempre, hindi dapat isipin na ang mas maraming asukal sa katawan ay mas mabuti. Lahat ng sobra ay lason sa katawan. Ang asukal ay hindi lamang tumutukoy sa table sugar na linalagay sa kape o sa gatas, ito ay ang glucose na nasa mga pagkain, lalo na yung mayayaman sa carbohydrates tulad ng kanin, tinapay, at patatas. Hindi lahat ng sustansya ng pagkain ay nagiging bahagi ng katawan dahil iba-iba ang kanilang trabaho, pero nananatiling totoo na ang pagkain ang bumubuo sa kumakain. Ang mga cell ng buong katawan mo noong mga nakaraan taon ay hindi na ang parehong mga cell na bumubuo sa iyo ngayon; mayroon ka nang isang bagong katawan.

Ganito ka-intimate ang relasyon ng pagkain sa katawan, at ganito rin ang relasyon ng katawan ni Cristo sa katawan ng mga tumatanggap sa kanya sa komunyon. “The eater becomes the eaten,” sabi nga. Ang ating katawan, kapwa sa misteryoso at nakikitang paraan, ay nagiging katawan ni Cristo. Siya ay nagiging bahagi natin, at tayo ay nagiging bahagi niya. Hindi lang pinapalitan ng Diyos ang kalooban natin sa pamamagitan ng pananahan ng Espiritu Santo sa ating puso, pinapalitan niya rin ang ating katawan sa pamamagitan ng kanyang sariling katawan.


* Isinulat para sa sanisidroparish.ning.com.

Corpus Christi

Ang tema ng Ebanghelyo at ng sulat ni San Pablo sa mga taga-Corinto ngayong Linggo ay nagbibigay-diin sa katotohanan ng tunay na presensya (Real Presence) ni Jesus – katawan, dugo, kaluluwa, at pagka-Diyos – sa Santisimo Sacramento o sa mas kilala nating ostiya. Buong linaw na sinabi ni Jesus na siya ang tinapay na nagbibigay-buhay. Hindi siya nagdalawang-isip na sabihin, “Malibang kanin ninyo ang laman ng Anak ng Tao at inumin ang kanyang dugo, hindi kayo magkakaroon ng buhay” (Jn 6:53). Ang tinapay na tinatanggap natin sa komunyon (pakikipag-isa) ay hindi katulad ng mga pangkaraniwang tinapay na kilala natin; ni hindi ito katulad ng manna na nahulog mula sa langit para kainin ng mga Israelita noong sila ay nasa disyerto. Ang manna na tinanggap nila noon ay tinatawag na “pagkain ng mga anghel,” pero ang tinapay na tinatanggap natin sa Eukaristiya ay ang Diyos ng mga anghel at Diyos nating lahat – si Jesus.

Hindi tayo sumasamba sa tinapay, sa halip ay naging literal na tinapay para sa atin ang ang ating Diyos upang sa pamamagitan nito ay maipasa niya sa atin ang kanyang buhay-Diyos (divine life) o yung tinatawag nating “grasyang nagpapabanal”. Hindi pa nakuntento ang Diyos na iligtas tayo mula sa kamatayang ipinatong natin sa ating mga ulo; pagkatapos niyang magkatawang-tao, akuin ang parusang dapat ay sa atin, at muling ialok sa atin ang tinubos niyang buhay, ibinibaba pa niya ang sarili sa estado ng pagkain at sa kasimplehan ng tinapay para lang lagi niya tayong makaisa sa pisikal at sakramentong paraan. Hindi natin dapat makalimutan na ang tinatanggap natin, at madalas ay hindi napag-uukulan ng sapat na paggalang, ay ang dahilan at pinagmumulan ng lahat ng umiiral – nakikita man o hindi. Siya ang Hari ng sangnilikha, ang gumawa at nagsasaayos ng kalawakan at ng lahat ng linalaman nito, kasama ang mga bituin, mga planeta, at mga tao. Paanong ang pinakadakila at makapangyarihan sa lahat ay piniling ibigay ang sarili sa pamamagitan ng pagiging tao at pagiging tinapay! Hindi ito kayang abutin ng ating isipan. Ang pag-ibig ng Diyos sa atin ay nakakalunod kung susubukang unawain ng ating isip, pero ito ay nag-aahon sa atin mula sa kailaliman kapag pinipili natin itong tanggapin.

May isang sinaunang dokumento o aklat na nasa pangangalaga ng Simbahan ang may pamagat na “Mga Oda ni Solomon”. Ito ay mga tula na maaaring may kasabay na tugtog. Sa isang bahagi nito ay ipinahahayag ng sumulat ang kanyang damdamin tungo sa kanyang Diyos na naging “nilalang” para makikilala niya, at naging isang pisikal na bagay para lang matanggap niya:

http://farm4.static.flickr.com/3384/
“He became like me, that I might receive Him. In form He was considered like me, that I might put Him on. And I trembled not when I saw Him, because He was gracious to me. Like my nature He became, that I might understand Him. And like my form that I might not turn away from Him” (Odes 7:4-6).

Hindi niya rin maintindihan ang kadakilaan ng pag-ibig ng Diyos dahil ito ay umaapaw sa pagmamahal: Diyos na naging tao, Hari na naging alipin, Lumalang na naging nilalang – lahat para sa pag-ibig.
Mas madalas, hindi natin nasusuklian, kahit man lang ng paggalang, ang dakilang pag-ibig na ito. Humaharap ba tayo sa kasalan na nakapambahay na damit? Dumadalo ba tayo sa malalaking selebrasyon nang may maduming kasuutan? Makakaharap ba tayo sa presidente ng Pilipinas, o kahit ng isang malaking kompanya, na nakasando lang at tsinelas pa ang suot? Walang sinumang nakakakilala ng respeto ang gagawa nito nang hindi man lang magdadalawang-isip. Pero humaharap tayo kay Jesus sa komunyon at pinapapasok siya sa ating tahanan sa paraang hindi nararapat. Ang banal na Diyos ay pinatatahan natin sa ating pusong hindi marunong magpatawad, puno ng galit, at mga reklamo. Ang dakilang Hari ng sangnilikha ay pinatutuloy natin sa ating tahanang marumi, hindi inihanda, at walang kaayusan. Sa ispiritwal na kasuutan at sa pisikal na pananamit, ipinapakita natin sa Diyos at sa mga tao ang kawalan natin ng paggalang at pagkilala sa katawan ni Cristo. Sa ganitong bagay nagbabala si Apostol Pablo nang sinabi niya, “Ang kumakain ng tinapay at umiinom sa saro ng Panginoon nang di nararapat ay nagkakasala sa katawan at dugo ng Panginoon. Kaya dapat siyasatin ng tao ang kanyang sarili bago kumain at umiinom nang hindi pinahahalagahan ang katawan ng Panginoon, ay kumakain at umiinom ng hatol sa kanyang sarili” (1 Co 11:27-29). Lalo lang tayong nagkakasala sa Diyos tuwing humaharap tayo kay Jesus sa komunyon nang hindi muna inihahanda ang ating sarili. Ang pagkaing sana ay magpapabanal at magbibigay ng buhay sa atin ay magiging kasalanan at kamatayan pa natin.

Si Jesus ang tunay na tinapay na nagmula sa langit, huwag nating pakitunguhan ang kanyang katawan na para bang isa lang din itong nilalang.

* Isinulat para sa sanisidroparish.ning.com.

Sa Salita Rin Naman Ni Yahweh

Sa pagbasang inihanda ng Simbahan ngayong Linggo ng Corpus Christi, ang salin sa Tagalog Popular Version ay nakatawag sa aking pansin. Ito ay ang sikat na linyang isinagot ni Jesus sa Diablo noong tinutukso siya sa disyerto: “Hindi lamang sa tinapay nabubuhay ang tao, kundi sa bawat salitang namumutawi sa bibig ng Diyos” (Mt 4:4). Ito ay sinipi ni Jesus mula sa aklat ng Deuteronomio. Ganito ang sinabi ni Moises: “Ginawa niya [ni Yahweh] ito upang ipakilala sa inyo na ang tao ay hindi lamang nabubuhay sa pagkain kundi sa salita rin naman ni Yahweh” (8:3). Sa unang tingin ay mukha namang maayos ang lahat dahil sa kawastuhang gramatikal nito. Pero kung ang pagbabasehan ay ang katotohanang gustong ipahayag ng nagsasalita, may mali sa linyang ito. Ang tamang bersyon ay ang nasa sulat ni Mateo kung saan wala ang mga katagang “rin naman”.

Ang lahat ng bagay, nakikita man o hindi, materyal man o mga sirkumstansya, ay nagmula sa Diyos sa pamamagitan ng kanyang salita. Walang intensyon ang may-akda na ipantay ang salita ng Diyos sa pagkain na kinikilala ng tao bilang pinagmulan ng kanyang buhay araw-araw, sa halip ay linilinaw niya na maging ang tinapay o pagkain na bumubusog at bumubuhay sa tao ay nagmumula din sa mga “salitang namumutawi sa bibig ng Diyos.” Kapuna-puna na sa tamang salin nito, si Moises at si Jesus ay nagsisimula sa pagsasabing, “hindi lang…” pero hindi nila dinugtungan ng ekspresyon na “…rin naman,” tulad ng pangkaraniwan. Sa gramatikang Ingles, ang paggamit ng pariralang “not only…” ay madalas na dinudugtungan ng “…but also…” Pero sa kasong ito ay iba ang gustong iparating ng nagsasalita: “…to make you understand that man does not live on bread alone but that man lives on everything that comes from the mouth of Yahweh” (The Jeruselem Bible). Ibig sabihin, ang pagkain ay isa lamang sa aspeto ng buhay ng tao, at ito man ay nagmumula din sa salita ng Diyos. Sa bahaging ito ng kwento ng bayang Israel, ipinararating ni Moises na ang pagsunod sa kalooban ng Diyos ang tunay na buhay. Ipinakita ng Diyos na hindi sila namatay kahit na sila ay nagutom nang husto, dahil si Yahweh ang may hawak at pinagmumulan ng kanilang buhay at hindi ang tinapay. Nagiging buhay lang ang tinapay para sa tao dahil ito ang itinakda ng Diyos pero walang sariling halaga ang bagay na ito. Kung wala ang salita ng Diyos, ang masarap na pagkain ay lason sa katawan; kasama ang salita ng Diyos, ang lason ay masustansyang inumin. Kaya sinabi ni Jesus, “Hindi ba’t ang buhay ay higit na mahalaga kaysa pagkain…” Hindi tayo kumakain para sa pagkain kundi para mabuhay, ngunit ang buhay ay hindi talaga sa pagkain nanggagaling kundi sa Diyos. Idinugtong pa niya, “Ngunit pagsumakitan ninyo nang higit sa lahat ang pagharian kayo ng Diyos at mamuhay ayon sa kanyang kalooban,” dahil ito ang tunay na buhay. Kung hindi ibibigay ng Diyos ang kabusugan, walang halaga ang isang basket na tinapay o dalawang bandehadong kanin. Hindi rin pakikinabangan ng tao ang mga sustansya kung hindi ito pahihintulutan ng Diyos.

Sa makatwid, ang tao ay hindi lamang sa tinapay nabubuhay kundi sa bawat salitang namumutawi sa bibig ng Diyos.

* Isinulat para sa sanisidroparish.ning.com.

Monday, May 5, 2008

Kaluluwang Ligaw

Mayroon nga bang mga kaluluwang ligaw? Kung gagamitin sa literal na paraan ang salitang “ligaw”, mangangahulugan na ang mga kaluluwang ito ay nawawala at walang ideya kung saan direksyon sila dapat pumunta. Pero dahil ang mga espiritu ay hindi nasasakupan ng oras at lugar, hindi maaaring gamitin dito ang literal na kahulugan ng mga direksyon, pataas man o pababa, pakaliwa man o pakanan; at sa gayon ay hindi maaaring maging ligaw sa literal na diwa. Kung ito naman ay figure of speech, dalawa ang maaaring maging kahulugan ng salitang “ligaw” – mali ang paraan ng pamumuhay o kaya naman ay napahamak. Alin sa dalawang ito ang pwede nating gamitin para alamin ang kahulugan ng ekspresyon na “kaluluwang ligaw”? Kaluluwang mali ang pamumuhay o kaluluwang napahamak? Ang logically acceptable lang dito ay yung pangalawa – kaluluwang napahamak, na ang ibig sabihin ay kundenado o nasa impyerno. Samakatwid, kung pagbabasehan ang tamang pangangatwiran at tamang kahulugan ng mga salita, magiging katanggap-tanggap lang ang salitang “kaluluwang ligaw” kung ang tinutukoy ay isang kaluluwang  nasa estado ng kaparusahan.

Para sa ibang tao, kahit na imposibleng maipaliwanag, ang ideya ng “kaluluwang ligaw” ay tumutukoy sa mga kaluluwang pagala-gala at hindi pa makaalis sa lupa dahil mayroon pang hindi nagagawa o kaya naman ay naghahanap ng katarungan. Sinasabi ng ilan na matatahimik lang ang mga kaluluwang ito kapag nakamit na nila ang katarungan tulad halimbawa ng pagkahuli, pagkakulong o pagkamatay ng mga taong naging dahilan kung bakit sila ngayon ay ligaw. Gaano kaya ito katotoo? Sa maaasahang Salita ng Diyos sa Biblia, walang kaluluwa ang nagpapagala-gala sa lupa sa anumang dahilan, sa halip ay sinasabi, “Itinakda sa mga tao na minsan lamang mamatay at pagkatapos ay paghuhukom.” Ang totoong problema ng kaluluwa ay ang haharapin niyang paghuhukom, ibig sabihin ay tungkol sa kabutihan o kasamaan ng kanyang naging pamumuhay, at hindi ang kasalanang ginawa sa kanya ng ibang tao. At dahil nga hindi nasasakupan ng panahon ang mga espiritu, ang kaluluwa, matapos mamatay ng katawan, ay agad na haharap sa paghuhukom o yung tinatawag na individual judgment. No loitering and roaming around the earth, straight to business. Si Satanas at ang mga demonyo lang ang binanggit sa Kasulatan na patambay-tambay at pagala-gala sa lupa, parang mga asong lobo na naghahanap ng masasakmal.

Tungkol naman sa katarungan, hindi pinoproblema ng mga kaluluwang nasa piling na ng Diyos ang pagkakulong ng mga taong gumawa sa kanila ng masama – malamang ay ihingi pa nila ito ng tawad sa Diyos at idinalanging mabigyan ng bago at malinis na puso. Ang konsepto ng "mga hindi matahimik na kaluluwa" ay nagmumula sa isip ng mga taong hindi matahimik hanggat hindi nakakaramdam na nakaganti na sila. Isinasangkal nila ang kaluluwa ng mga namatay na sa lupa, samantalang ang totoong hindi matahimik ay ang sarili nilang mga kaluluwa. Dalawa lamang ang maaaring tunguhan ng mga kaluluwang umalis na sa katawang-lupa: Ang kaligtasan sa piling ng Diyos kung saan wala nang halaga ang pagganti kundi puro pagmamahal; o sa kapahamakan kung saan wala na rin silbi ang katarungang panlupa, at hindi na rin mababago ng anumang bagay ang panghabampanahon nilang kalagayan.

Ngayon, panlupa man o panlangit, ang katarungan ay hindi na pinoproblema ng mga kaluluwang wala na sa lupa. Sa langit ay kapiling na nila ang Katarungan dahil ang Diyos mismo ang Katarungan. Siya ang hahatol sa lahat at siya rin ang gaganti. Ganito ang sinasabi ng Diyos, “Ako ang maghihiganti, ang magpaparusa.” Tuwing hinahangad nating makaganti, inaagaw natin sa Diyos ang gawain at karapatan ng pagganti at sa gayo’y itinuturing na Diyos ang ating sarili. At lalo namang masama na hindi pa tayo nakuntento sa pagpapahayag ng kagustuhan nating makaganti at kinakaladkad pa natin ang pangalan at persona ng mga kaluluwang hindi naman natin kaisa ng damdamin kundi kaisa ng Diyos at ng mga banal.

Monday, April 7, 2008

Penitensya

Para sa mga Filipino sa panahon natin, ang penitensya ay tumutukoy sa gawaing karaniwang nakikita tuwing Semana Santa; ang paghahampas sa sarili o anumang pagpapahirap sa katawan sa iba’t ibang dahilan. Pero kung tutuusin, ang ibig sabihin lang naman talaga ng salitang penitensya ay pagsisisi (penitence, repentance) sa nagawang kasalanan. Wala talaga itong kinalaman sa pisikal na gawain dahil ang pagsisisi ay gawain ng budhi. Ito ay ang kalungkutang nadarama natin kapag namumulat tayo na mali ang ating ginawa o ginagawa. Noong unang panahon, ang isang Cristianong nagbabalik-loob sa pamamagitan ng Kumpisal ay kilala sa tawag na “penitente” o nagsisisi. Hindi kasindali ng pagkukumpisal ngayon ang pagbabalik-loob sa Simbahan noon; kailangan mong patunayan ang iyong pagsisisi sa pamamagitan ng isang pangmatagalang gawain o “penance”. Maaring kasama dito ay ang pagbabantay sa pintuan ng simbahan o kaya ay pamamalimos ng panalangin sa mga nagsisimba. Madalas, ito ay inaabot ng ilang taon hanggang sa mapatunayan mo ang katapatan ng iyong pagsisisi. Pero bukod doon, ang layunin din ng gawaing ito ay hubugin ang penitente sa mabuting gawa upang habang pinatutunayan niya ang kanyang kalooban ay nasasanay ito sa paggawa ng mabuti at paglayo sa masama. Hindi kasama sa pagpapakita ng pagsisisi ang paghahampas sa sarili o pagpapapako sa krus; walang-wala sa isip ng Simbahan na ipagawa ito sa sinumang mananampalataya o penitente, at itinuturing pa nga itong mapanganib at maaaring walang pakinabang. Mapanganib hindi lamang sa kalusugan ng tao kundi pati sa kanyang pananampalataya. Tuso ang demonyo, at alam na alam niya kung ano ang kahinaan ng bawat indibidwal at sa bahaging ito ng puso ng tao siya naghahasik ng iba’t ibang pagdududa, mga kathang-isip, at maging pagsamba sa sariling mga ideya.

Totoo, noong mga nakaraang panahon, may ilang mga Cristiano na nagpapahirap sa katawan sa pamamagitan ng paghampas dito o kung anuman, pero ito ay isang gawaing personal at pribado, at ang layunin nito ay patayin ang mga nasa o pita ng laman (desires of the flesh) kapag nagiging mas malakas ang tukso nito. Mulat ang mga banal ng Diyos sa kanilang sariling mga kahinaan at kasalanan kaya sa halip na layuan sila ng Diablo, lalo silang linalapitan nito sa pag-asang sa huli ay manghihina ang kanilang espiritu, mabubulag ng damdamin, at madadala ng sariling laman at sa gayo’y mahuhulog sa pagkakasala. Ito ang dahilan kung bakit kasabay ng pagpapalakas sa espiritu sa pamamagitang ng panalagin ay pinapatay (mortify) din nila ang laman sa pamamagitan ng pagpapahirap dito. Ito rin ang dahilan kung bakit may kaugalian ang Simbahan ng hindi pagkain ng karne (o hindi pagkain ng kahit ano) tuwing araw ng Biyernes, upang pagkaitan ang katawan para sa kapakinabangan ng kaluluwa. Pero hindi dapat kalimutan na ang layunin nito ay supilin ang mga nasa ng laman, hindi para patayin ang katawan mismo (suicide). Ang totoo, ang hindi pagkain ng karne, at maging ang pag-aayuno, minsan sa isang linggo ay nakakatulong sa kalusugang pangkatawan, at iniiwasan nito ang pag-ikli ng buhay na dulot ng pagkakasakit.


Sa pananampalatayang Cristiano, ang mahalaga ay nauunawaan ng tao ang kanyang sinasampalatayanan. Hindi praktikal na magkatha tayo ng sari-sariling paniniwala dahil sa halip na ilapit tayo, lalo tayong ilalayo nito sa Diyos na nagtakda ng tama at kalugod-lugod na paraan ng pagsamba sa kanya, at ito ay sa katotohanan at sa espiritu. Iisa ang katotohanan kaya hindi tayo maaaring magkatha ng sarili nating mga katotohanan (hal. mga pamahiin) at sabihing iyon ang gusto ng Diyos. Mahalaga din na ang pagsamba natin ay sa espiritu tulad ng tapat na pagsisisi, paglayo sa kasalanan, pag-ibig sa kapwa na ipinahahayag sa pamamagitan ng gawa; hindi sa pagpapahid ng panyo sa mga rebulto o sa pakikipagsakitan sa kapwa tuwing pista ng Nazareno o pagpapapako sa krus tuwing Byernes Santo. Sapat na ang pagpapakasakit ni Jesus para sa ating lahat, ang kailangan lang nating gawin ay sundin ang kalooban niya at isama sa kanyang sakripisyo (banal na handog) ang ating mga gawain araw-araw upang ito ay maging kapakinabangan ng marami. Lahat ng mga relihiyosong gawain tulad ng pagsisimba, pagpapabasbas ng palaspas, visita iglesia, pilgrimage, pagdalaw sa mga libingan, pagdiriwang ng pasko at ng paskwa ay walang kabuluhan kung ang mga ito ay panlabas lamang at walang tunay na pagsamba at hindi nauunawaan. Ang pagkilala sa katotoohanan at pagsamba sa espiritu lamang ang nagbibigay ng halaga sa mga gawaing ito; kaya kung ito ang wala, nagpapagod lang din tayo sa wala.

Ang tunay na penitensya ay ang ginagawa ng bawat Cristiano araw-araw: Ang pagsusuri ng budhi, pagkilala sa sariling mga kamalian, pagsisisi sa kasalanan, paghingi ng kapatawaran, at pagsisikap na huwag nang balikan ang masasamang nakaraan. Noong medyo bata pa ako, sinabi sa akin ng pari pagkatapos kong magkumpisal, “Ituring mong ang mga ito ay masasamang karanasan na hindi mo na dapat balikan.” Sabi nga ng kasabihan, “Don’t do the same mistake twice.” Walang taong perpekto maliban kay Jesus pero lahat tayo ay may pagkakataong lumago at maging mas mabuti bawat araw. Walang dahilan para makuntento tayo sa kasalukuyang kalagayan dahil ang hinihingi ni Jesus ay maging tulad tayo ng Ama – perpekto. Sa huli, ito ay ating makakamit kung hindi natin kalilimutan ang kahulugan at halaga ng penitensya.

Monday, March 17, 2008

Guidelines in Knowing the Will of God


1. The mind and the heart must be determined and sincere to know the truth.
The truth of God comes only to those who look for it. If one says he is searching for it but is slothful about it, then he is deceiving himself and will find nothing.

2. Both intellect and emotion must be willing to give up prejudices.
Almost all people have their prejudices about different things, but the simple analogy of a full cup that cannot contain anything more will suffice to explain why no one can be both full of prejudices and open to the will of God. Giving up one’s conjectures means looking at the big picture—to all aspects of a thing, an issue, or a situation.

3. Between intellect and emotion, the former must be superior to the latter. The intellect should moderate the emotion but must not discard it altogether.
Not because one part of a person is better than the other parts; it is the job of the intellect to gather information and to moderate the whole person through these concepts. Emotion is dangerous if not restrained properly. Too sentimental persons are equally too attached with the objects of their emotions. Personal belief is one of the objects of sentimentality (and even of idolatry); therefore, to make some space for the truth of God, one should be detached from any emotion-centered notions.

4. In times of mazy confusions, the rule is “Go back to the basic.”
Problems sometimes are very perplexing that we no longer know where we came from, where we are, and where we are going. The description, itself, of this situation gives us the answer on where to turn to: Go back to where you came from by redefining what you are searching for. Make it clear where you are now by reminding yourself about the reason of your pursuit. After successfully doing that, begin your quest again by scrutinizing the information that are readily available and getting whatever is not on hand that may help complete the picture of your condition.

5. The most obvious clue: If anything happened not according to your will, then it is God’s will.
This is the principle behind the ancient practice of casting lots to know the will of God. Some examples include the story of Jonah of Nineveh and the replacement of Judas by Matthias as apostle. So whenever things come to pass against your will, give thanks for it since you know that the will of God happened to you.

6. Forget stubbornness and be truthful.
If you really want to know the will of God, leave obstinacy. Insisting your emotional and proud ideas will only make you learn things the hard way, at best; at worst, will lead you to your total blindness. Be honest with your quest—it is God’s will you are looking for, not your own.

7. Do not be too excited or too depressed because of a new discovery or a change in circumstances.
Too much excitement will distract your aim and may lead to self-praising or to goal disorientation. Being overwhelmed by frustrations, on the other hand, may lead to hopelessness; to the betrayal of your own set purpose.

8. Trace your way back to the beginning. Analyze the situation from specific to general.
The key question is “In what situation am I now?” Think of the reasons why you are not satisfied with your present state. After gathering these factors, analyze each one about the core reason why they do not seem to be completely agreeable, until you come to the bottom line.


9. Pray constantly for humility, wisdom, discernment, patience, and faith.
One may use some or all of these guidelines in knowing God’s will for them, but the most important thing to do is to pray fervently, and do not waver. You need humility to accept God’s will which is often not easily acceptable; wisdom to know when and how to use your knowledge to help you in knowing God’s will everyday; discernment to distinguish which ones are coming from God and which are not; patience to be able to wait in God’s term; and faith to be able to leave everything to God.

10. Do good deeds; avoid sin and temptations.
Good deeds prepare our soul for receiving good things—that is enlightenment and holiness—and they help develop our heart to be trusting and courageous. Temptations, on the other hand, lead to sin if left unchecked; and sin sows in us fear of everything, including the fear of doing good deeds and knowing God’s will.


May 10, 2007

Friday, March 14, 2008

Huwag Idaan sa Hula…Magplano ng Pamilya

Halos araw-araw kong napapanood sa byahe ang patalastas ng isang contraceptive brand kung saan ipinapakita ang isang inang may karay-karay na limang bata. Ang eksena ay kuha sa Quiapo pababa ng underpass. Kung susuriin ang imaheng ipinapakita sa pamamagitan ng ina, ang layunin nito ay iparating ang mensahe na habang dumarami ang anak, humihirap ang buhay, nauubos ang makabuluhang oras, at ang babae ay nawawalan ng dignidad.

Sa eksena ay makikitang humiwalay sa paglalakad ang panganay na lalaki dahil natawag ang kanyang pansin ng isang matandang babaeng bumabasa ng baraha. Natuliro ang nanay nang mamalayang nawawala ang bata kaya dali-dali silang bumalik sa dinaanan at nakita nga doon ang panganay na anak. Sa kilos at pagsasalita ng babae, kitang-kita na siya ay aburidong-aburido dahil sa hirap na dinaranas niya dala ng kawalan ng hanapbuhay at pagkakaroon ng limang anak. Marahil din ay araw-araw niyang iniisip ang kalagayan ng kanyang mga anak na kasama niyang palaboy-laboy sa paghahanap ng pagkakakitaan. Dahil nasa harapan na rin naman sila ng isang “nagbabasa ng kapalaran”, at dahil buong pandarayang ibinenta ng matanda sa babae ang kanyang serbisyong panghuhula sa pagsasabing “mukhang maswerte kayo”, nakinig na rin ang babae. Parang isang mabuting balitang sinabi ng nagbabasa, “Ang swerte nyo talaga misis, kambal ang magiging anak ninyo!” Nang marining ng babae ang mga salitang iyon, ang hindi niya maipintang mukha ay lalong nagpakita ng gumuho niyang kalooban at pagkatao. Makikita sa kanyang itsura ang larawan ng isang “inapi ng tadhana”. 

Sa teknikal na pagsusuri, malaki ang butas ng patalastas na ito dahil sa mga hindi makatotohanang konsepto tulad ng pagbibigay ng serbisyo (panghuhula) nang walang pahintulot at sa gayon ay wala din bayad, at ang napakasayang pagbabalita sa ina na kambal ang kanyang magiging anak gayung kitang-kita na halos mababaliw na ang babae dahil hindi niya na halos madala ang pagkakaroon ng limang anak. 

Pero higit sa teknikal na aspeto, ang mas malaking pagkakamali ng mga nakaisip gumawa ng ganitong patalastas o presentasyon ay ang pilosopiya at katotohanan mismo ng mga ipinararating na mensahe. Unang-una na ang pangungusap na “Kambal ho ang magiging anak ninyo.” Sa unang tingin, parang walang mali pero kung sapat ang laki ng ating mata, madali itong mapupuna. Ang salitang “magiging” ay tumutukoy sa panahong hinaharap at nangangahulugang hindi pa totoo sa kasalukuyan. Ano nga ba ang nasa sinapupunan ng babae, ang magiging anak niya o ang anak niya? Kung hindi pa niya ito anak sa kasalukuyan, kanino? May mga nagsasabi, “Dugo pa lang yun!” Kailan pa sila naging siyentipiko o doktor? Ganun pa man, sa makabagong mundo, kapirasong bahagi lang ng utak ang kailangan natin para matanto na ang dugo ay dugo at hindi magiging tao kahit na anong gawin. Ang unyon ng binhi ng lalaki at ng babae ang simula ng buhay ng isang bagong persona, na sa bawat sandali ay lumalapit sa “full development”. Sa DNA nakasulat ang lahat ng katangian o larawan ng isang katawan, at sa loob ng humigit kumulang siyam na buwan ay magaganap ang kabuuang plano – ang “inside-the-womb plan”. Patuloy pa rin ang kumplikadong pagsasakatuparan ng plano ng katawan paglabas sa sinapupunan. 

Sa Biblia, sinabi ni Elisabet kay Maria, “Pinagpala ka sa mga babae, at pinagpala rin ang dinadala mo sa iyong sinapupunan.” Noong panahong iyon ay ipinaglilihi pa lang ni Maria si Jesus pero ipinahayag ni Elisabet ang isang katotohanan – si Jesus ay nasa sinapupunan ni Maria; hindi isang organismo lang na wala pang kaluluwa, kundi ang buong pagkatao ng Cristo. Hindi kaya nagkamali lang si Elisabet dahil sa kawalan niya ng kaalaman sa mediko? Ang Diyos ay hindi Diyos ng kamalian; at dahil siya ang may-akda ng Kasulatan, wala itong pagkakamali. Bukod dito, sinasabi ni San Lucas na bago pa lumabas ang mga pananalitang ito, “napuspos ng Espiritu Santo si Elisabet.” Hindi pa ba sapat na patunay iyon na mula sa Diyos ang sinabi niya? Sinabi rin ni Elisabet na si Maria ay ina ng kanyang Panginoon, hindi “magiging ina”. 

May magsasabi, “E hindi naman aborsyon ang isinusulong nung patalastas kundi kontrasepsyon.” Tama, kontrasepsyon ang nasa harap, aborsyon ang nasa likod. Hindi pa kayang tanggapin ng general population ang ideya ng aborsyon kaya kailangang magsimula ang panlilinlang sa pamamagitan ng “mukha namang walang mali” na kontrasepsyon. Ang pagsisingit ng mga simpleng salita na tulad ng “magiging anak” ay patagong nagpapakilala sa ideya na ang nasa sinapupunan ay hindi pa talaga persona tulad ng inaakala ng marami. Dahil sa maling konseptong ito, tuwing mabibigo ang layunin ng kontrasepsyon, aborsyon ang susunod na “sulusyon”. Sa pagsusuri, lumalabas na walang contraceptive device o pill ang 100% na epektibo sa pagpipigil ng pagdadalantao; at dahil sa kawalan ng absolute effectivity, para sa mga nagsusulong na mapaliit ang populasyon, kailangan ng alternatibong paraan – aborsyon. At dahil din dito kaya habang ipinapakilala nila ang “pakinabang” ng kontrasepsyon, patago na rin nilang ipinapakilala ang “pakinabang” ng aborsyon. Sasabihin naman ng iba, “E alam naman namin na masama ang aborsyon kaya hindi namin yun gagawin; kaya nga iniiwasan ang mabuntis.” Oo, alam mong masama ang aborsyon kaya hindi mo ginagawa, pero di ba alam mo rin na masama ang magsinungaling o mandaya o mag-isip ng hindi mabuti sa kapwa; buong katapatan mo bang masasabi na hindi mo ginagawa ang mga ito? Para sa tao, masama talaga ang masama, pero kung mas malaki ang “pakinabang” sa paminsan-minsang paggawa ng mali,[1] yun muna ang gagawin. Sabi nga, “Sulit naman ang kasalanan e!” Kaya nga parang pangkaraniwan na lang sa atin ang sumabay sa kantang nagsasabing, “…kahit na nagsasalo tayo sa isang kasalanan,” at madali nating naiisingit sa mga biruan ang isang linya sa pelikula na nagsasabi, “Pwede ka bang magkasala kasama ko?” Sa isang lumang awit din ay maririnig natin, “Sinasamba kita…kung kasalanan man sa Diyos ang sambahin kita…” Madali tayong makonsensya kapag walang masyadong “pakinabang” sa pagkakasala, pero pag “wala nang choice”, ginagawa din nating option ang kasalanan. 

“E kung halimbawang hindi ko naman talaga gagawin ang mag-abort, ano namang masama sa kontrasepsyon?” Kilalanin natin ang kalikasan ng kontrasepsyon at ang mekaniko nito: Ang salitang “contraception” ay dalawang pinagsamang salita na contra (against) at conception (fertilization of an ovum by a spermatozoon; the beginning of new life). Ang pinakasimple, literal, at pinakamakatotohanang pakahalugan ng contraception ay “against conception”, that is “against the transmission of life” or in short, “against life”. Kaya nga ang kabaligtaran nito ay pro-life. 

Ang layunin ng mga contraceptive ay iwasan ang pagdadalantao kaya ang mekaniko nito ay pigilan ang pagtatagpo ng ovum (binhi ng babae) at ng spermatozoon (binhi ng lalaki) sa kahit anong paraan. Marami sa mga pamamaraang ito ay direktang pumapatay sa sperm cell sa pamamagitan ng artipisyal na kemikal (spermicide). Ang condom naman, katulad ng withdrawal, ay ang pagtatapon ng binhi ng lalaki sa labas ng sinapupunan; samantalang ang IUD at iba pang birth control pill ay mga early stage abortifacient dahil hindi sperm o ovum lang ang pinapatay nito kundi ang resulta ng magkasamang cells, na ayon sa mediko ay isa nang bagong indibidwal na may DNA o kabuuang plano, at ayon sa Kasulatan ay isa nang bagong persona na may katawan at kaluluwa. Sa makatwid, ang panlilinlang ng mga taong salungat sa kalooban ng Diyos ay garapal sa ganitong paraan dahil tinatawag nilang contraceptive ang sa totoo ay abortifacient, sa gayon ay walang kamalay-malay na gumagawa ang mga biktima nang hindi nila naiintindihan sa pag-aakalang ang ilinagay o ibinigay sa kanila ay isa lamang “inosenteng” contraceptive. 

“Kung hindi naman abortifacient tulad ng condom, bakit naman yun masama?” Ang sexual faculties o genitalia ay nilikha ng Diyos sa kitang-kitang dahilan at layunin – to generate; to give birth. Dito nagmula ang salitang “genitals”, genetalis sa Latin, genete sa Griyego, at genere sa Frances; lahat ay may iisang kahulugan: “pertaining to generation; birth”.Kung ikaw ay isang sikat na designer at nagdisenyo ka ng pinakamagandang damit sa buong karera mo, pero nakita mong ginawa lang itong basahan ng mga bumili, hindi ba ito maituturing na pag-insulto sa iyong obra maestra? Ang Diyos ang nagtakda ng kalikasan ng mga bagay (nature of things), at ang kalikasang ito ay may mga batas (natural law) na dapat sundin ng lahat. “Nature is an unforgiving mistress,” sabi nga. Kung marunong magpatawad ang Diyos, hindi ang kalikasan. Sindihan mo ang bahay mo, sisilab yan; tumalon ka mula sa itaas, mahuhulog ka; magbuhos ka sa katawan ng mainit na tubig, mapapaso ka. Walang gray shades ang kalikasan, kung ano ang ginawa mo, iisa lang lagi ang resulta. Kapag linabag natin ang batas na kinapapalooban ng sekswalidad at pagtatalik, nakikita man o hindi ang resulta, ipinapataw natin sa sariling ulo ang parusa ng kalikasan. Dito man sa mundo o sa ibang estado ng buhay, daranasin natin ang bunga ng ating mga paglabag. Sa Kasulatan ay nagbigay ng halimbawa ang Diyos sa pamamagitan ni Onan na anak ni Juda: “…itinatapon niya [Onan] sa labas ang kanyang binhi…Ito’y kasuklam-suklam kay Yahweh kaya pinatay rin siya.” Dahil sa pangyayaring iyon kaya mayroong salitang “onanism” na tumutukoy sa withdrawal o sa masturbation. 

“Hindi naman lahat ng contraceptives ay nagtatapon o pumapatay tulad halimbawa ng hormone pills, pati ba yun masama din?” Katulad ng nasabi na, ang kalikasan ay may sariling batas na dapat sundin ng lahat. Ang purpose ng sexual union ng lahat ng species ay mag-propagate, kaya nga kung kailan fertile ang babae, saka nagiging mataas ang sex drive niya o ang pagnanais na makipagtalik, dahil ang katawan ay consistent sa kanyang purpose. Ang pakikialam sa natural na takbo ng katawan, hindi para tumulong sa pagbibigay ng buhay kundi para pigilan ang paglaganap nito, ay direktang pagsalungat sa natural at espiritwal na layunin ng Diyos sa tao. Bukod dito, ang paggawa ng lahat ng paraan para maging posible lang ang pakikipagtalik nang walang pag-ako sa tungkulin ng pagiging kamanlilikha at magulang, ay naglalagay sa tao, lalo na sa babae, sa kalagayan ng isang “bagay” – pampalipas ng pagnanasa. Kung ganito na lang ang tingin ng lalaki sa katawan ng kanyang asawa, at ganito na lang din ang tingin ng babae sa katawan ng kanyang asawa, hindi na sila nagiging totoo sa kanilang sinumpaan na ibibigay ang sarili nang buong-buo bilang asawa at hindi bilang “kagamitan”. Ang babae ay “katalik” kung buong-buo ibinibigay ng lalaki ang kanyang sarili, at buong-buo tinatanggap ng babae ang kanyang asawa; pero ang babae ay “ginagamit” kung ang isa o pareho ay pumipigil sa total union ng mag-asawa at ang layunin lang ay mapagbigyan ang nasa ng katawan (fleshly desire). Sa ganitong paglabag sa pangako ng kasal, ang katawan ng isa’t isa ay nagiging “kasangkapan” na lang at wala nang pagkakaiba sa katawan ng mga babae o lalaking binabayaran para magbigay-kasiyahan sa katawan ng iba.

“Posible ba na makapaghintay ang mag-asawa kung talagang inaakala nilang hindi pa nila kayang magdagdag ng anak? Makakapagpigil ba sila?” Sinasabi ni Jesus, “Mayroon namang hindi nag-aasawa alang-alang sa ikauunlad ng paghahari ng Diyos. Ang makatatanggap ng simulaing ito ay tumanggap nito.” Hindi ba ipinahihiwatig ng salitang “makatatanggap” ang katotohanan na kailangan ng pagtitiis o pagpipigil ng sarili sa pagpili ng ganitong estado? Kung ang ibang tao ay nakapagpipigil sa hilig ng katawan sa buong buhay nila, gaano pa kadali ang maghintay ng pansamantala? Kung may magpoprotesta at magsasabing imposibleng mapigilan ng mga hindi nag-aasawa ang kanilang sarili, ito ang sagot ni Jesus: “Ang sinumang tumingin ng may mahalay na pagnanasa sa isang babae, sa isip niya’y nakikiapid na siya sa babaeng iyon.” Talaga bang tungkol lang sa pagtingin ang sinasabi ni Jesus? Hindi ba’t ang talagang tinutukoy niya ay ang mahalay na pag-iisip? Dahil dito, nangangahulugan na ang hindi pagpipigil sa sarili ay kasabay ng mahalay na pag-iisip, at sa gayon ay pangangalunya sa isip. Ibig din bang sabihin ay pinagagawa ng Diyos sa tao ang imposible?

Sinasabi rin ni Pablo, “Kung ipasya ng isang lalaki na hindi siya mag-aasawa, mabuti ito kung matatag ang kanyang kalooban, kung hindi siya napipilitan lamang, at kung kaya niyang magpigil sa sarili.” Samakatwid ay kaya ng tao na magpigil sa sarili. Ang Diyos ang gumawa sa tao, siya ang nakakaalam kung ano ang kaya at hindi kaya ng tao.

“Paano kung sa palagay ng mag-asawa ay hindi na talaga nila mapipigilan ang pagnanais na magtalik?” Hindi kumplikado ang sagot ni Pablo, “Magsiping na uli kayo upang hindi kayo matukso ni Satanas dahil sa hindi na kayo makapagpigil.” 

“E kung ayaw nga muna namin magkaanak pero gusto namin magtalik, paano yun?” Ang pag-aasawa ay hindi para sa pagpapalayaw sa katawan kundi para sa pagbuo ng pamilya. Kaya nga sinasabi ni Pablo, “Kung ikaw ay mag-asawa, hindi ka nagkakasala, at kung ang isang dalaga ay mag-asawa, hindi siya nagkakasala. Ngunit magdaranas sila ng mga kahirapan sa buhay na ito…” Ang tinutukoy ba ni Pablo ay ang pag-aasawa para palayawin ang sarili? Alam na alam ng mga kausap ni Pablo na ang tinutukoy niya ay ang responsableng pag-aasawa na may kaakibat na pag-aasikaso sa pamilya, kaya niya nga ginamit ang salitang “kahirapan”. Habambuhay na kaakibat ng pananatiling walang asawa ang pagpipigil sa sarili, at habambuhay namang kaakibat ng pag-aasawa ang pangagalaga sa pamilya, buong-pusong pagtanggap sa mga anak na ibibigay ng Diyos, at pagpipigil sa sarili. 

Ang tinutukoy na “panghuhula” sa patalastas na lagi kong napapanood ay ang natural family planning methods na itinuturo ng Simbahan. Ito ay ang pagsunod sa natural na ritmo o cycle ng katawan ng babae, kung saan kailangan ng disiplina sa sarili at pagtutulungan ng mag-asawa. Ang totoong mensahe ng patalastas ng contraceptive brand na ito, at ng iba pang mga brand ay ganito: “Huwag idaan sa hula, patayin agad ang bata.”

Ganito naman ang sinabi ni John Chrysostom noong taong 391: “Marami sa mga may ganitong pananaw ay talagang nagbabayad pa ng pera para lang hindi magka-anak, at sinisira ang kalikasan, hindi lamang pinapatay ang bagong silang, kundi gumagawa pa para sugpuin ang pagsisimula nilang mabuhay…Ang totoo, mas malala pa iyon sa pagpatay (murder), at hindi ko alam kung anong itatawag doon; dahil hindi niya pinapatay ang buo na kundi pinipigilan ang pagkabuo noon. Ano, kinokondena mo ang regalo ng Diyos at linalabanan ang kanyang mga batas?”


[1] May isang kamag-anak ang nagsabi sa akin, “Hindi naman pwedeng yung tama ang laging gawin.” Para sa kanya, at para sa marami pang iba, hindi praktikal ang paggawa lagi ng tama. Halimbawa, kung hindi ka gagamit ng jumper sa kuryente, malulubog ka sa utang at mapuputulan ka pa. Sinabi ko, “Ipagpalagay na hindi tama na laging ang tama ang gawin, ang tanong ay kailan ang tamang oras para gumawa ng mali?” Kailan tamang gawin ang mali, at kailan maling gawin ang tama? Kailan makakabuti ang paggawa ng masama, at kailan makakasama ang paggawa ng mabuti? Sa palagay ko ay walang praktikal na sagot dito.

Sunday, March 9, 2008

Kung Mahal Ninyo Sila...Magplano

Kung Mahal Ninyo Sila...Magplano![1]

Ano ba ang ibig sabihin ng pagpaplano ng pamilya? Ito ay kaugnay ng isa sa mga unang tagubilin ng Diyos nang likhain niya ang tao: Mamahala.[2] Alin ang pamamahalaan? Ang mundo at ang mga supling. Totoo bang iniutos ng Diyos na punuin ng mga supling ng tao ang mundo? Ayon sa kasaysayan ng kaligtasan, oo.[3] Sa anong dahilan?

Sa tinagal-tagal ng tao sa mundo, hanggang ngayon ay hindi pa rin natin naiitindihan ang plano ng Diyos at ang layunin ng kanyang mga utos. Ang tanong ay may pakialam nga ba tayo sa mga bagay na ito, o isa lamang malaking pagkukunwari ang pagsasabi nating naniniwala tayo sa salita ng Diyos?

Ang pagpaplano ng pamilya ay ang pamamahala dito. Ito ay nangangahuluguan ng paggawa ng mga balakin at hakbang na makabubuti sa lahat ng myembro ng pamilya sa lahat ng aspeto ng buhay. Ganito ba ang pagkaunawa natin sa bagay na ito, o kasama tayo sa mga taong madaling maniwala sa mga popular na ideya? Ang kahulugan ng katagang “family planning” ay sapilitang pinalitan ng mga taong maliit ang utak pero malakas ang impluwensya. Sa mga uri nila nagmumula ang mga konseptong tulad ng “euthanasia”, “liberated”, “pro- choice”, “for adults”, at marami pang mga mapanlinlang na salitang patuloy na sumisira sa tamang pangangatwiran. Ang pagpaplano ng pamilya ay hindi nangangahulugan ng paggamit ng “contraceptives” o pakikipagtalik nang walang kaakibat na responsibilidad; sa halip, ito ay ang tamang pamamalakad sa lahat ng bahagi ng buhay-pamilya. Ang pag-aagwat sa pagkakaroon ng mga supling ay isang bahagi ng pagpaplanong ito at dapat na isagawa sa paraang nakalulugod sa nagbigay ng kakayahan at atas na maging kamanlilikha ng Diyos. Bukod dito, dapat din natin laging isaisip ang layunin at prinsipyo ng pagkalikha sa lahat.

Linalang ang tao hindi para may makasama ang Diyos sa kanyang pag-iisa, kundi upang makasama niya tayo sa kanyang kaluwalhatian. Ang Diyos ay sapat na sa kanyang sarili, wala siyang kailangan, at siya ang pinagmumulan ng lahat ng mabubuting bagay. Sa kanya umiiral ang kalawakan at walang bagay na hindi sa kanya umiiral. Bagamat siya ay iisa, hindi siya nag-iisa dahil ang Diyos ay isang pamilya -- siya ay isang komunidad. Ang pamilya at komunidad na iniuutos niyang buuin natin ay larawan ng kanyang kalikasan -- ekstensyon ng pag-ibig ng Ama sa Anak at ng Anak sa Ama. Sa kabila ng pagiging ganap o kumpleto ng Diyos, tayo ay linikha niya; iyon ay dahil umaapaw ang kanyang pag-ibig at tayo ang bunga ng pag-ibig na ito. Hindi tayo linikha para mabuhay at mamatay nang walang katuturan sa mundo. Ang tao ay obra maestra ng Diyos, tayo lang ang nilalang na may katawan at kaluluwa. Hindi bahagi ng kalikasang-tao ang kamatayan dahil tayo ay nilikha para mabuhay, hindi para mamatay. Dahil lamang sa kasalanan kaya ang katawang hindi sana nabubulok ay nabubulok, at ang hindi sana namamatay ay namamatay. Gayunman, pareho pa rin ang plano ng Diyos -- hindi siya nagbabago ng isip[4] -- na makasama niya tayo sa kanyang kaluwalhatian. Ang Diyos, simula noon hanggang ngayon, ay bumubuo ng isang malaking-malaking pamilya[5] na magsasama-sama sa kanyang kaharian. Ito ang dahilan ng paglikha niya sa atin, at ito rin ang dahilan kung bakit inaatasan niya ang marami na maging kamanlilikha niya na pupuno sa daigdig at sa langit. Pagkatapos ng mga panahon, wala nang pagkakataong palakihin pa ang pamilyang ito. Iniutos ng Diyos na ito ay mangyari sa pamamagitan ng pakikipagtulungan ng tao, hindi sa dahilang kailangan niya ng tulong, kundi dahil ito ang kalooban niya.

Sa paglalarawan ni John Paul the Great tungkol sa isang komunidad ng mga Katoliko ay ganito ang sinabi niya: "In the bosom of the small community the family recovers the sense and joy of its mission : to transmit both natural and supernatural life." Dito ay ipinapahayag ang katotohanan ng misyon ng pamilya at ang konkretong katuparan nito: ang buong-kagalakang pagpapasa ng natural at sobrenatural na buhay. Ito ang layunin ng Diyos, ang ikalat ang buhay hanggang sa panahon na ang lahat ng sa kanya ay makakasama na niya.

Sa kabilang banda, ang mga taong nagtatago sa mukha ng pagmamalasakit ay buong-lakas na sumasalungat sa kalooban at plano ng Diyos sa pamamagitan ng pagpapahiwatig at pagtuturo na ang pag-aasawa ay tungkol sa sariling kasiyahan ng mag-asawa. Ang mga tao ding ito ang nagsasabi na ang pakikipagtalik ay isang pangkaraniwang gawain lamang tulad ng panonood ng TV, at hindi dapat gawing malaking isyu. Ang tunay na isyu para sa kanila ay ang “problema” ng pagdadalantao na kasama ng pakikipagtalik; ito ang pilit nilang ginagawan ng paraan at itinuturo sa lahat. Pansinin ang pagsalungat ng tao sa kalooban ng Diyos:

“Magpakarami kayo at punuin ng inyong mga supling ang buong daigdig, at pamahalaan ito.”[6]


“Bibigyan ko kayo ng lahat ng uri ng butil at mga punongkahoy na inyong makakain.”[7]


Namatay si Onan dahil kasuklam- suklam kay Yahweh ang ginagawa niyang pagtatapon ng binhi sa pakikipagtalik.[8]


“Huwag kang papatay ng bata sa pamamagitan ng aborsyon ni pumatay ng naisilang na.”[9]




“Huwag kayong makikiapid.”[10]
“Ang ugat ng kahirapan ay ang pagdami ng mga supling kaya dapat sugpuin ang pagkapuno ng daigdig.”

“Hindi sapat ang yaman ng mundo para buhayin ang lahat ng tao. Ang solusyon ay pigilin ang paglaki ng populasyon.”

Itinuturo ng mga doktor at ng pamahalaan na itapon ang binhi ng lalaki sa pamamagitan ng paggamit ng condom,  diaphragm, at iba pang barrier method.

Sa pamamagitan ng mga gamit tulad ng IUD o mga pills na ipinapakilala nang may panlilinlang bilang contraceptive, kinikitil ang buhay sa pinakamaagang baytang nito (early abortion).

Itinutulak ang tao sa pakikiapid at pangangalunya sa pamamagitan ng pagbibigay ng pagkakataong umayon sa laman at makipagtalik kaninuman dahil sa mas maliit na posibilidad ng pagdadalantao.

Ang usapin tungkol sa pagpapamilya, pagpipigil sa sarili, pangangalunya, at lahat ng bagay na may kinalaman sa sekswalidad ay hindi bago sa buhay ng Simbahan tulad ng inaakala ng mga taong nagmamarunong. Ang mga prinsipyo ng Cristianismo ay hindi nakakulong sa iisang panahon, sa halip, kung paanong si Cristo ay siya noon, ngayon, at bukas,[11] ang kanyang mga salita at utos ay nananatiling totoo at epektibo sa lahat ng panahon bagamat naiiba ang porma nito bilang pag-akma sa kasalukuyang panahon. Bago pa man ang mga makabagong paraan ng pagpipigil ng pagdadalantao (hindi pagpipigil sa sarili[12]), libong taon nang hawak ng Simbahan ang mga panuntunan tungkol dito. Ang Diyos ay hindi tao na nagbabago ng isip,[13] alam niya kung ano ang plano niya at kung saan ito patungo. Sa kabilang banda, ang mga taong patuloy na bumubuo ng kultura ng kamatayan -- pagpatay sa mga may sakit at sa matatanda, pagpigil sa pagpapasa ng buhay, pagpatay sa mga bata -- ay nasa kabilang panig ng plano ng Diyos. Kasama nila ang Masama na siyang nagdala ng kamatayan sa tao, at walang ibang pinagpaplanuhan kundi ang pagsira sa anumang may buhay.

Sinumang nagmamahal sa kanilang mga anak ay dapat na umunawa sa katotohanan upang ito rin, kasama ng buhay, ay maipasa sa kanila. Sila ay isinilang upang makasama ng Diyos at maging bahagi ng malaking pamilya na binubuo niya sa pamamagitan ng mga magulang. Isipin ninyo, kung kayo ay magbabakasyon sa Baguio o sa Boracay o saanmang lugar na talagang gustong- gusto niyo, hindi ba’t gusto ninyong makasama ang lahat ng mga taong mahal ninyo, lalo’t higit ang inyong mga anak? Higit pa diyan ang pananabik ng Diyos na matupad na nang tuluyan ang kanyang plano. Nakikibahagi sa kasabikan at kagalakang ito ang mga magulang na nakauunawa ng kanilang misyon. Gusto rin nila na ang lahat ng mga supling na itinakdang ibigay sa kanila ay makasama, hindi lamang sa isang malaking bakasyon, kundi sa habampanahong kaligayahan kasama ng Diyos at ng kanyang pamilya sa tunay at palagian nilang tahanan.[14]

Ang tao ay hindi tulad ng hayop na mabubuhay at mamamatay lang (hindi ko alam kung ang mga taong nagsusulong ng kamatayan sa mundo ay ganito ang tingin sa sarili nila -- parang hayop lang); hindi ganito ang ipinahayag sa atin ng Diyos, at hindi rin ito ang ipinahahayag natin. Bagamat nakapasok ang kamatayan sa mundo dahil na rin sa ating kasalanan, ang Diyos ay Diyos pa rin ng buhay[15] kaya sa pamamagitan ni Jesus ay ibinalik niya tayo sa dati nating kalagayan -- mga lingkod ng Diyos at walang kamatayan.[16] Araw-araw ay ipinahahayag ng Simbahan ang katotohanang ito; ang ating pananampalataya “sa pagkabuhay na muli ng mga namatay na tao, at sa buhay na walang-hanggan”. Pero para sa mga taong sumusugpo at kumikitil ng buhay, ang muling pagbangon ng kanilang katawan ay para sa kapahamakan nito.[17] Kung paanong ang mga tagapagtaguyod ng buhay ay makakasama ng Ama ng Buhay; ang mga mamamatay-tao ay makakasama rin ng kanilang amang “mamamatay-tao na sa pasimula pa, at kalaban ng katotohanan.”

Ito ang masasabi ko sa mga magulang: Ang inyong mga anak ay hindi talagang sa inyo dahil walang anuman sa mundo ang tunay na sa atin maliban sa ibinigay ng Diyos na kalayaang magpasya. Ang mga supling na iniutos na pamahalaan natin ay mga anak ng Diyos sa pamamagitan ng paglikha, at magiging mga anak niya at tagapagmana sa pamamagitan ni Jesus. Hindi ninyo kayang isipin ni subukang tuklasin kung gaano kalaki ang yaman na inihandang ipamana ng Diyos sa kanyang mga anak; hindi ito kailanman masusukat. Ito ang mana ng inyong mga anak. Kung mahal ninyo sila...unawain ninyo ang katotohanan, at ito ang ipahayag ninyo sa kanila tulad ng nararapat. Ginagawa ng demonyo ang lahat ng paraan para baligtarin ang plano ng Diyos -- ang plano ng Buhay -- upang palitan ng kamatayan. Lalong tumitindi ang kanyang galit tuwing may isinisilang na madadagdag sa pamilya ng Diyos, pero ang totoo ay nagiging matagumpay din ang ilan sa mga plano niyang pangwawasak sa buhay ng tao sa iba’t ibang paraan dahil na rin sa pagpanig natin sa kanya. Tuso si Satanas kaya hindi siya madaling kalaban. Hindi mangmang ang ating unang mga magulang tulad ng maaari nating isipin, higit lang talagang matalino ang demonyo, at ito ang ginagamit niya sa panlilinlang. Ganunpaman, ang Diyos pa rin ang may hawak ng lahat ng bagay at pangyayari, ang tagumpay ay sa kanya pa rin at sa kanyang mga anak -- sa inyong mga anak -- kaya kung mahal ninyo sila, magplano ng pamilya ayon sa kalooban ng Diyos na Ama ng bawat pamilya at kung saan ang lahat ng pagkapamilya ay nagmula.


[1] Motto ng lumang ads ng Trust contraceptives.

[2] Cf. Gn 1:28

[3] Cf. Gn 1:28; Gn 9:1

[4] Cf. 1 S 15:29

[5] “Kasamahan ng mga banal.” Ang bahaging ito ng Credo na ating ipinahahayag ay tumutukoy sa pamilyang ito na sa kasalukuyan ay nasa langit, nasa purgatory, at nasa lupa.

[6] Gn 1:28

[7] Gn 1:29

[8] Cf. Gn 38:6-10

[9] Didache 2:2

[10] Ex 20:14.17

[11] Cf. He 13:8

[12] Ang makatarungan at matuwid na pagpaplano ng pamilya ay ang pagrespeto sa kalikasang pantao. Ito ang aral na iiwan natin sa ating mga anak. Noong unang panahon pa man ay sinagot na ng mga Ama ng Simbahan ang usapin tungkol sa pag-aagwat; ito ay isang matandang usapin na. Kung autoridad ng Kasulatan naman ang ating hinahanap ay ganito ang sinasabi ni Apostol Pablo: “Huwag kayong magkait sa isa’t isa, malibang pagkasunduan ninyong huwag munang magsiping, upang maiukol ninyo ang panahon sa pananalangin. Pagkatapos, magsiping na uli kayo upang hindi kayo matukso ni Satanas dahil sa hindi na kayo makapagpigil” (1 Co 7:5).

[13] Cf. 1 S 15:29

[14] Cf. He 13:14

[15] Cf. Mt 22:32

[16] Cf. 1 Co 15:22-23; Jn 11:25-26; 1 Jn 3:14

[17] Cf. Dn 12:12; Jn 5:28-29

Friday, February 22, 2008

Idolatria

Sa pangkalahatan, ang salitang idolatria na makikita natin sa iba’t-ibang diksyunaryo, ay nangangahulugan ng pagbibigay ng parangal, pagmamahal, o paghahayag ng katapatan sa isang “hindi diyos” na para bang ito ay isang diyos (divine). Tulad ng tamang pagsamba, ito ay nagmumula sa puso bagamat madalas ay nakikita sa gawa.

Kung papansinin natin ang deskripsyon ng pagsamba ng mga Israelita sa mga diyus-diyusan noong unang panahon, ito ay naglalarawan sa isang kalipunan ng mga tao na nasa harapan ng isang rebulto o altar; may nagsusunog ng insenso, at lahat ay nagkakasiyahan sa pamamagitan ng pagkain, pag-inom, at pagsasayaw; kasama rin ang paghahandog ng buhay o ng isang babae para sa kahalayan. Ito ang mga panlabas na larawan ng isang uri ng idolatria sa kanilang kapanahunan. Ngunit hindi ang pagsusunog ng insenso, o ang pagkain at pag-inom, o kahit ang pagsasayaw man ang kasuklam-suklam sa paningin ng Diyos kundi ang laman ng puso ng mga taong ito, sapagkat sa puso tumitingin ang Diyos. Ang kinasusuklaman ng Diyos ay ang maruming puso at kawalang pag-ibig ng tao sa mga bagay ng Diyos. Ang mga Israelitang sumamba sa mga diyus-diyusan ay walang pagmamahal kay Yahweh; ni hindi sila marunong magpasalamat o tumanaw ng utang na loob. Si Yahweh mismo ang nagsabi, “Sinubok nila ako kahit nakita na nila ang aking gawa.” Sa puso nila, bagamat kasama nila si Moises sa paglalakbay, ay may ibang mga bagay na mas gusto nilang paglagakan ng kanilang pag-asa tulad ng Ehipto at ng mga diyus-diyusan nito. Ang guyang ginto ay larawan ng mga diyus-diyusan ng kanilang puso. Hindi ito tulad ng mga kerubin sa Arko ng Tipan na lumalarawan sa mga anghel ng Diyos, sa halip ito ay ang masasamang bahagi ng kanilang puso na hinulma nila sa wangis ng isang guya.

Kung paanong binigyang-liwanag ni Jesus ang esenya ng Kautusan, lininaw din ng mga apostol ang maraming mga bagay at isa na dito ang idolatria. Sinabi ni Pablo na “walang pag-iral ang diyus-diyusan at walang Diyos maliban sa isa” (1 Co 8:4), ganun pa man, ang tao ay gumagawa ng sarili niyang diyos sa kanyang puso dahil ayaw niyang maglingkod sa katotohanan ng iisang Diyos. Mahirap para sa tao na unawaing ang Diyos na hindi sumusunod sa kanyang mga kagustuhan ay masasabi ngang isang Diyos. Sa puso ng tao, gusto niyang sambahin ang kanyang sarili kaya sa ganoong paraan siya sinisila ng diyablo: “Matutulad kayo sa mga diyos” (Gn 3:5). Gusto niyang siya ang maging pamantayan ng kung ano ang mabuti at ang dapat. Ito rin ang panlilinlang na ginawa ng diyablo kay Jesus: “Iutos mo sa batong ito na maging tinapay” (Lk 4:3); sa gayon, kung gawin nga ito ni Jesus, muling malilinlang ang taong dapat ay magiging simula ng bagong paglikha—ang bagong Adan—kung paanong nalinlang niya ang luma.

Sa panahon ni Jesus at ng mga apostol, itinuro nila sa iba’t-ibang paraan ang tunay na kahulugan ng pagsamba sa diyus-diyusan, at kung paanong hindi karapat-dapat sa Diyos ang mga gumagawa nito: “Ang mas nagmamahal sa kanyang ama o ina kaysa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. Ang mas nagmamahal sa kanyang anak kaysa akin ay hindi karapat-dapat sa akin” (Mt 10:37). Sa paanong paraan nagiging diyus-diyusan ng mga magulang ang kanilang anak, o ng anak ang kanyang mga magulang? Kapag sa oras ng salungatan sa pag-itan ng Diyos at ng ating mga minamahal, ay mas pinipili natin ang tao kaysa Diyos.

Tungkol naman sa ari-arian ay ganito ang sinasabi: “Hindi kayo makapaglilingkod nang sabay sa Diyos at sa kayamanan” (Mt 6:24). “Ang umiibig sa sanlibutan ay hindi umiibig sa Ama” (1 Jn 2:15) “Hindi ba ninyo alam na kapag kinaibigan ninyo ang sanlibutan ay kinakaaway naman ninyo ang Diyos?” (Jm 4:4). Ang pagsamba sa diyus-diyusan sa larawan ng pera at mga pag-aari ay nangyayari kapag inilalagak natin ang ating tiwala sa mga bagay na ito sa halip na sa Diyos. Ang mayamang hindi makapagbigay ng taos sa puso ay nananangan sa kanyang kayamanan; ang mahirap na mapaghangad ay walang pinagkaiba sa mayamang nakakapit sa kayamanan -- pareho ang kanilang puso bagamat magkaiba sila ng kalagayang panlipunan. Ang pagnanakaw ay isang uri ng pagsamba sa diyus-diyusan dahil winawalang-halaga nito ang paggalang sa pagmamay-ari ng iba alang-alang sa bagay na gustong makamtan; ibig sabihin ay ilinalagay ang pagpapahalaga sa isang bagay nang higit sa tunay na halaga nito. Ang pagsasabing, “Hindi ako mabubuhay ng wala ang ganito ko o wala ang ganyan ko,” ay paglalagay sa mga bagay nang higit sa dapat nitong kalagyan. Nasa katulad na estado rin ang inggit, pag-iimbot, at kawalan ng kasiyahan.

Marami pang mga pang-araw-araw na tanawin sa buhay ng tao ang nagpapakita ng pagiging palasamba ng puso nito sa mga hindi tunay na diyos; hindi ito madaling isulat at ipaliwanag isa-isa. Ang layunin dito ay paalalahanan ang lahat na ang Diyos ay laging sa puso nakatingin -- hindi kailanman sa panlabas -- kaya dapat nating pag-ingatan na huwag maging mapagpaimbabaw at mapanghusga tungkol sa nakikita ng mata. Ang pagsamba, paggalang, pagmamahal, pagpapahalaga, at ang iba pang mga katulad nito ay nagmumula sa puso. Kahit pa makaharap mo ang Diyos at yumukod sa harapan niya, kung wala sa presensya niya ang puso mo, hindi pa rin ito pagsamba; kahit gumamit ka ng “po” at “opo” sa pakikipag-usap sa nakatatanda, kung wala doon ang puso mo, hindi pa rin iyon paggalang; Kahit na lagi mong gamitin ang katagang “I love you,” kung makasarili ka, hindi pa rin iyon pagmamahal; at kahit pa itinatago mo ang lahat ng regalo sa iyo pero hindi ka naman nakakadama ng pasasalamat, hindi pa rin iyon pagpapahalaga. Kung titingin lang tayo sa nakikita ng mata, magiging mapanghatol tayo sa mga bagay na hindi natin nauunawaan, at aakalain naman natin na nasusunod natin ang kalooban ng Diyos dahil din sa mga panlabas na gawain (o hindi paggawa). 

Ang lahat ng kasalanan ay mga porma ng idolatria sa iisang dahilan: Inilalagay nito ang Diyos sa ilalim ng ating mga pasya at kagustuhan, sa halip na sa ibabaw ng mga ito.

Thursday, February 21, 2008

Bawal Kainin

Sinumang magsasabi na ang mga tagubilin sa Konseho ng Jerusalem ay mga bagong utos ay hindi nakauunawa ng kabuuang mensahe ng Kasulatan, at kulang sa kaalaman. Ang mga batas tungkol sa pagkain ng mga inihandog sa diyus-diyusan, sa pakikiapid, at sa pagkain ng hayop na binigti o may dugo pa ay nasa piling na ng mga Judio mula pa nang unang panahon. Hindi ito mga utos na galing sa mga apostol kundi bahagi ng batas ni Moises. Hindi ba’t ang mga Cristiano ay namatay na sa Kautusan nang maging bahagi ng katawan ni Kristo, bakit tila pinapapasan pa rin sa kanila ang ilang bahagi ng Kautusan? Ibig bang sabihi’y nasa ilalim pa rin tayo ng sumpa (Ga 3:10) at hindi totoo ang sinasabi ni Pablo na “pinalaya tayo ni Kristo upang manatiling malaya”(Ga 5:1)? Hindi maaaring salungatin ng Diyos ang sarili niyang salita na tinanggap ng mga tagasunod ni Kristo at ipinangangaral sa iba. Malinaw at hindi mababago ang katotohanang wala na tayo sa ilalim ng Kautusan, at ang kaligtasan ay bunga ng pananampalataya. Tungkol sa pagkain, bilang pangkalahatang prinsipyo ay ito ang sinasabi: “Hindi ang pumapasok sa bibig ng tao kundi ang lumalabas ang nakapagpaparumi sa kanya sa mata ng Diyos. Hindi ba ninyo alam na anumang pumasok sa bibig ay tumutuloy sa tiyan, at idinudumi?”(Mt 15:11.17); “Huwag mong ituring na marumi ang nilinis ng Diyos”(Ac 10:15); “Dahil sa aking pakikipag-isa sa Panginoong Jesus, natitiyak kong walang pagkaing likas na masama; ngunit kung inaakala ninuman na ipinagbabawal ang isang pagkain, ito bawal nga sa kanya”(R 14:14); “Hindi   dahil sa pagkain kaya tayo nagiging kalugod-lugod sa Diyos”(1Co 8:8); “Namatay na kayong kasama ni Kristo at wala na sa kapangyarihan ng espiritung naghahari sa sanlibutan. Bakit pa kayo sumusunod sa alituntuning tulad ng ‘huwag hahawak nito’, ‘huwag titikim niyan’, ‘huwag hihipo niyon’? Ang mga ito’y utos lamang at aral ng tao tungkol sa mga bagay na nauubos”(Col 2:20-22); “Maliwanag ang sinasabi ng Espiritu: sa huling panahon, iiwan ng ilan ang pananampalataya. Susundin nila ang magdarayang espiritu at ang mga aral ng diyablo dahil sa panlilinlang ng mga sinungaling na ang mga budhi’y  may tatak ng pagiging alipin ni Satanas. Ipagbabawal nila ang pag-aasawa at ang ilang uri ng pagkain, mga pagkaing nilikha ng Diyos para kaining may pasasalamat ng mga sumasampalataya at lubos na nakauunawa ng katotohanan.  Ang lahat ng nilikha ng Diyos ay mabuti, at walang dapat ipalagay na masama. Lahat ay dapat tanggaping may pasasalamat sapagkat nililinis ito ng salita ng Diyos at ng panalangin”(1 Tm 4:1-5); “Kumain kayo ng anumang nabibili sa tindahan ng karne at huwag na kayong magtanong pa upang di mabalisa ang inyong budhi. Sapagkat sinasabi ng Kasulatan, ‘Ang lupa at lahat ng naroroon ay sa Panginoon!’”(1 Co 10:25-26); “Huwag kayong patatangay sa sari-sari at kakaibang turo. Mas mabuti para sa atin ang mapatibay ang ating kalooban sa pamamagitan ng kagandahang-loob ng Diyos kaysa sa pamamagitan ng pagsunod sa mga utos tungkol sa pagkain. Ang mga sumusunod dito’y wala namang natamong kapakinabangan”(Heb 13:9). Ang mga nabanggit ay tumutukoy lamang sa turo ng Simbahan tungkol sa usapin ng pagkain, kung saan ang mga Judio at mga pagano ay may kanya-kanyang nakasanayan at paniniwala. Hindi pa kasama dito ang tungkol sa ibang kontrobersya na kalimitan ay tungkol sa panliligalig ng mga Judio sa mga Cristianong Hentil ukol sa pagsunod sa kautusan ni Moises, kung saan ang mga Cristiano ay pinalaya na. Ngunit anupaman ang usapin tungkol dito, iisa lang ang pangkalahatang prinsipyo: wala na tayo sa ilalim ng Kautusan.

Ganun pa man, alam ng mga apostol na hindi lahat ay nakauunawa ng katotohanang ito. May mga Cristianong mahihina pa tulad ng isang bata pa sa pananampalataya at hindi pa lubos ang pagkaunawa sa katotohanan. Bagamat totoo na malaya ang mga Cristiano na kainin ang anumang pagkain, dapat isaalang-alang ang mga kapatid na maaaring maiskandalo o magkasala dahil sa paggamit ng kalayaan ng mga nakauunawa tungkol dito. “Huwag sariling kapakanan ang hanapin ninyo, kundi ang sa iba”(1 Co 10:24). Ito ang prinsipyong nasa likod ng desisyon ng Konseho ng Jerusalem sa usapin ng pagsunod sa Kautusan, kaya pinanatili nila ang  “mga bagay na talagang kailangan: huwag kayong kakain ng anumang inihandog sa mga diyus-diyusan, ng dugo, at ng hayop na binigti”(Ac 15:28-29). Ito ay hindi dahil sa sila’y bahagya pang nasa ilalim ng Kautusan kundi dahil higit ang pag-ibig kaysa kalayaan. Sa kilalang mundo noong panahon ng mga apostol, ang lahat ay naniniwala na ang pagkain ng mga inihandog sa mga diyus-diyusan ay pakikibahagi sa paghahandog; sa gayon ay kasuklam-suklam sa Diyos. Ang pagkain din ng hayop na hindi inalisan ng dugo ay bawal sa mga Judio dahil ang dugo ay simbolo ng buhay. Ang hayop na ibinigti ay itinuturing na madumi kaya hindi rin dapat kainin ayon sa batas ng mga Judio. Bagamat malaya ang mga Cristiano mula sa mga batas na ito, sinasabi ni Pablo na “hindi lahat ay nakabubuti”(1 Co 10:23). Isa sa mga halimbawang ibinigay ni Pablo ay ito: “Kung kayong may sapat na kaalaman ay kumakain sa templo ng mga diyus-diyusan, at makita kayo ng mahihina pa sa pananampalataya, hindi kaya sila mabuyong kumain niyon bilang handog sa diyus-diyusan?”(1 C0 8:10). Alam ni Pablo na kung sa sariling kapakanan lang, walang masama kung kumain man ng handog sa diyus-diyusan o sa templo nito dahil alam niyang “walang kabuluhan ang mga diyus-diyusan” (1 Co 8:4), ibig sabihi’y wala silang pag-iral; ngunit may mga kapatid  –  at ito ay ang mahihina  –  na maaaring magkasala o mabalisa ang budhi dahil sa kawalan ng konsiderasyon ng isang may “kaalaman”. Malinaw ang katwiran na ibinigay ni Santiago sa konseho: “Sapagkat mula pa nang unang panahon, ang Kautusan ni Moises ay binabasa sa mga sinagoga tuwing Araw ng Pamamahinga, at ipinangangaral ang kanyang salita sa bawat bayan”(Ac 15:21). Nangangahulugan na ang unang-unang isinaalang-alang ay ang iskandalong idudulot ng mga nabanggit na gawain sa mga Cristianong Judio na nasanay na sa Kautusan. Marahil ay ipinaliwanag nina Judas at Silas ang katwiran sa likod ng tagubiling ito, yayayamang ito ang dahilan kung bakit sila ipinadala. Bilang mga Cristiano, alam ng mga taga-Antioquia, taga-Siria, at taga-Cilicia na wala sila sa ilalim ng Batas ni Moises, una bilang Hentil (dahil hindi sakop ng Batas ni Moises ang mga hindi Judio), at pangalawa bilang Cristiano (dahil tungkol sa kalayaan ang tinanggap nilang turo, hindi tungkol sa pagpapailalim sa Batas ng mga Judio), kaya magugulat sila kung bigla silang bibigyan ng pasanin na wala man lang paliwanag. Dapat unawain ng mga Cristiano na ang mga tagubiling ito ay hindi na bilang pagsunod sa Kautusan  –  na para bang nasa literal na pagsunod ang kaligtasan  –  kundi bilang pagmamalasakit sa mga kapatid na mahihina pa sa pananampalataya. Mas mabuting magtiis sa kaunting pasanin para sa kapatid kaysa maging sanhi ng kanilang pagkabalisa o pagkakasala. “Kaya, kung dahil sa kinakain mo ay nasasaktan ang kalooban ng iyong kapatid, hindi na ayon sa pag-ibig ang ginagawa mo”(R 14:15). “Dapat pagtiisan nating malalakas ang mahihina sa pananampalataya, at huwag ang sariling kasiyahan lamang ang isipin”(R 15:1).

Sa huli, tayo lang ang nagpapasya kung bawal sa atin o hindi ang isang pagkain kung relasyon sa Diyos ang pag-uusapan (cf R 14:14) at dapat panindigan ng tao ang kanyang pinaniniwalaan. “May naniniwalang maaari siyang kumain ng kahit ano, ngunit gulay lamang ang kinakain ng mahina sa pananampalataya. Huwag hamakin ng kumakain ng kahit ano ang kumakain lamang ng gulay, at huwag namang hatulan ng kumakain lamang ng gulay ang kumakain ng kahit ano, sapagkat siya’y tinanggap ng Diyos”(R 14:2-3). “Ikaw na lamang at ang Diyos ang dapat makaalam ng iyong paniniwala tungkol sa bagay na ito. Ngunit ang sinumang kumakain sa kabila ng kanyang pag-aalinlangan ay hinahatulan ng Diyos sapagkat hindi ayon sa kanyang pananalig ang kanyang ginagawa”(R 14:22-23).

Pagtalikod ng Simbahan

SIMBAHANG ITINATAG NI JESUS: Tumalikod Sa Kanya?

Gaano kaposible na magawang tumalikod sa Diyos ang Simbahan ni Cristo? Masyadong malaking bahagi ng kasaysayan, at halos buong Kasulatan ang kailangang pasinungalingan para masabing hindi nanatiling tapat ang Simbahan sa kanyang Panginoon. Kakailanganing balikan ang napakaraming mga propesiya tungkol sa Bagong Israel para maipakitang lahat kung ano ang Simbahan sa plano ng Diyos, at kung paanong inihandog ni Jesus sa Diyos ang kanyang Esposa – ang Simbahan – na walang dungis at kapintasan.    Ganun pa man, may ilang piling bahagi ng Kasulatan ang maaaring basahin nang hindi na nangangailangan ng malalim na pagsusuri upang maunawaan. Ang pangkaraniwang kakayahan ng isang tao para mag-isip ay maaaring sapat na para makita ang katwiran at lohika sa mga pangungusap.

Nang sinabi ni Jesus na itatayo niya ang Simbahan, tiniyak niya kay Pedro at sa mga alagad na hindi ito guguho. “Sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking Iglesya” (Mt 16:18). Si Jesus din mismo ang nagsabi na hindi maiguguho ang gusaling itinayo sa bato. Pero higit pang malinaw ang katiyakang ibinigay ni Jesus nang sundan niya ito ng isang hindi matatawarang kasiguruhan na “Hindi makapananaig sa kanya [sa Iglesya] kahit ang kapangyarihan ng kamatayan.” Kung walang kapangyarihan ang kamatayan sa isang tao, ibig bang sabihi’y hindi siya mamamatay? Natural! Kahit isang batang may talino ay hindi magdadalawang-isip sa isasagot! Isinilang ang Simbahan noong bumaba dito ang ipinangakong Espiritu ng Diyos, at hindi ito mamamatay. Ang tumatalikod sa Diyos ay nawawalan ng kaugnayan sa Kanya, kung paanong namamatay ang tumatalikod sa buhay. Kapag naging posibleng tumalikod ang Simbahan sa Diyos na Siyang bukal ng buhay, ito ay mamamatay dahil aalisin sa kanya ang kanyang kaluluwa na walang iba kundi ang Espiritu Santo na dahilan ng kanyang pagsilang. Kung totoong nangyari ang sinasabing pagtalikod ng Simbahan sa Diyos – at sa gayo’y naging kanyang kamatayan – lumalabas na hindi totoo ang mga salita ni Jesus na itatayo niya ang Simbahan sa bato at hindi makapananaig dito kahit ang kapangyarihan ng kamatayan. Pero hindi lamang ang mga salitang ito ang pasisinungalingan ng akusasyong ito, kundi ang buong kasaysayan ng kaligtasan na sa pasimula pa lamang ay naglalarawan na sa Simbahan. Isaalang-alang halimbawa ang pahayag na ito: “Tandaan ninyo: ako’y laging kasama ninyo hanggang sa katapusan ng sanlibutan” (Mt 28:20). Kung tumalikod ang Simbahan at nawalan ng kaugnayan sa Diyos sa loob ng mahigit 1,800 taon, totoo pa ba ang sinabi ni Jesus na siya’y laging kasama ng Simbahan? At kailan nga ba eksaktong tumalikod ang Simbahan? Unang siglo? Ikalawang siglo? Ikatlong siglo? Ipagpalagay nating nawalan ng pananampalataya ang Simbahan sa pag-itan ng ika-2 at ika-3 siglo, kung kailan kamamatay pa lang ng ibang mga disipulo ni Jesus, lumalabas na sa kahit maikling panahon ay hindi kayang patunayan ni Jesus ang kanyang sarili, at hindi niya rin kayang tuparin ang mga iniwan niyang salita. [Si Gamaliel na kilalang guro ng Israel, at naging tagapangalaga ni Pablo, ay ginamit ng Diyos para patunayan sa pamamagitan ng kasaysayan kung gaano kaimposibleng mabuwag ang Daan ng mga Cristiano.] Kung ipalagay namang kamakailan lamang tumalikod ang Simbahan, nangangahulugan na matapat pa rin ang ito noong unang tatlong siglo; at kung mapatunayang ang pananampalataya ng apostolikong panahon, na siya ring tangan ng mga Cristiano sa mga naunang siglo, ay nanatili pa ring katulad ng pananampalataya ng Simbahan ngayon, ibig sabihi’y walang pagtalikod na naganap, dahil ang pagtalikod sa pananampalataya ay nangangahulugan ng pagkakaroon ng ibang pananampalataya. Sa puntong ito, kailangan munang siguruhin ng mga nagsasabing tumalikod sa Diyos ang Simbahan kung kailan ito eksaktong nangyari, at kung paano nila bibigyang-katwiran ang mga salita ni Jesus tungkol dito.

Sa higit na ikauunawa ng mga tapat na naghahanap ng katotohanan, hindi maliit ang tulong na maibibigay ng Kasulatan. Pakinggan natin ang sinabi ni Jesus: “Bibigyan kayo ng kapangyarihan pagbaba sa inyo ng Espiritu Santo, at kayo’y magiging mga saksi ko sa Jerusalem, sa buong Judea at Samaria, at hanggang sa dulo ng daigdig” (Ac 1:8). Ito ay isang imposibleng pananalita kung ang tinutukoy ni Jesus na magiging saksi niya hanggang sa dulo ng daigdig ay ang mga kasalukuyan niya lamang kausap. Bagamat maliit lamang ang kilalang mundo, at may posibilidad na marating ng mga alagad ang mga dulo nito, ang misyon nila ay iparating sa buong pisikal na mundo ang mabuting balita ng kaligtasan. Alam ni Jesus ang lahat ng bagay, at alam niya ang mundong tinutukoy niya. Mangyayari lamang ito sa pamamagitan ng pagsasalin-salin ng aral at kapangyarihan ng mga apostol hanggang makarating ito sa buong mundo. Kung imposibleng mangyari ito sa loob lamang ng panahong nabubuhay ang mga apostol, lalong napakaimposible nitong mangyari kung totoong tumalikod ang Simbahan pagkamatay ng mga apostol. Sa gayon, si Jesus ay lalabas na imposible o di kaya ay sinungaling.

Ganun-ganun na lang ba ang pagsasabing ang Simbahan ay tumalikod sa Diyos? Hindi pa ba malinaw sa isip ng mga taong ito na ang Simbahan ay “itinayo rin sa saligan ng mga apostol at mga propeta, na ang batong panulukan ay si Cristo Jesus” (Eph 2:20)? O baka hindi nila naiintindihan ang halaga ng isang matibay na pundasyon at isang panulukang bato na hindi mabibigo! [Kung nagkataon, mas matatag pa ang mga gusali ng Roma at Gresya na ginawa ng tao kaysa sa Simbahang itinatag ng Diyos.] Matino pa ba ang isip ng mga taong mangangahas na magsabing ang “Iglesya na siyang haligi at saligan ng katotohanan” (1 Tm 3:15) ay tumalikod sa katotohanan? Kung ang mismong haligi at saligan ng katotohanan ay gumuho, may pag-asa pa kaya ang mundo? Ang lumang kasunduan ay ginawa sa lumang Israel, at ang bagong kasunduan ay ginawa sa Bagong Israel – sa Simbahan – kaya kung tumalikod pa ang Simbahan tulad ng Israel, wala nang tipan pa para sa mundo.

Ang buong kasaysayan ng kaligtasan ay may kinalaman sa Simbahan, kaya hindi sapat ang maikling sulatin para maipakita ang relasyong ito. Kung sisilipin ang buhay ng Simbahan sa labas ng banal na Biblia, hindi mabibilang ang mga buhay at bahagi ng kasaysayan na nabago nito, yayamang ang Diyos mismo ang kumikilos dito sa panahon man ng kadiliman o liwanag, ng pagsubok o tagumpay. Edukasyon, kalusugan, sibilisasyon, sining, musika, literatura, lipunan – ilang aspeto lamang ang mga ito na lumago sa impluwensya o tulong ng Simbahan. May mga digmaang hindi natuloy, maraming mga buhay na nasagip, maraming karapatang pantao ang naipagtanggol sa pamamagitan ng pagkilos ng Diyos sa Simbahan. Hindi maitatanggi ang kahinaan ng mga miyembro ng Simbahan bilang mga tao tulad ng mga alagad na nagtakbuhan sa oras ng pagdakip kay Jesus; tulad ni Pedro na nagtatwa kay Jesus ng tatlong ulit; tulad ng mga Corinto na katakot-takot na iskandalo ang idinulot sa pangalan ni Jesus; tulad ng mga Galata na nadadala ng panliligalig ng mga Judio; tulad ng mga taga-Laodicea na malahininga ang pananampalataya, at tulad din ng ibang mga mananampalataya na may sari-sariling kahinaan. Ang altar ang nagpapabanal sa hain, hindi ang hain ang nagpapasama sa altar. Sa ganun ding paraan, ang Simbahan ang nagpapabanal sa mga bahagi nito. Hindi magagawang ibagsak ng kasalanan ng tao ang Simbahang itinayo ni Jesus, yayamang higit ang kapangyarihan ng nagpapabanal kaysa sa pinababanal. Hindi ba kayang paglahuin ng isang malawak na karagatan ang isang patak ng maitim na langis? Pero higit pa sa pinakamalawak na karagatan ang kabanalan ni Jesus! At hindi ba totoo na ang Simbahan ay katawang banal ni Jesus, at ang kaluluwa ay ang Espiritu Santo (Eph 5:23; Ac 2:4)? Mahihigitan pa ba ng kasalanan ng tao ang kabanalan ng katawan ni Cristo? Sa pagsasaalang-alang sa misteryo ng Simbahan bilang katawan ng Panginoon, posible ba talagang iwan ng katawan ang Ulo, o ng Ulo ang katawan? Kung paanong ang Ulo ay laging kasama ng katawan (cf. Mt 28:20), ganun din ang katawan ay laging kasama ng Ulo – kung nasaan ang Simbahan, naroon si Cristo.

Kung gusto pa rin itong pasinungalingan ng mga taong idinadahilan ang pagtalikod ng Simbahan – at maging ng Israel – para lang masabing sila ang tunay at bagong Iglesya, sobra na ang kanilang kabulagan at walang kapantay ang kasinungalingan.