Friday, February 22, 2008

Idolatria

Sa pangkalahatan, ang salitang idolatria na makikita natin sa iba’t-ibang diksyunaryo, ay nangangahulugan ng pagbibigay ng parangal, pagmamahal, o paghahayag ng katapatan sa isang “hindi diyos” na para bang ito ay isang diyos (divine). Tulad ng tamang pagsamba, ito ay nagmumula sa puso bagamat madalas ay nakikita sa gawa.

Kung papansinin natin ang deskripsyon ng pagsamba ng mga Israelita sa mga diyus-diyusan noong unang panahon, ito ay naglalarawan sa isang kalipunan ng mga tao na nasa harapan ng isang rebulto o altar; may nagsusunog ng insenso, at lahat ay nagkakasiyahan sa pamamagitan ng pagkain, pag-inom, at pagsasayaw; kasama rin ang paghahandog ng buhay o ng isang babae para sa kahalayan. Ito ang mga panlabas na larawan ng isang uri ng idolatria sa kanilang kapanahunan. Ngunit hindi ang pagsusunog ng insenso, o ang pagkain at pag-inom, o kahit ang pagsasayaw man ang kasuklam-suklam sa paningin ng Diyos kundi ang laman ng puso ng mga taong ito, sapagkat sa puso tumitingin ang Diyos. Ang kinasusuklaman ng Diyos ay ang maruming puso at kawalang pag-ibig ng tao sa mga bagay ng Diyos. Ang mga Israelitang sumamba sa mga diyus-diyusan ay walang pagmamahal kay Yahweh; ni hindi sila marunong magpasalamat o tumanaw ng utang na loob. Si Yahweh mismo ang nagsabi, “Sinubok nila ako kahit nakita na nila ang aking gawa.” Sa puso nila, bagamat kasama nila si Moises sa paglalakbay, ay may ibang mga bagay na mas gusto nilang paglagakan ng kanilang pag-asa tulad ng Ehipto at ng mga diyus-diyusan nito. Ang guyang ginto ay larawan ng mga diyus-diyusan ng kanilang puso. Hindi ito tulad ng mga kerubin sa Arko ng Tipan na lumalarawan sa mga anghel ng Diyos, sa halip ito ay ang masasamang bahagi ng kanilang puso na hinulma nila sa wangis ng isang guya.

Kung paanong binigyang-liwanag ni Jesus ang esenya ng Kautusan, lininaw din ng mga apostol ang maraming mga bagay at isa na dito ang idolatria. Sinabi ni Pablo na “walang pag-iral ang diyus-diyusan at walang Diyos maliban sa isa” (1 Co 8:4), ganun pa man, ang tao ay gumagawa ng sarili niyang diyos sa kanyang puso dahil ayaw niyang maglingkod sa katotohanan ng iisang Diyos. Mahirap para sa tao na unawaing ang Diyos na hindi sumusunod sa kanyang mga kagustuhan ay masasabi ngang isang Diyos. Sa puso ng tao, gusto niyang sambahin ang kanyang sarili kaya sa ganoong paraan siya sinisila ng diyablo: “Matutulad kayo sa mga diyos” (Gn 3:5). Gusto niyang siya ang maging pamantayan ng kung ano ang mabuti at ang dapat. Ito rin ang panlilinlang na ginawa ng diyablo kay Jesus: “Iutos mo sa batong ito na maging tinapay” (Lk 4:3); sa gayon, kung gawin nga ito ni Jesus, muling malilinlang ang taong dapat ay magiging simula ng bagong paglikha—ang bagong Adan—kung paanong nalinlang niya ang luma.

Sa panahon ni Jesus at ng mga apostol, itinuro nila sa iba’t-ibang paraan ang tunay na kahulugan ng pagsamba sa diyus-diyusan, at kung paanong hindi karapat-dapat sa Diyos ang mga gumagawa nito: “Ang mas nagmamahal sa kanyang ama o ina kaysa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. Ang mas nagmamahal sa kanyang anak kaysa akin ay hindi karapat-dapat sa akin” (Mt 10:37). Sa paanong paraan nagiging diyus-diyusan ng mga magulang ang kanilang anak, o ng anak ang kanyang mga magulang? Kapag sa oras ng salungatan sa pag-itan ng Diyos at ng ating mga minamahal, ay mas pinipili natin ang tao kaysa Diyos.

Tungkol naman sa ari-arian ay ganito ang sinasabi: “Hindi kayo makapaglilingkod nang sabay sa Diyos at sa kayamanan” (Mt 6:24). “Ang umiibig sa sanlibutan ay hindi umiibig sa Ama” (1 Jn 2:15) “Hindi ba ninyo alam na kapag kinaibigan ninyo ang sanlibutan ay kinakaaway naman ninyo ang Diyos?” (Jm 4:4). Ang pagsamba sa diyus-diyusan sa larawan ng pera at mga pag-aari ay nangyayari kapag inilalagak natin ang ating tiwala sa mga bagay na ito sa halip na sa Diyos. Ang mayamang hindi makapagbigay ng taos sa puso ay nananangan sa kanyang kayamanan; ang mahirap na mapaghangad ay walang pinagkaiba sa mayamang nakakapit sa kayamanan -- pareho ang kanilang puso bagamat magkaiba sila ng kalagayang panlipunan. Ang pagnanakaw ay isang uri ng pagsamba sa diyus-diyusan dahil winawalang-halaga nito ang paggalang sa pagmamay-ari ng iba alang-alang sa bagay na gustong makamtan; ibig sabihin ay ilinalagay ang pagpapahalaga sa isang bagay nang higit sa tunay na halaga nito. Ang pagsasabing, “Hindi ako mabubuhay ng wala ang ganito ko o wala ang ganyan ko,” ay paglalagay sa mga bagay nang higit sa dapat nitong kalagyan. Nasa katulad na estado rin ang inggit, pag-iimbot, at kawalan ng kasiyahan.

Marami pang mga pang-araw-araw na tanawin sa buhay ng tao ang nagpapakita ng pagiging palasamba ng puso nito sa mga hindi tunay na diyos; hindi ito madaling isulat at ipaliwanag isa-isa. Ang layunin dito ay paalalahanan ang lahat na ang Diyos ay laging sa puso nakatingin -- hindi kailanman sa panlabas -- kaya dapat nating pag-ingatan na huwag maging mapagpaimbabaw at mapanghusga tungkol sa nakikita ng mata. Ang pagsamba, paggalang, pagmamahal, pagpapahalaga, at ang iba pang mga katulad nito ay nagmumula sa puso. Kahit pa makaharap mo ang Diyos at yumukod sa harapan niya, kung wala sa presensya niya ang puso mo, hindi pa rin ito pagsamba; kahit gumamit ka ng “po” at “opo” sa pakikipag-usap sa nakatatanda, kung wala doon ang puso mo, hindi pa rin iyon paggalang; Kahit na lagi mong gamitin ang katagang “I love you,” kung makasarili ka, hindi pa rin iyon pagmamahal; at kahit pa itinatago mo ang lahat ng regalo sa iyo pero hindi ka naman nakakadama ng pasasalamat, hindi pa rin iyon pagpapahalaga. Kung titingin lang tayo sa nakikita ng mata, magiging mapanghatol tayo sa mga bagay na hindi natin nauunawaan, at aakalain naman natin na nasusunod natin ang kalooban ng Diyos dahil din sa mga panlabas na gawain (o hindi paggawa). 

Ang lahat ng kasalanan ay mga porma ng idolatria sa iisang dahilan: Inilalagay nito ang Diyos sa ilalim ng ating mga pasya at kagustuhan, sa halip na sa ibabaw ng mga ito.

No comments:

Post a Comment