Saturday, September 15, 2007

Totoo Nga Ba?

Madalas, mas madaling linlangin ang sarili kaysa tanggapin kung ano ang totoo. Napapatunayan natin ang bagay na ito sa pang-araw-araw nating mga karanasan. Dito sumilang ang kasabihang “Masakit tanggapin ang katotohanan.” Ang pinakamalaking patunay na nahihirapan tayong harapin kung ano ang totoo ay ang kawalan natin ng pagkakaisa. Bawat indibidwal at grupo ay may kani-kanilang paniniwala, pilosopiya, ideolohiya, at relihiyon. Masama ba ito? Masama kung ang ating pagkakaiba-iba ay hindi nakaturo sa daan ng pagkakaisa na patungo sa iisang katotohanan; ibig sabihin, hindi tayo matutulungan ng ating mga paniniwala kung ito mismo ang nagiging dahilan ng ating pagkakuntento na manatili na lang sa sarili nating mundo sa halip na magpatuloy sa paghahanap ng ikapagkakaisa sa iisang katotohanan. 


Ang sumusunod ay mga gabay na tanong upang tulungan tayong maging matapat sa pagsusuri ng ating paniniwala: 


1)  “Ano” ba o “sino” ang pinaniniwalaan ko?Sa tanong na ito ay kailangan nating maging maingat sa pagsagot dahil kapahamakan lang ang dulot ng mga paniniwalang nagtutulak sa atin para dayain ang sarili. Kailangan nating usisain, “Ang pinaniniwalaan ko ba ay “ano” (mga konsepto na inaakala kong totoo), o “sino” (mga taong pinagkakatiwalaan ko)? Magiging totoo ka lang sa sarili mo kung ang iyong paniniwala ay bunga ng matapat na pangagatwiran ng sarili tungkol sa mga usaping nakahain. Ang proposisyon, halimbawa, ay tungkol sa pag-iral ng Diyos; naniniwala ka bang may Diyos dahil sinabi sa iyo o dahil napatunayan mo ito? Isa pang halimbawa ay ang pagsisinungaling: Naniniwala ka bang masama ang pagsisinungaling dahil nauunawaan mo ang kalikasan nito, o dahil itinuro lang sa iyo? Kung tinatanggap natin ang isang ideya dahil lang nanggaling ito sa mga pinagkakatiwalaan natin, o kaya’y dahil naipahayag ito sa paraang nagustuhan natin, hindi ito nagpapakita ng totoong paniniwala, sa halip ito ay akto lamang ng pagsasaulo ng mga konseptong hindi naman talaga natin nauunawaan. Tinatanggap na lang natin ang mga ideyang ito, at ipinagkakatiwala sa ibang tao ang pagiging totoo nito o hindi, dahil ayaw nating pag-aksayahan pa ng pagod ang pag-iisip, pag-uusisa, at pakikipagtalo sa sarili tungkol dito. Ayaw natin ng “inconvenience”, ayaw natin ng pagbabago, wala tayong lakas ng loob na akusahan at ilagay sa paglilitis ang ating mga paniniwala dahil natatakot tayo sa posibilidad na baka mali nga ang mga paniniwalang matagal na nating kinakapitan at ipinagsasanggalang. Ayaw nating mapahiya sa sarili. 


2)  Bakit ako naniniwala?Naniniwala ba ako dahil sigurado ako na ito ang totoo, o dahil gusto ko na ito na lang ang totoo? Ang ikalawa ang madalas na nangyayari sa atin; naniniwala tayo sa gusto nating paniwalaan, at nakikita lang natin ang gusto nating makita. Kung ano ang kinagisnan, yun na yun! Sa ganitong sitwasyon, ang ating mga katwiran ay madalas na hinabi na ng iba para sa atin -- gagamitin na lang. Dahil hindi natin totoong nauunawaan ang sinasabing pinaniniwalaan natin, inaampon na lang natin ang mga salitang ginagamit ng iba sa kanilang pangangatwiran para mapaniwala natin ang sarili, at subukang mapaniwala ang iba, na totoo ang ating pinaniniwalaan. Ang katulad nito ay pagsusuot ng damit na hindi alam kung saang tela ginawa; o kaya’y pagsubo ng isang bagay na hindi alam kung nakabubusog o nakamamatay. Sa isang banda pa, kung masasabi man nating tayo ay naniniwala dahil sigurado tayong iyon ang totoo, hindi pa rin nito mapatutunayan na totoo ngang tayo ay naniniwala. Isa pang pagsubok ang dadaanan nito: “Kaya ko bang katwiranan ang dahilan ng aking paniniwala?” Madaling sabihin, “Ito ang totoo,” pero mapatutunayan mo lang na totoong naniniwala ka kung mabibigyang-katwiran mo ang iyong paniniwala sa oras na kailanganin. Tungkol dito ang sinasabi ni Pedro sa kanyang unang sulat sa mga Cristiano. 

3)  Ang paraan ko ba ng paniniwala ay patungo sa pagkakaisa, o dahilan ng pagkakawatak-watak? Dahil ba sa paniniwala ko ay nagkakaroon ako ng pag-aasam na makarating ang lahat sa iisang katotohanan -- taglay ko man yun sa kasalukuyan o hindi pa -- at sa huli ay magkaroon ng tunay na kaisahan? O siguradong-sigurado na akong hawak ko ang katotohanan, kaya bahala na sila kung ayaw nilang maniwala o sumunod? Ang ganitong attitude ng kawalan ng tunay na pakialam sa ikabubuti ng kapwa ay nagpapakita ng kawalan din ng pakialam sa tunay na pinaniniwalaan ng sarili. Sila yung mga taong mariringgan lagi ng linyang, “Basta, yun ang totoo. Bahala ka kung ayaw mong maniwala.” Sa halip na ipakita ang detalye ng dahilan ng kanyang paniniwala, para pakinabangan din ng ibang tao, ay gagamitin na lang niya ang salitang tatapos sa lahat ng talakayan: “Basta!” Nagpapakita ito na ang mismong nagsasalita ay hindi totoong nakauunawa sa kanyang sinasabi. Ang kanyang paniniwala ay nagmumula sa emosyonal at bulag na pagkapit sa mga konseptong hindi niya talaga naiintindihan. Sa madaling salita, kumakapit lang siya sa mga ideyang kanyang sinasabi, pero hindi siya totoong naniniwala sa mga ito. 


Ang layunin ng artikulong ito ay hindi para ipakita kung ano ang dapat paniwalaan, kundi upang tulungan ang mga bumabasa na subukin ang pagiging totoo ng kanilang paniniwala -- hindi ang mismong pinaniniwalaan -- dahil ang unang problema sa akto ng paniniwala ay hindi ang linalaman o ang pinaniniwalaan, kundi ang pagiging tunay o huwad ng ating paninindigan. Maraming kaso, halimbawa, na ang mga Cristiano ay masigasig sa mga gawaing pangsimbahan, pero ang totoo ay hindi talaga nila nauunawaan ang kanilang pinagsusumigasigan. Isa pang halimbawa ay ang katotohanan na may mga pastor o pari na nag-aakalang sila ay may pananampalataya dahil alam nila ang lahat tungkol sa kanilang ipinangangaral, pero ang totoo ay isa lamang itong bahagi ng napakarami nilang kaalaman na sinaulo lamang at hindi naging totoong bahagi ng kanilang pagkatao. Kailangan nating maging maingat at matalino, magkaiba ang paniniwala at pagsasaulo. Maaaring alam na alam mo ang mga doktrina ng iyong simbahan, pero kahit kaunti ay hindi ka totoong naniniwala sa mga ito.

No comments:

Post a Comment