Sakramento ng Kumpisal

Nakilala natin ang salitang kumpisal bilang isang sakramento ng Simbahan pero sa pangkalahatang kahulugan, ito ay tumutukoy sa pag-amin, pagtatapat, o pagsasabi ng saloobin. Ang sakramento ay tinawag na kumpisal dahil ang pinakamahalagang bahagi nito ay ang pagtatapat ng kasalanan at pagtanggap ng kapatawaran. Pero bakit nga ba kailangang sa pari tayo magkumpisal at humingi ng tawad samantalang sa Diyos tayo nagkasala? Kung susuriin nating mabuti, halos lahat ng mga kasalanan natin ay laban sa ating kapwa at sa sarili: panghuhusga, pakikipag-away, pagsisinungaling, pagnanakaw, pagpatay, pagsasalita ng masakit sa ibang tao. Sa ating sarili, tayo ay nagkakasala sa pamamagitan ng pagkainggit, kawalan ng kasiyahan, pagwasak sa sariling pangalan, karumihan, pagsira sa katawan, at marami pang iba. Bagamat lahat ng ito ay kasalanan sa Diyos, pag-atake din ito sa kapwa at sa sarili. Kung may 50 tao kang nakaaway sa iba’t-ibang lugar, isa-isa mo ba silang pupuntahan para humingi ng tawad? Patatawarin ka ba nilang lahat kung sakali? Kung hindi ka nila patawarin, matatahimik ba ang kalooban mo? Hindi nangangahulugan na malaya ka na sa obligasyong humingi ng tawad kapag napatawad ka na ng Diyos, pero isang katotohanan din na kung totoong tinanggap mo ang kapatawaran ng Diyos, makakapag-umpisa ka na ulit ng panibagong buhay na walang hila-hilang sama ng loob.

Ang pagkukumpisal sa pamamagitan ng isang pari ay pagkakaroon ng “nakikitang” tagapagkasundo sa pag-itan ng iyong sarili, ng Diyos, at ng mga taong napagkasalahan mo. Kung posible man na magawa mong puntahan ang 50 mong kaaway pero hindi ka naman nila pinatawad, makakasiguro ka pa rin na pinatawad ka na ng Diyos basta totoo ang iyong pagsisisi. Lahat ng kasalanan ay laban sa Diyos, kaya kung ano man ang pinatawad o hindi pinatawad sa atin ng ating kapwa, higit pa ring mas mahalaga na malaman natin kung pinatawad tayo ng Diyos o hindi. Ang katotohanan at ang pag-aakala ay magkaiba. Maari mong akalaing abswelto ka na pero hindi ibig sabihin ay ganun na nga! Sinabi ni Jesus sa mga apostol, ang patawarin ninyo ay pinatawad na nga at ang hindi ninyo patawarin ay hindi nga pinatawad. Nangangahulugan na may mga kasalanang hindi basta pinatatawad, at nangangahulugan din na may karapatan ang mga apostol na magpatawad o hindi magpatawad. Ang kapangyarihang ito ang ipinasa ng mga apostol sa matatanda ng Iglesya (Simbahan) at patuloy na ipinapasa sa pamamagitan ng Orden. Ang salitang “matatanda” dito ay hindi tumutukoy sa edad kundi sa katungkulan. Sila ang mga tinatawag natin ngayong “obispo”. Inatasan silang ipagpatuloy ang gawain ng mga apostol at kasama dito ang pagpapatawad ng mga kasalanan. Sa pamamagitan nila, magiging panatag ang loob ng mga mananampalataya na tinanggap nila ang kapatawaran ng Diyos sa mga nagawa nilang kasalanan. Totoong nahugasan na tayo mula sa kasalanan noong tayo ay bininyagan, pero hindi nangangahulugan na hindi na tayo nagkakasala. Hindi “immunity” ang binyag laban sa kasalanan o kaya nama’y lisensya para magkasala. Ito ay sakramento ng pagtanggap sa atin ng Simbahan bilang mga anak niya at bahagi ng Katawan ni Cristo.

Ang sakramento ng Kumpisal o pagbabalik-loob ay itinatag ni Jesus bilang daanan ng biyaya ng kapatawaran, at ng biyayang nagpapalakas sa Cristiano upang lumayo sa tukso at tumanggi sa pagkakasala.

No comments:

Post a Comment