Mga Rebulto

Paano nga ba natin tinitingnan ang mga imahe o icon na nasa loob ng ating mga parokya o kapilya? Itinuturing ba natin itong anting-anting tulad ng mga taong walang alam tungkol sa tunay na Diyos? Iniisip ba natin na ang mga ito ay pampaswerte tulad ng mga taong nag-aakalang may kinalaman ang mga walang silbing pamahiin sa ating pagginhawa at paghihirap sa buhay? Ang mga estatwa sa loob ng mga simbahang Katoliko ay tulad din ng mga monumentong nakikita natin sa lahat ng bayan. Ilinalarawan nila at ipinaalala sa atin ang kabayanihan, kabanalan, at mabuting pamumuhay ng ilang mga taong naging taga-sunod ni Jesus dito sa lupa at ngayon ay nasa harapan na ng Diyos. Ang alaala ng mga taong ilinalarawan ng mga imaheng ito ay nagsisilbing inspirasyon at huwaran nating mga nandito pa sa lupa at patuloy na nakikibaka. Ang layunin ng ating buhay ay makasama ang Diyos sa habampanahon, at isa sa mga nagiging malaking tulong sa ating moral ay ang inspirasyon ng mga taong nagpatunay na posibleng matupad ang ating pinagsisikapan dahil narating na nila iyon. Bukod sa lakas ng loob, ang buhay ng mga taong ito ay nagbibigay din sa atin ng mga konkretong halimbawa at aral kung paano natin maisasagawa ang kalooban ng Diyos sa praktikal na paraan, at sa gayon ay hindi natin ililigaw sa pagkakamali at kapahamakan ang ating mga sarili.

Sana ay hindi tayo kasama ng mga taong walang naiintindihan at mabilis lang magturo ng mga pagkakamali sa ibang tao. Para sa kalinawan ng mga bumabasa, ang pagkakaroon ng mga larawan ng mga taga-sunod ni Jesus ay hindi porma ng idolitria o pagsamba sa maling mga diyos; sa halip, ito ay pagkilala sa kabutihan ng May-likha sa pamamagitan ng kanyang mga nilikha. Hindi ba’t ang paghanga sa isang likha ng sining ay paghanga sa lumikha nito? Hindi ba’t ang simpleng pagtitipid ng tubig at hindi pagsira sa kalikasan ay isang paraan ng pag-appreciate sa mga regalo ng Diyos? Hindi ba’t ang pagtatayo ng bantayog para sa isang bayani ng bayan ay tumutulong sa kaisipan ng mga kabataan upang tularan ang pagiging mabuting mamamayanan ng taong iyon? Pagkilala sa kadakilaan ng Diyos, pasasalamat sa kanyang kabutihan, at paglalagay ng huwaran at inspirasyon ang pangunahing layunin ng pagkakaroon ng mga larawan ng mga taga-sunod ni Jesus. Ang idolatria ay nagmumula sa puso—ibig sabihi’y sa intensyon—hindi sa pagkakaroon ng mga larawan. Ilang larawan ba ng mga mahal natin sa buhay ang nasa ating tahanan? Ibig bang sabihi’y ganung kadami ang sinasamba nating mga diyos?

No comments:

Post a Comment