Monday, May 5, 2008

Kaluluwang Ligaw

Mayroon nga bang mga kaluluwang ligaw? Kung gagamitin sa literal na paraan ang salitang “ligaw”, mangangahulugan na ang mga kaluluwang ito ay nawawala at walang ideya kung saan direksyon sila dapat pumunta. Pero dahil ang mga espiritu ay hindi nasasakupan ng oras at lugar, hindi maaaring gamitin dito ang literal na kahulugan ng mga direksyon, pataas man o pababa, pakaliwa man o pakanan; at sa gayon ay hindi maaaring maging ligaw sa literal na diwa. Kung ito naman ay figure of speech, dalawa ang maaaring maging kahulugan ng salitang “ligaw” – mali ang paraan ng pamumuhay o kaya naman ay napahamak. Alin sa dalawang ito ang pwede nating gamitin para alamin ang kahulugan ng ekspresyon na “kaluluwang ligaw”? Kaluluwang mali ang pamumuhay o kaluluwang napahamak? Ang logically acceptable lang dito ay yung pangalawa – kaluluwang napahamak, na ang ibig sabihin ay kundenado o nasa impyerno. Samakatwid, kung pagbabasehan ang tamang pangangatwiran at tamang kahulugan ng mga salita, magiging katanggap-tanggap lang ang salitang “kaluluwang ligaw” kung ang tinutukoy ay isang kaluluwang  nasa estado ng kaparusahan.

Para sa ibang tao, kahit na imposibleng maipaliwanag, ang ideya ng “kaluluwang ligaw” ay tumutukoy sa mga kaluluwang pagala-gala at hindi pa makaalis sa lupa dahil mayroon pang hindi nagagawa o kaya naman ay naghahanap ng katarungan. Sinasabi ng ilan na matatahimik lang ang mga kaluluwang ito kapag nakamit na nila ang katarungan tulad halimbawa ng pagkahuli, pagkakulong o pagkamatay ng mga taong naging dahilan kung bakit sila ngayon ay ligaw. Gaano kaya ito katotoo? Sa maaasahang Salita ng Diyos sa Biblia, walang kaluluwa ang nagpapagala-gala sa lupa sa anumang dahilan, sa halip ay sinasabi, “Itinakda sa mga tao na minsan lamang mamatay at pagkatapos ay paghuhukom.” Ang totoong problema ng kaluluwa ay ang haharapin niyang paghuhukom, ibig sabihin ay tungkol sa kabutihan o kasamaan ng kanyang naging pamumuhay, at hindi ang kasalanang ginawa sa kanya ng ibang tao. At dahil nga hindi nasasakupan ng panahon ang mga espiritu, ang kaluluwa, matapos mamatay ng katawan, ay agad na haharap sa paghuhukom o yung tinatawag na individual judgment. No loitering and roaming around the earth, straight to business. Si Satanas at ang mga demonyo lang ang binanggit sa Kasulatan na patambay-tambay at pagala-gala sa lupa, parang mga asong lobo na naghahanap ng masasakmal.

Tungkol naman sa katarungan, hindi pinoproblema ng mga kaluluwang nasa piling na ng Diyos ang pagkakulong ng mga taong gumawa sa kanila ng masama – malamang ay ihingi pa nila ito ng tawad sa Diyos at idinalanging mabigyan ng bago at malinis na puso. Ang konsepto ng "mga hindi matahimik na kaluluwa" ay nagmumula sa isip ng mga taong hindi matahimik hanggat hindi nakakaramdam na nakaganti na sila. Isinasangkal nila ang kaluluwa ng mga namatay na sa lupa, samantalang ang totoong hindi matahimik ay ang sarili nilang mga kaluluwa. Dalawa lamang ang maaaring tunguhan ng mga kaluluwang umalis na sa katawang-lupa: Ang kaligtasan sa piling ng Diyos kung saan wala nang halaga ang pagganti kundi puro pagmamahal; o sa kapahamakan kung saan wala na rin silbi ang katarungang panlupa, at hindi na rin mababago ng anumang bagay ang panghabampanahon nilang kalagayan.

Ngayon, panlupa man o panlangit, ang katarungan ay hindi na pinoproblema ng mga kaluluwang wala na sa lupa. Sa langit ay kapiling na nila ang Katarungan dahil ang Diyos mismo ang Katarungan. Siya ang hahatol sa lahat at siya rin ang gaganti. Ganito ang sinasabi ng Diyos, “Ako ang maghihiganti, ang magpaparusa.” Tuwing hinahangad nating makaganti, inaagaw natin sa Diyos ang gawain at karapatan ng pagganti at sa gayo’y itinuturing na Diyos ang ating sarili. At lalo namang masama na hindi pa tayo nakuntento sa pagpapahayag ng kagustuhan nating makaganti at kinakaladkad pa natin ang pangalan at persona ng mga kaluluwang hindi naman natin kaisa ng damdamin kundi kaisa ng Diyos at ng mga banal.

4 comments:

  1. paano po ba makakamit ang katarungan[?

    ReplyDelete
  2. Makakamit ang katarungan kung ikaw mismo ay magiging makatarungan sa pakikitungo sa lahat. Ang pagkamit ng katarungan ng Diyos ay hindi tulad ng iniisip ng karamihan na kung ano ang ginawang nagdulot ng sakit ay dapat tapatan din ng sakit. Sinabi ni Jesus na mapalad ang mga nauuhaw sa katarungan dahil makakamit nila ito. Nagtititwala tayo sa salita ni Jesus na kapag naging makatarungan tayo sa ating pamumuhay, kakamtin din natin ang tunay na katarungan ng Diyos.

    ReplyDelete
  3. halimbawang nasa piling ng Dyos ang kaluluwa, kilala pa ba nya yung mga taong nakasama nya sa lupa? kagaya halimbawa ng mga mahal nya sa buhay. kamamatay lang ng pamangkin ko nung Nov 20, 4 years old lamang xa, nalunod. napakasakit sa amin. bata sya, naniniwala kaming kasama na nya ang Panginoon. pero may mga bagay na hindi maipaliwanag gaya ng pag iyak ng alaga naming aso madalas... hindi kaya ibig sabihin nun eh nagtataka yung bata kung bakit hindi namin sya nakikita kagaya ng napapanood natin sa pelikula?

    ReplyDelete
  4. Kung 4 years old pa lang ang pamangkin mo, naniniwala akong kasama na siya ng Diyos ngayon dahil naniniwala tayong mga Katoliko na ang mga batang hindi pa maituturing na may pananagutan at makagagawa ng mortal na kasalanan tulad ng isang sanggol ay makakasama agad ng Panginoon pag-alis nila sa lupa. Anuman ang prosesong daanan ng isang apat na taong gulang na bata (diretso man sa langit o dumaan sandali sa paglilinis), sigurado pa rin ang mabuting patutunguhan niya.

    Totoong may mga pagkakataon na nakikita ng mga hayop ang mga espiritu, kung ito ay linoob ng Diyos sa isang partikular na pagkakataon, tulad ng nangyari sa asno ni Balaam (Mga Bilang 22:23), pero sa kaso ng pamangkin mo, sa palagay ko ay walang kinalaman ang ginagawa ng inyong aso. Natural lang sa aso ang umalulong minsan.

    Alam natin na marami sa mga nakikita natin sa TV at mga pelikula tungkol sa mga kaluluwa ay hindi totoo at imahinasyon lang ng mga sumulat. Walang posibilidad na magtaka ang isang kaluluwang kasama ng Diyos o kaya ay nakatakdang makasama ng Diyos dahil sapat ang kanilang kaalaman. Ang mga bagay na hindi nila alam noong nandito pa sila sa lupa ay nalalaman nila sa kabila. Marami rin ang nawawala na sa isip nila tulad ng mga sama ng loob nila noon at iba pa, pero nananatili ang pagkakilala nila sa kanilang mga mahal sa buhay. Ang pagkakaiba lang ay mas minamahal nila sila ngayon at mas nakikilala.

    Sa madaling salita, wala kang kailangang alalahanin na baka nasa paligid lang ang kaluluwa ng iyong pamangkin at baka may kailangan siya. Ang Diyos na ang bahala sa kanya. Ang tangi nating dapat gawin ay ipagdasal ang kasiguruhan at kabilisan ng kanyang pakikipagkita sa Lumikha. Iminumungkahi kong ipagpamisa ninyo siya tuwing mayroon mga okasyon na may kinalaman sa kanya tulad ng birthday, death anniversary, at Araw ng mga Kaluluwa.

    ReplyDelete