Thursday, August 23, 2007

Biyaya ng Diyos

Ang salitang biyaya ay tumutukoy sa mga bagay na tinatanggap nang walang bayad o anumang kapalit. Mas madalas na ang tawag natin dito ay regalo. Sa paksang ito ay gusto kong ibahagi ang isang katotohanang hindi napupuna ng marami – kasama ang sarili ko: Na ang biyaya ng Diyos ay hindi dumarating.

Madalas, iniisip natin na may mga oras na dumarating ang biyaya ng Diyos, lalo na kung nakatutok ang paningin natin sa mga materyal na bagay at sa mga kaaya-ayang pangyayari sa ating buhay. Sinasabi natin na sa ganito o ganyang panahon ay tumanggap tayo ng biyaya mula sa Diyos, at umaasa tayong sa ganito o ganoong panahon ay mayroon ulit tayong matatanggap. Isipin natin, halimbawa, na tayo ay naninirahan sa isang barko kung saan libre ang pagkain, inumin, damit, higaan, at lahat ng bagay na kailangan natin para mabuhay; kung isang araw ay binigyan ako ng kapitan ng barko ng isang piraso ng paborito kong tsokolate, sasabihin ko bang, “Hay, salamat, nakatanggap na naman ako ng regalo galing sa kapitan! Nung isang lingo lang, may ibinigay din siya sa akin”? Nung isang linggo nga ba? Hindi ba’t katatapos lang ng libreng hapunan, at ngayon ay oras nang magpahinga sa libreng kwarto na may libreng ilaw at libreng higaan? Hindi ba’t para sa kasiguruhan ng lahat ay may libreng security system at mga guard buong maghapon at buong magdamag? Hindi ba’t sa tuwing pagising sa umaga ay may libreng almusal, at sa tanghali ay may libreng pananghalian? Hindi ba’t ang lahat ng ito, kasama ng tsokolate, ay pawang mga regalo dahil hindi ito binayaran o pinalitan man? Mayroon bang isang linggo, isang araw, isang oras, o isang minutong pag-itan ang pagtanggap ng regalo ng mga nakatira sa barkong ito? Wala. Ang bawat sandali ng paninirahan dito ay biyaya -- walang kapalit.

Ito ang katotohanang madalas ay nalalampasan natin ng pansin. Ang nakikita natin at tinatawag na biyaya ay ang mga tsokolateng ating tinatanggap -- ang mga pangyayaring madalang natin maranasan -- pero hindi ang mga regalong bawat sandali ay pinakikinabangan natin. Ang mga biyaya ay hindi dumarating sa ating buhay dahil ang totoo, tayo ay namumuhay sa gitna ng mga biyaya. We could not even exist without these gifts from the Creator. Tuwing gumagalaw tayo, dumadampi sa balat natin ang mga biyayang ito; tuwing tayo ay nagsasalita, pumapasok ang mga ito sa ating bibig. Hinihinga natin ang mga biyayang ito; kinakain natin at nalalakaran. Walang lugar o pangyayari na hindi natin kasama ang mga biyaya ng Diyos. Siguro nga ay napakahirap isipin ng katotohanang ito dahil nakasanayan na natin ang pag-aakalang tayo ay nabubuhay sa sarili nating lakas, talino, at pagsisikap, pero maging ang mga nabanggit na ito ay biyaya din ng Diyos. Walang anuman ang nagmula sa atin pero nabubuhay tayo at patuloy na mabubuhay habampanahon dahil sa mga biyayang ito. Kailanman ay wala tayong totoong nalikha o nabili man lang; ang lahat ng bagay ay sa Diyos at walang isa man ang nanggaling sa atin.

Sa ganitong paraan natin mauunawaan ang itinagubilin ni Pablo na “magpasalamat kayo sa Diyos para sa lahat ng mga pangyayari”. Halimbawa, ang balat na mayroon ka ngayon bilang init at proteksyon sa buong katawan; ipagpapalit mo ba ito sa magandang bahay, maraming pera at mga ari-arian? Aanhin mo ang mamahaling pagkain na inaasam-asam mong bilhin kung ang kapalit ay ang iyong ganang kumain? Aanhin mo ang kumportableng buhay na pinagpapakamatayan mong makamit kung wala ka namang hininga? Ang mga bagay na mayroon ka ngayon ay hindi talaga sa iyo at maaaring mawala anumang oras; hindi ba’t ang mga bagay na ito ang dapat pa nga ay ipagpasalamat natin, sa halip na maghinanakit tayo dahil sa mga bagay na hindi natin makamtan? Buong puso ang pasasalamat natin kapag nangyayari ang mga gusto nating mangyari, pero hindi natin pinapansin ang mas mahahalagang bagay pa na hindi pinagsasawaang ibigay sa atin araw-araw kahit na hindi natin ito nagagawang ipagpasalamat. Hindi natin nakikita ang nandito dahil hinahangad natin ang wala. May mga kabataan, halimbawa, na sa sobrang kagustuhan na magkaroon ng partner ay hindi na nakikita ang pagmamahal ng pamilya o ang pagmamalasakit ng mga kaibigan. Mayroong mga tao na dahil sa paghahangad na magkamal ay hindi na nakaka-appreciate ng kung ano ang meron sila ngayon. Tayo ay nabubuhay sa biyaya ng Diyos bawat sandali, at lahat ng bagay ay nararapat nating pasalamatan.

Sa bahaging ito ay masdan natin ang mas malaking larawan ng ating kasaysayan. Ang Diyos ay may nakahanda sa buhay ng bawat isa sa atin; pero bagamat indibidwal ang kanyang mga panukala, ito ay magkakaugnay at bumubuo ng isang pangkalahatang plano. Dahil ang Diyos ay mabuti, at lahat ng gawa niya ay mabuti, nangangahulugan lamang na mabuti ang lahat ng nangyayari sa atin -- hindi man natin maunawan -- dahil lahat ito ay bahagi ng kanyang plano at hindi nawawala sa kontrol. Maaaring maitanong natin, “Pati ba ang mga krimen, ang mga kaguluhan, mga kalamidad, at ang araw-araw na pagkakasala ng tao, kasama sa plano ng Diyos? Mabuti rin ba ang mga ito?” Kailanman ay hindi naging mabuti sa paningin ng Diyos ang mga bagay na sadyang masama. Ang lahat ng masamang nangyayari sa sangnilikha ay konsekwensya ng pagtalikod sa Diyos ng mga nilalang niya. Hindi man ang mga ito ang panukala ng Diyos, lahat ito ay pinahihintulutan niyang mangyari, hindi para magkaroon ng masama sa kanyang plano, kundi upang sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan at karunungan, ang presensya ng masama ay maging para sa ikabubuti ng mga pinili niya. Ang masasamang nilalang at mga pangyayari ay isang bahagi lang ng plano ng Diyos para sa mga nakatakdang maghari kasama niya. Hindi dapat indahin ng mabubuti ang hirap na dulot ng masasama, ni magreklamo man sa gitna ng hindi magagandang pangyayari dahil ang lahat ng ito ay nangyayari para sa kanilang kapakanan. Sila ang sentro ng plano ng Diyos. Ang mga bagay na hindi maganda sa panlabas na anyo ay mga biyayang nakapaligid sa kanila. Ang plano ng Diyos para sa mga hinirang niya ay biyayang patuloy nilang tinatanggap sa lahat ng sandali dahil ang bawat bahagi ng kanilang buhay ay katuparan ng mga bahagi ng planong ito.
Mabuting ipagpasalamat ang mga biyayang madaling makita, pero hindi natin dapat makalimutan na ang bawat sandali ng ating buhay ay biyaya ng Diyos.

No comments:

Post a Comment