Thursday, February 21, 2008

Bawal Kainin

Sinumang magsasabi na ang mga tagubilin sa Konseho ng Jerusalem ay mga bagong utos ay hindi nakauunawa ng kabuuang mensahe ng Kasulatan, at kulang sa kaalaman. Ang mga batas tungkol sa pagkain ng mga inihandog sa diyus-diyusan, sa pakikiapid, at sa pagkain ng hayop na binigti o may dugo pa ay nasa piling na ng mga Judio mula pa nang unang panahon. Hindi ito mga utos na galing sa mga apostol kundi bahagi ng batas ni Moises. Hindi ba’t ang mga Cristiano ay namatay na sa Kautusan nang maging bahagi ng katawan ni Kristo, bakit tila pinapapasan pa rin sa kanila ang ilang bahagi ng Kautusan? Ibig bang sabihi’y nasa ilalim pa rin tayo ng sumpa (Ga 3:10) at hindi totoo ang sinasabi ni Pablo na “pinalaya tayo ni Kristo upang manatiling malaya”(Ga 5:1)? Hindi maaaring salungatin ng Diyos ang sarili niyang salita na tinanggap ng mga tagasunod ni Kristo at ipinangangaral sa iba. Malinaw at hindi mababago ang katotohanang wala na tayo sa ilalim ng Kautusan, at ang kaligtasan ay bunga ng pananampalataya. Tungkol sa pagkain, bilang pangkalahatang prinsipyo ay ito ang sinasabi: “Hindi ang pumapasok sa bibig ng tao kundi ang lumalabas ang nakapagpaparumi sa kanya sa mata ng Diyos. Hindi ba ninyo alam na anumang pumasok sa bibig ay tumutuloy sa tiyan, at idinudumi?”(Mt 15:11.17); “Huwag mong ituring na marumi ang nilinis ng Diyos”(Ac 10:15); “Dahil sa aking pakikipag-isa sa Panginoong Jesus, natitiyak kong walang pagkaing likas na masama; ngunit kung inaakala ninuman na ipinagbabawal ang isang pagkain, ito bawal nga sa kanya”(R 14:14); “Hindi   dahil sa pagkain kaya tayo nagiging kalugod-lugod sa Diyos”(1Co 8:8); “Namatay na kayong kasama ni Kristo at wala na sa kapangyarihan ng espiritung naghahari sa sanlibutan. Bakit pa kayo sumusunod sa alituntuning tulad ng ‘huwag hahawak nito’, ‘huwag titikim niyan’, ‘huwag hihipo niyon’? Ang mga ito’y utos lamang at aral ng tao tungkol sa mga bagay na nauubos”(Col 2:20-22); “Maliwanag ang sinasabi ng Espiritu: sa huling panahon, iiwan ng ilan ang pananampalataya. Susundin nila ang magdarayang espiritu at ang mga aral ng diyablo dahil sa panlilinlang ng mga sinungaling na ang mga budhi’y  may tatak ng pagiging alipin ni Satanas. Ipagbabawal nila ang pag-aasawa at ang ilang uri ng pagkain, mga pagkaing nilikha ng Diyos para kaining may pasasalamat ng mga sumasampalataya at lubos na nakauunawa ng katotohanan.  Ang lahat ng nilikha ng Diyos ay mabuti, at walang dapat ipalagay na masama. Lahat ay dapat tanggaping may pasasalamat sapagkat nililinis ito ng salita ng Diyos at ng panalangin”(1 Tm 4:1-5); “Kumain kayo ng anumang nabibili sa tindahan ng karne at huwag na kayong magtanong pa upang di mabalisa ang inyong budhi. Sapagkat sinasabi ng Kasulatan, ‘Ang lupa at lahat ng naroroon ay sa Panginoon!’”(1 Co 10:25-26); “Huwag kayong patatangay sa sari-sari at kakaibang turo. Mas mabuti para sa atin ang mapatibay ang ating kalooban sa pamamagitan ng kagandahang-loob ng Diyos kaysa sa pamamagitan ng pagsunod sa mga utos tungkol sa pagkain. Ang mga sumusunod dito’y wala namang natamong kapakinabangan”(Heb 13:9). Ang mga nabanggit ay tumutukoy lamang sa turo ng Simbahan tungkol sa usapin ng pagkain, kung saan ang mga Judio at mga pagano ay may kanya-kanyang nakasanayan at paniniwala. Hindi pa kasama dito ang tungkol sa ibang kontrobersya na kalimitan ay tungkol sa panliligalig ng mga Judio sa mga Cristianong Hentil ukol sa pagsunod sa kautusan ni Moises, kung saan ang mga Cristiano ay pinalaya na. Ngunit anupaman ang usapin tungkol dito, iisa lang ang pangkalahatang prinsipyo: wala na tayo sa ilalim ng Kautusan.

Ganun pa man, alam ng mga apostol na hindi lahat ay nakauunawa ng katotohanang ito. May mga Cristianong mahihina pa tulad ng isang bata pa sa pananampalataya at hindi pa lubos ang pagkaunawa sa katotohanan. Bagamat totoo na malaya ang mga Cristiano na kainin ang anumang pagkain, dapat isaalang-alang ang mga kapatid na maaaring maiskandalo o magkasala dahil sa paggamit ng kalayaan ng mga nakauunawa tungkol dito. “Huwag sariling kapakanan ang hanapin ninyo, kundi ang sa iba”(1 Co 10:24). Ito ang prinsipyong nasa likod ng desisyon ng Konseho ng Jerusalem sa usapin ng pagsunod sa Kautusan, kaya pinanatili nila ang  “mga bagay na talagang kailangan: huwag kayong kakain ng anumang inihandog sa mga diyus-diyusan, ng dugo, at ng hayop na binigti”(Ac 15:28-29). Ito ay hindi dahil sa sila’y bahagya pang nasa ilalim ng Kautusan kundi dahil higit ang pag-ibig kaysa kalayaan. Sa kilalang mundo noong panahon ng mga apostol, ang lahat ay naniniwala na ang pagkain ng mga inihandog sa mga diyus-diyusan ay pakikibahagi sa paghahandog; sa gayon ay kasuklam-suklam sa Diyos. Ang pagkain din ng hayop na hindi inalisan ng dugo ay bawal sa mga Judio dahil ang dugo ay simbolo ng buhay. Ang hayop na ibinigti ay itinuturing na madumi kaya hindi rin dapat kainin ayon sa batas ng mga Judio. Bagamat malaya ang mga Cristiano mula sa mga batas na ito, sinasabi ni Pablo na “hindi lahat ay nakabubuti”(1 Co 10:23). Isa sa mga halimbawang ibinigay ni Pablo ay ito: “Kung kayong may sapat na kaalaman ay kumakain sa templo ng mga diyus-diyusan, at makita kayo ng mahihina pa sa pananampalataya, hindi kaya sila mabuyong kumain niyon bilang handog sa diyus-diyusan?”(1 C0 8:10). Alam ni Pablo na kung sa sariling kapakanan lang, walang masama kung kumain man ng handog sa diyus-diyusan o sa templo nito dahil alam niyang “walang kabuluhan ang mga diyus-diyusan” (1 Co 8:4), ibig sabihi’y wala silang pag-iral; ngunit may mga kapatid  –  at ito ay ang mahihina  –  na maaaring magkasala o mabalisa ang budhi dahil sa kawalan ng konsiderasyon ng isang may “kaalaman”. Malinaw ang katwiran na ibinigay ni Santiago sa konseho: “Sapagkat mula pa nang unang panahon, ang Kautusan ni Moises ay binabasa sa mga sinagoga tuwing Araw ng Pamamahinga, at ipinangangaral ang kanyang salita sa bawat bayan”(Ac 15:21). Nangangahulugan na ang unang-unang isinaalang-alang ay ang iskandalong idudulot ng mga nabanggit na gawain sa mga Cristianong Judio na nasanay na sa Kautusan. Marahil ay ipinaliwanag nina Judas at Silas ang katwiran sa likod ng tagubiling ito, yayayamang ito ang dahilan kung bakit sila ipinadala. Bilang mga Cristiano, alam ng mga taga-Antioquia, taga-Siria, at taga-Cilicia na wala sila sa ilalim ng Batas ni Moises, una bilang Hentil (dahil hindi sakop ng Batas ni Moises ang mga hindi Judio), at pangalawa bilang Cristiano (dahil tungkol sa kalayaan ang tinanggap nilang turo, hindi tungkol sa pagpapailalim sa Batas ng mga Judio), kaya magugulat sila kung bigla silang bibigyan ng pasanin na wala man lang paliwanag. Dapat unawain ng mga Cristiano na ang mga tagubiling ito ay hindi na bilang pagsunod sa Kautusan  –  na para bang nasa literal na pagsunod ang kaligtasan  –  kundi bilang pagmamalasakit sa mga kapatid na mahihina pa sa pananampalataya. Mas mabuting magtiis sa kaunting pasanin para sa kapatid kaysa maging sanhi ng kanilang pagkabalisa o pagkakasala. “Kaya, kung dahil sa kinakain mo ay nasasaktan ang kalooban ng iyong kapatid, hindi na ayon sa pag-ibig ang ginagawa mo”(R 14:15). “Dapat pagtiisan nating malalakas ang mahihina sa pananampalataya, at huwag ang sariling kasiyahan lamang ang isipin”(R 15:1).

Sa huli, tayo lang ang nagpapasya kung bawal sa atin o hindi ang isang pagkain kung relasyon sa Diyos ang pag-uusapan (cf R 14:14) at dapat panindigan ng tao ang kanyang pinaniniwalaan. “May naniniwalang maaari siyang kumain ng kahit ano, ngunit gulay lamang ang kinakain ng mahina sa pananampalataya. Huwag hamakin ng kumakain ng kahit ano ang kumakain lamang ng gulay, at huwag namang hatulan ng kumakain lamang ng gulay ang kumakain ng kahit ano, sapagkat siya’y tinanggap ng Diyos”(R 14:2-3). “Ikaw na lamang at ang Diyos ang dapat makaalam ng iyong paniniwala tungkol sa bagay na ito. Ngunit ang sinumang kumakain sa kabila ng kanyang pag-aalinlangan ay hinahatulan ng Diyos sapagkat hindi ayon sa kanyang pananalig ang kanyang ginagawa”(R 14:22-23).

No comments:

Post a Comment