Thursday, March 15, 2007

Pananalangin sa mga Banal

Bilang mga relihiyosong tao, ang mga Filipino ay sanay na sa iisang kahulugan ng salitang “panalangin”. Ito ay tumutukoy sa pakikipag-usap ng tao sa Diyos, maging sa paghingi man ng tawad, pagpupuri, pasasalamat, o paghingi ng tulong. Ngunit ang “panalangin” ay transliterasyon ng salitang Ingles na “prayer”, na hindi lamang nangangahulugan ng pakikipag-usap sa Diyos, kundi ng isang buong-pusong paghingi, o mas kilala sa katagang “pakikiusap”. Ang mga salita ni Shakespeare na “I know not how to pray your patience,” ay maaaring isalin na “Hindi ko alam kung paano hihingin ang iyong pasensya (o “pagpapatawad”, sa kontekstong ito). Ang pangungusap na “Pray, pass the sauce,” ay hindi marapat na isalin na “Dasal, iabot ang sarsa,” kundi “Pakiusap, iabot ang sarsa,” o kung paiikliin “Paki-abot ang sarsa”. Kung ang panggagalingan naman ay ang mga salitang “Pakiusap, ipagdasal mo ako,” at gagamitin sa Inglatera (salitang Ingles), maaari itong isalin na “I pray you, pray for me”—sa literal na salin sa Filipino, “Dalangin ko sa’yo, ipagdasal mo ako”. Hindi kailanman naipagkakamali ng Simbahan ang dalawang kahulugan ng salitang “panalangin”, yayamang mahigit 2000 taon na itong ginagamit ng mga Cristiano sa tama nilang aplikasyon. Iba ang pananalangin sa Diyos, at iba ang pananalangin sa tao. Kapag sinabi ko sa isang hari, “Dalangin ko sa Inyong Kamahalan na pakinggan ang aming mga hinaing,” nangangahulugan ba ito na itinuturing kong Diyos ang hari? Bagamat sinasabi ni Jesus na igalang ang isang hari tulad ng paggalang sa Panginoon, at kahit na sinasabi ni Pablo na paglingkuran ng mga alipin ang kanilang mga panginoon na parang si Jesus ang pinaglilingkuran, hindi ito nangangahulugan na kinikilala ng mga Cristiano ang mga taong ito bilang Diyos.


No comments:

Post a Comment