Thursday, September 13, 2007

Pamahiin: Wala Nga Bang Mawawala?

Sa sobrang tanda na ng kultura ng pamahiin, hindi na natin matutunton pa ang pinagmulan ng katagang madalas nating marinig: “Wala namang mawawala.” Simula ng magkaisip ako, bilang bata, hanggang sa kasalukuyan, hindi siguro lumipas ang isang taon na wala akong narinig na nagsabi o nagpahiwatig ng ganitong ideya. Ang hindi ko malarawan ay kung saang bahagi ng makatwirang isip maaaring magmula ang ganitong uri ng pananaw. Wala nga bang mawawala? 

Ang unang-una at pangitang-pangitang nawawala sa mga pumapatol sa pamahiin ay ang lohika o tamang pangangatwiran. Ang salitang “lohika” ay tumutukoy sa sekwensya at koneksyon ng mga konsepto at konklusyon. Kung halimbawa ay pupunta ka sa Mindanao galing sa Luzon, tatahakin mo ba ang daan pahilaga para makarating doon? Kung wala ka sa tamang pag-iisip, maaaring gawin mo iyon. Suriin natin ang mga proposisyon. Unang proposisyon: Ikaw ay pupunta sa Mindanao galing sa Luzon; ikalawang proposisyon: Ang Luzon ay nasa hilaga at ang Mindanao ay nasa timog na bahagi ng bansa; ang konklusyon: Tatahakin mo ang daan pa-timog para makarating sa gusto mong puntahan. Ito ang halimbawa ng tamang pag-iisip. Sa kabilang banda, ang mga mapamahiin ay ganito maghinuha: Unang proposisyon: Ang pusa ay itim; ang konklusyon: May mangyayaring masama sa makakasalubong nito. Unang proposisyon: Natapakan ng babaeng ikinasal ang paa ng asawa; ang konklusyon: Magiging sunud-sunuran ang lalaki sa babae. Unang proposisyon: Nakatapat sa hagdan ang pintuan ng bahay; ang konklusyon: Hindi magiging maayos ang takbo ng buhay ng nananahan doon. Anong pagkakaiba ng mga ito sa unang halimbawa? Laging mayroong “missing link”. Ang ganitong paraan ng pag-iisip, bagamat laganap, ay hindi normal sa tao. Ang tao ay rasyonal na nilalang -- may kakayahang mangatwiran -- pero kung hindi natin ito ginagamit nang tama, masasabing tayo ay hindi nagpapakatao.

Ang ikalawang nawawala sa mga taong mapamihiin ay ang kanilang kalayaan. Nagiging alipin sila ng takot, at bilanggo ng maling kaisipan. Kung halimbawa ay may pupuntahan ako, pero dahil may nakasalubong akong pusang itim ay madali akong umuwi at hindi na tumuloy sa aking lakad; sino ang nagdesisyon ng dapat kong gawin, ako ba o ang takot ko? Kung naka-schedule ang interview ko ng Miyerkules pero hindi ako sumipot dahil “malas” ang Miyerkules sa linggong iyon, hindi ba ito pagpapakita na bilanggo ako ng ganitong kaisipan? Sa ganitong sitwasyon, sunud-sunuran ako sa mg utos ng aking takot, at pinipigilan sa paggalaw ng maling paniniwala.

Ang ikatlong nawawala sa ganitong mga tao ay ang konsepto ng katotohanan. Isipin mo na lang ang isang tao na nakatingin sa mabangis na oso pero ang nakikita niya ay isa lamang puno; ganito rin ang sitwasyon ng mga taong bulag sa katotohanan -- nasa harapan na ang kamatayan pero inaakala pa ring ito ay kaligtasan.

Ang ikaapat na nawawala sa mga naniniwala sa ganitong mga kathang-isip ay ang tunay na pagkakilala sa Diyos at sa kanyang mga nilalang. Marami sa mga nagsasalita ay hindi nag-iisip, at buong-tiwala nagsasabi na ang buhay ng tao ay nakasalalay sa tamang pagpapasya, swerte, at pananampalataya sa Diyos. Ang pagpapasya ay bagay na kontrolado ng tao; ang pananampalataya naman ay sa pag-itan ng tao at ng Diyos; pero ang swerte ay konsepto ng kapalarang hiwalay sa impluwensya ng Diyos at ng tao, sa halip ay nasa ilalim ng mga kapangyarihang natural na may autonomiya. Pinasisinungalingan nito ang katotohanang walang nagaganap sa sangnilikha na hindi pinahihintulutan ng Diyos. Isa itong porma ng pagsamba sa hindi tunay na Diyos kundi sa mga “pwersa ng kalikasan”. Ito ang kabilang mukha ng “nature worship” na ginagawa ng mga katutubo at mga pagano. Ang ganitong disposisyon ng mga tao ay kasuklam-suklam sa paningin ng Diyos, lalo na kung ang Mabuting Balita ay hindi naman malayo sa mga taong ito. Wala itong pagkakaiba sa pagkakaroon ng mga diyus-diyusan.

Kayong mga naniniwala sa swerte at malas, isipin niyo nga ito: Hindi ba’t ang lahat ng bagay ay sa Panginoon? Hindi ba’t siya lang ang nagpapahintulot at nagbabawal sa lahat ng kaganapan? Bakit ninyo ipinagpapalagay ang kapalaran sa mga posisyon, bilang, araw, kulay, at mga gawaing wala namang kinalaman sa inaasahan ninyong resulta? Magpapasya ba ang Diyos na payamanin ka kung ilalagay mo ang iyong mga gamit sa ganito o ganyang lugar sa iyong bahay? Poprotektahan ka ba niya sa mga sakuna kung ihaharap mo sa ganito o ganyang posisyon ang iyong tahananan? Pasasagasaan ka ba niya sa kotse kapag hindi ka umuwi kahit na nakasalubong ka ng itim na pusa? Sisirain ba niya ang relasyon mo sa iyong pamilya dahil hindi compatible ang zodiac signs ninyo? May mga mata ang inyong isip, huwag ninyo itong ipikit! Tuso at mapanlinlang ang mga pwersang nakapaligid sa mundo -- walang mahirap o mayaman, matalino o mangmang, na palalampasin nila sa dalang kasinungalingan. Hindi dapat akalain ng sinuman na alam niya na ang lahat ng kailangan niyang malaman. Ang mga kalaban ng tao ay nakatago sa dilim, hindi nakikita o naririnig man, pero sumisira ng isip at nagdadala sa kapahamakan. Maging matalino sa pagpapasya at paniniwala, dahil sa pagkapit sa maling kaisipan, hindi totoo na walang mawawala.

4 comments:

  1. wala na dapat maniwala dahil maniwala ka lang sa diyos at papatnubayan ka nya at sariling sikap ang swerte

    ReplyDelete
  2. hi! thank you so much sa pagsusulat ng blog na ito.. it is so good at talagang naapektuhan ako...i believe in God and he is my personal savior... i always pray to him everything that bothers me and i always tell him all my hopes and dreams... hindi ko sigurado kung naniniwala din ba ako sa pamahiin kasi sometimes i remember na medyo naapektuhan ako pag nakakakita ako ng pusa na itim pero hindi naman nun nabago o naapektuhan yung mga lakad ko... ahm, sa nagsulat nga pla nito, magpapaalam ako na magbabase ako sa sinulat mo para sa project ko sa filipino na pangangatwiran... nainspire tlga akong magsulat ng tungkol naman sa swerte at malas kaya kahit hindi ko sure kung tanggap ng guro namin tong topic na ito, to nlng ang isusulat.. tnx so much.. and more power!!!...

    ReplyDelete
  3. Sa kung anumang paraan na magagamit mo ang mga nakasulat dito at inaakala mong makakatulong sa iyo at sa marami, lahat ng permiso ko ay nasa iyo. Ganun din sa ibang bumabasa. Salamat.

    ReplyDelete
  4. namiz q ang blog site n ito malaman ang article nagustuhan q..
    salamat . . kung maaari po lmang ay mglgay po kau ng article tungkol sa mga nagu2luhan po sa kanilang pananampalataya dahilan ng kramihang nglalabasan iba't ibang pangangaeal slamat po!....

    ReplyDelete