Saturday, September 15, 2007

Totoo Nga Ba?

Madalas, mas madaling linlangin ang sarili kaysa tanggapin kung ano ang totoo. Napapatunayan natin ang bagay na ito sa pang-araw-araw nating mga karanasan. Dito sumilang ang kasabihang “Masakit tanggapin ang katotohanan.” Ang pinakamalaking patunay na nahihirapan tayong harapin kung ano ang totoo ay ang kawalan natin ng pagkakaisa. Bawat indibidwal at grupo ay may kani-kanilang paniniwala, pilosopiya, ideolohiya, at relihiyon. Masama ba ito? Masama kung ang ating pagkakaiba-iba ay hindi nakaturo sa daan ng pagkakaisa na patungo sa iisang katotohanan; ibig sabihin, hindi tayo matutulungan ng ating mga paniniwala kung ito mismo ang nagiging dahilan ng ating pagkakuntento na manatili na lang sa sarili nating mundo sa halip na magpatuloy sa paghahanap ng ikapagkakaisa sa iisang katotohanan. 


Ang sumusunod ay mga gabay na tanong upang tulungan tayong maging matapat sa pagsusuri ng ating paniniwala: 


1)  “Ano” ba o “sino” ang pinaniniwalaan ko?Sa tanong na ito ay kailangan nating maging maingat sa pagsagot dahil kapahamakan lang ang dulot ng mga paniniwalang nagtutulak sa atin para dayain ang sarili. Kailangan nating usisain, “Ang pinaniniwalaan ko ba ay “ano” (mga konsepto na inaakala kong totoo), o “sino” (mga taong pinagkakatiwalaan ko)? Magiging totoo ka lang sa sarili mo kung ang iyong paniniwala ay bunga ng matapat na pangagatwiran ng sarili tungkol sa mga usaping nakahain. Ang proposisyon, halimbawa, ay tungkol sa pag-iral ng Diyos; naniniwala ka bang may Diyos dahil sinabi sa iyo o dahil napatunayan mo ito? Isa pang halimbawa ay ang pagsisinungaling: Naniniwala ka bang masama ang pagsisinungaling dahil nauunawaan mo ang kalikasan nito, o dahil itinuro lang sa iyo? Kung tinatanggap natin ang isang ideya dahil lang nanggaling ito sa mga pinagkakatiwalaan natin, o kaya’y dahil naipahayag ito sa paraang nagustuhan natin, hindi ito nagpapakita ng totoong paniniwala, sa halip ito ay akto lamang ng pagsasaulo ng mga konseptong hindi naman talaga natin nauunawaan. Tinatanggap na lang natin ang mga ideyang ito, at ipinagkakatiwala sa ibang tao ang pagiging totoo nito o hindi, dahil ayaw nating pag-aksayahan pa ng pagod ang pag-iisip, pag-uusisa, at pakikipagtalo sa sarili tungkol dito. Ayaw natin ng “inconvenience”, ayaw natin ng pagbabago, wala tayong lakas ng loob na akusahan at ilagay sa paglilitis ang ating mga paniniwala dahil natatakot tayo sa posibilidad na baka mali nga ang mga paniniwalang matagal na nating kinakapitan at ipinagsasanggalang. Ayaw nating mapahiya sa sarili. 


2)  Bakit ako naniniwala?Naniniwala ba ako dahil sigurado ako na ito ang totoo, o dahil gusto ko na ito na lang ang totoo? Ang ikalawa ang madalas na nangyayari sa atin; naniniwala tayo sa gusto nating paniwalaan, at nakikita lang natin ang gusto nating makita. Kung ano ang kinagisnan, yun na yun! Sa ganitong sitwasyon, ang ating mga katwiran ay madalas na hinabi na ng iba para sa atin -- gagamitin na lang. Dahil hindi natin totoong nauunawaan ang sinasabing pinaniniwalaan natin, inaampon na lang natin ang mga salitang ginagamit ng iba sa kanilang pangangatwiran para mapaniwala natin ang sarili, at subukang mapaniwala ang iba, na totoo ang ating pinaniniwalaan. Ang katulad nito ay pagsusuot ng damit na hindi alam kung saang tela ginawa; o kaya’y pagsubo ng isang bagay na hindi alam kung nakabubusog o nakamamatay. Sa isang banda pa, kung masasabi man nating tayo ay naniniwala dahil sigurado tayong iyon ang totoo, hindi pa rin nito mapatutunayan na totoo ngang tayo ay naniniwala. Isa pang pagsubok ang dadaanan nito: “Kaya ko bang katwiranan ang dahilan ng aking paniniwala?” Madaling sabihin, “Ito ang totoo,” pero mapatutunayan mo lang na totoong naniniwala ka kung mabibigyang-katwiran mo ang iyong paniniwala sa oras na kailanganin. Tungkol dito ang sinasabi ni Pedro sa kanyang unang sulat sa mga Cristiano. 

3)  Ang paraan ko ba ng paniniwala ay patungo sa pagkakaisa, o dahilan ng pagkakawatak-watak? Dahil ba sa paniniwala ko ay nagkakaroon ako ng pag-aasam na makarating ang lahat sa iisang katotohanan -- taglay ko man yun sa kasalukuyan o hindi pa -- at sa huli ay magkaroon ng tunay na kaisahan? O siguradong-sigurado na akong hawak ko ang katotohanan, kaya bahala na sila kung ayaw nilang maniwala o sumunod? Ang ganitong attitude ng kawalan ng tunay na pakialam sa ikabubuti ng kapwa ay nagpapakita ng kawalan din ng pakialam sa tunay na pinaniniwalaan ng sarili. Sila yung mga taong mariringgan lagi ng linyang, “Basta, yun ang totoo. Bahala ka kung ayaw mong maniwala.” Sa halip na ipakita ang detalye ng dahilan ng kanyang paniniwala, para pakinabangan din ng ibang tao, ay gagamitin na lang niya ang salitang tatapos sa lahat ng talakayan: “Basta!” Nagpapakita ito na ang mismong nagsasalita ay hindi totoong nakauunawa sa kanyang sinasabi. Ang kanyang paniniwala ay nagmumula sa emosyonal at bulag na pagkapit sa mga konseptong hindi niya talaga naiintindihan. Sa madaling salita, kumakapit lang siya sa mga ideyang kanyang sinasabi, pero hindi siya totoong naniniwala sa mga ito. 


Ang layunin ng artikulong ito ay hindi para ipakita kung ano ang dapat paniwalaan, kundi upang tulungan ang mga bumabasa na subukin ang pagiging totoo ng kanilang paniniwala -- hindi ang mismong pinaniniwalaan -- dahil ang unang problema sa akto ng paniniwala ay hindi ang linalaman o ang pinaniniwalaan, kundi ang pagiging tunay o huwad ng ating paninindigan. Maraming kaso, halimbawa, na ang mga Cristiano ay masigasig sa mga gawaing pangsimbahan, pero ang totoo ay hindi talaga nila nauunawaan ang kanilang pinagsusumigasigan. Isa pang halimbawa ay ang katotohanan na may mga pastor o pari na nag-aakalang sila ay may pananampalataya dahil alam nila ang lahat tungkol sa kanilang ipinangangaral, pero ang totoo ay isa lamang itong bahagi ng napakarami nilang kaalaman na sinaulo lamang at hindi naging totoong bahagi ng kanilang pagkatao. Kailangan nating maging maingat at matalino, magkaiba ang paniniwala at pagsasaulo. Maaaring alam na alam mo ang mga doktrina ng iyong simbahan, pero kahit kaunti ay hindi ka totoong naniniwala sa mga ito.

Thursday, September 13, 2007

Pamahiin: Wala Nga Bang Mawawala?

Sa sobrang tanda na ng kultura ng pamahiin, hindi na natin matutunton pa ang pinagmulan ng katagang madalas nating marinig: “Wala namang mawawala.” Simula ng magkaisip ako, bilang bata, hanggang sa kasalukuyan, hindi siguro lumipas ang isang taon na wala akong narinig na nagsabi o nagpahiwatig ng ganitong ideya. Ang hindi ko malarawan ay kung saang bahagi ng makatwirang isip maaaring magmula ang ganitong uri ng pananaw. Wala nga bang mawawala? 

Ang unang-una at pangitang-pangitang nawawala sa mga pumapatol sa pamahiin ay ang lohika o tamang pangangatwiran. Ang salitang “lohika” ay tumutukoy sa sekwensya at koneksyon ng mga konsepto at konklusyon. Kung halimbawa ay pupunta ka sa Mindanao galing sa Luzon, tatahakin mo ba ang daan pahilaga para makarating doon? Kung wala ka sa tamang pag-iisip, maaaring gawin mo iyon. Suriin natin ang mga proposisyon. Unang proposisyon: Ikaw ay pupunta sa Mindanao galing sa Luzon; ikalawang proposisyon: Ang Luzon ay nasa hilaga at ang Mindanao ay nasa timog na bahagi ng bansa; ang konklusyon: Tatahakin mo ang daan pa-timog para makarating sa gusto mong puntahan. Ito ang halimbawa ng tamang pag-iisip. Sa kabilang banda, ang mga mapamahiin ay ganito maghinuha: Unang proposisyon: Ang pusa ay itim; ang konklusyon: May mangyayaring masama sa makakasalubong nito. Unang proposisyon: Natapakan ng babaeng ikinasal ang paa ng asawa; ang konklusyon: Magiging sunud-sunuran ang lalaki sa babae. Unang proposisyon: Nakatapat sa hagdan ang pintuan ng bahay; ang konklusyon: Hindi magiging maayos ang takbo ng buhay ng nananahan doon. Anong pagkakaiba ng mga ito sa unang halimbawa? Laging mayroong “missing link”. Ang ganitong paraan ng pag-iisip, bagamat laganap, ay hindi normal sa tao. Ang tao ay rasyonal na nilalang -- may kakayahang mangatwiran -- pero kung hindi natin ito ginagamit nang tama, masasabing tayo ay hindi nagpapakatao.

Ang ikalawang nawawala sa mga taong mapamihiin ay ang kanilang kalayaan. Nagiging alipin sila ng takot, at bilanggo ng maling kaisipan. Kung halimbawa ay may pupuntahan ako, pero dahil may nakasalubong akong pusang itim ay madali akong umuwi at hindi na tumuloy sa aking lakad; sino ang nagdesisyon ng dapat kong gawin, ako ba o ang takot ko? Kung naka-schedule ang interview ko ng Miyerkules pero hindi ako sumipot dahil “malas” ang Miyerkules sa linggong iyon, hindi ba ito pagpapakita na bilanggo ako ng ganitong kaisipan? Sa ganitong sitwasyon, sunud-sunuran ako sa mg utos ng aking takot, at pinipigilan sa paggalaw ng maling paniniwala.

Ang ikatlong nawawala sa ganitong mga tao ay ang konsepto ng katotohanan. Isipin mo na lang ang isang tao na nakatingin sa mabangis na oso pero ang nakikita niya ay isa lamang puno; ganito rin ang sitwasyon ng mga taong bulag sa katotohanan -- nasa harapan na ang kamatayan pero inaakala pa ring ito ay kaligtasan.

Ang ikaapat na nawawala sa mga naniniwala sa ganitong mga kathang-isip ay ang tunay na pagkakilala sa Diyos at sa kanyang mga nilalang. Marami sa mga nagsasalita ay hindi nag-iisip, at buong-tiwala nagsasabi na ang buhay ng tao ay nakasalalay sa tamang pagpapasya, swerte, at pananampalataya sa Diyos. Ang pagpapasya ay bagay na kontrolado ng tao; ang pananampalataya naman ay sa pag-itan ng tao at ng Diyos; pero ang swerte ay konsepto ng kapalarang hiwalay sa impluwensya ng Diyos at ng tao, sa halip ay nasa ilalim ng mga kapangyarihang natural na may autonomiya. Pinasisinungalingan nito ang katotohanang walang nagaganap sa sangnilikha na hindi pinahihintulutan ng Diyos. Isa itong porma ng pagsamba sa hindi tunay na Diyos kundi sa mga “pwersa ng kalikasan”. Ito ang kabilang mukha ng “nature worship” na ginagawa ng mga katutubo at mga pagano. Ang ganitong disposisyon ng mga tao ay kasuklam-suklam sa paningin ng Diyos, lalo na kung ang Mabuting Balita ay hindi naman malayo sa mga taong ito. Wala itong pagkakaiba sa pagkakaroon ng mga diyus-diyusan.

Kayong mga naniniwala sa swerte at malas, isipin niyo nga ito: Hindi ba’t ang lahat ng bagay ay sa Panginoon? Hindi ba’t siya lang ang nagpapahintulot at nagbabawal sa lahat ng kaganapan? Bakit ninyo ipinagpapalagay ang kapalaran sa mga posisyon, bilang, araw, kulay, at mga gawaing wala namang kinalaman sa inaasahan ninyong resulta? Magpapasya ba ang Diyos na payamanin ka kung ilalagay mo ang iyong mga gamit sa ganito o ganyang lugar sa iyong bahay? Poprotektahan ka ba niya sa mga sakuna kung ihaharap mo sa ganito o ganyang posisyon ang iyong tahananan? Pasasagasaan ka ba niya sa kotse kapag hindi ka umuwi kahit na nakasalubong ka ng itim na pusa? Sisirain ba niya ang relasyon mo sa iyong pamilya dahil hindi compatible ang zodiac signs ninyo? May mga mata ang inyong isip, huwag ninyo itong ipikit! Tuso at mapanlinlang ang mga pwersang nakapaligid sa mundo -- walang mahirap o mayaman, matalino o mangmang, na palalampasin nila sa dalang kasinungalingan. Hindi dapat akalain ng sinuman na alam niya na ang lahat ng kailangan niyang malaman. Ang mga kalaban ng tao ay nakatago sa dilim, hindi nakikita o naririnig man, pero sumisira ng isip at nagdadala sa kapahamakan. Maging matalino sa pagpapasya at paniniwala, dahil sa pagkapit sa maling kaisipan, hindi totoo na walang mawawala.

Poon, Santo, o Rebulto?

 Pangkaraniwan na sa ating mga Filipino na kung ano ang nakasanayan, yun na ang tama. Halimbawa ay sa mga salita: sa halip na pareho ay parehas ang madalas na ginagamit; sa halip na manibela, manubela; sa halip na ayoko, ayako. Madalas din ay ginagamit ang “masama” at “bawal” na parang pareho lang ang kahulugan. Isa ang relihiyon sa mga pinakasensitibo at kontrobersyal na isyu sa lahat ng panahon at bahagi ng mundo kaya hindi maaaring ipagwalang-bahala ang mga kamaliang lalong naglalayo sa mga tao sa posibilidad ng pagkakaisa.

Isang halimbawa ay ang maling paggamit ng salitang “poon” at “santo” para tumukoy sa isang rebulto o imahe. Kahit sa mga balita sa media, o sa mga taong aktibo sa mga gawain ng kanilang parokya, ay maririnig ang nakalililgaw na paggamit ng mga katawagang ito. Sa pamamagitan nito ay lalong napagtitibay sa isip ng mga kapatid na nasa ibang sekta na ang mga Katoliko ay sumasamba sa mga rebulto. Bukod dito, nakokondisyon ang isip natin sa maling paglalarawan ng kahulugan ng mga salitang ito.

Sa wikang Ingles, ang salitang “poon” ay katumbas ng “lord”, at ang santo ay “holy” o “saint”. Hindi tamang tawaging poon ang isang rebulto, kahit pa si Jesus ang ilinalarawan nito, dahil ang salitang ito ay tumutukoy mismo sa Panginoong Diyos. Hindi rin dapat gamitin ang salitang santo para tumukoy sa mga rebulto dahil ito ay tumutukoy sa mga banal na kasama ng Diyos sa langit, o minsan ay kahit sa mga banal na nasa lupa pa. Iskandalo ang dala ng ganitong pagkakamali kaya dapat itong pag-ingatan.


Tandaan: Ang rebulto o imahe ay para sa mga estatwa, ang icon o larawan ay para sa mga iginuhit na anyo, ang santo ay para sa mga banal na nilalang, at ang poon ay para sa Diyos lamang.