Monday, April 9, 2007

Linggo ng Palaspas

Tulad ng ibang mga pagdiriwang na nakaugalian na nating mga Filipinong Katoliko, ang Linggo ng Palaspas ay isa din sa mga araw kung saan marami sa atin ang nakikilahok sa mga gawaing hindi natin naiintindihan.

Masaya ang mga tao tuwing Pasko, nagbibigayan ng regalo, nagbabatian, nagpapaputok; pero ano ba ang ipinagsasaya natin? “Ang pagsilang ni Jesus,” ito ang madaling maisasagot ng isang Katoliko. Pero bakit kailangang ipagdiwang ang kaarawan ni Jesus? At totoo ba na sa buong panahon ng Kapaskuhan ay si Jesus ang ipinagdiriwang natin? Siya ba talaga ang nasa isip natin at ang dahilan ng ating kagalakan? Tuwing nalalapit ang Pasko, ang pinoproblema natin ay ang panghanda, pangregalo, pambili ng mga bagong damit, sapatos at kung ano-ano. Marami din ang nag-iisip kung anong isusuot sa Noche Buena: dapat may mga bilog at kulay pula. Dapat ay may mga prutas na bilog, bigas na may barya, asin, asukal at iba pang mga pampaswerte sa ibabaw ng mesa. Ganito ba talaga ang tamang kaisipan tungkol sa Pasko; ito ba ang pagdiriwang na iniaalay natin sa may kaarawan?

Tuwing Miyerkules ng Abo, kahit na hindi magandang tingnan sa noo, nagpapalagay tayo ng abo—“hindi pwedeng hindi”. Pero ano nga ba ang silbi ng ginagawa natin? Umiinom ba tayo kahit hindi nauuhaw, o kaya ay kumakain kahit hindi nagugutom? Bakit sa maraming pagkakataon ay buong kagalakan at buong pagmamalaki tayong gumagawa ng mga bagay na hindi natin alam ang dahilan?

Sa loob ng simbahan, rinig na rinig at kitang-kita ang lakas ng pagaspasan ng mga palaspas habang binabasbasan ang mga ito ng pari sa pamamagitan ng salita at tubig. Kung gugunitain ang pagsalubong ng mga tao kay Jesus sa Jerusalem, makikini-kinita ito sa mga palaspas na nagpapahayag ng kagalakan sa loob ng mga simbahan. Pero kung ang mga taong may hawak nito ang titingnan, makikita ang kawalan ng dahilan sa kanilang pagdiriwang. May mga nagrereklamo dahil hindi nabasa ang hawak nila. May nagkukwentuhan habang nagsisimba kung magkano at saan nabili ang kanya-kanyang palaspas. Mayroong hindi talaga aalis hanggat di nila nararamdaman na may tumalsik na tubig sa kanila; at mayroon pang nagpupumilit talaga na makausad pauna kahit sinabihan nang huwag aalis sa pwesto, o kahit na magkasakitan na silang magkakatabi.

Una, hindi nawawalan ng bisa ang pagtatalaga ng pari sa isang bagay sa pamamagitan ng pagbabasbas kung hindi man ito mawiwisikan o mababasa ng tubig. Ang tubig ay sakramental lamang na ginagamit ng Diyos para sumagisag at magdala ng kanyang basbas, pero hindi nangangahulugan na hindi kayang ibuhos ng Diyos ang kanyang biyaya kung walang tulong ng tubig. Ang tubig ang kasangkapan ng Diyos, hindi ang Diyos ang kasangkapan ng tubig. Ikalawa, ang pagdadala ng palaspas sa simbahan, higit sa lahat, ay pakikibahagi sa pagsalubong kay Jesus sa Jerusalem—sa simula ng kanyang mapanligtas na paghihirap at kamatayan—at pagninilay sa ginawa ng Diyos para sa atin dahil sa kanyang pag-ibig. Pangatlo, hindi mahalaga kung magkano o kung gaano kaganda ang dalang palaspas dahil ang Linggo ng Palaspas ay hindi paligsahan ng pagandahan o pamahalan; sa halip, ito ang unang araw ng pagsalubong ni Jesus sa kamatayan, at unang araw ng pakikiisa natin sa kanyang pagpapakasakit. Bagamat ang pakikibahaging ito kay Jesus ay araw-araw na gawain ng mga Cristiano, sa Linggong ito ay inaalay natin ang espesyal na pagdiriwang na nagpapahayag sa lahat ng tao kung ano ang ating pinananampalatayaan.

Ang Linggo ng Palaspas ay pagsalubong sa biyaya ng Diyos sa tao—ang kaligtasan mula sa kamatayan—si Jesus. Ang pagdating ni Jesus ay hudyat ng paglaya; ito ang ating ipinagdiriwang. Pero simula lang ang araw na ito; makakamit lang ang kaligtasan sa pamamagitan ng pag-aalay ni Jesus ng buhay, at ito ang gugunitain natin sa buong Banal na Linggo.

2 comments: