Monday, May 26, 2008

Ang Pagkain at ang Katawan

Bago umakyat si Jesus sa langit, sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Tandaan, ninyo: Ako’y laging kasama ninyo hanggang sa katapusan ng panahon” (Mt 28:20). Hindi ba’t kasama naman talaga natin lagi ang Diyos dahil siya ay nasa lahat ng lugar sa lahat ng panahon? At di ba kasama talaga ng mga Cristiano ang Diyos dahil ang kanilang katawan ay templo ng Espiritu Santo? At hindi ba’t sinabi ni Jesus na kung saan may natitipong dalawa o tatlong tao sa pangalan niya, siya ay kasama nila? Pero ang pangako ni Jesus sa mga alagad ay hindi lamang totoo sa ispiritwal na paraan, dahil simula noong umakyat siya sa langit hanggang ngayon, si Jesus ay pisikal na nananatili sa mundo sa pamamagitan ng Banal na Sakramento. Kahit kailan ay hindi iniwan ni Jesus ang mundo sa ispiritwal man o pisikal na paraan. Ang kanyang katawan – ang pisikal na bahagi ng kanyang pagkatao, kasama ng kanyang kaluluwa at pagka-Diyos – ay laging nananahan sa mga tabernakulo. Ang linikhang tinapay ay nagiging May-Likha tuwing ipinagdiriwang ang Sakramento ng Pasasalamat (Eukaristiya), at ito ay tuloy-tuloy na nangyayari sa magkakadikit na oras sa buong mundo araw at gabi.

Sa dinami-dami ng mga pisikal na bagay na nakapaligid sa tao, bakit pinili ng Diyos ang tinapay? Dahil ang tinapay, lalo na sa mga lugar kung saan ito ang pangunahing pagkain, ay sumisimbolo sa pinagmumulan ng buhay. Mas mulat tayo sa importansya ng pagkain kaysa importansya ng hinihinga nating hangin dahil araw-araw nating nararamdaman ang gutom tuwing oras ng pagkain. Gusto ni Jesus na tugunan ang ating pagkagutom sa pamamagitan mismo ng kanyang katawan, at sa gayon ay matanggap natin kapwa ang kabusugan ng katawan at kabusugan ng kaluluwa. Bukod dito, ang tinapay at alak ay nagpapaalala sa atin ng hinihintay at inaasam nating pagharap sa bangkete (malaking salo-salo) na inihanda ng Diyos para sa atin sa langit.

Sa microbiology, matututunan natin na ang pagkain ay nagiging bahagi ng kumakain. Ang sustansyang tinatawag nating protina ay mga “building block” o mga pangunahing (Gr. protos) materyales na kailangan ng katawan para makabuo ng mga bagong cell na pumapalit sa mga luma. Ang mga cell naman ay nagsasama-sama para maging tissue tulad ng dugo at muscles. Ang mga tissue namang ito ang bumubuo sa mga organ katulad ng tiyan, atay, mata, puso, at iba pa, at ang mga organ ang bumubuo sa body system o sa pisikal na katawan ng tao. Ang glucose naman o asukal ang siyang pagkain ng mga cell dahil ito ang pinoproseso para maging energy. Pero syempre, hindi dapat isipin na ang mas maraming asukal sa katawan ay mas mabuti. Lahat ng sobra ay lason sa katawan. Ang asukal ay hindi lamang tumutukoy sa table sugar na linalagay sa kape o sa gatas, ito ay ang glucose na nasa mga pagkain, lalo na yung mayayaman sa carbohydrates tulad ng kanin, tinapay, at patatas. Hindi lahat ng sustansya ng pagkain ay nagiging bahagi ng katawan dahil iba-iba ang kanilang trabaho, pero nananatiling totoo na ang pagkain ang bumubuo sa kumakain. Ang mga cell ng buong katawan mo noong mga nakaraan taon ay hindi na ang parehong mga cell na bumubuo sa iyo ngayon; mayroon ka nang isang bagong katawan.

Ganito ka-intimate ang relasyon ng pagkain sa katawan, at ganito rin ang relasyon ng katawan ni Cristo sa katawan ng mga tumatanggap sa kanya sa komunyon. “The eater becomes the eaten,” sabi nga. Ang ating katawan, kapwa sa misteryoso at nakikitang paraan, ay nagiging katawan ni Cristo. Siya ay nagiging bahagi natin, at tayo ay nagiging bahagi niya. Hindi lang pinapalitan ng Diyos ang kalooban natin sa pamamagitan ng pananahan ng Espiritu Santo sa ating puso, pinapalitan niya rin ang ating katawan sa pamamagitan ng kanyang sariling katawan.


* Isinulat para sa sanisidroparish.ning.com.

2 comments: