Kung si Jesus ay hindi Diyos...

Kung hindi Diyos si Cristo, sumasamba tayo sa tao na labag sa kauna-unahan at pinakamahalagang utos ng Diyos. Hindi dapat ibinibigay ang pagsamba kahit na sa anong nilalang, at sa kahit anong dahilan. Kung ang Diyos ang nag-utos na sambahin si Jesus, bagamat siya’y tao lamang, linalabag ng Diyos ang sariling kautusan na imposibleng mangyari. Ang Diyos ay hindi nagpapalit ng isip; ang sinabi Niya na ay sinabi na. 

Kung iniligtas ng Diyos ang tao sa pamamagitan ng isang nilalang, nangangahulugan na sapat na ang buhay ng isang nilalang para sa kaligtasan ng lahat basta gustuhin lang ito ng Diyos. Bakit hindi sapat ang buhay ni Esteban, o ni Santiago, o ni Pablo, o ni Pedro, o ng ibang mga apostol at mga Cristianong nag-alay ng buhay alang-alang sa kanilang pananampalataya? Kung ganito ang kaso, nangangahulugan na hindi nakasalalay sa kasapatan ng pagbabayad sa Hustisya ang pagpapawalang-sala ng Diyos sa tao, kundi sa kung kailan Niya gustong pawalang-sala ang tao, at kung sinong tao ang gusto niyang mag-alay ng buhay. Sa kabilang banda, ang katwirang ito ay hindi maaaring sang-ayunan ng mismong kalikasan ng Diyos. Ang Diyos ay walang-hanggan, laging umiiral, walang pinagmulan at walang katapusan. Lahat ng ginagawa Niya ay nangyayari sa kawalang-hanggan na ang ibig sabihi’y patuloy na nagaganap. Ang sanlibutan ay tapos nang likhain matagal ng panahon, pero sa katotohanan ng Diyos, ito ay patuloy na linilikha. Ganun din ang prinsipyo tungkol sa pagkakasala laban sa Diyos. Dahil ang Diyos ay walang-hanggan, ang pagkakasala sa Kanya, kahit ipagpalagay na sa isang pagkakataon lang nangyari, ay patuloy na nangyayari sa kanyang katotohanan; at kung gaano kadakila ang Diyos ay ganun din kalaki ang kahit na isang kasalanang laban sa Kanya. Mas mauunawaan ito ng mas nakararami kung bibigyan ng analohiya: Ikumpara natin ang iskandalo ng pagkakasala sa isang pulubi at sa presidente ng United Nations. Ano kaya ang mangyayari sa iyo at ang magiging reaksyon ng mga tao kung sinampal mo ang isang namamalimos na pulubi, at saan ka naman kaya pupulutin kung lapitan mo at sampalin ang presidente ng United Nations? Ang kadakilaan at karangalan ng isang tao ay hindi maliit na bagay. Ang opensa na tatanggapin ng isang tao ay bumabatay sa kanyang officio at karangalan, popularidad, at sa laki ng iskandalong idinulot ng pagkakasala. Bagamat hindi sapat ang tao para ikumpara sa Diyos, sa pamamagitan ng analohiyang ito ay makikita natin kung gaanong hindi maabot ng ating isip ang napakalaking opensa na tinanggap at patuloy na tinatanggap ng Diyos kahit sa isa lamang sa milyon-milyon nating mga kasalanan. Mababaliw ang isang tao, kung hindi man siya mamamatay, kapag nakita niya kung gaano kalaki kahit ang isa at pinakamaliit na kasalanan na maaaring magawa ng  tao, dahil kung paanong hindi niya matatanaw ang hangganan ng Diyos, ganun din ang kasalanan laban sa Kanya. Sinumang gustong makasilip sa ganitong karanasan, subukan niyang isipin kung saan nagtatapos ang kalawakan, o kaya’y paano nagsimula ang Diyos na walang simula at kung gaano na Siya katagal umiiral, o kung ano ang pinagkakaabalhan Niya noong wala pa Siyang nililikha. Kung ang mga bagay na ito lamang ay hindi pa maabot ng isip ng tao, lalo na ang bigat ng kasalanan na ipinapasan ng Diyos sa isang “tao lamang”. Malibang gumawa ang Diyos ng isang tao na katumbas ng Kanyang sarili, imposible para sa tao na panagutan kahit isa lang sa mga kasalanan ng kanyang kapwa. Kung paanong mangangailangan ng isang mataas na tao para humingi ng tawad para sa kasalanan laban sa mataas din na tao, mangangailangan din ng isang Diyos para mapawalang-sala ang kasalanan laban sa Diyos.

Kung hindi Diyos si Jesus, tayo ay binautismuhan sa pangalan ng isang tao na hindi pa nangyari o mangyayari man sa buong kasaysayan ng kaligtasan. Nagbautismo si Juan pero hindi “sa ngalan ni Juan.” Walang lingkod ng Diyos ang binautismuhan sa pangalan ng tao. Maaari nga itong mangyari sa mga nagpapabautismo sa pangalan ng isang diyus-diyusan o mga diyus-diyusan, pero hindi sa mga banal ng Diyos. Kung ang binautismuhan sa pangalan ng Diyos ay nagkakahati-hati sa pangalan ng mga tao, paano pa kaya ang binautismuhan sa pangalan mismo ng tao lamang? Kaya sinabi ni Pablo, “Binautismuhan ba kayo sa ngalan ni Pablo?”

Kung hindi Diyos si Jesus, may isang tao na katulad ng Diyos bagamat hindi Diyos: Si Jesus, tulad ng Ama, ay nakababatid din ng lahat ng bagay, nasa lahat din ng lugar na parang Diyos, at ang mga ginagawa niya ay lahat ng nakikita niyang ginagawa ng Ama. Nangangahulugan na kaya niyang gawin lahat ng ginagawa ng Ama—at dapat lang! Dahil sinasabi ng Kasulatan na kung ano ang Diyos ay ganun din ang Anak. Kung si Cristo ay hindi Diyos, dalawa lang ang pagpipilian, may isang tao na katulad ng Diyos, o ang Diyos ay tao din. Ang tamang sagot ay wala sa nabanggit.

Kung si Jesus na maningning na sinag ng Diyos ay tao lamang, nangangahulugan na ang kaningningan ng Diyos ay isang tao na umiral 2000 taon pa lang ang nakakaraan. Sa ganitong argumento, ang Diyos ay wala pang kaningningan hanggang sa pagdating ni Jesus. Ang Diyos kung ganun ay kadiliman din noong wala pa si Jesus, dahil sinabi ni Juan na ang pinatotohanan nila ay ang Liwanag, at alam ng mga mananampalataya na si Jesus ang tinutukoy nito. Ang Liwanag ay siya ring Buhay, kaya ano ang Diyos noong wala pa si Jesus?

Noong panahong dumalaw ang mga Pantas sa sanggol na si Jesus, wala pang nagsasabi na siya ay dapat sambahin sa kabila ng kanyang pagiging tao lamang. Kung naniniwala ang matatalinong mga taong iyon na si Jesus ay tao lamang, sila ay nagkasala ng idolatria—ang pagbibigay sa isang nilalang ng karangalang nararapat lamang sa Diyos. Pagano ang mga pantas; ang mga tala at mga konstelasyon ang kanilang basehan ng mga mangyayari at dapat gawin. Inialay ba nila kay Jesus ang pagsambang-pagano o pinatnubayan sila ng Diyos patungo sa totoong Diyos at sa tamang pagsamba?

Kung hindi Diyos si Jesus, paulit-ulit niyang inangkin ang karangalang hindi sa kanya kundi sa Diyos, sa pamamagitan ng hindi pagtutuwid sa mga naniniwalang siya ay Diyos, o sa mga nag-aakalang inaangkin niya ang pagiging kapantay ng Diyos; ganun din sa pagamit sa pangalang “Ako Nga” na tumutukoy sa Diyos. Tuwing may lumuluhod sa harapan ng mga apostol, linilinaw nila na sila ay mga tao lamang; si Jesus, sa kabilang banda ay nananahimik lamang tungkol sa pag-aakala ng mga Judio na inaangkin niya ang pagiging Diyos, at hindi rin siya nagsalita sa isyung ito nang sinabi ni Tomas, “Panginoon ko at Diyos ko!” Inakala lang ba ni Tomas na Diyos si Jesus? Kung sakali man, ibig sabihi’y inakala lang din ito ng Diyos nang sabihin ng Kasulatan tungkol sa Anak, “Ang trono mo, O Diyos, ay walang hanggan.”

Kung si Jesus ay hindi Diyos, hindi totoo ang pinaniniwalaan ng mga Judio na tanging ang Diyos lamang ang makapagpapatawad ng mga kasalanan. Inihinga ni Jesus sa mga apostol ang Espiritu Santo, at kasama nito ang kapangyarihang magpatawad at di magpatawad ng mga kasalanan. Nangangahulugan na ang kapangyarihang ito ay nagmumula sa kanyang sarili. Nang tinanong siya ng mga pariseo tungkol sa pag-aangkin niya sa autoridad na magpatawad ng kasalanan—dahil alam ng lahat na ito’y tangi sa Diyos—hindi siya nagbigay ng paliwanag para itanggi ang inaangkin niyang karangalan; ni hindi niya sinabing siya ay tao lamang na pinagkatiwalaan ng Diyos para magpatawad ng kasalanan.

Kung si Jesus ay tao lamang, mapatutunayang hindi makatarungan ang Diyos. Una, tulad ng naipaliwanag na, magiging sapat lang ang kabayaran sa hinihingi ng katarungan kung ang magbabayad nito ay sindakila ng pinagkasalahan. Dagdag pa dito ay ang kawalang-panahon ng pagkakasala na nangangailangan din ng patuloy at walang-panahong pagbabayad. Kung sakali man mabayaran ng isang tao lamang ang kasalanan ng mundo, kailangan niya rin gawin ito habampanahon o sa kawalang-hanggan. Ikalawa, nagkasala din ang mga anghel pero walang sinuman sa mga kapwa anghel, gaano man kabanal at katapat sa Diyos, ang pinayagang tumubos sa mga nagkasala bagamat higit silang may karapatan sa merito ng paglilingkod kung ikukumpara sa tao na umiiral pa lamang sa maikling panahon sa kabuuan nito.

Kung si Jesus ay tao lamang, ang lahat ng nilalang ng Diyos ay nagmula sa isang tao—sa tapat na saksi na ang pangalan ay Amen.

Kung hindi Diyos ang Salita, ang Diyos ay may kasamang hindi Diyos pero hindi rin nilalang. Tulad ng Diyos, siya ay wala rin simula dahil kasama na siya ng Diyos sa pasimula pa. Ang salitang “pasimula pa” sa Kasulatan ay tumutukoy sa kawalang-hanggan.

Kung ang Salita ay nilalang, ang Diyos ay hindi nakapagsasalita noong una, at walang kakayahang lumikha ng anuman dahil ang lahat ng bagay ay linikha sa pamamagitan ng Salita. Nangangahulugan din na ang Salita ay nilalang sa pamamagitan ng Salita.

SI JESUS AY SALITANG NAGING TAO TULAD DIN NG LAHAT NG BAGAY NA LINIKHA SA PAMAMAGITAN NG SALITA. HINDI NA SIYA SALITA DAHIL SIYA AY TAO NA. Ang ganitong mga pangangatwiran ay madalas na nakapagliligaw ng mga taong tamad mag-isip at hindi interesado sa katotohanan kundi sa mga aral na nginuya na ng iba at kailangan na lang lunukin. Malayong-malayo sa katotohanan ang kabulagang ito, at napakahirap itong sang-ayunan ng mga taong nakakikilala ng katwiran. Ang lahat ng bagay ay linikha sa pamamagitan ng Salita mula sa wala. Nang sinabi ng Diyos, “Magkaroon ng liwanag,” ang liwanag ng kalawakan ay nagmula sa kawalan sa pamamagitan ng Salita, hindi ito Salitang naging liwanag. Magkaiba ang kahulugan ng mga salitang “naging” at “sa pamamagitan”. Halimbawa, ang damit ay ginawa ng tao sa pamamagitan ng makinang panahi, hindi ito nangangahulugan na ang makinang panahi ay naging damit, o ang damit ay dating makinang panahi. Kung ang pagiging tao ni Jesus ay tulad din ng di-umano’y pagiging mga nilikha ng mga binigkas na salita ng Diyos, mangangahulugan na ang lahat ng nilalang ay dating Salita—tulad ng Salitang tinutukoy ni Juan. Kung ito ang kaso, mangangahulugan na ang lahat ng nilalang ay kasama na ng Diyos sa pasimula pa, at ang lahat ay dating Diyos. Kung si Jesus ay tumigil sa pagiging Salita noong siya ay naging tao, anumang pagtukoy sa Salita ay hindi na tumutukoy kay Jesus, dahil pag nagkaganun, ang Salita ay patuloy din tutukoy sa lahat ng nilalang, at lahat din ay makapagsasabing “Bago pa si Abraham, ako’y ako na.” Ganun pa man, kung si Jesus at ang Salita ay dalawang magkaibang pag-iral (entities), magiging magkasalungat ang maraming bahagi ng Kasulatan, lalo’t higit sina Pablo at Juan—at maging ang sumulat ng Mga Pahayag. Laging sinasabi ni Pablo na ang lahat ng bagay ay nilikha sa pamamagitan ni Jesus at para sa kanya, samantalang sinasabi naman ni Juan na walang nilikha na hindi sa pamamagitan ng Salita. Ang may-akda ng Mga Pahayag, tulad ni Pablo, ay tumutukoy din kay Jesus bilang pinagmulan ng lahat ng bagay na linikha ng Diyos. Sa huli, dapat maliwanagan na hindi sinasabi ng Kasulatan na ang lahat ng bagay ay Salitang naging nilalang, o na si Jesus ay nilikha sa pamamagitan ng Salita; sa halip, si Jesus ay ang Salitang naging tao, at ang lahat ng bagay ay ginawa sa pamamagitan ng Salita. Si Jesus at ang Salita ay iisa at parehong pag-iral, samantalang ang lahat ng nilalang ay nagmula sa wala, hindi sila salitang nagpalit ng kalikasan.

No comments:

Post a Comment