Monday, August 20, 2007

Kasalanan

Ano ang kasalanan?
 
Sa unang tingin, ang kasalanan ay para bang isa lamang pagsalungat sa popular o kultural na pamantayan ng moralidad o etika. Kung minsan pa nga, ang hindi pag-ayon sa ganitong mga pamantayan ay itinuturing na pagiging malaya. Ang maling pagkakilala sa tunay na kalikasan ng kasalanan ay naglalagay sa tao sa pagkabaon dito. Ang kasalanan ay hindi isang simpleng kawalan ng etika; ito ay isang estado o kalagayang personal. Ang hindi paggamit ng hagdan o tuntungan sa pagbaba ay hindi lamang isang paglabag sa nakasanayang paraan ng pagbaba mula sa matataas na lugar; ito ay naglalagay sa tao sa panganib o kaya’y sa kamatayan. Ganun din ang sinumang nagkakasala: sa paggawa ng isang bagay sa maling paraan ay itinutulak ang sarili sa bingit o sa mismong kamatayan; una, dahil ang masamang gawa ay laging may masamang konsekwensya; at ikalawa, dahil ang pangkalahatang hustisya ay humahatol sa anumang gawang masama.


Bakit may kasalanan?
 
Ang kasalanan ay anumang pagsalungat sa kaloobang ng Diyos na pinagmulan at dahilan ng lahat. Maaaring minsan sa ating buhay ay naiitanong natin, “Bakit ba may kasalanan pa? Bakit hindi na lang lahat ng gusto nating gawin ay pwede?” Ang ganitong uri ng tanong ay bunga ng kawalang-alam at hindi ito balido. Ang katulad nito ay ang pagsasabing, “Dapat ay wala na lang bagyo dahil nakakasira lang ng mga ari-arian ng tao,” o kaya ay “Dapat wala na lang mababangis na hayop dahil nakakapinsala lang sila.” Ang lahat ng bagay ay may kanya-kanyang layunin, kalikasan, at batas - lahat ito ay nakapaloob sa hindi nakikitang batas na mas kilala sa tawag na “natural law”. Kung wala ang batas na ito, wala ring matitirang buhay o buo sa kalawakan. Ang mga planeta at mga bituin ay magsasalpukan hanggang sa maabo ang lahat; ang mga hayop ay kakain ng anumang makita nila kahit pa ito ay lason, o kahit ito ay ang kanilang sariling anak; makikipagtalik ang mga tao sa hayop, at ang mga hayop sa iba pang mga nilalang; ang lahat ay nakalutang sa lugar na walang nakakakilala; ang lahat ay wala sa ayos. Iyan ang teoryang maaari nating mabuo kung ipagpapalagay nating umiiral ang iba’t-ibang bagay maliban sa batas. Ganunpaman, mas tumpak ang konklusyon na wala talagang iiral na kahit ano kung walang batas. Taglay ang ganitong pagkaunawa, madali nating maiintindihan kung ano at bakit may kasalanan. Ang kasalanan, sa madaling salita, ay paglabag sa batas ng kalikasan na itinatag ng Lumikha; ito ay pagsira sa kaayusang nararapat sa lahat ng bagay. Hindi ito basta pagsalungat lamang sa isang popular na opinyon na nabuo dahil sa mga taong gustong mamuno o magkaroon ng kapangyarihan sa desisyon ng iba. Nakatatak sa kalikasan ng bawat nilikha ang batas na nagtatakda ng kanilang kani-kanilang limitasyon. Ayon kay Isaac Newton, ang buwan ay patuloy at walang tigil na nahuhulog patungo sa gitna ng mundo, pero dahil sa batas ng grabitasyon, ang pagkahulog nito ay hindi nagdudulot ng tuluyang pagbangga sa ating planeta. Ang paglabag sa ganitong mga batas, kailanman posible, ay pagwasak sa kaayusan ng lahat.

Kung ang kasalanan ay ang mas pinaikling salita na ang ibig sabihin ay paglabag sa batas ng kalikasan, nangangahulugan ba na ang paglipad ng tao, o ang pagsusugpong sa mga puno at halaman ay kasalanan?
Ang kasalanan ay isang usaping moral na ang ibig sabihin ay tumutukoy sa batas na sumasaklaw sa pagpapasya ng tao. Ang batas ng moral ay bahagi ng batas ng kalikasan pero sumasakop lang ito sa mga nilalang na may pagpapasya tulad ng tao at ng anghel. Ang ulan ay bumabagsak hindi dahil gusto niya, kundi dahil nakatakda itong mangyari ayon sa batas na sinusunod nito. Ang mga hayop, bagamat nagpapasya kung kailan kakain, susugod, matutulog, iinom, o maglalaro. Ang lahat ng kanilang ginagawa ay hindi masasabing resulta ng malayang pagpapasya kundi pagsunod pa rin sa idinidikta ng kalikasan o yung tinatawag na “instinct”. Dahil dito, ang mga hayop ay walang pananagutang moral. Hindi sila hinahatulan sa salang pagnanakaw, pagpatay, o anuman. Sa mundong ito, tanging ang tao ang saklaw ng espesyal na batas na ito dahil siya lang ang may kakayahang magpasya nang malaya. Tulad ng mga hayop, naririnig din natin ang mga tawag ng katawang-lupa, pero tayo ay kumikilos ayon sa malaya nating pagpapasya. Hindi tayo bigla-bigla na lang manghahabol kapag nagutom, o kaya ay basta na lang makikipagtalik kung saan makaramdam ng paghahanap. Tuwing kumikilos tayo sa hindi nararapat na paraan, linalabag natin ang pagiging tao at pinipiling maging hayop na sumusunod lamang sa anumang idinidikta ng materyal na katawan. 
Ano ba ang pagkakaiba ng tao sa hayop?
 
Bagamat ang tao, tulad ng hayop, ay dinidiktahan ng pangangailangang pisikal; tulad naman ng anghel, siya ay nagpapasya mula sa kanyang puso - sa sentro ng kanyang pagkatao. Ang kaluluwa ng tao ay ang kanyang persona o ang kanyang sarili. Ito ang bagpapasya, ang nagtataglay ng kamulatan sa sariling pag-iral, ang intelektwal na bahagi ng pagkatao, at ang dumaranas ng iba’t ibang emosyon. Kung ang hayop ay materyal at ang anghel ay espiritwal, ang tao naman ay pinagsamang materyal at espiritwal. Sa kaayusan ng kalikasan, higit na mataas ang kalagayan ng mga espiritwal kaysa mga materyal na bagay; kaya nga sa kalikasan ng tao, higit ang batas ng espiritu kaysa batas ng katawan. Sa batas ng moral, kasalanan ang paglalagay ng pangangailang materyal sa ibabaw ng pangangailangang espiritwal. Itinakda ng batas na ito na higit ang paggalang sa pag-aari ng iba kaysa gutom ng tiyan; higit ang respeto sa kapwa kaysa paghahanap ng katawan na makipagtalik; higit ang pagkilala sa Diyos sa harap ng mga maniniil kaysa buhay ng katawan. Dahil sa batas na ito, ginagawa natin ang lahat nang may kaayusan bilang tao. Hindi kasalanan ang pagpatay ng hayop para gawing pagkain dahil ang gawaing ito ay nasa hangganang pa ng tao, pero kasalanan ang pumatay ng hayop nang walang sapat na dahilan. Hindi rin kasalanan ang pagputol ng mga puno para sa ikaubuti ng mga tao, pero kasalanan ito kung ginagawa nang walang sapat na dahilan.

Ano ang ginagawa ng kasalanan sa tao?
 
Dahil ang kasalanan ay pagsalungat sa kaloobang ng Diyos at paglabag sa batas ng kalikasan, ilinalagay nito ang tao sa ilalim ng sumpa o kahatulan. Nakatakdang maparusahan ang sinumang nagkakasala. Bukod doon, sinisira nito ang integridad o kabuuan ng tao kung paanong ang pagsira sa kaayusan ng lahat ay nagdadala ng kaguluhan at pagkawasak. Ang pagkasirang ito ay hindi lamang estado ng isip na maaaring ipagwalang-bahala; ito ay isang existensyal na katotohanan. Pinakasimpleng halimbawa ng larawan nito ay ang pagkaksugat ng katawan: hindi dahil sa opinyon ng mga nakakakita, o dahil sa popular na pamantayan, kaya ginagamot ang sugat, kundi dahil ito ay banta sa sariling kalusugan. Hindi ang pangungutya ng mga tao sa pagkakaroon natin ng sugat ang talagang pinagtutuunan natin ng atensyon at pagkabahala, kundi ang sitwasyon ng ating pisikal na integridad. Kung ang pisikal na kamalian ay sumusugat sa katawan, ang kamaliang moral ay sumusugat sa kaluluwa. Sinisira nito ang pagiging buo ng ating persona, at sa ganitong kalagayan ay masasabi nating tayo ay may karamdaman. May dalawang uri ng kasalanan na maaari nating ihalintulad sa sugat at sa kanser. Ang una ay hindi nakamamatay pero posibleng tumungo sa kasalanang nakamamatay. Ang ikalawa naman, sa kanyang sarili, ay nakamamatay. Dahil nasa mataas na antas ng kaayusan ang mga espiritwal na bagay, ang karamdamang pangkaluluwa ay higit na seryoso kaysa karamdaman ng katawan; ang kamatayang espiritwal naman, sa kabilang banda, ay lampas sa posibilidad ng paghahambing sa kamatayang pisikal. Ang totoo, ang kamatayang pisikal ay isa lamang sa mga hindi maiiwasang resulta ng dinanas nating kamatayang espiritwal noong tayo at ang ating mga unang magulang ay nagkasala.

Ang kamatayan ba ng kaluluwa ay mangyayari sa hinaharap kasabay ng pisikal na kamatayan?
 
Hindi. Ang kamatayan ng katawan ay bunga ng kamatayang espiritwal. Lahat tayo ay isinilang na patay, bitbit ang unang kasalanan. Ito ang dahilan ng pagdating ni Jesus sa mundo: upang muli tayong likhain at ibalik ang buhay na dating atin - at higit pa sa dating nasa atin. Gayunman, dahil tayo ay mga linikhang moral - may kakayahang magpasya - may kalayaan din tayong tanggihan ang buhay na ibinibigay ng Diyos at manatili sa kamatayan. Pero bukod sa kamatayang existensyal na kinalalagyan ng tao bunga ng pagtalikod sa Buhay, mayroon pang ikalawang kamatayan sa paghihiwalay ng katawang lupa at ng kaluluwa. Ito ang kaparusahang naghihintay sa mga taong mas pinili ang kamatayan kaysa buhay. Sa huling araw, ang katawan at kaluluwa ay muling magsasama - ang iba ay para sa buhay, at ang iba ay upang dumanas ng ikalawang kamatayan habampanahon. Sa huli ay balikan natin kung bakit mahalagang makilala natin ang tunay na mukha ng kasalanan. Ang kasalanan ay existensyal na katotohanan at hindi “abstract” na ideya lamang. Ibig sabihin, ito ay may epekto sa ating pag-iral tulad ng isang karamdaman. Mabubuhay tayo kahit hindi natin alam ang sagot sa mga problemang matematika, o kahit hindi nating kilala si Magellan, o kahit pa iba ang Diyos natin kaysa sa kilala ng karamihan; pero hindi tayo mabubuhay kung hindi natin alam kung ano ang kasalanan, o kung wala tayo nung tinatawag na “sense of sin”. Dahil sa hindi pagkikilala dito, magiging alipin tayo ng dikta ng laman; kumikilos na parang hayop, at ilinalagay ang espiritwal na bahagi ng pagkatao sa ilalim ng bahaging materyal - bagay na salungat sa kaayusang pangkalahatan. Dahil din dito, mananatili tayo sa kamatayan; at sa huli ay magdaranas ng kaparusahang walang hanggan.

1 comment:

  1. Hinuhusgahan tayo ng iba pag tayo nakagawa ng kasalanan..

    Kung minsan naitanong ko nga sa sarili ko kung bakit kay lakas nila magbintang at maghusga wala rin ba silang nagagawang kasalanan,o kailan ba hindi sila gumawa ng kasalan..Ang mga ganitong ugali ng tao ay isa sa nagpapasama ng kalooban ko,at dahil dun lalong nadadagdagan ang aking kasalan.

    Ang kasalan ng isang tao ay hindi lahat nagagawa niya dahil sa sariling kagustuhan upang siya ay magkamali kung minsan mas madalas na dahilan nito ay dahil din sa ibang tao.Ang ibang tao na ito sila rin ang nag-uudyok sa atin na makagawa ng dahilan upang tayo ay magkasala...
    Kaya bago ka maghusga sa kapwa mo tignan mo muna ang sarili mo..isa-isahin mo yong mga nagawa mo at saka mo isispin kung dapat mo nga siyang husgahan.
    Ang pag labag sa moral o yong sinasabi nilang moral sa sarili katulad ng pakikipagtalik sa iba ng basta-basta ay isang kasalan nahuhusgahan natin ang mga ganoong klaseng tao,oo ginagawa nila yon!kasalanan,kawalan ng respeto sa sarili o kawalan ng moral ilan lamang yan sa mga sinasabi ng iba sa kanila.Dumadami ang katulad nila kasi sabi nga naman ni "Hierarchy" kasama na siya sa pangangailangan ng tao ang pakikipagtalik,pero ang kasalanan ay ang pakikipag talik mo sa ibat-ibang tao.Hindi mo sila kailangan suportahan kundi kailangan mo sila unawain,ang pag unawa sa katulad nila o iba pang mga tao na gumagawa ng kasalanan ay malaking bagay na maiaambag mo sa pagkatao nila,dahil dito nila mauunawaan ang pagkakamali na kanilang nagagawa.Marahil sa pag-papakita mo nang pang-unawa sa kanila ang mag papabago ng buhay nila at doon nila matatanto na maari silang mabuhay na hindi nakagagawa ng malaking kasalanan sa buhay nila.

    ReplyDelete