Monday, March 10, 2014

Bakit Hindi Ka Katoliko?

Sa halip na sabihin ko kung bakit ako Katoliko, inaakala kong mas tamang itanong kung bakit hindi ka katoliko...
...sa kabila ng katotohanang walang ibang Simbahang Cristiano maliban sa Simbahang Katolika, mula noong panahon ng mga Apostol hanggang sa paghiwalay ng Orthodox Church makalipas ang mahigit sanlibong taon?
...sa kabila ng katotohanang ang Simbahang Katolika ang autoridad na nagpasya, mula sa daan-daang mga dokumentong "Cristiano", kung alin ang dapat maging bahagi ng Banal na Kasulatan?
...sa kabila ng katotohanang ang Simbahan ni Cristo ay makikilala sa pamamagitan ng presensya ni Pedro kung saan ito itinayo?
...sa kabila ng katotohanang tanging ang tungkulin ni Pedro ang lubos na malaya mula sa kamaliang doktrinal at moral?
...sa kabila ng katotohanang ang nag-iisang Simbahan ni Cristo ay makikilala sa pamamagitan ng hindi nagbabagong katuruang doktrinal at moral, libo-libong taon man ang dumaan, libo-libong pagbabago man ang nakapalibot dito, at kahit pa sa harap ng mga tangkang pagpapabagsak gamit ang kapangyarihang politikal at korapsyong moral?
...sa kabila ng katotohanang kahit maraming Judas ang kumakain sa palad ng Panginoon sa loob ng Simbahan, nandito rin ang mga Pedrong nagsisisi at naninindigan sa kabila ng likas na kahinaan, ang mga Juan na pinakamamahal ng Panginoon, ang mga mistikong Pablo na direktang pinahahayagan ng Diyos, at ang mga Mariang nag-aalay ng sarili mula pagkabata?
...sa kabila ng pangako ni Cristo na mananatili Siya sa Kanyang Simbahan hanggang sa huling araw?
...sa kabila ng katotohanang si Cristo ay makikilala lamang nang lubusan sa pamamagitan ng paghahati-hati ng tinapay?
...sa kabila ng katotohanang malibang kainin ang laman ng Anak ng Tao at inumin ang Kanyang dugo ay walang buhay na walang hanggan?
...sa kabila ng katotohanang ang Simbahan ay makikilala sa pagsamba nito sa Diyos sa pamamagitan ng araw-araw na pag-aalay ng dalisay na Sakripisyo mula sa pagsikat ng araw hanggang sa paglubog nito?
...sa kabila ng malinaw na kasaysayan ng Sangkakristyanuhan at kung alin ang humiwalay saan?
...sa kabila ng katotohanang hindi mababago ng anumang rasyonalisasyon at sari-saring interpretasyon ang nag-iisang autoridad sa pag-unawa ng Salita ng Diyos?
...sa kabila ng katotohanang ang mga Kasulatan ay hindi para sa pribadong interpretasyon, sa halip ay nangangailangan ng autoridad ng Simbahan na siyang nag-iisang sandigan at tagapagtanggol ng katotohanan, at nagtataglay ng kabuuan nito?
...sa kabila ng katotohanang ang mga pinaka-extraordinaryong istorya ng buhay sa lahat ng bansa ay bunga ng pagiging Katoliko (o Orthodox Christian)?
...sa kabila ng katotohanang tanging ang kahalili ng mga apostol ang may kapangyarihang magpatawad ng mga kasalanan, magtali at magkalag (gumawa ng mga batas na kikilalanin sa langit), at magbigay ng parehong kapangyarihan sa iba?
...sa kabila ng katotohanang walang sinuman ang pwedeng magtalaga sa kanyang sarili bilang opisyal na tagapangaral ni Cristo malibang may autoridad ng nag-iisang Simbahan ni Cristo?
...sa kabila ng katotohanang tanging ang Simbahang Katolika lamang ang nag-iisang institusyon na pinagkakaisahan at inaatake kabi-kabila ng gobyernong sekular at mga relihiyosong organisasyon, dahil sa hindi nagbabagong paninindigan nito sa mga isyung moral, tulad ng ginawa kay Jesus ng mga gobyerno at mga relihiyoso sa panahon Niya?
...sa kabila ng mas marami pang katotohanang humubog sa sibilisasyon sa tulong ng Simbahan tulad ng ambag nito sa mabuti at makahulugang sining, musika, edukasyon, kalusugan, agham, pilosopiya, literatura, pangangalaga sa mga mahihina, monastisismo, at iba pa?
Dahil ba hindi ka naniniwalang totoo ang mga ito, dahil ba ngayon mo lang ito narinig o dahil may mas matimbang na katotohanang nagpapawalang-kabuluhan dito?
Alam mo ba ang dahilan kung bakit hindi ka Katoliko? Pwede mo bang ibahagi?

Wednesday, January 22, 2014

Banal na Eukaristiya at Sakripisyo sa Krus

Halos lahat ng hindi Katolikong Cristiano ay nagkakamali sa pag-unawa tungkol sa relasyon ng Banal na Eukaristiya o Misa at ng Sakripisyo sa Krus ng Kalbaryo. Inaakala nilang ang Misa ay isang dagdag na aral ng Simbahan na lumalabag sa konsepto ng pagliligtas ni Jesucristo sa pamamagitan ng kanyang kamatayan sa Krus nang minsanan para sa lahat.
Hindi natin mapipilit ang iba na maniwala sa ating sasabihin dahil ang paniniwala ay madalas na mahirap baguhin. Ang taong nagtatangkang tumalikod sa sariling paniniwala ay dumadaan sa kamatayan ng sarili. Ito ay hindi isang madaling karanasan, at hindi rin madadaan sa pilit. Ganun pa man, bilang mga Katoliko, kailangan nating itama kung anuman ang hindi wasto sa personal nating paniniwala, dahil iisa lang ang katotohanan at kailangan nating maging tapat dito sa lahat ng oras. Alam natin kung saan matatagpuan ang katotohanan dahil iisa lang ang Simbahan na siyang haligi at saligan nito.
Ang pasyon o pagpapakasakit ng Panginoon, ang kanyang kamatayan, at muling pagkabuhay ay isang kaganapan sa dimensyon ng panahon at lugar. Minsanan lang itong nangyari at hindi na kailangang ulitin pa. Ito ang pinaniniwalaan natin, hindi lang dahil sinabi ng mga Apostol, kundi dahil alam natin na ang Diyos ay walang-hanggan at ang pagka-Diyos ni Jesus ay kumikilos sa kawalang-hanggan. Ang pagpapakasakit na kanyang ginawa, bagamat nasasakupan ng panahon, ay patuloy na nagaganap sa harapan ng Diyos na Siyang Hukom ng lahat. Anupa't si Jesus ay nakikita sa langit bilang, "isang Korderong nakatayo na ang anyo ay tulad sa pinatay na." Bagamat buhay, Siya ay patuloy na namamatay para sa atin mula sa kawalang-hanggan, bago pa man nilikha ang unang tao at kahit na magkaroon na ng bagong mundo. Hindi masusukat ng isip ang ganitong pag-ibig sa atin ng Diyos, pero ang magagawa na lang natin ay magpasalamat sa lahat ng oras at pagkakataon. Kung si Jesus ay hindi Diyos, maging ang sarili niya ay hindi niya magagawang iligtas mula sa kasalanan. Pero dahil Siya ay Diyos, nagawa niyang ialay ang kanyang kabuuan, hindi bilang Diyos sa harapan ng Ama, kundi bilang kasalanan para sa kapatawaran ng ating mga kasalanan.
Ang Banal na Eukaristiya ay Sakramentong itinatag ni Jesus sa huling hapunan bago Siya pumasok sa Kanyang pasyon. Ito ang kaganapan ng hula ni Propeta Malakias: "At ngayon, mula sa pagsikat hanggang sa paglubog ng araw, dinadakila ng mga bansa ang aking Pangalan. Kahit saa’y nasusunog ang insenso bilang dalisay na alay sa aking Pangalan." Walang ibang dalisay at katanggap-tanggap na alay kundi ang pag-aalay ni Jesucristo ng Kanyang sariling buhay. Hindi ito mahihigitan ng anumang panalangin at papuri ng pinakabanal na tao. Bagamat minsanan lang nangyari ang kamatayan ni Jesus, ito ay muling nagaganap "mula sa pagsikat hanggang sa paglubog ng araw" at sa lahat ng bansa. Iyon ay sa pamamagitan ng Banal na Eukaristiya, kung saan ang Sakripisyo ni Jesus ay naisasangayon o dinadala sa kasalukuyan mula sa kawalang-hanggan. Ang paring nangunguna sa pag-aalay ng Sakripisyo ay kumakatawan kay Jesus na Siya ring nagsilbing Dakilang Saserdote habang iniaalay ang Kanyang sarili sa Krus na altar. Sa pamamagitan din ng Eukaristiya natutupad ang sinabi ni Jesus na, "sasambahin ninyo ang Ama hindi na sa bundok na ito o sa Jerusalem," dahil ang pinakamataas na uri ng pagsamba sa paningin ng Diyos ay magaganap sa lahat ng bansang naghahandog ng Sakripisyo ni Jesus. Dito natin mauunawaan na kailangang gawin araw-araw ang pag-aalay na ito, hindi bilang pag-uulit kundi bilang pagsasangayon. Ito ang dahilan kung bakit sinabi ng Panginoon, "Gawin ninyo ito bilang pag-alaala sa akin." At ipinaliwanag sa atin ni Apostol Pablo kung bakit natin ito dapat gawin: "Sapagkat tuwing kakain kayo ng tinapay na ito at iinom sa kopang ito, ipinapahayag ninyo ang kamatayan ng Panginoon hanggang sa kanyang muling pagparito." Ang pagpapahayag na ito ang tinatawag nating "pagsasangayon". Hindi ito katulad ng pag-alala o pagbabalik sa isip ng isang nakalipas na pangyayari; ito ay isang aktwal na karanasan ng katotohanan. Sa pakikibahagi sa Eukaristiya ay totoong iniaalay natin si Jesus sa Ama kung paanong inialay Niya ang sarili sa Kalbaryo. "Ganyan ang uri ng pagsambang ninanais ng Ama," at hindi natin ito kailangang gawin sa Jerusalem o sa bundok ng mga Samaritano. Ito ang ginagawa ng mga Cristiano mula pa noong panahon ng mga Apostol, kung saan "araw-araw silang nagsasama-sama nang matagal sa Templo, at sa kanilang mga tahanan din sa paghahati ng tinapay." Sa pamamagitan nito, dinadakila ng mga bansa ang pangalan ng Diyos.
Sa huli, tanging sa Eukaristiya lamang maaaring matupad ng isang disipulo ang turo ng Panginoon tungkol sa pagkain sa Kanyang laman na siyang tunay na Tinapay na nagmula sa langit. Tungkol dito ay sinabi Niya, "Pakatandaan ninyo: malibang kainin ninyo ang laman ng Anak ng Tao at inumin ang kanyang dugo, hindi kayo magkakaroon ng buhay...Sapagkat ang aking laman ay tunay na pagkain, at ang aking dugo ay tunay na inumin." Alam ni Jesus na marami ang maiiskandalo dahil sa katotohanang ito, pero hindi Siya pwedeng magsinungaling para sa kanila. Sila ang kailangang mamili kung tatanggapin nila nang buo ang mga salita ng Panginoon o mas pipiliin nilang hindi maniwala.

Tuesday, May 28, 2013

Hindi Kami Susunod

Unti-unting linalason ng gobyerno ang kulturang Filipino sa pamamagitan ng mga propaganda at pagsasabatas na nagmamapuri sa kasamaan at umuusig sa matuwid na daan. Nagsimula sa RH Bill, ngayon naman ay Divorce Bill, at hindi ito dito hihinto. Matagal nang nasa listahan ang abortion at same-sex marriage. Nakahanda na rin ang assisted suicide. Magkakaibang konsepto, iisa ang prinsipyo. Pare-parehong mga tao ang nagtutulak gamit ang iisang pwersa ng kaaway ng Diyos. Iba-iba ang presentasyon, iisa ang destinasyon—kamatayan.

Kontrasepsyon: sumusugpo sa buhay. Diborsyo: sumisira ng buhay. Aborsyon: kumikitil ng buhay. Homosekswal na pagsasama: pumipigil sa buhay. Suicide: tumatapos ng buhay. Satanas kaaway ng buhay, mapangwasak at sinungaling, mamamatay-tao na sa pasimula pa lamang.

Walang pakialam ang kasalukuyang gobyerno kung labag man sa Saligang Batas ang kanilang mga panukala, ang mahalaga ay maipatupad ito. Malamang na hindi rin ito magdadalawang-isip na pakialaman ang letra ng Konstitusyon kahit na labagin nito ang sariling espiritu. Dahil ang mga nabanggit na panukala at batas ay bumabasahan sa diwang maka-Filipino na kinakatawan ng Batas ng Bansa, inaari namin--mga mamamayang may panggalang sa Konstitusyon--na ang aktibong pagsalungat sa mga ito ay isang makabayang obligasyon. At dahil malinaw sa amin, na mga alagad ni Jesucristo, na ang mga ito ay labag sa batas natural, at salungat sa kautusan ng Hari ng sanlibutan, sama-sama namin sasabihin, “Dapat namin sundin ang Diyos, sa halip na mga tao.”

Ginagawa ninyo ang kalooban ng inyong ama. Ginagawa namin ang nakikita namin sa aming Ama.

"Hindi Lahat ng Filipino ay Katoliko"

Tuwing nagpoprotesta ang mga Katoliko tungkol sa mga panukalang nagbabanta o lumalabag sa kanilang pananampalataya, nagwawalang-bahala sa kanilang pagpapahalaga,  at sumusugat sa kanilang konsensya, ang laging sigaw ng kalabang panig ay, “Hindi nila pwedeng i-impose sa iba ang paniniwala nila dahil hindi lahat ng Filipino ay mga Katoliko.” Sa pandinig ng ilan, ito ay napakapraktikal na sagot; pero ang totoo, tuso ito at mapanlinlang. Pinapapaniwala nito ang ignoranteng publiko na ang ginagawa ng mga Katoliko ay isang pagpipilit ng "Katolikong moralidad" sa konsensya ng lahat, at paglabag sa kanilang karapatang mamuhay ayon sa kanilang sariling paniniwala. Pinalalabas nilang pambabraso ang pagtutol na ginagawa ng mga Katoliko, habang ang totoo ay dinidepensahan lang nila ang kanilang sarili mula sa mga pwersa na sila talagang nagtatangkang ipilit sa lahat ang kanilang paniniwala. Ang mga pwersang ito ang totoong nasa opensa. Gusto nilang katayin ang Simbahang Katoliko, at kapag sumisigaw siya ng “injustice”, dahil sa  ginagawa sa kanya, ang mabilis na tugon ng kaaway ay “bullying”. Ang katulad nito ay isang kaso kung saan ang isang batang babae ay tinatangkang halayin, at tuwing ipnagtatanggol niya ang sarili ay inaakusahan siya ng kriminal ng kalapastanganan sa nakatatanda, at ang lahat ay sumasang-ayon. Para sa nakatatandang kriminal at sa mga saksi, hindi dapat ipilit sa lahat ang pamantayang moral ng batang biktima dahil hindi lahat ay katulad niya. Kakatwa man, pero ang batang sapilitang pinagagawa ng labag sa kanyang kalooban ay siya ngayong inaakusahan ng pamimilit dahil sa kanyang pagtanggi.


Tila napakalawak at napakalalim ng kadilimang bumabalot sa kaisipan ng ilang mga Filipino, habang ang iba naman ay nananatiling lito at hindi malaman kung paano hahatulan ang mga sitwasyon. Maaaring walang karapatan ang mga Katoliko na ipilit sa iba ang kanilang prinsipyo at paniniwala, pero hindi nangangahulugan na may karaptan ang mga di-Katoliko na pasunurin sila sa mga pamantayang lumalabag sa kanilang pananampalataya. Totoong hindi lahat ng Filipino ay Katoliko, pero sapat na ang katotohanan, na may mga Filipinong Katoliko, para hindi magkaroon ng batas sibil na tumatapak sa karapatan ng mga Katoliko. Hindi na kailangang sabihin pa ang katotohanang pinakamaraming bilang ng mga Filipino ay Katoliko. Walang totoong bisa ang batas na gagamit sa buwis ng mga mamamayang Katoliko para suportahan ang mga programang lumalabag sa kanilang konsensya; ang batas na pumipilit sa isang Katolikong manggagamot na gumawa o magpayo ng isang aktong labag sa kanyang pamantayang moral at propesyonal; ang batas na humihingi sa isang nagpapatrabahong Katoliko na magbigay ng mga partikular na uri ng serbisyo at benepisyo sa kanyang mga manggagawa kahit na ito ay mangahulugan sa kanya ng pagkakasala; dahil ang mga ito ay labag sa kanyang likas at konstitusyunal na karapatan bilang tao at bilang Filipino na mamuhay ng naaayon sa kanyang paniniwalang pangrelihiyon. Hindi lamang ito totoo para sa mga Katoliko kundi sa bawat isang Filipino, dahil sa usaping ito, ang karaptan ng isa ay karapatan ng lahat.