Sunday, March 9, 2008

Kung Mahal Ninyo Sila...Magplano

Kung Mahal Ninyo Sila...Magplano![1]

Ano ba ang ibig sabihin ng pagpaplano ng pamilya? Ito ay kaugnay ng isa sa mga unang tagubilin ng Diyos nang likhain niya ang tao: Mamahala.[2] Alin ang pamamahalaan? Ang mundo at ang mga supling. Totoo bang iniutos ng Diyos na punuin ng mga supling ng tao ang mundo? Ayon sa kasaysayan ng kaligtasan, oo.[3] Sa anong dahilan?

Sa tinagal-tagal ng tao sa mundo, hanggang ngayon ay hindi pa rin natin naiitindihan ang plano ng Diyos at ang layunin ng kanyang mga utos. Ang tanong ay may pakialam nga ba tayo sa mga bagay na ito, o isa lamang malaking pagkukunwari ang pagsasabi nating naniniwala tayo sa salita ng Diyos?

Ang pagpaplano ng pamilya ay ang pamamahala dito. Ito ay nangangahuluguan ng paggawa ng mga balakin at hakbang na makabubuti sa lahat ng myembro ng pamilya sa lahat ng aspeto ng buhay. Ganito ba ang pagkaunawa natin sa bagay na ito, o kasama tayo sa mga taong madaling maniwala sa mga popular na ideya? Ang kahulugan ng katagang “family planning” ay sapilitang pinalitan ng mga taong maliit ang utak pero malakas ang impluwensya. Sa mga uri nila nagmumula ang mga konseptong tulad ng “euthanasia”, “liberated”, “pro- choice”, “for adults”, at marami pang mga mapanlinlang na salitang patuloy na sumisira sa tamang pangangatwiran. Ang pagpaplano ng pamilya ay hindi nangangahulugan ng paggamit ng “contraceptives” o pakikipagtalik nang walang kaakibat na responsibilidad; sa halip, ito ay ang tamang pamamalakad sa lahat ng bahagi ng buhay-pamilya. Ang pag-aagwat sa pagkakaroon ng mga supling ay isang bahagi ng pagpaplanong ito at dapat na isagawa sa paraang nakalulugod sa nagbigay ng kakayahan at atas na maging kamanlilikha ng Diyos. Bukod dito, dapat din natin laging isaisip ang layunin at prinsipyo ng pagkalikha sa lahat.

Linalang ang tao hindi para may makasama ang Diyos sa kanyang pag-iisa, kundi upang makasama niya tayo sa kanyang kaluwalhatian. Ang Diyos ay sapat na sa kanyang sarili, wala siyang kailangan, at siya ang pinagmumulan ng lahat ng mabubuting bagay. Sa kanya umiiral ang kalawakan at walang bagay na hindi sa kanya umiiral. Bagamat siya ay iisa, hindi siya nag-iisa dahil ang Diyos ay isang pamilya -- siya ay isang komunidad. Ang pamilya at komunidad na iniuutos niyang buuin natin ay larawan ng kanyang kalikasan -- ekstensyon ng pag-ibig ng Ama sa Anak at ng Anak sa Ama. Sa kabila ng pagiging ganap o kumpleto ng Diyos, tayo ay linikha niya; iyon ay dahil umaapaw ang kanyang pag-ibig at tayo ang bunga ng pag-ibig na ito. Hindi tayo linikha para mabuhay at mamatay nang walang katuturan sa mundo. Ang tao ay obra maestra ng Diyos, tayo lang ang nilalang na may katawan at kaluluwa. Hindi bahagi ng kalikasang-tao ang kamatayan dahil tayo ay nilikha para mabuhay, hindi para mamatay. Dahil lamang sa kasalanan kaya ang katawang hindi sana nabubulok ay nabubulok, at ang hindi sana namamatay ay namamatay. Gayunman, pareho pa rin ang plano ng Diyos -- hindi siya nagbabago ng isip[4] -- na makasama niya tayo sa kanyang kaluwalhatian. Ang Diyos, simula noon hanggang ngayon, ay bumubuo ng isang malaking-malaking pamilya[5] na magsasama-sama sa kanyang kaharian. Ito ang dahilan ng paglikha niya sa atin, at ito rin ang dahilan kung bakit inaatasan niya ang marami na maging kamanlilikha niya na pupuno sa daigdig at sa langit. Pagkatapos ng mga panahon, wala nang pagkakataong palakihin pa ang pamilyang ito. Iniutos ng Diyos na ito ay mangyari sa pamamagitan ng pakikipagtulungan ng tao, hindi sa dahilang kailangan niya ng tulong, kundi dahil ito ang kalooban niya.

Sa paglalarawan ni John Paul the Great tungkol sa isang komunidad ng mga Katoliko ay ganito ang sinabi niya: "In the bosom of the small community the family recovers the sense and joy of its mission : to transmit both natural and supernatural life." Dito ay ipinapahayag ang katotohanan ng misyon ng pamilya at ang konkretong katuparan nito: ang buong-kagalakang pagpapasa ng natural at sobrenatural na buhay. Ito ang layunin ng Diyos, ang ikalat ang buhay hanggang sa panahon na ang lahat ng sa kanya ay makakasama na niya.

Sa kabilang banda, ang mga taong nagtatago sa mukha ng pagmamalasakit ay buong-lakas na sumasalungat sa kalooban at plano ng Diyos sa pamamagitan ng pagpapahiwatig at pagtuturo na ang pag-aasawa ay tungkol sa sariling kasiyahan ng mag-asawa. Ang mga tao ding ito ang nagsasabi na ang pakikipagtalik ay isang pangkaraniwang gawain lamang tulad ng panonood ng TV, at hindi dapat gawing malaking isyu. Ang tunay na isyu para sa kanila ay ang “problema” ng pagdadalantao na kasama ng pakikipagtalik; ito ang pilit nilang ginagawan ng paraan at itinuturo sa lahat. Pansinin ang pagsalungat ng tao sa kalooban ng Diyos:

“Magpakarami kayo at punuin ng inyong mga supling ang buong daigdig, at pamahalaan ito.”[6]


“Bibigyan ko kayo ng lahat ng uri ng butil at mga punongkahoy na inyong makakain.”[7]


Namatay si Onan dahil kasuklam- suklam kay Yahweh ang ginagawa niyang pagtatapon ng binhi sa pakikipagtalik.[8]


“Huwag kang papatay ng bata sa pamamagitan ng aborsyon ni pumatay ng naisilang na.”[9]




“Huwag kayong makikiapid.”[10]
“Ang ugat ng kahirapan ay ang pagdami ng mga supling kaya dapat sugpuin ang pagkapuno ng daigdig.”

“Hindi sapat ang yaman ng mundo para buhayin ang lahat ng tao. Ang solusyon ay pigilin ang paglaki ng populasyon.”

Itinuturo ng mga doktor at ng pamahalaan na itapon ang binhi ng lalaki sa pamamagitan ng paggamit ng condom,  diaphragm, at iba pang barrier method.

Sa pamamagitan ng mga gamit tulad ng IUD o mga pills na ipinapakilala nang may panlilinlang bilang contraceptive, kinikitil ang buhay sa pinakamaagang baytang nito (early abortion).

Itinutulak ang tao sa pakikiapid at pangangalunya sa pamamagitan ng pagbibigay ng pagkakataong umayon sa laman at makipagtalik kaninuman dahil sa mas maliit na posibilidad ng pagdadalantao.

Ang usapin tungkol sa pagpapamilya, pagpipigil sa sarili, pangangalunya, at lahat ng bagay na may kinalaman sa sekswalidad ay hindi bago sa buhay ng Simbahan tulad ng inaakala ng mga taong nagmamarunong. Ang mga prinsipyo ng Cristianismo ay hindi nakakulong sa iisang panahon, sa halip, kung paanong si Cristo ay siya noon, ngayon, at bukas,[11] ang kanyang mga salita at utos ay nananatiling totoo at epektibo sa lahat ng panahon bagamat naiiba ang porma nito bilang pag-akma sa kasalukuyang panahon. Bago pa man ang mga makabagong paraan ng pagpipigil ng pagdadalantao (hindi pagpipigil sa sarili[12]), libong taon nang hawak ng Simbahan ang mga panuntunan tungkol dito. Ang Diyos ay hindi tao na nagbabago ng isip,[13] alam niya kung ano ang plano niya at kung saan ito patungo. Sa kabilang banda, ang mga taong patuloy na bumubuo ng kultura ng kamatayan -- pagpatay sa mga may sakit at sa matatanda, pagpigil sa pagpapasa ng buhay, pagpatay sa mga bata -- ay nasa kabilang panig ng plano ng Diyos. Kasama nila ang Masama na siyang nagdala ng kamatayan sa tao, at walang ibang pinagpaplanuhan kundi ang pagsira sa anumang may buhay.

Sinumang nagmamahal sa kanilang mga anak ay dapat na umunawa sa katotohanan upang ito rin, kasama ng buhay, ay maipasa sa kanila. Sila ay isinilang upang makasama ng Diyos at maging bahagi ng malaking pamilya na binubuo niya sa pamamagitan ng mga magulang. Isipin ninyo, kung kayo ay magbabakasyon sa Baguio o sa Boracay o saanmang lugar na talagang gustong- gusto niyo, hindi ba’t gusto ninyong makasama ang lahat ng mga taong mahal ninyo, lalo’t higit ang inyong mga anak? Higit pa diyan ang pananabik ng Diyos na matupad na nang tuluyan ang kanyang plano. Nakikibahagi sa kasabikan at kagalakang ito ang mga magulang na nakauunawa ng kanilang misyon. Gusto rin nila na ang lahat ng mga supling na itinakdang ibigay sa kanila ay makasama, hindi lamang sa isang malaking bakasyon, kundi sa habampanahong kaligayahan kasama ng Diyos at ng kanyang pamilya sa tunay at palagian nilang tahanan.[14]

Ang tao ay hindi tulad ng hayop na mabubuhay at mamamatay lang (hindi ko alam kung ang mga taong nagsusulong ng kamatayan sa mundo ay ganito ang tingin sa sarili nila -- parang hayop lang); hindi ganito ang ipinahayag sa atin ng Diyos, at hindi rin ito ang ipinahahayag natin. Bagamat nakapasok ang kamatayan sa mundo dahil na rin sa ating kasalanan, ang Diyos ay Diyos pa rin ng buhay[15] kaya sa pamamagitan ni Jesus ay ibinalik niya tayo sa dati nating kalagayan -- mga lingkod ng Diyos at walang kamatayan.[16] Araw-araw ay ipinahahayag ng Simbahan ang katotohanang ito; ang ating pananampalataya “sa pagkabuhay na muli ng mga namatay na tao, at sa buhay na walang-hanggan”. Pero para sa mga taong sumusugpo at kumikitil ng buhay, ang muling pagbangon ng kanilang katawan ay para sa kapahamakan nito.[17] Kung paanong ang mga tagapagtaguyod ng buhay ay makakasama ng Ama ng Buhay; ang mga mamamatay-tao ay makakasama rin ng kanilang amang “mamamatay-tao na sa pasimula pa, at kalaban ng katotohanan.”

Ito ang masasabi ko sa mga magulang: Ang inyong mga anak ay hindi talagang sa inyo dahil walang anuman sa mundo ang tunay na sa atin maliban sa ibinigay ng Diyos na kalayaang magpasya. Ang mga supling na iniutos na pamahalaan natin ay mga anak ng Diyos sa pamamagitan ng paglikha, at magiging mga anak niya at tagapagmana sa pamamagitan ni Jesus. Hindi ninyo kayang isipin ni subukang tuklasin kung gaano kalaki ang yaman na inihandang ipamana ng Diyos sa kanyang mga anak; hindi ito kailanman masusukat. Ito ang mana ng inyong mga anak. Kung mahal ninyo sila...unawain ninyo ang katotohanan, at ito ang ipahayag ninyo sa kanila tulad ng nararapat. Ginagawa ng demonyo ang lahat ng paraan para baligtarin ang plano ng Diyos -- ang plano ng Buhay -- upang palitan ng kamatayan. Lalong tumitindi ang kanyang galit tuwing may isinisilang na madadagdag sa pamilya ng Diyos, pero ang totoo ay nagiging matagumpay din ang ilan sa mga plano niyang pangwawasak sa buhay ng tao sa iba’t ibang paraan dahil na rin sa pagpanig natin sa kanya. Tuso si Satanas kaya hindi siya madaling kalaban. Hindi mangmang ang ating unang mga magulang tulad ng maaari nating isipin, higit lang talagang matalino ang demonyo, at ito ang ginagamit niya sa panlilinlang. Ganunpaman, ang Diyos pa rin ang may hawak ng lahat ng bagay at pangyayari, ang tagumpay ay sa kanya pa rin at sa kanyang mga anak -- sa inyong mga anak -- kaya kung mahal ninyo sila, magplano ng pamilya ayon sa kalooban ng Diyos na Ama ng bawat pamilya at kung saan ang lahat ng pagkapamilya ay nagmula.


[1] Motto ng lumang ads ng Trust contraceptives.

[2] Cf. Gn 1:28

[3] Cf. Gn 1:28; Gn 9:1

[4] Cf. 1 S 15:29

[5] “Kasamahan ng mga banal.” Ang bahaging ito ng Credo na ating ipinahahayag ay tumutukoy sa pamilyang ito na sa kasalukuyan ay nasa langit, nasa purgatory, at nasa lupa.

[6] Gn 1:28

[7] Gn 1:29

[8] Cf. Gn 38:6-10

[9] Didache 2:2

[10] Ex 20:14.17

[11] Cf. He 13:8

[12] Ang makatarungan at matuwid na pagpaplano ng pamilya ay ang pagrespeto sa kalikasang pantao. Ito ang aral na iiwan natin sa ating mga anak. Noong unang panahon pa man ay sinagot na ng mga Ama ng Simbahan ang usapin tungkol sa pag-aagwat; ito ay isang matandang usapin na. Kung autoridad ng Kasulatan naman ang ating hinahanap ay ganito ang sinasabi ni Apostol Pablo: “Huwag kayong magkait sa isa’t isa, malibang pagkasunduan ninyong huwag munang magsiping, upang maiukol ninyo ang panahon sa pananalangin. Pagkatapos, magsiping na uli kayo upang hindi kayo matukso ni Satanas dahil sa hindi na kayo makapagpigil” (1 Co 7:5).

[13] Cf. 1 S 15:29

[14] Cf. He 13:14

[15] Cf. Mt 22:32

[16] Cf. 1 Co 15:22-23; Jn 11:25-26; 1 Jn 3:14

[17] Cf. Dn 12:12; Jn 5:28-29

No comments:

Post a Comment