Wednesday, December 29, 2010

Inuulit na Panalangin


Ito ay tugon sa tanong na, “Bakit nagbibigay ng bilang ang pari kung ilang beses uulitin ang ipinadadasal pagkatapos magkumpisal? Hindi ba ito labag sa turo ni Jesus na huwag gumamit ng maraming salita sa pananalangin?”

Hindi sinabi ni Jesus na huwag ninyong uulitin ang isang pormuladong dasal (tulad ng “Ama Namin” na siya mismo ang nagturo). Iniwan niya sa atin ang isang perpektong panalangin pero hindi siya nagmungkahi kung ilang beses ito dadasalin sa loob ng isang araw. Ganun pa man, inaasahan niyang uulitin natin ito bilang pagsunod sa itinuro niya. Ibinigay niya ang dasal na ito bilang tugon sa hiling ng kanyang mga alagad na turuan niya silang manalangin tulad ng pagtuturo ni Juan Bautista sa kanyang mga alagad. Hindi lamang siya nagbigay ng panuntunan o tularan sa pagdadasal, ang ibinigay niya ay ang mismong panalangin na gusto niyang gamitin natin. Alam natin na araw-araw tayo dapat magdasal – ang totoo, dapat nga ay maya’t maya o tulad ng sinasabi ni San Pablo: “Manalangin kayo nang walang tigil” (1 Th 5:17). At kung lagi tayong mananalangin, hindi ba’t lagi din tayong babalik sa tanong na, “Paano ba dapat manalangin?” At ang laging sagot ni Jesus ay, “Ganito kayo mananalangin: ‘Ama naming nasa langit, sambahin ang ngalan mo…’” Ngayon ay itanong ulit natin sa sarili, labag nga ba sa turo ni Jesus ang paulit-ulit na pananalangin o ang paggamit ng pare-parehong salita? Hindi ba’t siya ang nagbigay sa atin ng dasal na kailangan nating ulit-ulitin, araw-araw o maya’t maya? Kung babalikan ang konteksto ng pag-uusap ni Jesus at ng mga alagad sa bahaging ito, pagkatapos niyang bigkasin ang dasal na itinuro niya sa kanila ay nagkwento pa si Jesus tungkol sa mapilit na panalangin para maunawaan ng kanyang mga taga-sunod kung anong uri ng panalangin ang kinalulugdan ng Diyos – mapilit at makulit, o sa ibang salita ay determinado at paulit-ulit.

Hindi ito nangangahulugan na huwag na tayong gumamit ng ibang salita sa pagdarasal maliban sa “Panalangin ng Panginoon” o yung mas kilala natin sa tawag na “Ama Namin.” Ang punto lang ay hindi ang mismong pag-uulit ng parehong dasal ang tinutukoy ni Jesus noong sinabi niyang huwag kayong gagaya sa mga pagano. Ang totoo, ni hindi niya binanggit sa eksenang ito ang salitang “paulit-ulit” kundi “maraming salita”. Ganun pa man, hindi rin masama sa kanyang sarili ang paggamit ng maraming salita. Ang talagang tinutukoy niya ay ang mentalidad ng mga pagano sa kanilang pagdadasal, dahil iniisip nila na mas maririnig sila ng kanilang mga diyos kapag hinabaan nila ang kanilang dasal. Ipinahihiwatig ng kaisipan nilang ito na may posibilidad na hindi naririnig ng mga diyos ang ibang mga pagtawag sa ilang partikular na panahon dahil siguro ay masyadong abala ang mga diyos nila. Kumbaga sa raffle, “The more entries, the more chances of winning.” Sinasabi ni Jesus na hindi ganito ang totoong Diyos. “Alam ng inyong Ama ang inyong mga pangangailangan bago pa man ninyo hingin” (Mt 6:8). Hindi ang mismong paraan ng pananalangin ang binibigyang-pansin ni Jesus dito kundi ang kanilang konsepto ng Diyos, o ang mga paniniwala nila tungkol sa mga katangian ng Diyos. Si Jesus mismo ay tatlong beses nanalangin sa Gethsemane at pare-pareho lang ang mga salitang kanyang ginamit (cf. Mk 14:39), samantalang sa ibang bahagi naman ay gumamit siya ng maraming salita. Buong ika-17 bahagi ng Ebanghelyo ni Juan ay tungkol lang sa panalangin ni Jesus.

Ang pagdadasal ay pakikipag-usap sa Diyos. Hindi ang ginagamit nating salita ang mahalaga sa Diyos kundi ang kalagayan ng ating puso, pero ang paghubog sa puso ay nakasalalay sa konsepto natin ng katotohanan, at sa pamamagitan ng paggamit ng tamang mga salita sa pananalangin, ang ating puso ay nahuhubog sa katotohanan. Tayo ang nakikinabang sa mga salitang ating sinasabi, hindi ang Diyos. Tumatawag tayo sa tunay na Diyos hindi para mapaayon siya sa ating kalooban (tulad ng ginagawa ng mga pagano sa kanilang “mga diyos”), kundi para maiayon ang ating kalooban sa kanya. Bukod dito, sa pananalangin ay hindi lamang natin binubuksan ang ating puso sa Diyos, ipinahahayag din natin ang mga katotohanang ating pinanampalatayanan. Sa ganung paraan, ang mga katotohanang ito ay malalim na bumabaon sa ating mga puso at nagiging bahagi ng ating pagkatao. Dahil dito, tayo ay lalong nagiging kalarawan ni Jesus – hindi lamang isang lingkod kundi anak ng Diyos na ang pagkain araw-araw ay ang kanyang kalooban.

Muli, ang babala ni Jesus ay laban sa mga maling ideya tungkol sa Diyos kaya niya sinabing, “Huwag ninyong tularan ang mga pagano.” Ang pag-ulit ng parehong dasal at ang paggamit ng maraming salita – dalawang magkaibang bagay – ay hindi mabuti o masama sa kanilang sarili. Kung nagdarasal tayo ng paulit-ulit o gumagamit tayo ng maraming salita dahil iniisip natin na baka hindi tayo agad marinig ng Diyos, o kaya naman ay para magpakitang-tao, ang ating mga kamalian (errors and wrong intentions) ang nagpapasama sa ating ginagawa. Sa kabilang banda, tayong mga Cristiano ay nananalangin – maikli man o mahaba, isang beses man o paulit-ulit – upang magkaroon ng tuloy-tuloy na pakikipag-ugnayan sa Diyos, upang hubugin ang ating isip at puso sa pamamagitan ng mga katotohanang ating ipinahahayag sa pagdarasal, at para maiayon ang ating sarili sa kalooban ng Diyos. Bukod dito, ang pagpupuri sa pamamagitan ng panalangin ay hindi kailanman magiging “paulit-ulit” sa paningin ng Diyos. Hindi siya mababagot kung walang-tigil man natin siyang tatawaging Ama o sasabihin, “Luwalhati sa Ama, at sa Anak, at sa Espiritu Santo.” Sa langit ay makikita natin ang mga anghel na walang tigil na umaawit: “Banal, banal, banal ang Panginoong Diyos…” Sasabihin ba sa kanila ng Diyos, “Alam ko na yan, huwag na kayong makulit! Simula nung ginawa ko kayo hanggang ngayon, iyan na ang naririnig ko sa inyo. Tumigil na kayo, pwede?”

Ang paulit-ulit nating pagdarasal ay isang paraan ng pagpapatikim sa atin ng langit. Sa pamamagitan nito, matutuklasan natin kung gaano katamis ang pangalan ng Diyos at mararanasan ang kagalakan ng pagpupuri sa kanya. Nagdadasal tayo hindi para gamitin kundi para ibigin ang Diyos – “ito ang ating bokasyon” (1 Th 5:18)

Friday, November 26, 2010

Pasko Na Naman!

Pasko na naman! Saan kayo mamamasko o manghihingi ng aginaldo? Pangkaraniwang tanong at tema ng okasyon, di ba? Pero tama nga ba na ganito ang attitude natin tungkol sa Pasko? Sa tingin ko ay malayong-malayo ito sa kalooban ng Diyos. Ang tuwa at kasiyahang nararamdaman natin ay dapat na nagmumula sa malalim na pagkaunawa ng totoong kahulugan ng araw na ito. Ano ba ang madalas na sinasabi ng mga magulang kapag nagtatanong ang mga anak tungkol sa pagkakaroon ng Pasko? “Birthday yun ni Papa Jesus.” Pero si Jesus nga ba ang ipinagdiriwang natin? At kung kaarawan niya nga ito, ano naman sa atin? May kinalaman ba dito ang pagbili natin ng mga bagong gamit at pakikipaghabulan natin sa mga ninong, ninang, tiyuhin, tiyahin, lolo, at lola ng ating mga anak? Bakit tayo nagtatayo ng mga Christmas tree, naglalagay ng mga Christmas lantern, at nagbubukas ng mga Christmas light? Anong kinalaman sa Pasko ng mga Christmas bonus, Christmas sale, Christmas party, at kung ano-ano pang mga dinikitan ng salitang “Christmas”? At bakit sa halip na tuwa ang bumabalot sa paligid ay mas marami ang namomroblema sa pagdating ng Pasko, marami ang nagkakasamaan ng loob, at tumataas din ang bilang ng mga krimen? May kinalaman ba ang mga gawain at kasayahan natin sa awit ng mga anghel noong ipinahayag nila ang pagsilang ni Jesus: “Luwalhati sa Diyos sa kaitasan; kapayapaan sa lupa dahil pinagpapala ng Diyos ang sangkatauhan”? Kahit ang “simbang gabi” na dinadaluhan natin nang walang patlang, nagagawa ba natin itong iugnay sa araw ng Pasko at sa lahat ng pinagkakaabalhan natin sa panahong ito? O ginagawa lang natin itong “bargain” sa pag-itan ng Diyos at ng ating sarili para mangyari ang mga hinihiling natin? Sa huli, ang talagang tanong ay “Ipinagdiriwang ba talaga natin ang Pasko?”


Araw ng Bigayan

Madalas maririnig na ang Pasko ay araw ng bigayan, pero sa paraan natin ng pagbibigay sa iba, natutulungan ba natin silang matutunan ang halaga ng pagbabahagi sa kapwa; ng self-donation; ng pagiging selfless; o lalo lang silang nagiging materialistic, demanding, at hindi marunong magpasalamat? Naipapakita ba natin sa kanila ang relasyon ng Pasko at ng pagbibigay? Naididirekta ba natin ang kanilang isip at puso kay Jesus sa pamamagitan ng ating mga regalo? O baka mas alam pa nila kung ano ang kaugnayan ni Santa Claus sa Pasko? Nasasabik ba sila sa pagdating ng araw na ito dahil naipauunawa natin sa kanila kung ano ang kinalaman nito sa ating buhay o dahil inaasahan nilang mayroon ulit silang matatanggap na mga bagay? Naitatanim ba natin sa kanilang kaisipan at kultura na ito ay araw ng pagbibigay, o mas nakikita nila ito bilang araw ng paghingi at pagtanggap? Maaaring sabihin ng iba, “Mga bata pa sila, at panahon pa nila ng pagtanggap; pagtanda nila, sila naman ang magbibigay.” Siguro nga…at siguro lang! Pero mananatili pa rin ang mga naunang tanong. Sa paraan ng pagmumulat natin sa henerasyong ito ng tungkol sa Kapaskuhan, hindi natin itinuturo ang tunay na dahilan, halaga, at kinalaman nito sa ating buhay. Ang pagbibigay ng regalo o pera ay hindi automatikong magtuturo ng pagiging mapagbigay o ng pagmamalasakit sa kapwa. Hindi rin lahat ng nagsasabi ng “thank you” ay talagang nagpapasalamat. Sa kabaligtaran, mas marami pa ang nagiging makasarili dahil sa mga nakagawian tuwing Pasko. Mayroon pang iba na nag-aakalang ang pagmamano ay isang paraan ng pagsasabi ng “Pahingi ng pera,” at ang tungkulin ng mga ninong at ninang ay maghanda ng regalo tuwing sasapit ang araw na ito.


Biyaya ng Diyos

“Halina, tayo ay manalangin at nang tayo ay kanyang pagpalain.” Ano ba ang pagkaunawa natin sa biyaya ng Diyos, lalo’t higit kapag Pasko ang pinag-uusapan? Na hindi tayo matutulog nang gutom sa oras ng Noche Buena? Na sa parating na taon ay hindi na tayo kukulangin at mas magiging maalwan na ang buhay natin? Na mas magaan na ang mga susunod na problema? Hindi masama na hilingin sa Diyos ang mga bagay na ito para sa susunod na taon, pero sa ganitong paraan lang ba natin nakikita ang biyaya ng Pasko? Paano rin natin ipinauunawa sa ating mga anak ang tungkol sa pagpapala ng Diyos at kung bakit matatawag na biyaya mula sa kaitaasan ang araw na ipinagdiriwang natin? O itinuturing nga ba natin itong isang pagpapala? Kung oo, bakit marami sa atin na ito ang araw sa buong taon nila kung saan pinakanamomroblema sila nang husto? Ni itinuturing ba ng ating mga anak na mula sa Diyos ang lahat ng kanilang tinatanggap maging ito man ay ibinigay ng mga magulang, ninong at ninang, o ng mga kamag-anak? At paano natin nakikita ang biyaya ng Diyos sa kabila ng kawalan? Siguro ay narinig na ng marami sa atin ang ekspresyon na “Paskong tuyo” na ang ibig sabihin ay walang Noche Buena, at sa halip ay ang pinakamumurahing ulam (o minsan ay wala pa) ang nakahanda para sa hapunan. Maituturing ba nating pinagpala ang ating Pasko kahit na wala man lang tayong maisabit na parol, o mapagsaluhan kahit isang pirasong hopia? Ano ba ang basehan ng isang mabiyayang Pasko?

Ang Mga Hindi Ko Ginagawa Kapag Pasko

Dalawa sa apat kong pamangkin ay mga inaanak ko pero hindi ko sila binigyan ng regalo o ng pera sa loob ng unang limang taon, at wala pa rin akong balak gawin yun ngayon. Hindi Pasko ang araw ng pagbibigay ko sa kanila, at hindi rin nakabalot sa papel ang tinatanggap nila mula sa akin. Sa bawat pagkikita namin ay ibinibigay ko sa kanila ang aking pagmamahal bilang tito at bilang pangalawang tatay, hindi lang sa pangalan kundi sa aktwalidad. May mga pagkakataon noong mas malapit pa ako sa lugar nila na ako mismo ang nag-aalaga sa kanila sa buong maghapon. Ginagawa ko rin ang lahat ng paraan na alam ko para maging parang magkakapatid ang turingan nila ng anak ko na halos kasing edad nila.

Sa loob ng apat na taon, hindi ko binabanggit ang pangalang Santa Claus o ang salitang “papasko” sa panganay kong anak, maliban noong tinanong niya kung sino yung sumasayaw na display sa isang tindahan na pinuntahan namin. Noon niya lang narinig ang pangalang Santa Claus, at bukod doon ay wala na akong ibang sinabi tungkol sa kanya. Hindi ako nagsasalita ng tungkol sa medyas na nakasabit sa Christmas tree o sa bintana, o tungkol sa red-nose reindeer, o kahit ano pa.

Hindi ko iniuugnay ang mga salitang “ninong” at “ninang” sa Pasko o sa regalo. Alam ng anak ko na minsan ay may ibinibigay sa kanya ang mga ninang niya pero hindi dahil tungkulin nilang magbigay o dahil may okasyon, kundi sa parehong dahilan din kung bakit may ibang mga tao na nagbibigay sa kanya ng mga gamit o pera. Para sa kanya, walang kinalaman ang Pasko sa pagtanggap ng regalo.

Hindi ko ikinukulong ang salitang “regalo” sa loob ng pambalot. Ipinapaunawa ko sa anak ko na ang bawat bagay o pabor na tinatanggap niya nang walang kapalit ay regalo, lalo’t higit ang mga biyaya ng Diyos – pagkain, inumin, damit, bahay, hininga, buhay, lakas, pamilya, talino, paggabay, at iba pang mga tinatanggap namin sa pamamagitan man ng paggawa (sweldo) o mula sa ibang tao (libre).

Hindi ko isinasabay o iniuugnay sa Pasko ang pagbibigay ko ng regalo. Maaaring bilhin ko sa Disyembre ang bagay na gusto ng anak ko o ng mga inaanak ko pero hindi ibig sabihin ay Christmas gift o papasko ko yun sa kanila.

Ang Pagsilang ni Jesus at Ang Karangalan ng Tao

Bukod sa Muling Pagkabuhay na sukdulan ng ating mga pagdiriwang bilang mga Cristiano, ang pagsilang ni Jesus ay dapat rin na magdala sa atin ng dakilang kagalakan, dahil hindi lamang siya bumaba sa lupa para mamatay. Sa kanyang pagiging tao ay itinaas niya ang ating dignidad. Ang Diyos, sa pamamagitan ni Jesus, ay naging kaisang-kalikasan natin. Siya ay nakipamuhay sa atin at naging katulad natin sa lahat ng bagay maliban sa kasalanan. Ipinakita niya sa atin ang kaganapan ng pagiging tao at kung paano natin dapat tingnan ang ating sarili. Siya ay totoong tao na dumanas ng mga totoong problema. Bagamat siya ay Diyos, dinala niya ang lahat ng mga pasanin sa buhay na ito bilang tao – mga pasaning higit na mabigat kaysa kaninuman. Totoo ang kanyang takot sa pagpapakasakit at kamatayan, at totoo na gugustuhin niya itong maiwasan kung posible, pero sa kabila nito ay higit pa rin ang pag-ibig niya sa Ama at sa tao kung kaya kusa niyang tinanggap ang kalooban ng Diyos. Sa kanyang pagsilang at pamumuhay ay inialis niya tayo sa ating abang kalagayan. Gaya ng sinasabi ng awit na “O Holy Night”, nakilala at naramdaman ng tao ang tunay niyang halaga noong dumating si Jesus – “the soul felt its worth.” Nakikita ba natin ang halaga ng ating kaluluwa at pagkatao sa diwa ng Pasko?

Ang Pangkaraniwan at Banal na Pamilya ni Jesus

Katulad ng lahat ng mga pamilya sa mundo, ang kay Jesus ay namuhay din bilang tao – walang kasiguruhan, nalalagay sa panganib, at may mga problema. Sa umpisa pa lang ay nagdulot na ng  malalim na isipin para kay Maria ang maituturing sanang mabuting balita. Noong nagpakita sa kanya ang anghel na si Gabriel para ipaalam sa kanya ang plano ng Diyos, at para hingin ang kanyang pagsang-ayon, si Maria ay hindi pa kasama ni Jose sa kanyang bahay; siya ay birhen. Isang napakalaking iskandalo na maaaring magdulot sa kanya ng kamatayan ang dalang balita ng anghel kung pagbabasehan ang batas ng mga Judio. Si Jose ay namroblema din sa sitwasyong ito nang matagpuan niyang nagdadalantao si Maria gayong alam niyang hindi siya ang ama. Noong nagpatawag ng “census” ang emperador ay kabuwanan na ni Maria at malamang na malalagay sila sa alanganing sitwasyon kung maglalakbay sila sa panahon iyon – at ganun nga ang nangyari. Nanganak si Maria habang sila ay nasa Betlehem, at sa dami ng tao ay wala na silang nakuhang maayos na lugar para isilang ang kanilang anak. Mayroong ipinapanganak sa ospital at mayroon sa bahay, pero si Jesus ay ipinanganak sa kulungan ng mga hayop, at pakainan ang una niyang higaan. Dala ni Maria sa buong buhay niya ang mga salita ni Simeon, kasama ang hula tungkol sa kanya mismo na siya ay magdaranas ng matinding sakit ng kalooban. Hindi namuhay sa kaginhawan sina Jose, Maria, at Jesus dahil lang sila ang pamilyang pinili ng Diyos. Sa kabaligtaran, sila ang pamilyang may pinakamatitinding pagsubok na dinaanan. Ano kaya ang maiisip at mararamdaman natin kung tayo ay hinahabol ng mga pwersa ng pamahalaan para agawin at patayin ang ating anak? Hindi ba’t nakapangingilabot itong isipin man lang? Pero ganito ang nangyari sa ama at ina ni Jesus na pinaghahanap ng mga tauhan ng hari, hindi para dalawin ang sanggol kundi para patayin ito.

Ang pamilya ni Jesus ay matatawag na simple dahil sa kanilang payak na pamumuhay. Si Jesus mismo ay karpintero tulad ni Jose. Pero kung mga problema ang pag-uusapan, masyadong komplikado ang buhay nila. Hindi sila nawawalan ng mga dalahin. Ito rin ang dahilan kung bakit sila naging banal na pamilya: dahil patuloy silang nagtitiwala sa pag-ibig ng Diyos sa kabila ng mga sitwasyon sa kanilang buhay. Nakikilala ba natin ang pakikisangkot ng Diyos sa ating buhay sa kabila ng mga sitwasyong hindi umaayon sa ating mga plano, o nasasabi lang natin na mabuti ang Diyos kapag sa tingin natin ay nalutas na ang mga problema? Nakikita din ba natin ang kaugnayan ng kabanalan, ng pagiging payak, at ng mga pagsubok sa buhay sa diwa ng Pasko?

Ang Pagsilang ni Jesus at Ang Pagtatanggol sa Buhay

Buhat nang magkasala ang tao, nalulong na ito sa pagkakasala, dumilim ang pangangatwiran, at nalito na tungkol sa kahalagahan ng mga bagay. Libong mga taon bago pa man isinilang si Jesus ay bahagi na ng ibang kultura ang aborsyon, pagpatay sa bagong silang na sanggol, at pagpapakabaog, pansamantala man o permanente. Ang pagpapakabaog na ito ay katumbas sa ating panahon ng tinatawag ng kontrasepsyon na mayroon din pansamantala at panghabambuhay. Marami sa mga Katolikong Filipino na nagsisimba tuwing Linggo o higit pa sa isang beses kada linggo ay walang anumang pagtutol sa ideya ng kontrasepsyon. Ang ilan ay aktwal na gumagawa nito. Kaswal lang din na maririnig sa kanila ang tanong na, “Nagpatali ka na ba?” na para bang bahagi ng pagiging ina ang pagpapatali o anumang uri ng sinasadyang pagpapakabaog. May iba naman na umaaming masama ang aborsyon pero gumagawa, nagpapayo, o nag-uutos nito “kung kailangan”, lalo na kung ang kanilang anak ay nabuntis na walang asawa. Sa pagsilang ni Jesus ay muli niyang pinanibago ang kagalakan sa pagdating ng bawat sanggol sa mundo. Kung paanong nagalak at nagpuri ang mga anghel sa kapanganakan ni Jesus, napupuno rin ng kagalakan ang langit tuwing mayroong isinisilang sa lupa – hindi lamang kapag malusog ang bata o walang problemang medikal. Sa kabaligtaran, sigaw naman ng paghihiganti ang naririnig ng Diyos mula sa dugo ng mga sanggol na pinatay sa loob ng sinapupunan. Ang mga nagtatangka naman na gawing baog ang pagtatalik ay nagiging kasuklam-suklam sa paningin ng Diyos tulad ni Onan na itinatapon ang kanyang binhi. Nagbigay ng babala si Jesus laban sa mga nag-iisip at gumagawa ng masama sa mga bata (nasa sinapupunan man o naisilang na) dahil ang kanilang mga anghel ay nasa harapan ng Diyos sa bawat sandali.

Ang pagsilang ng isang sanggol ay pagpapala mula sa Diyos, hindi lamang kapag inaasahan ang kanyang pagdating o kung totoong bunga siya ng pagmamahalan ng dalawang tao o kapag may kakayahang pinansyal ang kanyang mga magulang. Maraming mga bulaan ang nagsasabi na “magiging tunay na biyaya” ang mga anak kung ang pagdadalantao ng ina ay planado at ginusto. Ang esensya ng anumang biyaya ay hindi nakadepende sa tumatanggap nito kundi sa Diyos mismo kung kanino ito nagmula. Sinasabi nila na ang dapat sana ay pagpapala ay nagiging sumpa para sa mga magulang kapag nagkakaroon ng hindi sinasadyang pagdadalantao na lalong nagdudulot ng kahirapan.

Ngayon, higit kailanman, ang panahon para maging Katoliko sa totoong buhay at hindi lamang sa mga ritwal, pagpipista, at mga panlabas na pagpapahayag ng pagiging Cristiano. Ang buhay at dignidad ng tao ay inaatake sa kabi-kabilang panig, at tulad noong una pa, ang mga inosente at ang mga mahihina ang madalas na biktima – ang mga sanggol sa sinapupunan, ang mga may sakit o kapansanan, ang matatanda, ang mga itinuturing na di-nararapat, at ang mga wala sa sariling bansa. Kung Katoliko lamang tayo sa loob ng simbahan, si Jesus ay nagbibigay ng babala sa atin: “Hindi lahat ng nagsasabi sa akin: Panginoon! Panginoon! ay makapapasok sa kaharian ng langit kundi ang gumagawa sa kalooban ng aking Amang nasa langit.” Kahit pa sabihin natin sa kanya na nagsalita tayo sa pangalan niya o ipinangaral natin siya sa iba o walong beses tayo nagsisimba sa loob ng pitong araw o hindi tayo lumiban sa pagsali sa mga prosisyon o nagbibigay tayo ng malaki para sa mga proyekto ng parokya o dalawampung misteryo ng Rosaryo ang dinadasal natin araw-araw at apat na Angelus sa isang araw, sasabihin pa rin niya sa atin sa huling araw: “Hindi ko kayo nakikilala. Lumayo kayo sa akin mga mapaggawa ng masama.” Ang pananahimik sa kabila ng hayagang mga pag-atake sa totoong halaga at kahulugan ng buhay ay katulad din ng pagsang-ayon sa masamang gawaing ito. Ang tahasang pakikiisa sa makakontraseptibo at makakamatayang kultura ay pagiging kaaway ng Diyos na siyang may-akda at pinagmumulan ng buhay.

Ang Pasko ay tungkol sa muling pagpapakilala ng Diyos sa tao tungkol sa kahalagahan ng buhay ayon sa sarili nitong kahulugan at tunay na esensya, at hindi ayon sa pagkaunawa ng karamihan o sa kahulugang gustong ibigay dito ng ilang nasa kapangyarihan. Ang pagtatagpo nina Jesus at Juan Bautista, na noon ay parehong nasa sinapupunan ng kanilang mga ina, ang nagbigay-patotoo sa katotohanang kamakailan lamang napatunayan ng siyensya: na ang buhay ng tao ay nagsisimula sa paglilihi o “conception”. Siguro ay may iba-ibang ideya ang mga Filipino kung kailan nangyayari ang paglilihi, pero sa usaping siyentipiko, ito ay nangyayari kapag nagsama na ang binhi ng lalaki at ng babae. Anumang pakikialam sa bahaging ito para pigilan ang pagdadalantao ay isang uri ng aborsyon o pagpatay ng tao. Sa kabila nito, hindi pa rin tinututulan ng maraming mga Cristiano ang paggamit ng mga kasangkapan at kemikal na nagdudulot ng aborsyon tulad ng hormonal pills at IUD. Ipinauunawa sa atin ng pagdating ni Jesus, na ang buhay ng tao ay hindi lamang para sa daigdig na ito, kundi para sa makalangit na Jerusalem – sa bahay ng Ama kung saan ang bawat isa ay ipinaghanda ni Jesus ng matutuluyan. Sa kabilang banda, ang mga ignorante at ang mga sarado sa kalooban ng Diyos ay walang anumang ideya tungkol sa tunay na diwa ng Inkarnasyon.

Pasko at Diwa ng Paglilingkod

Si Jesus ay dumating hindi para paglingkuran bilang Diyos kundi para ipakita sa tao kung paano dapat maglingkod, at para ipaalala sa bawat isa ang pananagutan sa ikabubuti at ikasasama ng kanyang kapwa. Ang tunay na pagdiriwang ng Pasko ay ang araw-araw na pagsisikap na mapaglingkuran si Jesus sa pamamagitan ng ibang tao, lalo’t higit sa anyo ng mahihirap, ng mga nawawalan ng pag-asa, ng mga mahihina, at ng mga nangangailangan ng kaibigan. Ang Pasko ay araw din para paalalahanan ang ating sarili na dapat nating ikahiya ang ating kayabangan. Sa araw na ito, ang Diyos na kumpleto na sa kanyang sarili at walang kailangang sinuman o anuman ay nagpakababa – mas mababa pa sa mga anghel at mas mababa pa sa mga pangkaraniwang tao. Ang Manlilikha ay naging nilikha, at ang Panginoon ay naging alipin, habang tayong mga nilikha ay umaastang parang mga diyos at naghahangad na mapaglingkuran sa halip na maglingkod. Inialay ng Diyos ang kanyang sarili para sa atin sa halip na tayo ang mag-alay ng ating buhay (sa lahat ng aspeto nito) sa Diyos. Ang araw ng Pasko ay panahon para muling lagyan ng langis ang ating mga ilawan at maghanda para sa paglilingkod.

Araw ng Pasasalamat

Sa halip na isiping ang Pasko ay araw ng pagtanggap ng mga regalo mula sa mga ninong, ninang, at mga kamag-anak, higit na dapat pag-ukulan ng pansin ang katotohanan na natanggap na natin ang lahat ng mabubuting bagay noong tinanggap natin si Jesus dahil siya ang lahat. Siya ang regalo ng Ama sa sangkatauhang nawalan na ng kahulugan buhat noong ito ay magkasala. Ang Pasko ay hindi araw ng bagong damit o bagong sapatos, ito ay araw ng bagong puso. Alalahanin natin sa araw na ito ang pangako ng Diyos: “Bibigyan ko kayo ng isang bagong puso at pagkakalooban ko kayo ng isang bagong espiritu,” dahil si Jesus ang katuparan nito. Siya ang Mabuting Balita at ang sentro ng Pasko. Kaya sa halip na paghingi kay Santa Claus ay pagkilala sa regalo ng Diyos ang dapat na nasa puso ng bawat taong nagdiriwang ng Pasko. Naliligo ka man sa dagat ng basura o nagpapasko sa gitna ng kalsada, ang araw na ito ay mananatiling araw ng pasasalamat dahil walang anumang kahirapan o kawalan ang magpapawalang kahulugan sa tunay na diwa ng pagsilang ni Jesus.

Pasko at Kahirapan

Ang kahirapan ay hindi mabuti o masama sa kanyang sarili, pero ito ay sumasalamin sa hindi pantay-pantay na pagtuturingan ng mga tao. Ipinapakita nito ang kawalan ng pakialam at pagkamakasarili ng marami. Hindi dapat umiiral ang sapilitang karukhaan sa isang maka-Diyos na lipunan. Sa kasawiampalad, mas marami ang hindi namumuhay ayon sa kalooban ng Diyos, at ipinapakita rin ng ating karanasan na lalo pang dumarami ang mga naghihirap. Sa kabila nito, marami rin mga Cristiano ang patuloy na tumutulong para maiangat ang kabuhayan ng kanilang kapwa, mananampalataya man o hindi. Isa rin ito sa ating mga tungkulin bilang mga Katoliko: ang gamitin ang ating talento at kakayahan para makatulong sa iba.

Bagamat ang kahirapan ay bunga ng pag-iral ng hindi sapat na katarungan, hindi ito dapat maging dahilan para ang sinuman ay mawalan ng pag-asa. Ang Pasko ay nagbibigay ng kahulugan sa lahat ng karanasan, kasama na ang kahirapan. Sa pagsilang ni Jesus sa isang abang kalagayan ay nakikita natin ang katotohanan na hindi tayo nag-iisa sa ating karukhaang pangmateryal at pang-espiritwal. Ang Diyos ay hindi banyaga sa kahirapang pantao dahil naranasan niya ito sa pamamagitan ni Cristo. Higit pa sa sapat ang kanyang pusong-Diyos para maunawaan ang mga pasakit ng tao, pero pinili niyang maranasan ito sa kanyang sarili mismo, kung kaya makapagtitiwala tayo na ang Diyos ay kaisa natin sa anumang uri ng paghihirap na ating nararanasan. Sinasamahan niya tayo kung pinapayagan natin siya. Sa pagdating ni Jesus ay nakita natin sa isang bagong liwanag ang lahat ng uri ng paghihirap sa mundo at natulungan tayong hanapin ang kahulugan nito. Sa pamumuhay sa lupa ng Anak ng Diyos ay nakita natin kung paano niya hinarap ang realidad ng buhay. Hindi niya tinakasan ang alinmang pasakit sa katawan at sa kalooban na kailangan niyang pagdaanan. Dahil dito ay nabibigyan tayo ng kasiguruhan na ang mga ito ay makapagdudulot ng kabutihan. Sinasabi ni San Pablo sa kanyang sulat sa mga Romano na kung kasama tayo ni Jesus sa pagpapakasakit, kasama niya rin tayo sa kaluwalhatian. Ang diwa ng Pasko ay makapagbibigay sa atin ng panibagong lakas para harapin ang buhay. Kung tayo man ay mahirap, sikapin nating magkaroon ng sapat sa pamamagitan ng sipag sa paggawa ng tama, talino sa pagpapasya kung paano gamitin ang maliit na ipinagkaloob sa atin, at determinasyon na maiangat ang estado ng ating pamumuhay upang pagkatapos nating makabangon ay matulungan naman natin na makatayo din ang iba. Kung tayo naman ay nakakaangat sa buhay, mag-ingat tayo na maipagkatiwala sa yaman ang ating kapalaran dahil tanging ang Diyos lang ang nararapat sa ating pagtitiwala. Hindi dapat isipin ninuman na ang anumang nasa kanya ay talagang kanya. Tayo ay mga katiwala ng yaman ng Diyos at tagapangalaga ng ating mga kapatid. Ang sukdulang paghihirap ng marami ay bunga ng malabis at makasariling pamumuhay ng iilan. Huwag nating hayaan na mapasama tayo sa iilan na ito. Mas mabuti pa ang maging mahirap para sa Kaharian kaysa maging mayaman para sa kapahamakan. Kilalanin natin kung sino tayo sa harapan ng Diyos sa tulong ng pag-unawa sa tunay na diwa ng Pasko.

Pasko at Kalayaan

Maging bilanggo man ng pisikal na rehas, ng karukhaan, ng kasalanan, ng hindi mapigilang mga damdamin, ng galit, ng karamdaman, ng adiksyon sa iba-ibang bagay, ng umiiral na sistema, o  ng kawalang-katarungan sa mundo, ang Pasko ay araw ng ating kalayaan. Ito ay pagkakataon para gunitain at maranasan ang pag-ibig at katotohanan na nagpapalaya sa atin. Anuman ang tinatawag nating bilangguan sa ating buhay, at gaano man kakapal ang mga rehas nito, hayaan nating ipaunawa ng Espiritu ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa atin dahil ito lamang ang magbibigay sa atin ng dahilan para masabing, “Malaya na ako.” Tayo ay nasa mundo pero hindi tayo sa mundo. Dahil sa pag-ibig na ipinararanas ng Diyos sa atin sa pamamagitan ni Jesus ay magagawa nating umangat at lumampas (transcend) sa mundo at sa mga bagay nito. Hindi na natin kailangang tawaging “sumpa” o “impyerno” ang mga sitwasyon at pangyayari na nagdudulot sa atin ng matinding mga pasakit, dahil nakikita na natin ang lahat ng ito sa isang bagong dimensyon. Nauunawaan natin na gaano man kapangit sa paningin ang ating mga sitwasyon, ang lahat ng bagay ay gumagawang sama-sama para sa kabutihan ng mga nagmamahal sa Diyos. Maaaring mayroon kang chismosang kapitbahay o makulit na nanay o drug addict na anak o palaaway na kapatid o inggiterong katrabaho, o mayroon kang pangmatagalan at lumalalang karamdaman o isang beses ka lang kumakain sa isang araw o hindi mo maiwasan ang isang bisyo o nakakasakit ka nang hindi mo sinasadya o hindi ka makawala sa isang sitwasyon na matagal mo nang gustong matakasan. Kung uunawain natin ang diwa ng Pasko at hahangarin ang kalayaang iniaalok sa atin ng Diyos, unti-unti nating makikita ang mga bagay sa pamamagitan ng mata ng pananampalataya. Hindi ito nangangahulugan na mawawala na ang kapitbahay na chismosa o gagaling na ang anumang karamdaman, pero makikita natin ang kamay ng Diyos na gumagalaw sa ating mga sitwasyon; na hindi tayo pinaglalaruan ng tadhana; na may kahulugan ang lahat; at para sa ikabubuti natin ang pagtitiwala sa Diyos sa kabila ng hindi natin maunawaan na mga pangyayari sa ating buhay. Gaano man katagal, buong-tiwala tayong maghintay sa mga solusyon na inihanda ng Diyos. Hindi natin kailangang sumbatan ang Diyos sa hindi niya agad pagkilos ayon sa naiisip nating paraan dahil ito ay paghamak sa kanyang karunungan. Ayon kay Haring David, ang naghihintay sa Panginoon ay magkakamit ng mana. Noong dumating si Jesus at tinanggap natin siya, sigurado na ang ating panalo. Anuman ang mga sitwasyong wala na sa ating kontrol ay walang takot nating maipagkakatiwala sa Diyos, dahil sa huli ay kasama niya tayong magtatagumpay. “Sa mamatay man o mabuhay, tayo ay sa Panginoon.”

Layunin ng Sumulat

Alam kong hindi sapat ang kakayahan ng isip ko para tuklasin ang kabuuan ng malawak na kahulugan at kabuluhan ng pagdating ng Anak ng Diyos sa kalikasang-tao. Isinulat ko lang ito para tulungan ang sarili na suriin ang aking pagka-Cristiano, para magbaka-sakaling ako ay makatulong na mabuksan ang isip ng mga nangangailangan ng paliwanag, at higit sa lahat ay para magbigay na kahit kaunting pag-asa sa mga nag-aakalang ang buhay ay isang sapilitang regalo na kailangan lang ipamuhay dahil “nandyan na”. Noong mas bata pa ako ay iniisip ko ang kabuluhan sa linya ng isang kantang nagsasabi, “Di ko ninais na ako’y isilang, ngunit salamat dahil may buhay.” Sinasabi ko sa sarili ko na mas mabuti pa rin ang kapalaran ng mga hindi namuhay sa mundo dahil hindi na nila naranasan ang paghihirap dito. Siguro ay marami sa atin ang ganito mag-isip, at kung papipiliin ay mas mamatamisin pang hindi na lang sila nag-umpisang mabuhay. Hindi maikukumpara ang ating karunungan sa karunungan ng Diyos. Ang paglikha sa tao ay bunga ng nag-uumapaw na pag-ibig ng Diyos, at wala nang mas mabuti pa kaysa sa mga pasya niya. Kung linikha niya ako, iyon ay dahil ito ang pinakamabuti para sa akin, at wala na akong maimumungkahing mas mabuti pa. Ang buhay ay hindi sapilitang regalo. Kung tunay lang na nauunawaan natin ang plano ng Diyos sa ating buhay, hindi natin tatanggihan ang regalong ito kung sakali man na mangyaring tanungin muna tayo ng Diyos bago niya tayo likhain. Sa halip na pag-ubusan natin ng panahon ang walang silbi at walang katapusang mga reklamo sa buhay; at sa halip na isipin nating mas mabuti pang hindi tayo isinilang, ang totoong mabuting gawin ay kilalanin natin ang kalooban ng Diyos para sa atin dahil dito lang tayo magiging tunay na masaya at magkakaroon ng kahulugan sa buhay.

Pasko na naman! Huwag na nating palampasin ang panibagong Pasko nang hindi natin nauunawaan ang halaga nito. Dumating ang Anak ng Diyos para magkaroon tayo ng makabuluhang buhay. Kalimutan na natin ang tungkol sa paghingi, sa halip ay isipin natin kung paano maibabahagi sa iba ang ating sarili. Lagi lang sasama ang loob natin kapag hindi nangyari ang gusto natin o hindi natin natanggap ang inaasahan natin, pero kung ang pagsunod sa kalooban ng Diyos ang magiging pang-araw-araw nating buhay, matututunan nating lampasan ang ating sarili, ang mga makamundong paghahangad, at ang mga materyal na bagay. Sabi nga ng isang awit: “Sapat nang si Jesus ang kasama mo, tuloy na tuloy pa rin ang Pasko.” Hindi na sanggol si Jesus, at wala siyang children’s party na pwede nating daluhan. Dalawang-libong taon na ang lumipas mula noong siya ay isilang, huwag nating hayaang ang dalawang-libong taon na kasaysayan ng ating kaligtasan ay hindi natin mapakinabangan. Kung talagang mahilig tayo sa mga regalo at mga handaan, ito ang hangarin natin: ang makasalo si Jesus sa malaking bangkete na inihanda niya para sa tagumpay ng mga tapat sa Diyos.

Monday, June 7, 2010

Kontrasepsyon: Moralidad at Praktikalidad

Bakit itinuturing na masama ang kontrasepsyon sa kanyang sarili? Ang kasagutan sa tanong na ito ay humihingi ng talino, malinaw na paghatol, katapatan sa sarili, at bukas na kaisipan. Mawawalang halaga lang ang anumang pagtatangkang makarating sa katotohanan kung walang kahandaan na iwanan ang nakasanayang mga paniniwala. Sa maling paraan at dahilan ay inaakala at ipinamamalita ng maraming tao, kasama na ang media, na ang Simbahan ay tutol sa kontrasepsyon dahil ito ay walang pinagkaiba sa aborsyon. Ito ay isang burarang pamamahayag. Walang matino at impormadong tao ang magsasabing ang kontrasepsyon at aborsyon ay pareho lang. Ang Simbahang Katoliko ay hindi kulang sa bilang ng mga dalubhasa sa larangan ng panggagamot, parmasyotika, biyolohiya, at iba pang mga disiplinang may kinalaman sa usapin ng kontrasepsyon.

Sa anumang usaping moral, ang nag-iisa at laging tamang tanong ay, “Linalabag ba nito ang batas ng kalikasan?” Dito magmumula ang mas malawak na mga pagsasaliksik at pagsusuri. Pagkatapos ng masusing pag-aaral, hinahatulan ang usapin ayon sa prinsipyo at pananampalatayang Katoliko. Ang pagkilala at pagrespetong ito ng mga tao ang dahilan kung bakit tinatangka ng industriya ng kontrasepsyon na alisin sa isip ng karamihan ang salitang “artipisyal”. Tuwing ikinukumpara nila ang dalawang uri ng family planning, tinatawag nila itong natural at modern, na kung iisipin ay dalawang salitang hindi maaaring ikumpara. Sa halip na ipahiwatig na ang pamamaraang artipisyal ay salungat sa paraan ng kalikasan, ginagamit nila ang salitang “modern” para alisin sa malalim na bahagi ng kamalayan ng tao ang implikasyon ng salitang “artificial” sa kalusugan ng isang babae. Isa pang layunin sa likod ng katagang ito ay ipahiwatig na ang natural na paraan ng pamamahala ng panganganak, bagamat maaaring gamitin at maging epektibo, ay nararapat sa mas malaking pag-aalinlangan dahil sa pagiging “luma” nito, habang ang artipisyal ay “moderno”. Ito ay isang malaking panlilinlang. Ang artipisyal na kontrasepsyon ay hindi isang makabagong konsepto; mas matanda pa ito sa Cristianismo. Kaya naman, hindi na rin bago ang usaping ito sa buhay ng Simbahan. Ang ideya ng IUD, halimbawa, ay ginagamit para sa mga kamelyo, libong mga taon na ang nakakaraan. Ginagawa nila ito sa pamamagitan ng paglalagay ng graba sa loob ng bahay-bata ng hayop para hindi nito tanggapin ang bilig (embryo). Ang spermicide ay ginagamit kapwa ng hayop at ng mga babaeng bayaran. Madalas ay gawa ito sa pinaghalo-halong mga katas at kemikal na kinabibilangan din ng dumi ng buwaya o ihi ng mga hayop. Hindi rin bago ang mga iniinom na mga kontraseptibo, at ito ay ginagawa ng mga mangkukulam o mga tagahalo ng kemikal. Ang mga apostol mismo ay namuhay sa gitna ng mga taong lulong sa ganitong mga gawain. Noong AD 225 ay binanggit ni Hippolytus ang tungkol sa kemikal na pampabaog (drugs of sterility) na ginagamit ng mga babae dahil ayaw nilang magkaanak sa mga alipin o sa mga pangkaraniwan. Kinondena din ni Juan Chrysostomo noong AD 391 ang paggamit nito, at inilarawan niya ito bilang “worse than murder”, dahil pinagtatangkaan nito at pinapatay ang hindi pa man isinisilang. Ang pagtawag sa mga bagong kayarian o sangkap ng kontraseptibo bilang “moderno” ay isang pagtatangkang iligaw ang kamalayan ng marami tungkol sa pagiging luma at artipisyal nito. Ang mapanlinlang na paraan ng pagpapakilala sa mga kontraseptibo ay nagpapahiwatig ng masamang kaisipan ng mga tagapagtaguyod nito.

Paano matutukoy kung ang kontrasepsyon ay lubos na masama o maaaring isaalang-alang? Para masagot ito, kailangang bumalik sa simula: para saan ba ang pagtatalik? Kung gagamitin ang bait, madaling makikita na ang katawan ng babae at lalaki ay sadyang dinisenyo (hindi aksidente lang) para sa pagpapalaganap ng sangkatauhan. Ang pamumunga ng sinapupunan ay hindi opsyonal. Simple lang ang batas ng kalikasan: kung makikipagtalik ka, asahan mong mamumunga ito. Hindi ito nangangahulugan na sinasadya mong magdalantao, sa halip ay kinikilala mo at iginagalang ang takbo ng kalikasan. Maraming mga ignorante ang nagsasabing itinataguyod ng Simbahan ang pagpaparami ng anak, pero kung imumulat ang mata at gagamitin ang isip, madaling mahalata na ang Simbahan ang isa sa mga dahilan kung bakit may mga lalaki at babaeng walang asawa at mga anak, bagamat ito ay kanilang sarili at malayang pasya. Ganun din, ang Simbahan ang nagbibigay ng pinakasiguradong paraan para mag-agwat sa panganganak. May mas sigurado pa ba sa “sexual abstinence”? Higit na mas malaki sana ang populasyon ng tao ngayon kung hindi dahil sa iba’t ibang mga disiplina ng Simbahan. Ang pagiging bukas sa buhay (open to life) ay hindi katumbas ng pagkakaroon ng maraming anak. Ito ay disposisyon ng isip kung saan ang kalikasan ng pagtatalik ay rinirespeto sa kabuuan nito. Taglay ang lubos na pagkakilala sa layunin ng pag-aasawa, sekswalidad, at pakikipagtalik, dapat suriin kung ang konsepto at pagsasagawa ng kontrasepsyon ay sumasalungat dito.

Unang-una, nagpapakita ba ng paggalang ang kontrasepsyon sa relasyon ng mag-asawa? Sa harap ng komunidad at sa harap ng Diyos ay nangako ang mag-asawa na ipagkakaloob ang buong sarili sa isa’t isa, at kasama dito, higit sa lahat ang pag-ibig na nagbibigay buhay (life-giving love), kung paanong ang pagbibigay ni Jesus sa atin ng kanyang buong sarili ay nagsilang sa atin sa isang bagong buhay. Ang kontrasepsyon ay isang kasinungalingan kung saan ihinaharap natin ang sarili bilang mangingibig na walang ipinagkakait, sa halip ay ibinibigay nang buong-buo ang pagkatao, habang ang totoo ay gusto lang natin kunin ang pansariling pakinabang sa pagtatalik nang walang intensyon na ibahagi ang ating buhay. Sa paraan natin ng pag-iisip ngayon, mahirap para sa marami ang unawain ang kahulugan nito, pero ano ang magiging kahulugan sa iyo ng isang Cristo na dumating sa lupa at ipinahayag sa atin ang kanyang pag-ibig pero ipinagkait sa atin ang isang bagong buhay; hindi ba ito ay isang kasinungalingan? Ang anumang pakikipagtalik (simbolo at akto ng pag-ibig) na may hangaring ipagkait ang posibilidad ng bagong buhay ay isang akto ng pagsisinungaling at panggagamit. Halos wala itong pinagkaiba sa pakikipagtalik sa isang masamang babae (o lalaki), kung saan ang pangunahing layunin ay palayawin ang katawan.

Pangalawa, ano ang konsekwensyang moral ng kontrasepsyon sa mag-asawa? Dahil sa mababaw na pananaw na dulot ng kontraseptibong kaisipan, mahirap para sa maraming mga lalaki (at mga babae) ang tingnan ang kabiyak nang higit sa pisikal na antas. Bilang konsekwensya, nagiging mahirap din hanapan ng kahulugan ang pagiging matapat, ang pagbibigay ng sarili, at ang pagtatanggol sa samahan at pamilya tuwing nagkakaroon ng mabigat na salungatan ang mag-asawa. Sa huli ay nagdudulot ito sa marami ng pakikiapid, sa isip man o sa gawa.

Pangatlo, ano ang epekto ng kontrasepsyon sa relasyon ng pamilya? Dahil ang kontraseptibong mentalidad ay humuhubog ng isang mababaw na pagtingin sa halaga ng buhay, maraming mga anak ang nagiging “unwelcome” sa mga magulang at sa buong pamilya. Nagiging basehan ng halaga ng tao ang nakikitang pakinabang nito. Ang walang silbi ay walang halaga. Hindi nito nakikita ang likas na halaga ng bawat indibidwal. Dahil dito, ang “walang pakinabang” ay hindi magawang mahalin, at ang hindi inaasahang pagdadalantao ay sapilitan lang na tinatanggap.


Kung iisipin, ang ekspresyon na “unexpected pregnancy” ay nagpapakita ng pagiging ignorante at iresponsable. Ang taong marunong ay nakakakilala sa resulta ng kanyang ginagawa, dahil kung hindi, tatalon siya sa bangin nang walang kamalay-malay na mamamatay siya. Ang mag-akala ng kabaligtaran ay isang mangmang. Hindi ka gagaling sa anumang karamdaman o kaya ay hahaba ang buhay kapag tumalon ka sa mas mataas pa sa kaya mo. Gumagamit man o hindi ng anumang uri ng kontraseptibo, ang paniniwalang ang babae ay hindi magdadalantao ay isang kahangalan. Una, ang posibilidad ng pagdadalantao ay likas sa babaeng nakikipagtalik. Pangalawa, alam na alam ng mga tagapagsulong ng kontrasepsyon na hindi buong-buong maaasahan na hindi magdadalantao ang babaeng gumagamit ng kontraseptibo. Bakit naman kamo iresponsable? Simple. Dahil ang mga nakikipagtalik ngunit hindi nag-iisip ng tungkol sa posibilidad ng pagdadalantao ay bumabalewala sa katotohanan, at dahil dito ay walang pinaghahandaan – walang pakialam. Mas simple pang lohika: kung may gusto kang gawin pero iniiwasan mo ang konsikwensya nito, ibig sabihin ay ayaw mo ng responsibilidad, wala kang sense of responsibility, o sa mas maikling salita: iresponsable ka.


Intrauterine Device
Pang-apat, praktikal ba ang kontrasepsyon? Tulad ng nabanggit na, hindi mapagkakatiwalaan nang sandaang porsyento ang kakayahan ng mga kontraseptibo na pigilan ang pagdadalantao. Dahil dito, hindi maaaring ilagay ang buong tiwala sa paggamit nito. Para sa mga taong may respeto sa Diyos, sa kalikasan, sa sariling katawan, at sa katawan ng kabiyak, ang “unexpected pregnancy” ay hindi bahagi ng kanilang bokabularyo. Marunong silang kumilala sa katotohanan at tumanggap ng pananagutan. Sa kanilang pagtatalik ay hindi laging hinahangad ang pagdadalantao pero lagi itong inaasahan. Bukod sa hindi kumpleto ang pagiging epektibo ng kontrasepsyon, ang paggamit ng mga artipisyal na pamamaraan ay paglalagay ng buhay ng babae sa panganib. May mga magsasabi, “Hindi naman lahat ay nakakaranas ng side effects o nagkakaroon ng komplikasyon.” Ang tanong ay bakit mo isasapalaran ang kalusugan ng isang babae para sa isang makasariling dahilan? Palalanguyin mo ba ang asawa mo sa isang ilog na pinamamahayan ng mga buwaya para ipanghuli ka ng hipon? Sasabihin mo ba sa kanya, “Hindi naman lahat ay natityempuhan ng mga buwaya dyan; mas madalas wala sila”? At papayag kaya siya kung naiintindihan niya ang konsekwensya?

Panglima, totoo bang may kinalaman ang kontrasepsyon sa aborsyon? Kung naunawaan ng bumabasa ang mga nabanggit na sa itaas, madali niya itong masasagot. Ang kontrasepsyon ay hindi lamang isang paraan ng pagpipigil sa panganganak, ito ay isang mentalidad. Humuhubog ito ng pagkatao at kultura. Halimbawa, ang Amerika ay malayo na nang libo-libong milya sa kultura nito noong itinatag ito ng mga tinatawag nilang “Founding Fathers”. Ganun din, ang Pilipinas ay lumulubog na sa kultura ng kamatayan kung saan ang pagdadalantao ay kinatatakutan sa halip na ipinamamalita; ang pagkakaroon ng anak ay isang pasanin sa halip na kagalakan; ang pag-aasawa ng mga kapos-palad ay itinuturing na salot sa halip na pagkakataon para iangat ang isa’t isa; at ang pagdidisiplina ay katumbas ng pagganti o pakikipag-away sa mga anak dahil hindi na nakikilala ng mga magulang kung ano at sino ang kanilang mga isinilang. Ang kulturang ito ang simula ng dahan-dahang pagtanggap ng mga Filipino sa katwiran ng aborsyon. Maaaring malayo pa sa pagiging pangkalahatan ang pagtanggap na ito, pero ang parami nang paraming mga indibidwal na nagkakaroon ng pagsasaisip (ideation) ng aborsyon bilang pagpipilian ay nagpapakita ng unti-unting paglubog natin sa ganitong mentalidad. May mga nagsasabi, “Dala ng kahirapan at kalituhan kaya nagagawa nilang magpalaglag.” Ang dahilang ito ay totoo sa marami, pero ang hindi totoo ay ang kaisipan na nagtutulak sa ganitong pagdadahilan. Bakit nagagawang patayin ng isang ina o ama ang nasa sinapupunan pa, pero hindi nagagawang patayin ng anak ang isang ina o ama dahil sa kahirapan? Dahil kahit sinasabi ng sarili nating bait na ang nasa sinapupunan ay tao, mas kumbinsido pa rin ang ilan sa atin na ang buhay na ito ay may mas maliit na halaga kaysa sa matanda na. Ito rin ay dahil mas madaling gawan ng masama ang hindi mo nakikita kaysa nakikita mo. Mas malakas ang epekto ng konsensya kapag tinutulungan ito ng mata. Maaaring magawa mong ipapatay sa ibang tao ang iyong anak, pero hindi mo makakayang panoorin habang ginagawa nila ito. Ang unang pandaraya dito ay ang pagpapaniwala sa atin na ang nasa labas ng sinapupunan ay “mas tao” kaysa sa nasa loob. Ito lamang ay sapat na para magawa ng magulang na patayin ang sarili niyang anak. Isa pang kasinungalingan ay ang pag-aakalang mas kaunting pagkabagabag ng budhi ay katumbas ng mas kaunting bigat ng kasalanan. Mas madaling patayin ang nasa sinapupunan dahil hindi mo makikita kung paano ito ginagawa, sa gayon ay mas kaunting masamang alaala ang maiiwan sa iyo. Isa sa pinakakaraniwang halimbawa ng konklusyon na ito ay ang paggamit ng “pills” at IUD. Marami na sa mga ina ang nakauunawa (lalo na ang mga doktor) na ang pill at IUD ay maaaring kumitil ng buhay na nasa sinapupunan pero halos hindi sila apektado ng katotohanang ito. Hindi dahil hindi nila alam kundi dahil hindi nila nakikita. Mas madali para sa kanila na balewalain ito. Isa pa, kung ang pill at IUD ay tanggap ng lipunan, paano nga naman ito magiging masama! Basta magkaroon lang tayo ng maraming kakampi sa desisyon natin, okay na tayo. Ang ugaling ito ay unang nakikita sa pagiging bata o estudyante kung saan ang pandaraya o pagsisinungaling ay nagiging pangkaraniwan lang kung marami namang gumagawa. Ang pill at IUD, bagamat mga abortifacient ay maaaring tawaging contraceptive dahil kinikilala naman ng marami. At kahit pa kumikitil ito ng hindi nakikitang buhay, okay lang, dahil bukod sa hindi naman ito nakikita, pangkaraniwan na rin ito. Para lang itong pagsusuot ng malaswang damit: sa una ka lang maiilang; pagtagal-tagal, hindi ka na sanay na hindi malaswa ang isuot. Gaano mo man kaalam na buhay ang nasa sinapupunan mo, kung isa o dalawang taon ka nang gumagamit ng kontraseptibo, wala ka nang pakialam kahit pa isa o dalawang buwang gulang na ang iyong papatayin. Bakit? Dahil sa umpisa pa lang ay alam mo nang kumikitil ka ng buhay, ano pang magiging pagkakaiba kung mas matanda man ito ng isang buwan? Hanggat hindi mo ito nakikita o nararamdaman, okay lang. Ito ang sikolohiya ng kontrasepsyon.

Isipin mo, bakit legal ang aborsyon sa mga bansang nangunguna sa pagtataguyod ng paggamit ng kontrasepsyon. Dahil ba kulang sila sa mga kontraseptibong paraan at mga gamit? Ang totoo, sila pa nga ang nag-uubos ng pera (buwis ng mga mamamayan) para mamigay ng mga kontraseptibo sa ibang mga bansa. Legal ang aborsyon sa mga bansang tagapagsulong ng kontrasepsyon dahil ang totoo, ang aborsyon ay bunga ng kontraseptibong mentalidad. Unti-unting ibinababa ng kontrasepsyon ang pagtingin ng tao sa kanyang sariling dignidad hanggang sa maging handa na siyang tanggapin na ang tao ay isa lamang materyal na linikha, tulad ng mga hayop, at kung minsan ay may katanggap-tanggap na katwiran para tanggihan ang pagsilang ng isang anak, lalo na kung ito ay dahil ayaw ng magulang na maghirap ang kanyang iluluwal. Tuso, di ba? Marami sa mga Filipino ang hindi na nga naghintay ng mas matagal pang panahon, dahil ngayon pa lang ay ganito na ang kanilang kaisipan.

Sunday, May 23, 2010

Linggo ng Pentekostes at Pagsilang ng Simbahan

The Pentecost - Latter half of 18th c
Isa sa mga dapat sana ay malaking pagdiriwang, hindi lamang sa mga parokya kundi sa puso mismo ng mga Cristiano, ay ang Pentekostes. Sa araw na ito  ginugunita ang pagsilang ng Simbahan. Maaaring iniisip ng iba, "Paanong naging ito ang araw ng pagsilang ng Simbahan e wala na si Jesus sa lupa noong panahong iyon?" Ang pagsilang ng Simbahan ay hindi katulad ng pagtatatag ng isang institusyon na tulad ng paaralan o pagpapalaya sa isang bayan. Sa madaling salita, hindi ito foundation day. Noong unang Pentekostes ay naging totoong isa ang lahat ng mga mananampalataya at sila ay naging mga bahagi ng iisang Katawan ni Cristo. Dahil sa pagbaba ng Espiritu Santo sa bawat mananampalataya, silang lahat bagamat marami, ay naging isang Katawan na may iisang Espiritu. Hindi lamang ito tumutukoy sa pagkakaisa ng kaisipan o mga prinsipyo; ito ay tumutukoy sa isang aktwal na pagiging isa. Ang katawan ng tao ay maraming bahagi, pero dahil iisa ang kaluluwa ng tao, ang bawat bahaging ito ay bumubuo ng iisang tao lamang. Kahit ang puso o mata o kamay o paa ng isang tao ay nagmula sa iba at hindi likas sa nagtataglay nito, ito pa rin ay kaisa ng buong katawan dahil sa iisang espiritu. Ganito natin maihahambing ang relasyon ng Simbahan (katawan) sa Espiritu Santo (espiritu). Bagamat maaaring nagkakaisa ng layunin, paniniwala, at simulain ang mga taga-sunod ni Jesus noon, tanging sa Linggo ng Pentekostes lamang sila naging isang Katawan ni Cristo at ang Katawang ito ang tinatawag nating Simbahan.

Dahil sa hindi natin pagkaunawa sa tunay na kahulugan ng Pentekostes kaya marami sa atin ang hindi ito maipagdiwang nang may kasiyahan at pasasalamat. Tulad din ng ibang kapistahan, pinapalampas lang din natin ito lalo pa't walang komersyalismong sangkot sa araw na ito, di tulad ng Pasko. Ang bawat pagdiriwang ay magiging makahulugan lamang kung tunay nating nauunawaan ang dahilan nito. Kung mananatiling mababaw ang ating pagtingin tungkol sa mga kapistahang ito, hindi natin mapakikinabangan ang tunay na layunin ng pagunita dito.

Saturday, April 3, 2010

Panata sa Mahal na Araw

Sa usaping relihiyon, ang panata ay isang pangako sa Diyos na gagawin ang isang bagay sa isang tiyak na panahon o pagkakataon. Ito ay ginagawa upang ipakita ang katapatan, pagmamahal, at pasasalamat sa Diyos. Nagmumula ito sa pagkatanto ng tao na siya ay mahalaga sa Diyos sa kabila ng kanyang kawalang-halaga. Sa madaling salita, ang pamamanata ay pagtanaw ng utang na loob para sa mga kabutihang kailanman ay hindi maaaring mabayaran.

Kabaligtaran nito ang panatang kilala ng marami sa mga Filipino. Para sa kanila, ang panata ay isang uri ng kasunduan kung saan ang Diyos ay obligadong sumunod sa gusto ng “namamanata” kapag nagawa nito ang kanyang ipinangakong gagawin. Sa kabilang banda, ang tao namang ito ay may takot sa kalooban na baka kung hindi niya maganap ang kanyang ipinangako ay kabaligtaran ng kanyang hinihingi ang mangyari sa kanya. Isa sa mga tinatawag na “panata” tuwing Mahal na araw ay ang pagpapalo sa sarili, pagbubuhat ng krus, at pagpapatali o pagpapapako sa krus. Isa man itong nakakaaliw na palabas para sa ilan pero hindi ito kailanman magiging maka-Kristianong paraan ng pakikipag-ugnayan sa Diyos.

Ang “mortification” o pagsupil sa katawan na ating ginagawa ay dapat na nagmumula sa hangaring papaghariin ang Espiritu Santo sa ating katawan at sa ating buong buhay. Kung pinahihirapan man natin ang ating katawan, ito ay para turuan itong sumunod sa atin at hindi tayo ang maging alipin ng mga pita nito. Ang salitang “pagpapahirap” dito ay hindi nangangahulugan ng pagsusugat, pagbibilad sa araw, pagpapasan ng krus o pagpapapako dito; ito, unang-una, ay nangangahulugan ng pagsupil sa makalamang bahagi ng ating pagkatao – pagiging tamad, mayabang, madamot, mainggitin, seloso, palaaway, mahalay, matakaw, mapaglasing, mapamahiin, sinungaling, mapang-angkin, at lahat ng mga bagay na hindi sa Espiritu. Pangalawang paraan ng pagpapahirap sa sarili ay ang tinutukoy ni Jesus: “Kung may gustong sumunod sa akin, itakwil ang kanyang sarili at pasanin ang kanyang krus araw-araw para sumunod sa akin” (Lucas 9:23). Ang pagpapasang ito ay ang pagharap sa ating mga pang-araw-araw na tungkulin ayon sa ating kalagayan sa buhay gaano man kadali o kahirap ang mga ito. Kasama dito ang pang-araw-araw na pagwawalis, pagsasaing, pag-aasikaso ng bahay at pamilya, paghahanap-buhay sa labas o sa loob man ng bahay, pagdidisiplina sa mga anak, pananalangin, at kahit na ang simpleng pakikinig sa magulang habang sila ay nangangaral. Minsan naman ay humaharap tayo sa mga sitwasyon na hindi natin matatawag na pang-araw-araw tulad ng kamatayan ng isang mahal sa buhay, pagka-aksidente, pagkakasakit, pagkatanggal sa trabaho, pagbagsak sa pagsusulit sa paaralan, paghihiwalay ng mag-asawa, at iba pang tulad nito. May mga pagkakataon na ang mga ito ay itinuturing nating parusa o kaya naman ay “pagmamalabis” ng Diyos o kaya ay isa sa mga maling desisyon niya, pero alinman sa mga ito ay hindi tama. Kung dumaranas man tayo ng mga paghihirap at kabiguan, iyon ay dahil lamang sa katotohanan na tayo ay nasa mundo. Dito ay hawak ng bawat isa ang kani-kanilang pasya kahit pa sabihing ang taong ito ay isang alipin o kaya ay isang bilanggo. Hindi maitatali o maikukulong ang ating kalayaang mamili, kaya nga ang iba ay nagiging biktima ng mga maling pagpapasya ng mga taong may masasamang hangarin o kaya ay may maling pagkaunawa. Kahit gaano kahirap o kayaman ang isang tao, maaari siyang gumawa ng mabuti o masama sa kanyang kapwa ayon sa kanyang pasya. Bukod dito, ang mga aksidenteng bunga ng natural na kalamidad o personal na kakulangan ay umaambag din nang malaki sa mga hirap natin sa buhay. Tayo man ang biktima ng hindi perpektong mundo, nasa atin pa rin ang pasya kung paano natin ito haharapin. Ang pagpapasan ng krus na tinutukoy ni Jesus ay ang pagtanggap sa mga pangyayaring hindi natin kayang baguhin. Maaaring ikaw ay isinilang ng isang alipin, at dahil dito ay alipin ka rin, pero hindi ito nangangahulugan na wala kang kalayaan; may kalayaan kang mamili kung ikaw ay magiging mabuti o masamang tao sa kabila ng iyong pagiging alipin. Halimbawa naman ay isinilang kang may pisikal na kapansanan, hindi ito nangangahulugan na wala ka nang maitutulong sa iba. Kung iisa man ang iyong kamay at iisa ang iyong paa, maaari mo pa rin gawin ang mga bagay na nangangailangan lamang ng isang kamay o isang paa. At kahit na wala kang kamay at paa, hanggat ikaw ay nabubuhay, palagi kang may magagawa para sa iba. Unang-una na dito ang pagbibigay mo ng mabuting halimbawa ng tunay na katatagan, pagtitiyaga, kasiyahan, pagiging mapagpasalamat, at pagtitiwala sa Diyos. Maraming mga “normal” ang duwag, tamad, malungkot, at walang kahulugan ang buhay; sila ang mga taong nangangailangan ng isang tagapagpatunay na napakaraming mga bagay ang dapat ipagpasalamat sa buhay. Ang pusong mapagpasalamat at may tiwala sa Diyos ay siyang tunay na nagpapasan ng krus, nagpapako ng kanyang sarili, at tumutupad sa kanyang panata sa Diyos.

Ang uri ng mga “panata” na nakikita natin tuwing Mahal na Araw ay walang anumang pakinabang kahit kanino. Patuloy lamang nitong linilinlang ang sarili at iliniligaw ang iba. Higit sa lahat, hinahamak nito ang pag-ibig ng Diyos. Tayo ay tinubos ni Jesus mula sa kaparusahan at sa miserableng buhay dahil sa kanyang pag-ibig sa atin. Hindi natin ito tinanggap bilang gantimpala o bayad sa anumang ating ginawa, at hindi rin natin mapipilit ang Diyos na gawin ang gusto natin dahil lang nangako tayong gawin ang isang bagay bilang kapalit ng ating hinihiling. Alam ng Diyos kung ano ang mabuti at sa kanya nagmumula ang lahat ng kabutihan, hindi mababago ng ating mga “palabas” o mga “panata” ang kaloobang ng Diyos. Tayo ay nananalangin hindi para umayon sa atin ang Diyos, sa halip ay upang ang kanyang kalooban ang nasain ng ating puso.

Libre Mula sa Diyos

Bakit mahirap para sa tao ang magbigay lalo na kung ang ibibigay ay hindi magmumula sa kanyang mga sobra? Ito ay dahil sa maling pag-aakala na ang lahat ng nasa kanya ay kanya, at idinadahilan niyang ito ay pinagpaguran niya. Sa isip nya ay ganito ang kanyang sinasabi, “Kung yumaman man ako, iyon ay dahil sa aking pagsisikap; nasa akin na iyon kung gusto ko man magbigay o hindi.”Kahit sa mga bata ay umiiral ang kaisipang anumang nasa kanya ay kanya, at anumang ibibigay niya sa iba ay nagmumula sa kanyang sarili. Wala siyang pakialam kung ito man ay galing sa kanyang magulang o sa ibang nakatatanda na umaasang ibabahagi niya rin ito sa iba. Ang isang estudyante, halimbawa, ay hindi magawang ibigay ang kaunting bahagi ng kanyang baon sa dahilang ito ay kanya.

Ang lahat ng ito ay dahil sa isang katotohanan na napakahirap nating maintindihan at tanggapin – na ang lahat ng bagay ay libre mula sa Diyos; na ang tao ay walang sariling pag-aari, materyal man o espiritwal. Sa puso ng tao, lahat ng bagay ay “akin”: buhay ko, katawan ko, anak ko, bahay ko, yaman ko, karapatan ko. Hindi natin nauunawaan, o ayaw nating unaawain, na sa kahit anong proseso dumaan ang mga bagay na nasa atin, ang mga ito ay sa Diyos pa rin. Hindi natin pwedeng ikatwirang, “Ibinigay niya na kaya sa akin na.” Masdan mo na lang, halimbawa, ang mismong buhay: gaano mo man pilitin na patagalin ito, babawiin ito sa panahong nakatakda at wala kang magagawa. Simple lang ang dahilan: Ito ay hindi sa iyo. Gaano mo man ingatan o itago ang iyong kayamanan, hindi mo ito tataglayin habampanahon; darating ang oras na ihihiwalay ito sa iyo. Maging ang iyong karapatang pantao na dapat sana ay walang makaagaw ay hindi mo magagamit nang buo sa lahat ng pagkakataon. Ito ay  sa dahilang wala kang ganap na pagmamay-ari sa anuman maliban sa iyong kalayaang pumili -- bagay na mula sa Diyos. Gaano ka man kayaman, wala kang nabili sa Diyos. Ikaw man ang pinakamakapangyarihan sa lahat ng tao, wala kang naagaw mula sa Diyos; sa kanya pa rin ang lahat ng nasa iyo.

http://farm3.static.flickr.com/2492/
Tayo ay mga katiwala. Anumang nasa atin ay para sa kapakinabangan ng lahat. Mayroong mas matalino kaysa iba, mayroong mas maraming talento, mayroong mas malakas, mayroong nagsimula sa mas maraming yaman, at mayroong pinagyaman ang maliit na nasimulan. Ang mga pagkakaibang ito sa estado ng buhay ng tao ay hindi para i-grupo ang lahat ayon sa kanya-kanyang uri kundi upang pagkaisahin ang lahat tulad ng isang katawan na may iba-ibang bahagi at gawain ngunit laging iisa ang hangarin. Hindi lahat ay mata, hindi lahat ay bibig, hindi lahat ay kamay; mawawalan ng silbi ang isang lipunan kung ang lahat ay tagapamahala o kaya naman ay pangkaraniwang mamamayan ang lahat at walang nagsisilbing pamahalaan. Hindi na rin natin kakailanganin ang isa’t- isa kung ang lahat ay nasa iisang estado  ng buhay. Ang lahat ay wala na rin silbi dahil wala nang paglilingkuran. Dahil dito, wala na rin isisilang at wala nang mabubuhay. Madaling hangarin na sana ay pantay-pantay na lang ang lahat  pero isa itong mangmang na panaginip -- hindi pwedeng magkatotoo at hindi dapat magkatotoo. Tanging sa dignidad   lamang maaaring magkapantay-pantay ang mga tao, hindi sa gawain at estado sa buhay. Ang ating pagkakaiba-iba ay ayon sa karunungan ng Diyos. Walang sinuman ang may karapatang umabuso dahil sa harap ng Diyos ay iisa lang ang ating kalagayan – tagahiram at katiwala. Walang sinuman ang pag-aari ninuman, at walang anuman ang maaaring ipagdamot kaninuman dahil ang lahat ay sa Diyos. Pinaghirapan mo man ang kinita mo, sa Diyos pa rin galing ang iyong lakas; hindi mo ito binili. Ikaw man ang nagbungkal at nagtanim, ang Diyos pa rin ang nagpatubo. Ikaw man ang nakatuklas at umimbento, sa Diyos pa rin ang iyong natuklasan; hindi mo ito linikha mula sa wala. Ang binabayaran at pinaghihirapan ng tao ay ang proseso ng paggawa o kaya ay ang serbisyong tinatanggap. Ang biniling lupa ay hindi ganap na pagmamay-ari ng bumili; maaari itong mawala sa kanya anumang oras. Ang binabayaran dito ay ang karapatang magbakod -- at maging ang karapatang ito ay nasasakupan pa rin ng batas. Ang isang bahay ay hindi rin ganap na pagmamay-ari ng nakatira dito; maaari rin itong mawala sa kanya anumang oras. Ang lahat ng pinagpaguran natin ay hindi talagang sa atin, mananatili itong hiram at habilin. Inihabilin sa atin ang mga bagay na ito upang sa pamamagitan ng ating talino ay maipamahagi natin nang tama ang yaman ng Diyos. May mga nagsasabing, “Marami ang naghihirap dahil sa kanilang katamaran,” pero ang hindi natin matanto ay ang katotohanan na mas marami ang naghihirap dahil sa ating karamutan. Oras man lang o talino o atensyon o talento ay hindi pa natin maibigay sa ikabubuti ng mga nangangailangan nito. Noong sinabi mo sa isang pulubi, “Ang tamad-tamad mo,” may itinulong ka ba para turuan siyang maging masipag? Noong sinabi mo sa isang magulang, “Anak kasi nang anak, wala naman pampakain,” may ginawa ka ba para turuan siya ng responsibilidad? Mabilis lang tayong pumuna, mamintas, at humatol sa kapwa pero ang sarili nating karamutan na nagpapanatili sa iba sa miserableng buhay ay hindi natin pinapansin. Hindi tayo nagdadalawang-isip na magbigay ng mga walang pakinabang na komento pero kahit isang pintig ng utak o isang galaw ng daliri ay hindi natin kayang ibigay para sa kabutihan ng iba.

Isang praktikal na halimbawa ang paghihirap ng sarili nating mga kababayan. Dahil ba mahirap ang bansa kaya sila mahirap? Hindi. Ang Pilipinas ang isa sa mga may pinakasaganang likas na yaman, anupa’t pinag-iimbutan ito ng ibang mga bansa. Dahil ba walang laman ang kaban ng bansa kaya may mahihirap? Hindi. Bilyon-bilyong piso ang kayang gastusin ng gobyerno para lang sa malabis na pamumuhay ng iilang indibidwal na nasa kapangyarihan. Dahil ba sa kamangmangan kaya maraming mahirap? Oo. Kamangmangang bunga ng pagsasamantala ng mayayaman sa mahihirap. Dahil rin ba sa katamaran? Oo. Katamarang bunga ng kamangmangan tungkol sa tunay na halaga ng paggawa. May tao bang isinilang na tamad? Wala. Lahat tayo ay pinapakilos ng sarili nating mga dahilan; mga dahilan na iniimpluwensyahan ng tamang pagkaunawa na bunga naman ng sapat na pinag-aralan. Sa huli ay iisa pa rin ang salarin sa paghihirap ng marami: ang kaisipan na “ang lahat ng nasa akin ay akin.” Dahil dito ay hindi naiibigay sa iba ang kailangan nila upang mapagyaman ang sarili at makapag-ambag sa lipunan.

Kalabisan bang ibigay mo nang libre ang tinanggap mo nang libre? O baka hindi mo pa rin matanggap na wala kang binayaran sa Diyos para ang isang bagay ay maging sarili mong pag-aari. Ang totoo niyan, mayroon ka pang utang dahil bukod sa katotohanang sa kanya ang lahat ng nasa iyo, binayaran pa niya ang iyong kaligtasan. Tama bang sabihin ng kamay sa bibig, “Ikaw ang magsubo ng pagkain mo, may sarili kang lakas”? O kaya ng mata sa paa, “Bahala ka sa pupuntahan mo, may kakayahan kang lumakad”? Ang pagkamakasariling tulad nito ay siguradong papatay sa buong katawan. Ganito rin ang ginagawa natin kapag ipinagkakait natin sa iba ang ating sarili. Tanging sa pagbibigay tayo tumatanggap. Ang pagdadamot sa iba ay pagdadamot sa sarili. Kung sinasabi mong tamad ang iba at ikaw ay masipag, sipagan mo ang paggawa ng mabuti. Kung iniisip mong mangmang ang iba at ikaw ay matalino, ipakita mo ang iyong talino sa pamamagitan ng pagabahagi nito sa iba. Sa halip na isipin mo kung ano ang wala sa iyo para hindi ka magbigay, isipin mo kung ano ang mayroon ka, at huwag mong kalilimutang ang lahat ng ito ay libre mula sa Diyos  kaya wala kang dahilan para ipagdamot ito.

Parenthood, Generosity, and Courage

Aside from responsibility, parenthood is about generosity and courage. One’s excitement to have children is not enough to really appreciate the joy and dignity of being a parent because mere sentiments may come from different sources, either a self-giving or a self-serving one. Moreover, parenthood is not just accepting the “inevitable” result of sexual relations, though this is becoming the common perception. This current of mentality and disposition makes a family miserable, having hard time to find a real meaning in any relationship and even in one’s own existence. It makes a mother’s or a father’s life burdensome and falsely sacrificial. To be a true parent is to be a true sacrifice – giving oneself joyfully and with the right reason.

In the eyes of today’s man, co-creation with God is the primary cause of human destruction. He calls the Gospel of life doctrines of death, and describes its advocates as ruthless and negligent. Ironically, what this “modern man” promotes is non-life for the majority of population. He thinks that most people today should have not been born, and that we should not make the same mistake of bringing more children into this world. He blames the population (where he also belongs) for giving problems to humans who happened to the same population he charges against. He wants to be the one to decide, even for others, who should be created and who should not be. Are you black? Do you have a low IQ level? Do you have a history of mental illness? Do you have a disease? Are you feeble-minded? Are you homosexual? If you belong to one of these groups, then this man of the day might throw you into to the “unfit” pool where the should-have-not-been-borns and the should-not-be-allowed-to-propagates belong. Does it sound human to you? If it does, then you are a “modern man” – that is if the word “modern” means foolishly updated. It shows that the more you search for knowledge, the more stupid you become.

On the otherhand, courage and generosity come from true knowledge, and also goes with it is a true sense of responsibility. A parent knows that every child not only comes from God but is God’s. We are guardians of his children, thus we do not own anybody, nor has we any privilege to decide “who” should be born. We even don’t have a right to say, “Anak ko ito, gagawin ko sa kanya ang gusto ko;” instead, we should wisely say, “Ipinagkatiwala siya sa akin ng Diyos kaya dapat ko siyang protektahan.” Courage plays its role by making it clear to us that we are not the source of our strength, and that the Father of us all will give us everything we need when we need it. Generosity, on the otherhand, is a result of courage, and it creates in us a joyful willingness to give ourselves for the life and welfare of others. Both courage and generosity recognize the sacrificial character of parenthood, and that is the very reason why they find their abode in the parents.

http://farm1.static.flickr.com/162/
Every parent should know that by giving one’s life – strength, love, and power to create – does one receive it back; and that every human person that they bring into this world is a child of God that will not just live, suffer, and die on earth but will be glorified and will reign with his Father in heaven. The “modern man” thinks that all we have is this life, and that is the reason why we need to make sure that we only perpetuate the perfect breed and do everything to end the propagation of the inferiors.

This man of the so-called modernity does not recognize the equal dignity that all human beings possess; he always thinks that his class is superior over the majority of the population. This mentality makes him fear imaginary dangers that the inferior class might bring, and so will do everything to stop their existence.

Good parents recognize the divinity of conception and the presence of God in every child. It does not mean that they just create human beings mindlessly; instead, their awareness of the truth makes them the most responsible of all parents, planning everything and subduing both their children and themselves. They do not cowardly turn to immorality due to the fact that they have no true lordship over their own self, nor do they justify their uncontrollable self and blame it on human nature. If they delay conception, it is self-control, not birth control. If they manage their number, it is family planning, not contraception. If they give birth, they call it delight, not burden. If ever they have to suffer, they are sacrificial, not miserable. They always look from above, not from this world because what our eyes can see is only misery while through the eyes of God, everything ends up in glory.

ELEKSYON AT HB 5043

Sa parating na halalan ngayong  taon, mayroon bang kinalaman  at halaga ang paninindigan ng mga kandidato tungkol sa reproductive health bill o HB 5043 sa pagpili natin sa kanila? May pagkakaiba ba kung iboboto man natin o hindi  ang mga sumusuporta dito?

Dapat  nating alalahanin na ang mga nasa kapangyarihan ang gumagawa at nagpapatupad ng batas, bagamat nangangailangan muna ito ng pagsang-ayon ng mga mamamayan. Minsang maipatupad ang isang batas, mahirap na itong bawiin pa. Pangalawang kailangan nating tandaan  ay  ang  katotohanan  na ang mga batas ang nagpapasya kung  paano  dapat tumatakbo ang isang bansa. Sa tuwiran man o hindi  tuwirang paraan, naaapektuhan nito ang pang-araw araw nating pamumuhay. Kontrolado nito ang halaga ng ating kikitain sa isang  araw, ang laki ng buwis  na ibinabawas sa ating sweldo, bukod pa sa buwis na ipinapapasan sa atin tuwing bumibili tayo ng mga naprosesong pagkain at gamit, ang pagtaas at pagbaba ng presyo ng mga bilihin at pamasahe, ang karapatan nating magnegosyo at ang  mga panuntunang kailangan nating sundin  sa pagsasagawa nito, at maging ang kalayaan nating  pumunta sa simbahan tuwing Linggo. Depende sa porma ng gobyerno,ang uri at paraan  ng ating pamumuhay ay laging nakadepende sa mga iniuutos, pinahihintulutan, at ipinagbabawal ng batas ng isang bansa.

Ang kasunod na bahagi ay naglalayong magbigay ng ideya sa bumabasa kung paano maaapektuhan ng RH BILL ang buhay ng mga  Filipino bilang indibidwal, pamilya, at lipunan.Marami pang mga tao at mga artikulo ang makapagbibigay ng malawakang  pagtingin at masusing pag-susuri sa  paksang ito; ang mg narito ay ang aking lamang nakayanan.

Paano isinasalarawan ang RH BILL? Ayon na rin sa mismong teksto ng  HB 5043, ito ay naglalayong mapabuti ang kalusugan ng ina at ng sanggol, i-promote  ang breastfeeding, magbigay ng kaalaman at serbisyo tungkol sa family planning, maiwasan ang aborsyon; at matugunan ng  mga manggagamot ang kumplikasyon ng naisagawang aborsyon; mapabuti ang kalusugan ng mga kabataan, mapigilan at matugunan ang mga kaso ng reproductive tract infection, hiv/aids, at iba pang mga sexually transmittable infection [STI], mapuksa ang lahat ng uri ng kalupitan sa mga babae, magkaroon ng pagtuturo at pagpapayo tungkol sa sekswalidad, kalusugang  sekswal, at reproductive health, matugunan at magamot ang mga kanser sa suso at sa reproductive tract, at iba pang mga kondisyong pambabae, magkaroon ng pakikipagtulungan at pakikisangkot  ang mga lalaki sa reproductive health, maiwasan  at magamot ang pagiging baog at ang sexual dysfunction, at makapagbigay edukasyon sa mga kabataan tungkol sa reproductive health. Hindi ko alam kung alin sa mga ito ang maganda sa pandinig ng karamihan at alin ang hindi, pero sa bansang ito kung saan ang politika at pamamahala ay mas madalas na katumbas ng pagnanakaw, pandaraya, pagpatay, panlilinlang, at pang-aaabuso, ay iminumungkahi ko na maging maingat ang lahat at laging imulat  ang mata.

Sa kabilang banda, maisasalarawan ang  RH BILL sa ganitong paraan:

Labag sa batas: [1] Linabag ng mga tagapagsulong ng HB 5043 ang karapatan ng mga pamilya at samahang pampamilya na mahingan at makapagbigay  ng opinyon tungkol sa mga usapin at polisiyang may kinalaman sa kanila (Art. XV Sec. 3 Par. 4, 1987 Constitution). [2] Unang bahagi pa lang ng panukala ay lumabag na sa tuntunin ng batas na nagsasabing ang bawat panukala ay dapat na tumutukoy lamang sa iisang paksa, at ito ay dapat na sinasalamin ng pamagat (Art. VI Sec. 26 Par. 1, 1987 Constitution; Sec. 1 Par. 3, Rules of Congress). Binabalewala lang ng mga patron ng RH Bill ang panuntunang ito kahit lubos nila itong nauunawaan. [3] Innobliga nito ang mga paaralan na hubugin ang kaisipan at moralidad ng mga kabataan tungkol sa sekswalidad ayon sa kontraseptibong mentalidad, bagay na sumasalungat sa pagkilala ng Estado sa karapatan ng mga magulang bilang pangunahing tagahubog ng kanilang anak ayon na rin sa kanilang paninindigang pangrelihiyon (Art. II Sec. 12, Art. XV Sec. 3 Par. 1, Constitution). [4] Pinanghihimasukan nito ang mga usaping pampamilya tulad ng kung ano ang dapat ituring ng mag-asawa bilang “sapat” na dami ng anak, kung paano palalakihin ang mga bata, at kung hanggang saan ang autoridad ng magulang. Ito ay lumalabag sa autonomiya ng pamilya.

Naglalayon ng totalinaryanismo: [1] Nasasaad sa panukalang ito na kahit labag sa konsensya ng isang doktor ang ipinapagawa sa kanya, wala siyang ibang pagpipilian kundi gawin ito o irekomenda ang pasyente sa ibang katrabaho – bagay na kapwa lalabag sa kanyang paninindigan bilang manggagamot at bilang tao. Wala itong pagkakaiba sa pagsasabing, “Kung hindi kaya ng konsensya mo ang pumatay, ipapatay mo sa iba.” Kung may pangatlong pagpipilian man, iyon ay ang tanggapin ang parusa sa paglabag sa kautasang ito. [2] Mapaparusahan din ang sinumang magsasalita laban sa intensyon at linalaman ng panukalang ito – isang tuwirang pagsikil sa karapatang magpahayag, magsalita, at kumwestyon sa mga bagay na hindi inaayunan ng mamamayan. Minsang maisabatas ang ganitong panukala, magiging sunod-sunod na ito – bagay na magliligtas sa mga abusado mula sa kamay ng batas, at maglalagay naman sa ating kalayaan at karapatan sa likod ng rehas. Dahil dito, ang paggawa at pagsasakatuparan ng mga susunod na batas ay dedepende na lang sa kamay at kapritso ng mga nasa kapangyarihan, at hindi na sa boses at tunay na pangangailangan ng mga mamamayan.

Labag sa karapatan ng mga magulang, mga manggagamot, at ng mga taong kumikilala sa matuwid na konsensya: [1] Tulad ng nabanggit, sa ayaw man o sa gusto ng mga magulang, obligado silang ipaubaya sa mga makakontraseptibong guro ang paghubog sa kaisipan at moralidad ng kanilang mga anak–tungkuling nararapat sa magulang at sa Simbahan, hindi sa Estado. At dahil nga bawal ang magsalita laban sa mga impormasyong  nagmumula at may kinalaman sa “batas”na ito, hindi malayo ang posibilidad na maparusahan ang mga magulang dahil sa pagtuturo ng inaakala nilang tama kung ito ay mangangahulugan ng pagsalungat sa mga doktrina ng gobyerno. [2] Sinasabi rin ng RH Bill na walang karapatan ang magulang na pagbawalan ang isang menor de edad na anak na humingi ng “tulong” sa isang manggagamot para hindi matuloy ang kanyang pagdadalantao kung siya ay biktima ng panghahalay. [3] Ang doktor naman na tatanggi sa gusting mangyari ng nasabing menor ay maaaring makulong, magmulta o pareho. Ganito rin ang mangyayari sa kanya sa pagtangging gumawa ng pagtatali (tubal ligation) o paglalagay ng kontraseptibong kasangkapan sa isang babae. Kaya kung labag man sa konsensya ng mga estudyante, mga magulang, mga manggagamot, at ng mga mamamayan ang iniuutos ng RH Bill, wala silang pagpipilian kundi tanggapin na ang kanilang karapatan ay yinuyurakan ng isang masamang gobyerno.

Mapangwasak ng pamilya: [1] Hindi lamang ang autoridad ng magulang sa anak ang winawalang halaga ng panukalang ito, sinsabi rin nito na walang kinalaman ang isang lalaki sa desisyon ng kanyang asawa na magpatali. Wala itong paggalang sa halaga ng kooperasyon at pagkakasundo ng mag-asawa sa pagbuo ng mga desisyon. Binubunot nito sa ugat ang dahilan kung bakit buo at matatag ang isang pamilya – respeto. Ginagawa nitong depensibo ang mga anak “laban” sa pakikisangkot ng mga magulang sa kanilang buhay; at ang mag-asawa laban sa isa’t isa. [2] Dahil sa kawalan ng pakikisangkot, at dahil sa pader na gusting ilagay ng panukalang ito sa pag-itan ng imga myembro ng pamilya, ang bawat isa ay magiging miserable. At kapag dumating na ang pagkakataong iyon, magsisilbing “tagapagligtas” ang kontraseptibong kaisipan na itinanim ng gobyerno sa mag-asawa at sa mga anak. Sa paghahanap ng pagmamahal, kahulagan, at kasiyahan, ang mga biktima ng mentalidad na ito ay mahuhulog at maaalipin sa pakikiapid, pangangalunya, papalit-palit at maramihang sekswal na relasyon, at maging sa homosekswalidad na ngayon pa lamang ay nagsisimula nang maging pangkaraniwan. Ang kaisipan at kalagayang ito ang papatay sa kanilang pagkatao, sa halip na magbibigay ng tunay na kasiyahan. Hindi masusukat ang lawak at lalim ng pagkawasak ng dulot ng hungkag na pagkatao na sinamahan pa ng maling kaisipan.

Mapanlinlang: [1] Kung susuriing mabuti ay hindi maitatago ang intensyonal na pagpapalabo ng mga salitang ginamit sa RH Bill. Isa dito ay ang bahaging tumutukoy sa karapatan ng isang menor de edad na malapatan ng “karampatang lunas” sa kaso ng panghahalay. Kung sakali ay malalaman na lang ng madla ang totoo nilang kahulugan kapag naisabatas na ito at wala nang magagawa ang sinumang hindi sasang-ayon. At dapat kong ipaaalalang muli sa bahaging ito na ang pagsasalita laban dito ay mangangahulugan ng kaparusahan. [2] Mapapansin din sa mga debate at panayam ang deretsahang pag-iwas ng mga tagapagsulong ng RH Bill sa mga katanungan tungkol sa implikasyon ng panukala sa magiging kaisipan, kilos, at ugali ng mga kabataan. Hindi rin nila tinutugunan sa tama at malinaw na paraan ang mga tumututol sa HB 5043. Luma man ang istilo nilang ito, patuloy lang nila itong ginagamit dahil wala naman silang ibang mapagpipilian, dahil alam nila na kahit paano nila paikut-ikutin ang mga argumento ay babagsak pa rin sila maling konklusyon. Kapag tinatanong sila tungkol sa moralidad, ang isinasagot nila ay tungkol sa ekonomiya. Iliniligaw din nilang pilit ang mga nakikinig sa pamamagitan ng pagsasabing ang mga Filipino ay biktima ng mga “maton” ng lipunan sa pangunguna ng Simbahang Katoliko. [3] Itinatago rin ng panukalang ito ang katotohanan sa likod ng mga pangakong kalusugan ng mga kontraseptibo. Hindi nito sinasabi sa tao ang mga depekto at masasamang epekto ng oral contraceptive pill (OCP), at ang mga sakit at kondisyon na maaaring idulot nito. Higit sa lahat, hindi nito inaamin maraming “kontraseptibo”ang hindi talaga nararapat sa katawagang ito, dahil hindi lamang nila pinipigilan ang paglilihi, tinatapos din ng mga ito ang umiiral na pagdadalantao; sa madaling salita, pinapatay ng mga kemikal na ito ang tao na nasa sinapupunan ng kanyang ina. [4] Tungkol sa agarang aksyon na tinutukoy ng RH Bill sa kaso ng mga babaeng pinagsamantalahan, ang “lunas” na iniaalok nila ay isang hatol na kamatayan para sa isang taong walang kakayahang ipagtanggol ang kanyang sarili. Sinadyang hindi ilagay ang mahahalagang detalye kung paano “tutulungan” ang isang biktima ng panghahalay, basta inuutusan nito ang mga manggagamot na gawin ang hinihiling ng pasyente. [5] Sinasabi ng RH Bill na mananatiling labag sa batas ang aborsyon pero nais nitong isabatas ang pagtulong ng mga doktor sa mga babaeng nakapagpalaglag na. Bakit kailangan itong isabatas? Hindi ba’t tungkulin talaga ito ng mga doktor, nakasaad man sa batas o hindi? Kailangan pa bang takutin ng pagkakulong at pagmumulta ang mga taong ito para lang gawin nila ang kanilang sinumpaang tungkulin bilang mga tagapangalaga ng kalusugan? Gusto itong isabatas ng mga tagapagsulong ng HB 5043 para siguruhin sa mga babaeng naguguluhan ang isip, na kailanman nila mapagpasyahan tapusin ang kanilang pagdadalantao – sa anuman paraan – suportado sila ng gobyerno dahil sagot nito ang lahat ng gastusin pagkatapos ng aborsyon.

Dalawang malaking mga mata ang kailangan para mabasa ang pandara, masamang intension, at tunay na epekto ng HB 5043. Minsang maipasa ang panukalang ito, lalabas ang halimaw sa mala-anghel nitong itsura. Kung paanong ang mayayamang bansa ay unti-unting lumulubog para maghintay ng kamatayan, ang Pilipinas din ay mamamatay kung hindi nito sasansalain ang mga maka-kamatayang polisiya na pilit isinusulong ng mga politikong mangmang kung hindi man bulok ang pagkatao.

Kamatayang indibidwal, kamatayang espiritwal, at kamatayang panlipunan ang tunay na isinusulong ng HB 5043 at ng mga taga-suporta nito.

D - divorce
E - euthanasia
A - abortion
T - two-child policy
H - homosexuality

Isa itong ahas na may dilang sintamis ng mansanas at ang laging bukambibig ay “karapatan para sa kababaihan”, “labanan ang kahirapan”, “malusog at matalinong lipunan”, “matatag na pamilya”, at lahat ng magagandang salitang umaakit sa mababaw na pag-iisip. Alam ni Satanas na hindi pa rin nagbabago ang tao. Kung paanong ang ating mga magulang ay kumagat sa kamatayan dahil sa isang mungkahing maganda sa paningin, masarap, at para bang magbibigay ng ganap na pamamahala, ang ating henerasyon ay nagpapalinlang pa rin sa matatamis na salita ng Masama.

Sa likod ng masaganang buhay na iniaalok ng HB 503 ay kamatayan; sa liko ng pangakong matatag na pamilya ay mga wasak na relasyon at pagkatao; sa kabila ng konklusyon tungkol sa pagkakaroon ng ganap at kasiya-siyang sekswalidad ay walang katapusang paghahanap, homosekswalidad, at sari-saring mga bisyo; sa kabila ng ipinagmamalaking mabubuti at responsableng mamamayan ay mga taong walang pagkilala sa moralidad; sa kabila ng pag-asang lalakas ang ekonomiya ay isang lipunan ng matatanda at mahihina na wala nang magpapakain at hindi na mapapalitan ng mas maraming bilang ng mga kabataang magtatrabaho.

Ang RH Bill, mula ulo hanggang paa, ay isang malaki at ganap na panlilinlang. Wala kahit kaunting mabuting intension ang mga tunay na nasa likod nito. Ang paghalal sa mga kandidatong sumusuporta sa panukalang ito ay pagwasak sa ating demokrasya, pag-iikot ng lubid sa ating leeg para hilahin ng mga nasa kapangyarihan, pagpatay sa mga inosenteng nilalang na nasa sinapupunan, pagtangap sa isang kultura kung saan ang kababaihan ay sekswal na kasangkapan lamang, pagbalewala sa batas ng bansa na nagsasabing  dapat protektahan ng estado ang buhay at karapatan ng bawat  tao mula pa man sa  unang  sandali ng  kanyang pag-iral sa sinapupuna, pagbibigay ng kaisipan sa mga kabataan at sa lahat ng mamamayan na ang tunay na responsibilidad ay ang pagtakas sa konsikwensya ng kanilang mga gawa, pagbibigay ng karapatan sa gobyerno na magpasya sa ating buhay pampamilya, at kung paano tayo dapat kumilos mula sa labas hanggang sa kaloob-looban na ating tahanan. Ang  RH bill ay isang malaking pinto na magpapasok –at walang makakapigil –sa mga polisiyang tatapos sa kalayaan, mabuting pag-uugali, karapatang  mamuhay ng pribado,at pagpapahalaga sa buhay na maraming taon na nating ipinakipaglaban mula sa mga pwersang galit dito.

Hindi nakakapagtaka na walang katapusan ang mga pagkilos laban sa buhay at sa pamilya dahil si satanas ang prinsipe ng mundong ito [cf.jn14:30]; siya ay mamamatay –tao sa pasimula pa [jn8:4]. Pero lagi rin mananatili ang ating tungkulin bilang mga pinahaharian na diyos na sansalain at labanan ang mga gawain ng masama. Sa pakikibakang ito ay walang lugar ang kaduwagan [cf.rv 21:8], ana pananahimik, at kawalan ng panig. “ kung hindi kayo panig sa akin, kayo’y laban sa akin”[Lk 11:23].

Separation of Church and State

To begin with, it is not what others think of as an absolute disconnection between the Church and the State. It simply means that government funds shall not be used for church-related activities or for a particular church’s temporal needs, and that the State shall not adopt any particular religion as its own. Others would think that the purpose of this concept is to prevent the Church from intervening with any State matter. But the Constitution of the Republic of the Philippines shows the opposite. Following are some statements that further elaborate the meaning of the idea. Article II Section 13 says that the State shall promote and protect the youth’s spiritual well-being. Doesn’t it sound like the State “cooperates” with the mission of the Church rather than being indifferent to it? Section 5 of the Bill of Rights reads as follows: “No law shall be made respecting an establishment of religion, or prohibiting the free exercise thereof. The free exercise and enjoyment of religious profession and worship, without discrimination or preference, shall forever be allowed.” It appears that the State is actively protecting the freedom of religion and of the Church, instead of distancing itself from it. This protection is being re-affirmed by the same Constitution by saying that “The State shall defend the right of spouses to found a family in accordance with their religious convictions…” (Art. XV Sec. 3 Par. 1). This does obviously mean that since the family is the foundation of the nation, our society is being built according to these families’ religious conviction, with the Church and the State on their back, serving as their counselor and protector.

It is not uncommon to hear the old lines, “We cannot have a Church-run state,” and “The battle of the Church is for our soul – in our spiritual and moral formation, but not through a governmental action.” It sounds plausible but it is actually mindless and misleading. To say that the state decisions should not be influenced by a moral formation is just as saying that the State has nothing to do with morality, and so all of its actions. To say that the battle of the soul ends where governmental action begins is no less than saying that people from the government stopped having a soul. And to say that the Church has no more right to appeal to one’s conscience if that one is already in politics is tantamount to saying that politicians have no conscience anymore. Moreover, it is very wrong to think that speaking about politics means politicizing, and that speaking about the government means running it. The Church is the conscience of the society – not excluding the State. The only people that it does not appeal to are those who are not part of the society and those who have no conscience. It is the presence of God’s Kingdom on earth, but it does not attempt to run the civil government. The archbishop of Manila, for instance, is not the president of the Philippines; nor the CBCP his cabinet members. It should be noted, however, that this does not mean that the Church would be unconcerned about civic affairs. It would always engage itself in every aspect of human life since no human being is “body alone” or “soul alone”. As long as our activities are human, the Church has something to do with it, either directly or indirectly.

Separation of Church and State is not a hostile divorce between two governments; it is rather a complementary distinction. To think of literally separating them would be equally senseless with saying, “Ang ilaw ng tahanan ay walang pakialam sa haligi nito.” Is it not the Church who teaches us to give what is due to the State (Mt 22:21), and that we should be obedient to the civil authorities (Rm 13:1; 1 P 2:13-14)? And is it not the State that mightily defends the rights of the Church and the freedom of religion? Besides, we are talking about the Fatherland and the Mother Church.

Mga Wakas ng Lupa

Isang pampagising ng isip ang ekspresyong ito, salamat sa pagpupumilit ng “Iglesia ni Cristo” na bigyan ito ng bago at hindi katanggap-tanggap na kahulugan. Tulungan natin ang mga myembro ng INC na pag-aralan kung paano dapat inuunawa ang mga salita, at kung paano dapat tanggapin na kung ano ang pinagkakaisahan ng mga eksperto sa pananalita ay siyang tamang pakahulugan nito. Hindi maaaring basta na lang tumayo ang isang tao at magprotesta na ang pinagkaisahan, halimbawa, ng Webster, Merriam, Britannica, at Encarta ay mali, at ang sarili niyang pakahulugan ang tama.

Ngayon, ito ang masayang bahagi: Matapat ninyong pag-isipan kung ano ang ibig sabihin ng mga salitang “mga wakas ng lupa” o “ends of the earth”. Alin sa sumusunod ang tamang paggamit: [1] “Umabot ang kanyang mga salita hanggang sa mga wakas ng lupa” o [2] “Magbalik-loob na kayo, malapit na ang mga wakas ng lupa”? Ang una ay tumutukoy sa lugar o heograpiya, samantalang ang ikalawa ay nagtatangkang tumukoy sa panahon. Ang “mga wakas ng lupa” ba ay nangangahulugang “dulo ng mundo” o tumutukoy sa kamatayan nito?

Ito ang isang ekspresyon sa Biblia na kinailangang baguhin ng INC ang kahulugan para umayon sa kanilang katuruan. Sinasabi ng relihiyong ito na ayon kay Propeta Isaias ay si Felix Manalo ang ipinadala ng Diyos sa mga huling araw kaya ipinipilit nila na ito ang ibig sabihin ng “mga wakas ng lupa”. Magandang ideya at matapang na manipulasyon pero walang sinumang matalino ang magagawa nitong linlangin. Sapat na sa isang tao ang magkaroon ng tamang bokabularyo para makilala ang malaking kamalian sa panlilinlang na ito. Hindi kailanman magiging posible na gamitin ang mga katagang “mga wakas ng lupa” o kahit pa “mga wakas ng mundo” para tumukoy sa panahon. Hindi maaaring sabihin, “Iibigin kita hanggang sa mga wakas ng mundo,” sa halip ay dapat sabihin, “Iibigin kita hanggang sa wakas ng panahon,” o kaya ay “hanggang sa magwakas ang mundo.” Ano na lang ang sasabihin ng iyong sinusuyo kung ang una ang pipiliin mong sasabihin?

http://farm3.static.flickr.com/2436
Para sa mga hindi pa rin makaunawa sa pagkakaiba, ang isa sa mga maaaring bigyan ng pansin ay ang salitang “mga”. Iisa lang ang wakas ng panahon kaya hindi ito pwedeng gamitan ng ganitong salita. Halimbawa ay matatapos na ang iyong gawain sa susunod na Linggo, hindi mo maaaring sabihin, “Sa mga susunod na Linggo ay tapos na ang ginagawa ko.” Hindi rin tamang sabihin, “Dadalaw ako sa probinsya pagdating ng mga tag-araw.” Ang isang siguradong panahon ay hindi maaaring gamitan ng salitang “mga”. Hawak ang prinsipyong ito ng pananalita, nauunawaan natin na hindi maaaring tumukoy sa panahon ang “mga wakas ng lupa”. Ni hindi maaaring sabihin, “mga wakas ng panahon,” dahil iisa lang ang wakas. Kung mayroon pang ikalawang wakas, ang nauna ay hindi talaga wakas kundi “bago magwakas”. Sa Ingles, ito ay tinatawag na “penultimate”.

Pangalawang dapat bigyang-diin ay ang katotohanan na ang mga huling araw ay hindi nagsimula sa ating panahon o sa panahon man ni Felix Manalo kundi sa panahon ng mga apostol kung saan ang mga hula ni Jesus tungkol sa darating na kahirapan ay nagsimulang matupad. Ni wala pa sa mundo ang lolo ng lolo ni Mang Felix noong panahong iyon. Si Jesus ang sugo na tinutukoy ng mga hula ni Isaias tungkol sa mga huling araw. May magtatanong naman, “Akala ko ba ay hindi maaaring gamitin ang ‘mga’ kapag tumutukoy sa isang siguradong panahon?” Tama. Ang mga huling araw ay hindi tumutukoy sa isang siguradong araw kundi sa isang “era” o kahabaan ng panahon na kinapapalooban ng mga araw na ito. Tama ang sabihing, “Sa darating na bakasyon ay pupunta kami sa aming mga kamag-anak,” at tama din naman na sabihin, “Parating na ang masasayang araw ng bakasyon.” Bagamat iisa lang ang panahong tinutukoy, ito rin ay tumutukoy sa maraming mga araw na bumubuo dito. Pero kung sasabihing, “Pupunta kami sa aming mga kamag-anak sa paparating na mga bakasyon,” hindi na ito tama.

Sa huli ay pinatutunayan lang na ang ekspresyon na “mga wakas ng lupa” ay hindi maaaring tumukoy sa isang panahon; ito ay mananatiling tumutukoy sa lugar. Dahil din dito kaya alam nating mananatiling mali at mapanlinlang ang katuruan ni Felix Manalo.

Ang Anticristo

Ang Anticristo, ayon sa paglalarawan ni Apostol Juan sa kanyang mga sulat, ay mayroong tatlong pagkakakilanlan. Una ay ang pagiging “dating kasamahan”. Marami ang mga nagtatayo ng sarili nilang relihiyon bagamat dati rin silang mga bahagi ng tunay na Simbahan. Pero tulad ng sinasabi ni Juan, sila ay “hindi natin tunay na kaisa” (1 Juan 2:19). 

Pangalawa ay ang pagtanggi sa katotohanan na si Jesus ay “naging tao”. Sinasabi ni Juan na “ang hindi nagpapahayag ng gayon tungkol kay Jesus ay hindi kinaroroonan ng Espiritung mula sa Diyos. Ang espiritu ng Anticristo ang nasa kanya” (1 Juan 4:3). Sa ibang sulat ay sinabi din niya, “Sapagkat nagkalat sa sanlibutan ang mga magdaraya – mga taong hindi nagpapahayag na si Jesucristo’y naging tao. Ang gayong mga tao ay magdaraya at anticristo” (2 Juan 7). Ano ba ang ibig sabihin ng “naging tao”? Kung paano ito nakasulat, ganun din ang ibig sabihin. Si Jesus ay may ibang kalikasan bago pa siya naging tao. Umiiral na siya bago pa man siya isinilang. Hindi siya katulad natin na nagmula sa wala. Bago pa man si Abraham ay siya na. Siya ay nagmula sa una, ayon kay Juan Bautista. Sinabi ni Pablo, “Sa kanyang pagiginga tao, siya’y ipinanganak mula sa lipi ni David…” (Roma 1:3), at “Siya’y nahayag nang maging tao” (1 Timoteo 3:16). Sa sulat sa mga taga-Filipos ay sinasabi, “Hinubad niya ang lahat ng katangian ng pagka-Diyos, nagkatawang-tao at namuhay na isang alipin” (2:7), tulad din ng sinabi ni Juan: “Naging tao ang salita at siya’y nanirahan sa piling natin” (Juan 1:14).

Itinuturo ng ilang relihiyon tulad ng “Iglesia ni Cristo” at Saksi ni Jehovah na si Jesus ay tao lamang katulad ng lahat at nagkaroon lamang ng pag-iral noong siya ay isinilang. Pero tulad ng sinasabi ni Juan, ito ay “ibang turo”, dahil tinanggap natin mula sa mga apostol na si Jesus ay “naging tao” o “nagkatawang-tao”. Ito  ang ikatlong pagkakakilanlan ng Anticristo: ang pagdadala ng ibang turo. Nagbabala si Juan na “sinumang dumating sa inyo na ibang turo ang dala ay huwag ninyong tanggapin sa inyong bahay, ni huwag ninyong batiin” (2 Juan 10).

Wednesday, February 17, 2010

Isang Gabay sa Pagkukumpisal

Sa pagkukumpisal ay kailangang isaalang-alang ang ilang mga bagay. Unang-una dito ay ang kahulugan mismo ng sakramentong ito. May mga librong nagpapakita ng positibong sikolohikal na mga epekto ng pagkukumpisal at walang anumang tapat na pag-aaral ang nagpahayag ng kabaligtaran. Pero hindi ito ang tutok ng ating pagsasaalang-alang kundi ang utos mismo ng Diyos sa pamamagitan ng Simbahan. Makikita natin ang tunay na halaga ng sakramento ng kumpisal kung totoong naniniwala tayo na alam ng Diyos ang makabubuti para sa atin. Hindi niya ito pinagagawa sa atin para lang ilagay tayo sa isang nakakahiyang sitwasyon. Alam niya, higit kaninuman, kung paano gumagawa sa loob natin ang kapalaluan, at kung paano kumikilos mula sa labas ng ating pagkatao ang kanyang kalaban na si Satanas. Ibinigay sa atin ni Jesus ang sakramentong ito upang protektahan tayo mula sa panlilinlang ng demonyo at ng ating sarili. Hindi na bago sa atin ang linyang, “Bakit ako magkukumpisal sa pari, e sa Diyos ako nagkasala? Idideretso ko na lang sa Diyos kaysa sabihin ko sa isang tao na makasalanan din naman.” Kilala natin ang kasabihang ito dahil maaring narinig natin sa ibang tao o narinig natin sa ating sarili. Hindi mahirap maniwala sa ganitong katwiran dahil sa biglang tingin ay para ngang matuwid, pero ang Diyos ay hindi tulad ng tao kung mag-isip (tingnan: Isaias 5:8). Tuso ang demonyo at kaya niyang palabasin na siya ay nasa matuwid tuwing kinukumbinsi niya tayo. May punto siya noong sinabi niya kay Jesus na kung siya nga ang anak ng Diyos ay magagawa niyang tinapay ang bato sa halip na magpakagutom siya. Hindi rin malayo sa katotohanan ang sinabi niya kay Jesus na sa kanya ang mga kaharian ng mundo (tingnan: Juan 14:30) kaya maiibigay niya ito sa sinumang ibigin niya. May katwiran din siya noong sinabi niyang si Jesus ay iingatan ng mga anghel kaya magagawa niya ang lahat, maging ang pagtalon mula sa itaas ng templo. Ganito katalino ang demonyo kaya kailangan nating maging maingat sa ating pangangatwiran dahil baka inaalipin niya na tayo nang hindi natin nalalaman. Kailangan nating laging taglayin ang isip ni Cristo (tingnan: 1 Corinto 2:16) upang hindi tayo malinlang.

Sa panahon palang ng mga paring Levita ay ipinahayag na at inutos ng Diyos kung paano dapat ikumpisal ang ating mga kasalanan: ito ay sa harap ng komunidad (Lv 5:5 ; Lv16:21 ; Lv 26:40) Dapat rin alalahanin na ang kasalanan ay may pangalan at dapat ikumpisal ang pangalan nito. Hindi sapat ang sabihin sa pari o sa komunidad na ikaw ay nagkasala; dapat mong sabihin kung ano ang nagawa mong kasalanan.at para ito ay mapatawad, walang ni isa man ang dapat itago (tingnan: Kawikaan 28:13 ; Marcos 1:5). Ang pagtatago ng kasalanan ay lalo lamang nagpapabigat dito.

Bakit linoob ng Diyos na magkumpisal tayo sa harap ng tao sa halip na diretso sa kanya? Una ay dahil gusto niyang wasakin ang ating kayabangan na siyang pangunahing dahilan ng ating pagkakasala at pagkabilanggo sa kasalanan. Ilinalagay niya tayo sa isang abang kalagayan kung saan tayo ay walang maipagmamalaki sa halip ay kikilalanin natin ang ating kawalan at pagkamakasalanan. Ang aminin sa sarili ang pagkakamali ay isa nang mahirap na pasya, lalo pa ang pag-amin nito sa ibang tao. Ang biyaya ng Diyos sa ating kaluluwa na tinatanggap natin sa pananalangin, at ang sitwasyong pinaglalagyan niya sa atin ay magkatulong na puputol sa ugat ng ating kasalanan. Pangalawang dahilan ay upang maramdaman natin biglang tao na may nakikinig sa atin – sa ating pagsisisi at kalungkutan. Ikatlong dahilan ay upang magkaroon tayo ng damdamin ng kasiguruhan na may namamagitan sa atin sa Diyos, at ang ating pakiusap at paghigi ng tawad ay hindi tinalikuran. Ikaapat na dahilan ay upang may gumabay sa ating espiritwal na paglalakbay at magpalakas ng ating loob sa pamamagitan ng maka-amang pangangaral. Ikalima ay upang maranasan ng ating buong pagkatao – kaluluwa at katawan – ang pagpapatawad ng Diyos sa pamamagitan ng absolusyon o pagpapawalang-sala na binibigkas ng pari. Bagamat magagawa ng Diyos ang lahat ng bagay, siya ay nagsasalita sa ating kasaysayan, ibig sabihi’y sa mga pangyayari sa ating buhay at sa pamamagitan ng ibang tao. Sa Sakramento ng Kumpisal ay pinili ni Jesus na ang pari ang magdadala ng kasalanan ng tao sa harap ng Diyos at magdala ng kapatawaran pabalik sa tao, “in persona Christi.” Ibig sabihin nito ay hindi talaga ang pari ang namamagitan sa Diyos at sa tao kundi si Cristo mismo na kanyang kinakatawan. Ikaanim na dahilan ay upang may tumanggap sa atin sa ngalan ng buong komunidad. Ito ay dahil sa tuwing napuputol ang maayos nating ugnayan sa Diyos dahil sa ating kasalanan, napuputol din ang espiritwal na ugnayan natin sa Katawang Mistiko  ni Cristo, ibig sabihi’y sa buong Simbahan. Ang pari ang kumakatawan sa pagtanggap ng buong komunidad sa ating maligayang pagbalik.

Taglay ang ganitong pagkaunawa sa karunungan at kabutihan ng Diyos, magkakaroon tayo ng tamang gabay at natural na damdamin (hindi ipinilit) upang maging mapagpasalamat at lalo pang ibigin ang Diyos, higit sa ano pa man. Sinasabi rin ng kaalaman ito na tayo ay walang sariling kakayahan, sa halip ay dapat nating ihingi ng tulong sa Diyos ang lahat; hindi lamang ang kapatawaran kundi ang kababaan ng loob at ang liwanag na nagpapakita sa ating tunay na kalagayan. Dahil dito, ang ikalawang dapat isaalang-alang ay kung paano dapat humingi ng tulong.

Hindi kailangan ng Diyos ng mayamang bukabolaryo o mabulaklak na pananalita sa pananalangin; ang kailangan niya ay pusong nagpapakababa at nagsisisi. Hindi niya hinahamak ang nagbabalik loob at may tunay na kalungkutan (tingnan: Salmo 51:17).

Panginoon, bigyan mo ako ng liwanag upang makita ko ang aking sarili kung paano mo ako nakikita, at ng biyaya ng tunay na pagsisisi sa mga nagawa kong kasalananan. Maria, aking Ina, tulungan mo akong gumawa ng mabuting pangungumpisal.

Pagkatapos nito ay isaalang-alang ang mga nagawang kasalanan, ang pangalan nito, at ang dami ng ulit. Dapat din isaalang alang ang sirkumtansya kung saan ang bigat ng kasalanan ay maaaring madagdagan. Isang halimbawa nito ay ang pangunguha ng gamit ng iba. Ito sa kanyang sarili ay kasalanan na kung walang pahintulot ng may-ari, pero kung may napagbintangan o nag-away dahil dito, mas pinabibigat nito ang pananagutan ng nagkasala. Dapat rin itong ikumpisal. Sa kabaligtara ay dapat naman iwasan ang malabis na padedetalye na hindi naman makapagbabago ng bigat o natura ng kasalanan. Ang kumpisal ay hindi oras ng huntahan, at ang masyadong pribadong mga detalye ay wala rin kinalaman sa pag-amin ng ksalanan; baka lalo lamang itong magdulot ng pagkakasala. Sabi nga sa Ingles, dapat ay “straight to the point”. Hingin ang basbas ng pari – “Bless me Father for I have sinned,” – sabihin kung kailan huling nagkumpisal, banggitin ang mga kasalanan (at ang mga sirkumstansya kung kailangan) at kung ilang ulit ito ginawa, pakinggan ang payo ng pari at ang ipapagawa niya bilang kondisyon ng pagpapatawad, at sa huli ay tanggapin ang ka patawaran. Kailangang maging malinaw na hindi ang awa ng Diyos ang talagang may kondisyon kundi ang pagtanggap natin nito. Ang hindi pagtupad sa “penance” o sa ipinapagawa ng pari ay nagpapakita ng kawalan ng kooperasyon sa proseso ng pakikipagkasundo sa Diyos at nagpapahiwatig ng kawalan sinseredad. Sa kasong ito, kahit bumubuhos ang biyaya at awa ng Disyos, hindi ito matatanggap ng nagkumpisal dahil hindi siya nakahanda para dito. Ito ang dahilan kung bakit kailangan ng preparasyon sa pagkukumpisal. Hindi rin dapat kalimutang magpasalamat sa Diyos sa kanyang walang-hanggang pag-ibig at awa.

Sa pagsasaalang-alang ng mga nagawang kasalanan, pinakamabuti na salaminin ang sarili sa pamamagitan ng Sampung Utos at ng mga kautusan ng Simbahan.

1)Nakalimutan ko ba o kaya ay sadyang itinago ang isang mabigat na kasalanan noong huli akong nagkumpisal?

2)Nagkumpisal ba ako ng walang sapat na paghahanda?

3)Hindi ko ba ginawa ang ibinilin ng pari?

4)Hindi ba ako tumanggap ng komunyon noong panahon ng Easter?

5)Lumampas ba ang isang taon na hindi ako nangumpisal?

6)May mga bisyo ba akong dapat unahing ikumpisal tulad ng kahalayan at paglalasing?

7)Hindi ko ba pinag-aralan ang aking pananampalataya (Pagsisi, Sumasampalataya Ako, Ama Namin, Sampung Utos , Pitong Sakaramento)?

8)Pinag-alinlangan ko ba ang mga turo ng Simbahan ? [3]

9)Sumama ba ako sa di-Katolikong pagsamba?

10)Nagabasa ba ako ng mga babasahing laban sa Katolisismo?

11)Naniwala ba ako sa mga pamahiin?

12)Ginamit ko ba ang pangalan ng Diyos sa hindi tamang paraan? [4]

13)Naging mareklamo ba ako?

14)Nagpakita ba ako ng kawalang galang sa pari o sa isang konsagrado?

15)Nanunumpa ba ako nang walang ingat o walang katotohanan?

16)Hindi ko ba tinupad ang pansariling pangako?

17)May mga Linggo at araw ng pangilin ba na hindi ako nagsimba?

18)Dumating ba ba ako nang huli sa Misa dahil sa sarili kong kapabayaan?

19)Hindi ba ako seryoso o kaya ay lumilipad ang aking isip kapag nagsisimba?

20)Gumawa ba ako ng mabigat na gawain sa araw ng Linggo? [6]

21)Nagpakita ba ako ng kawalan ng paggalang o nag-isip ng hindi tama sa aking mga magulang?

22)Hindi ko ba irinespeto ang aking kapwa?

23)Hindi ko ba naibigay ang mga pangangailangan ng aking mga anak?

24)Nakipag-away ba ako?

25)Nag-isip ba ako ng masama laban sa ibang tao?

26)Ikinatuwa ko ba ang masamang nangyari sa aking kapwa?

27) Mayroon ba akong iniwas na makikipagsundo sa akin?

28) Nagsinungaling ba ako o nannira?

29) Nanghusga ba ako? Inisip ko bang masmabuti ako kaysa iba?

30) Sumali ba ako sa chismisan o sa pagkakalat ng kahihiyan ng ibang tao?

31) Nagselos ba ako o kaya ay nainggit?

32) Ipinagkait ko ba ang karapatan ng aking asawa? [7]

33) Gumamit ba ako ng kontraseptibo? [8]

34) Inabuso ko ba ang aking karapatan bilang asawa? [9]

35) Nangalunya ba ako o kaya ay nakiapid?

36) Humawak ba ako sa ibang tao nang may malisya?

37) Inabuso ko ba ang aking katawan sa pamamagitan ng masturbation?

38) Nag-isip ba ako ng mahalay?

39) Nanamit ba ako ng malaswa?

40) Gumawa ba ako ng maaaring ipagkasala ng iba? [10]

41) Gumamit ba ako ng mahalay na pananalita?

42) Nakinig ba ako sa mahalay na kwento?

43) Tumingin ba ako sa masamang babasahin o panoorin?

44) Kumuha ba ako nang walang pahintulot ng may-ari?

45) Pinagnasaan ko ba ang pag-aari ng iba?

46) Pinaubaya ko ba ang sarili sa katamaran?

47) Nagpabigat ba ako sa iba para hindi ako mahirapan?

48) Nagpakita ba ako ng kawalan ng respeto sa pag-aari ng iba?

49) Nawalan ba ako ng tiwala sa Diyos dahil sa materyal na kakulangan? [11]

50) Mas panahalagahan ko ba ang pera o anumang materyal na bagay kaysa sa aking kabutihang espiritwal?

51) Nagtrabaho ba ako nang tapat sa lahat ng pagkakataon?

52) Naging madamot ba ako sa mga nangangailangan? [12]

53) Nandaya ba ako sa anumang paraan?

54) Nagpatubo ba ako ng labis sa aking ipinautang?

55) Bumili ba ako o tumanggap ng galing sa nakaw?

56) Sinadya ko bang hindi magbayad ng aking utang?

57) Ibinigay ko ba sa aking manggagawa ang sapat na sweldo?

58) Nag-aksaya ba ako ng pera o anumang materyal na bagay?

59) Ipinangsugal ko ba ang dapat ay para sa aking pamilya?

60) Nagpasya ba akong gumawa ng isang bagay na inaakala kong masama, natuloy man o hindi? [13]

61) Nag-ayuno ba ako o nag-abstinensya sa mga nakatakdang araw? [14]

62) Nag-ambag ba ako para sa pangangailangan ng Simbahan? [15]

63) Sinunod ko ba ang utos ng Simbahan tungkol sa kasal? [16]

[1] Ang panahon ng Easter sa Pilipinas ay nagsisimula sa Miercoles de Ceniza hanggang Todos los Santos.

[2] Mayroong mga pangunahing aral ang ang Simbahan na kailangang matutunan ng isang Katoliko, pero habambuhay ito dapat palalimin sa pamamagitan ng patuloy na pag-aaral.

[3] Hindi kailanman magiging makatwiran ang sinasabi ng ilan na ‘’Mabuting Katoliko pa rin ako kahit hindi ko paniwalaan ang ibang turo ng Simbahan.’ Kkung walang mabuting Filipino ang tahasang lumalabag sa Saligang Batas ng bansa,lalo naman hindi matatawag na mabuting alagad ni Cristo ang tahasang sumasalungat sa Simbahang kinikilala niyang itinatag ng kanyang Panginoon. Sinabi ni Jesus, "Ang nakikinig sa inyo ay sa akin nakikinig, ang nagtatakwil sa inyo ay nagtatakwil sa akin, at ang nagtatakwil sa akin ay nagtatakwil sa nagsugo sa akin." (Lucas 10:16). Mahalaga sa isang Katoliko na alamin  ang tayo at turo ng Simbahan sa isang partikular na usapin at pag-aralan ang mga prinsipyo sa likod nito.

[4] Hindi man kapansin-pansin sa marami pero ang pangalan ng Diyos ay isa sa mga katagang pinakanagagamit sa mapang-abusong paraan. Pangkaraniwan na lang samga Filipino ang magsalita ng “Diyos ko”, “Panginoon ko” at “Susmaryosep” sa paraang hindi nararapat. Nasa katergoryang ito rin ang panunumpa nang walang katotohanan dahil ang pagbigkas ng isang sumpa ay pagtawag sa pangalan ng Diyos bilang saksi sa katotohanan ng sinumpaan. Ang pagsisinungaling ay paglabag sa kalikasan at persona ng Diyos na siyang Katotohanan (tingnan: Juan 14:6); ito rin ay paggawa ng kagustuhan ni Satanas na siyang ama ng lahat ng kasinungalingan (tingnan: Juan 8:44).

[5] Ang pagiging mareklamo ay hindi lamang isang simpleng pagbubukas ng damdamin tungkol sa hindi magandang nangyayari. Sa mababaw na pagtingin, ito ay para lamang paglalabas ng hinanakit o pagkadismaya, pero kung susuriing mabuti ang epekto nito, makikitang ito ay hindi nagdudulot ng anumang pakinabang. Ang nagrereklamo ay lalo lamang sumasama ang loob habang nakakasanayan niyang lagi itong gawin tuwing hindi sya natutuwa o kuntento sa nangyayari. Samantala, ang nakakarinig naman ng walang katapusang mga reklamo ay naiirita at kung minsan ay nakakapanghusga pa. Pero higit sa lahat, ang pagiging reklamador ay hindi lamang pagbigkas ng salita sa harap ng ibang tao, ito ay pagpapakita ng kawalan ng tiwala sa Diyos. Bagamat ang tao ay.may kalayaang magpasya kung ano ang kanyang gagawin, at may kakayahang pagplanuhan ang mga ito, ang Diyos pa rin ang nangangalaga sa lahat ng mga pangyayari, mabuti man o masama sa ating paningin. “Maging ang buhok ninyo'y bilang nang lahat” (Mt 10:30). Sa halip na isipin at sabihn na ang lahat ng tao at lahat ng pangyayari ay magkakasabwat sa pagpapahirap ng iyong buhay, ang tunay na makapagbibigay ng kasiyahan ay ang patuloy na pag-asa at pasasalamat sa Diyos (tingnan: Colosas 4:2 ; Efeso 6:18).

[6] Ganun na lang ang pagpapahalaga ng Diyos sa Araw ng Pamamahinga kaya nagbigay siya ng detalyadong panuntunan tungkol dito. Bagamat Linggo na ang Araw ng Pamamahinga para sa mga Cristiano, nananatili pa rin ang prinsipyo sa likod ng pagpapahalaga at pagtatalaga sa partikular na araw na ito. Sa Araw ng Pamamahinga ay ipinapaalala sa atin ng Diyos kung para saan ang ating buhay. Dito ay ipinaparanas niya sa atin ang kapahingahan sa kanyang piling – isang patikim ng kawalang-hanggan o eternity. Gusto ng Diyos na sa Araw na ito ay iwan natin ang anumang kaabalahan na aagaw sa ating kapahingahang pangkaisipan at pangkatawan. Kung ang Sabbath at 7th day, ang Linggo para sa mga Cristiano ay ang “8 day” o “eternal day”. Sa araw na ito ay gusto tayong makasama ng Diyos sa mas espesyal na paraan – bilang mga maharlikang kasama ng walang hanggang Hari sa isang walang haggang araw “∞”. Iniiwan natin ang mga araw kung saan ang oras ay mabilis na lumilipas pero kinababagutan, at dinadala ang sarili sa isang Araw kung saan parang hindi lumalakad ang panahon at ang bawat sandali ay tila walang katapusang tuwa. Pero ang Araw na ito na itinalaga ng Diyos sa kanyang sarili at para sa ating kapahingahan ay hindi natin lubos na mararanasan malibang maunawaan natin ang tunay nitong halaga at masundan ang kalooban ng Diyos ukol dito.

[7] “Huwag ninyong tanggihan ang isa’t isa maliban lang kung pinagkasunduan sa loob ng takdang panahon upang mag­si­kap kayo sa pananalangin. At pagka­tapos, magsama kayong muli nang hindi kayo matukso ni Satanas sa kawalan nin­yo ng pagpipigil sa sarili” ( 1 Co 7:5). May mga pagkakataon na pinipili ng mga mag-asawang Cristiano na italaga ang sarili sa panalangin sa loob ng ilang gabi, sa halip na magkasamang matulog. Ito ay isa sa mga likas na pangangailangan ng tao na hindi halos natutugunan sa kasalulukuyang panahon – ang pangangailangang mapag-isa kasama ng Diyos. Gayunman ang mag-asawa ay hindi naman dapat magkahiwalay sa loob ng mahabang panahon dahil ito ay isang malaking pagkakataon para sa tukso. Ito rin ang dahilan kung bakit hindi dapat magkait ang mag-asawa sa isa’t isa dahil sa mga ganitong pagkakataon nagsasamantala si Satanas para hilahin ang tao sa pagkakasala.

[8] Ang tao ay linikha ng Diyos para bumuo ng isang malaking pamilya ng sangkatauhan na maninirahan sa tahanan ng Ama sa langit. Hanggat mayroong lupa, hindi dapat tumigil ang paglikha ng mga bagong mamamayan para sa Bayan ng Diyos dahil kasabay ng pagkawala ng lupa ay ang pagtigil ng tao sa pagiging kamamanlikha. Kung paanong ang pagkabaog ng lupa ay nagpapakita ng kawalan ng biyayang materyal, ang pagkabaog ng mundo sa paglikha ng tao ay tanda ng paglayo nito sa presensya ng Diyos. Bagamat ang kawalan ng anak ng isang indibidwal ay hindi laging nangangahulugan ng malayong presensya ng Diyos sa parehong tao, ang pagkabaog ng isang bayan ay siguradong tanda ng pagkakasala ng parehong bayan (Osea 9:11 ; Deuteronomio 28:18). Hindi sapat ang kaunting salita para ilarawan ang kasamaan ng kontrasepsyon, at hindi sapat ang maliit na isip para maunawaan ang mapanlinlang nitong intensyon. Ito ay sumisira ng kaisipan, nagwawasak ng pamilya, nagpapababa ng dignidad, sumusugat sa kalikasan, at lumalabag sa batas ng Diyos at sa karapatang pantao. Ito ay isang kasalanang humahantong sa mas marami pang kasalanan, at binibigo nito ang pangkalahatang plano ng Diyos. Sapat na para sa isang taong marunong kumilala sa mabuting konsensya na malaman na ang ilang mga kontraseptibo ay pumapatay ng milyon-milyong tao sa loob ng maikling panahon, at lahat ng uri ng kontrasepsyon ay nagbababa at lumilimita sa tao sa antas ng pagiging hayop na walang isip, mabuting pagpapasya, at walng kakayahang pamahalaan ang sarili. Ang kontraseptibong kaisipan ay bumubuo ng isang kultura kung saan ang tao ay nabubuhay para magpakalayaw at kung saan ang kahulugan ng responsibilidad ay ang tusong paraan ng pag-iwas dito sa isa o ibang paraan. Ang kasalanan ng kontrasepsyon ay maaaring maging simbigat ng aborsyon o pagpatay sa kapwa.

[9] Ang “marital right” o karapatan bilang asawa ay tumutukoy sa katotohanan na ang katawan ng lalaki ay hindi na sa kanyang sarili kundi sa babae, at ang katawan ng babae ay hindi na sa kanyang sarili kundi sa lalaki (tingnan: 1 Corinto 7:4 ). Dahil dito, dapat ay pagkasunduan ng mag-asawa kung kailan sila maaaring magtalik para hindi magkaroon ng pagkakait ng karapatan sa isa’t isa. Sa ganito rin paraan , ang karapatang ibinigay ng kasal sa mag-asawa ay hindi maaabuso sa pamamagitan ng pamimilit o emosyonal na pagmamanipula – bagay na hindi man lamang dapat sumagi sa isip ng isang Cristiano. Ang pisikal na pamimilit at ang pananakot ay may mas mabigat na pananagutan.

[10] Ang mga dahilan ng pagkakasala ay lagi lamang nasa paligid, pero dapat nating iwasan na tayo ang maging dahilan ng pagkakasala ng iba. Sinabi ni Jesus, “Mas makabubuti pa sa kanya na talian ng gilingang-bato sa leeg at ihagis sa dagat kaysa tisurin at pa­bagsakin ang isa sa maliliit na ito” (Lucas 17:2). Ang pagiging sanhi ng kasalanan ay nangangahulugan ng paglalagay sa kapwa sa isang sitwasyon kung saan maaari siyang matukso o magkasala. Ilan sa mga halimbawa nito ay ang pagsusuot ng mga makatawag-pansing kasuutan o intensyonal na pang-aakit o paggawa ng ikagagalit ng kapwa o pagliligaw ng kaisipan o paghihimok na gumawa ng mali. Nakaakit man o hindi, nakapagsanhi man ng kasalanan o hindi, nakapanggalit man o hindi, ang gumagawa ng potensyal na pagkakasala ng iba ay siguradong nagkakasala.

[11] Ang kawalan ng pag-asa ay malaking insulto sa Diyos dahil ipinapahiwatig nito na hindi alam ng Diyos ang kanyang ginagawa at hindi siya nakakakilala ng katarungan.

[12] Ang pagiging maramot ay tumutukoy hindi lamang sa hindi pagbibigay kundi sa kawalan ng kahandaang magbigay. Kilala ng Diyos ang mapagbigay na puso at lagi tayong may tungkuling magbigay sa anumang paraan. Ang pagsasabing , “Ako nga rin wala e,” ay nagpapakita ng panloob na karamutan at pagiging makasarili. Sa kabilang banda, ang mapagbigay ay nagbibigay ng may ngiti sa kalooban sa lahat ng pagkakataon.

[13] Sa puso nagmumula ang layuning gumawa ng mabuti o masama at dito rin nagsisimula ang pananagutan sa Diyos. Ang intensyong magnakaw ay masama, natuloy man o hindi ang pagsasakatuparan nito; ganun din sa lahat ng hindi mabuting intensyon. Sa kabaligtaran , ang pagsisisi ay laging mabuti, dahil ang simula ng pagsisisi ay ang katapusan ng masamang hangarin. Hindi rin dapat sabihin, “Nandito na ako, itutuloy ko na.” Ang paninindigan ay hindi kailanman dapat gamitin sa paggawa ng masama.

[14] Ang mga araw ng pag-aayuno at abstinensya sa Pilipinas ay

*Miercoles de Ceniza, Biyernes Santo – ayuno at abstinensya

*lahat ng Biyernes ng Kwaresma - abstinensya

*lahat ng Biyernes ng taon - abstinensya o pamalit

Ang nasasakop ng pag-aayuno ay mga Katolikong nasa ika-21 hanggang ika-60 taon, samantalang ang sa abstinensya ay 14 taon gulang pataas. Sa bawat Biyernes ng taon maliban sa nasasakop ng Kwaresma ay maaaring ipalit sa abstinensya ang pagbabasa ng Biblia, pagdalaw sa mga may sakit, o anumang gawain ng awa. Ang ayuno ay tumutukoy sa pagbabawas ng dami ng kinakain sa isang araw. Halimbawa ay isang kumpletong pagkain sa buong araw at tig-isang bawas na pagkain sa almusal at hapunan. Ang abstinensya naman ay hindi pagkain ng karne ng mga panlupang hayop at mga ibon.

[15] Ang binibigay ng isang Cristiano para sa pangangailangan ng Simbahan ay hindi abuloy na para bang limos sa isang pulubi o tulong sa isang institusyon; ito ay ambag at obligasyon sa Diyos at sa kapwa. Kung paanong ang isang mamamayan ay may obligasyon sa gobyerno para sa ikabubuti ng pamayanan, ganun din ang Cristiano ay may pananagutang pangmateryal – bukod sa espiritwal – ng bawat Cristianong nangangailangan. “Itinalaga ng Panginoon na mabuhay mula sa ebanghel­yo ang mga nagpapahayag ng ebanghelyo” (I Co 9:14). Pero bukod dito, ang materyal na ambag ng mga Cristiano ay pinaghahati-hati sa pagpapagawa ng mga simbahan , eskwelahan, pagamutan, seminaryo, at sa pagmimisyon sa ibang mga di-Katolikong bansa. Hindi tayo inoobliga ng Simbahan na ibigay ang ikasampung bahagi ng lahat ng ating kinikita, pero ang kusang paggawa nito ay nagpapakita ng ating pagtitiwala sa Diyos.

[16] Ang mga batas ng Simbahan tungkol sa kasal ay ang mga sumusunod:

* Ang isang Katoliko ay magkakaroon lamang ng tunay na kasal sa harapan ng isang autorisadong pari at dalawang saksi. Ang hindi ikinasal sa ganitong paraan ay namumuhay sa kasalanan at hindi maaaring tumanggap ng mga sakramento o ng Katolikong libing.

* Ang pagpapakasal sa hindi Katoliko ay nangangailangan ng pahintulot ng Simbahan.

*Hindi kinikilala ng Simbahan ang diborsyo.

*Ititiwalag ang Katolikong magpapakasal sa di-Katolikong Simbahan


Salmo 51

Kaawaan mo ako, O Diyos
ayon sa tapat mong pag-ibig.

Ayon sa laki ng iyong habag,
pawiin mo ang aking kasalanan.

Hugasan mong lubos ang aking kasamaan
at sa aking kasalanan linisin ako.

Inaamin ko ang aking mga pagkakamali,
ang kasalanan ko’y lagi sa harap ko.

Laban sa iyo, sa iyo lamang ako nagkasala
gumawa ako ng kasamaan sa paningin mo,

kaya dapat lamang na ikaw ay magsalita;
matuwid ka sa iyong paghatol.



Tunay na ipinanganak akong lipos ng sala,
makasalanan na sa sinapupunan pa lamang ng aking ina.

Ngunit nais mo ng katotohanan sa kalooban
kayat turuan mo ako ng karunu­ngan sa aking pusong lihim.

Linisin mo ako ng isopo at ako’y magiging malinis.
Hugasan mo ako at ako’y magiging simputi ng    niyebe.

Puspusin mo ako ng tuwa at galak.
nang magdiwang ang mga butong iyong dinurog.

Ilayo ang mukha mo sa aking sala,
at lahat ng kabuktutan ko ay pawiin.

Ilikha mo ako ng dalisay na puso, O Diyos,
bigyan ako ng espiritung bago at matuwid.

Huwag mo akong iwaksi sa iyong harapan
ni ilayo sa akin ang banal mong Espiritu.



Ibalik sa akin ang ligaya sa iyong kaligtasan,
at pagtibayin sa akin ang diwang mabuti.

Ituturo ko sa mga makasalanan ang iyong landas
at ang mga makasalanan sa iyo’y babalik.



Iligtas mo ako sa salang pagpatay, O Diyos ng aking kaligtasan,
at aawitin ng dila ko ang iyong katuwiran.

Panginoon, buksan ang mga labi ko
at ang bibig ko’y aawit ng papuri sa iyo.

Sapagkat hindi ka nalulugod sa hain.
Magbigay man ako ng alay na susunugin,
hindi mo ito kalulugdan.

Alay ko sa Diyos ay isang diwang nasiraan,
hindi mo itatakwil, O Diyos, ang pusong wasak at nagsisisi.


1 Juan 1:8-10
Kung sasabihin nating wala tayong taglay na kasalanan, dinadaya natin ang sarili at wala sa atin ang katotohanan. Kung aaminin natin ang ating mga kasa­lanan, patatawarin niya na matapat at makatarungan ang ating mga kasalanan at lilinisin tayo sa kahit anumang kasa­maan. Kung sasabihin natin na hindi tayo nag­kasala, ginagawa natin siyang sinu­ngaling at wala sa atin ang kanyang salita.



Ps 32:1-7
Napakasaya ng pinatawad sa kanyang mga sala,
ng pinawian ng kanyang mga kasalanan.

Napakasaya ng di pinapananagot ng Panginoon sa kanyang sala,
at walang panlilinlang sa kanyang kalooban.

Sa di ko pag-imik mga buto ko’y nanlupaypay
sa maghapong hinagpis.

Araw-gabing mabigat ang kamay mo sa akin.
Lakas ko’y natutuyong gaya ng sa tag-init.

At inamin ko nga sa ’yo ang aking mga kasalanan
at di pinagtakpan ang aking kasamaan.

Sinabi kong “Ipagtatapat ko sa Panginoon ang aking pagkakasala,”
pinatawad mo naman ang aking sala at di pinapanagot.

Kaya sa ’yo mananalangin lahat ng makadiyos sa oras ng kagipitan.
Tumaas man ang malaking baha, hinding-hindi sila maaabot.

Ikaw ang aking kublihan,
ipagsasanggalang ako sa ligalig.
At pinaliligiran mo ako ng mga awit ng paglaya.