Mapilit na Panalangin

Kawalan ba ng tiwala o pananampalataya ang ipinahihiwatig ng paulit-ulit na pagsasabi ng iisa at parehong intension sa pananalangin? Totoo bang hindi na kailangang hingin pa ulit sa Diyos ang nasabi na sa kanya? Hindi ba paulit-ulit na hiningi ni Abraham si Isaac? Hindi ba paulit-ulit na hiningi nina Ana at Joaquim si Maria? Hindi ba paulit-ulit na hiningi ni Zacarias si Juan Bautista? Hindi ba paulit-ulit, sa loob ng libong taon, na hiningi ng mga Israelita ang pagdating ng Mesias? Ito ba ay dahil hindi sapat ang isang salita para sa Diyos? Dahil din ba ito sa kanilang kawalan ng tiwala na naririnig sila ng Diyos?

Sinabi ni Yahweh sa pamamagitan ni Isaiah na ang isip niya ay hindi tulad ng sa tao, at ang daan niya ay hindi tulad ng sa kanila. Ang panalangin ay pagkain ng kaluluwa, maging ito man ay sa porma ng paghingi, pasasalamat, pagpupuri, o paghingi ng tawad. Ito ay nag-uugnay sa tao sa Bukal ng Buhay. Ang pagdarasal ay nagpapakita ng kababaang-loob na kumikilala sa pangangailangan ng tao sa Diyos. Ito ay hindi lamang maihahalintulad sa pakikipag-usap ng tao sa kanyang kapwa-tao kundi, higit doon, ito ay tulad ng pag-inom ng tubig na kailanma’y hindi dapat ipagkait sa sarili. Kung kailangan ng katawan ang maraming tubig upang mabuhay at maging malusog, higit na kailangan ng kaluluwa ang panalangin—walang tigil na pananalangin. Tuwing tumitigil ang puso sa pagdarasal, ito’y natutulad sa isang pasyenteng nauubusan ng hinihingang hangin; humihina at patungo sa kamatayan. Sa pamamagitan ng mga talinghaga, itinuro ni Jesus kung paano dapat humingi sa Diyos. Bagamat ipinapakita sa mga talinghaga na pinagbibigyan lang ang dumadaing dahil sa pamimilit—mas tamang tawaging “pangungulit”—hindi nito ipinahihiwatig na mahirap pakiusapan ang Diyos, at napipilitan lang siya tuwing nagbibigay. Sa halip, ang ipinapakita dito ay ang pagkalugod ng Diyos sa mga taong nagsusumigasig at hindi nawawalan ng pag-asa kahit na matagal ang pagdating ng hinihingi nila.

Ang pananalangin ay pagkilala sa kawalan ng kakayanan ng tao kung hindi ang Diyos ang magbibigay. Sa pamamagitan nito, ipinahahayag ng tao ang kanyang walang tigil na pag-asa sa kanyang Diyos dahil wala siyang magagawang anumang may halaga kung hindi niya ito gagawin bilang taong umaasa sa Probidensya sa halip na sa sariling kakayanan. Para sa kanya, “Malibang ang Panginoon ang gumawa nitong bahay, ang ginawa ng nagtayo ay wala ring kabuluhan” (Ps 127:1). Ang taong nagtatanod ang puso sa pananalangin araw-gabi ay nagpapahayag ng katotohanang ito (cf. Lk 18:7).

Dahil dito, ang paulit-ulit na pagdaing sa Diyos tungkol sa mga nais makamtan ng puso ay hindi kawalan ng tiwala kundi pagpapakita ng pag-asang hindi marunong magsawa at nagtitiwalang ibibigay ng Diyos ang dapat nating matanggap sa tamang panahon. Ito ay patuloy na pagpaparangal sa pagiging makatarungan ng Diyos sa mga taong lumalapit sa kanya nang may malinis na puso. Ang pagtigil sa pananalangin ay nagpapakita ng kawalan ng tamang pagkaunawa tungkol sa kalikasan nito, sa halip ay pinaniniwalaang sapat na ang isang beses na paghingi dahil hindi rin naman ibibigay ng Diyos kung talagang hindi dapat, at ibibigay niya rin kung dapat, at hindi na kailangang mangulit pa. Totoo, ibibigay niya nga ang dapat, pero ito ay sa mga tao lamang na patuloy na umaasa sa kanya sa kabila ng kabaligtaran ng mga sitwasyon. Sa kabilang banda, ang mga nakukuntento na sa paminsan-minsang pananalangin ay nagpapahayag na nawawalang kabuluhan lang ang kanilang ginagawa kung wala naman talagang balak ang Diyos na ibigay ang kanilang hinihingi.

Kailanman, at sa anumang dahilan, walang dalisay na panalangin ang nawawalan ng kabuluhan sa harap ng Diyos. Ang bawat matuwid na panalangin ay parang palaso na tumutudla sa ulap at nagpapabuhos ng ulan. Ito rin ay parang alahas na inihahagis sa tubugan ng ginto at bumabalik bilang ginto. Hindi ang pagsunod ng Diyos sa kalooban natin ang tunay na pakinabang ng panalangin, kundi ang pagbuhos ng biyaya ng buhay sa tuwing tayo ay nagdarasal.

No comments:

Post a Comment