Pormuladong Dasal

“Sa pananalangin ninyo’y huwag kayong gagamit ng napakaraming salita gaya ng ginagawa ng mga Hentil.”

Ang mga salitang ito’y ginagamit ng ilang mga Cristiano para tuligsain ang kaugalian ng Simbahan tungkol sa pormuladong mga dasal tulad ng Rosaryo. Sa kagustuhan nilang palabasing mali ang Simbahan tuwing may pagkakataon (tama lang sa pangalan nilang Protestante), hindi nila napapansin na simpleng lohika lang ay lumalampas pa sa kanilang paningin.

Sa konteksto ng sinasabi ni Jesus tungkol sa tamang pananalangin, ang kinokondena niya ay ang pagpapaimbabaw ng mga Pariseo, at ang maling paniniwala ng mga Hentil, na para bang mapapahinuhod nila ang Diyos sa pamamagitan ng maraming salita tulad ng tao na kailangan ng paliwanag. Sa halip, si Jesus mismo ang gumawa ng isang porma ng panalangin dahil ayon sa kanya ay alam na ng Diyos ang kailangan ng tao bago pa man niya ito sabihin. Ang paggamit ng maraming salita ang tinutuligsa ni Jesus (dahil ang Diyos ay hindi tao) hindi ang pag-ulit ng parehong mga salita. Dahil kung bumuo si Jesus ng isang dasal, at itinuro ito sa kanyang mga taga-sunod, nangangahulugan lang na inaasahan niyang araw-araw itong dadasalin ng mga Cristiano, o higit pa dun—tulad ng hinihingi ng isa sa mga pinakamatandang katuruan ng Apostolikong Iglesya na matatagpuan sa Didache—tatlong beses sa isang araw dapat dasalin ang panalanging itinuro ni Jesus. Kung hindi inaayunan ni Jesus ang paggamit ng maraming salita sa pagdarasal, nangangahulugan na itinuturo niyang gumamit lamang ng mga salitang nakalulugod sa Diyos, at ito ang dasalin araw-araw, sa halip na libutin ang buong diksyunaryo para lang maintindihan ng Diyos.

Kung hindi pa rin ito katanggap-tanggap para sa mga tumutuligsa sa Simbahang pinangakuan ni Jesus ng proteksyon laban sa kapangyarihan ng Hades, tingnan na lang nila mismo si Jesus habang nagdarasal sa Getsemani. “Iniwan niya uli ang tatlong alagad at muli siyang nanalangin, at iyon din ang sinabi.” Hindi pa ba malinaw na hindi lamang itinuro ni Jesus ang panalanging dapat ulit-ulitin ng mga Cristiano, kundi siya mismo ay nagpakita ng halimbawa nito nang tatlong beses siyang nanalangin gamit ang pareho ring mga salita? Ito ba ang sinasabi ng iba na maling paraan ng pagdarasal? Bakit hindi nila tuligsain si Jesus na nagtuturo at gumagawa nito?

Hindi ba’t ang mga salmo ay pang-liturhiyang panalangin din ng mga Judio? At hindi ito tinututulan ni Jesus o ng mga apostol, sa halip ay laging ipinapaalala na manalangin gamit ang mga salmo at imno. Kung gagamitin lagi sa pananalangin ang mga salmo at imno, mangangahulugan ito ng pag-uulit-ulit ng mga salita habang nananalangin. Ito ba ang tinatawag ni Jesus bilang masama? Maging ang mismong mga tao ngayon na nagsasalita laban sa mga pormuladong dasal ay gumagamit din nito sa kanilang mga pagtitipon, dahil sila man ay kumakanta rin ng mga awit ng papuri. Hindi ba’t ang papuri ay panalangin, at ang laging pag-awit nito ay pag-uulit-ulit ng parehong panalangin? Sino na ngayon tutuligsain nila? Ang mga Judio? Si Jesus? Ang mga apostol? Ang Simbahan? Ang sarili nila? Ang mga Muslim na paulit-ulit na bumabanggit ng Allahu Akbar? Ang mga Buddhist? Ang mga Hindu na walang tigil sa pagsambit ng kanilang mantra? Para lang masira nila ang Simbahang itinatag ni Jesus, di na nila pinapansin ang ibang bagay. Sino man sa mga nabanggit ang kanilang tuligsain, magiging patungkol pa rin kay Jesus ang kanilang mga pagpoprotesta at kasama din nilang hinahatulan ang kanilang mga sarili.

No comments:

Post a Comment