Sa usaping relihiyon, ang panata ay isang pangako sa Diyos na gagawin ang isang bagay sa isang tiyak na panahon o pagkakataon. Ito ay ginagawa upang ipakita ang katapatan, pagmamahal, at pasasalamat sa Diyos. Nagmumula ito sa pagkatanto ng tao na siya ay mahalaga sa Diyos sa kabila ng kanyang kawalang-halaga. Sa madaling salita, ang pamamanata ay pagtanaw ng utang na loob para sa mga kabutihang kailanman ay hindi maaaring mabayaran.
Kabaligtaran nito ang panatang kilala ng marami sa mga Filipino. Para sa kanila, ang panata ay isang uri ng kasunduan kung saan ang Diyos ay obligadong sumunod sa gusto ng “namamanata” kapag nagawa nito ang kanyang ipinangakong gagawin. Sa kabilang banda, ang tao namang ito ay may takot sa kalooban na baka kung hindi niya maganap ang kanyang ipinangako ay kabaligtaran ng kanyang hinihingi ang mangyari sa kanya. Isa sa mga tinatawag na “panata” tuwing Mahal na araw ay ang pagpapalo sa sarili, pagbubuhat ng krus, at pagpapatali o pagpapapako sa krus. Isa man itong nakakaaliw na palabas para sa ilan pero hindi ito kailanman magiging maka-Kristianong paraan ng pakikipag-ugnayan sa Diyos.
Ang “mortification” o pagsupil sa katawan na ating ginagawa ay dapat na nagmumula sa hangaring papaghariin ang Espiritu Santo sa ating katawan at sa ating buong buhay. Kung pinahihirapan man natin ang ating katawan, ito ay para turuan itong sumunod sa atin at hindi tayo ang maging alipin ng mga pita nito. Ang salitang “pagpapahirap” dito ay hindi nangangahulugan ng pagsusugat, pagbibilad sa araw, pagpapasan ng krus o pagpapapako dito; ito, unang-una, ay nangangahulugan ng pagsupil sa makalamang bahagi ng ating pagkatao – pagiging tamad, mayabang, madamot, mainggitin, seloso, palaaway, mahalay, matakaw, mapaglasing, mapamahiin, sinungaling, mapang-angkin, at lahat ng mga bagay na hindi sa Espiritu. Pangalawang paraan ng pagpapahirap sa sarili ay ang tinutukoy ni Jesus: “Kung may gustong sumunod sa akin, itakwil ang kanyang sarili at pasanin ang kanyang krus araw-araw para sumunod sa akin” (Lucas 9:23). Ang pagpapasang ito ay ang pagharap sa ating mga pang-araw-araw na tungkulin ayon sa ating kalagayan sa buhay gaano man kadali o kahirap ang mga ito. Kasama dito ang pang-araw-araw na pagwawalis, pagsasaing, pag-aasikaso ng bahay at pamilya, paghahanap-buhay sa labas o sa loob man ng bahay, pagdidisiplina sa mga anak, pananalangin, at kahit na ang simpleng pakikinig sa magulang habang sila ay nangangaral. Minsan naman ay humaharap tayo sa mga sitwasyon na hindi natin matatawag na pang-araw-araw tulad ng kamatayan ng isang mahal sa buhay, pagka-aksidente, pagkakasakit, pagkatanggal sa trabaho, pagbagsak sa pagsusulit sa paaralan, paghihiwalay ng mag-asawa, at iba pang tulad nito. May mga pagkakataon na ang mga ito ay itinuturing nating parusa o kaya naman ay “pagmamalabis” ng Diyos o kaya ay isa sa mga maling desisyon niya, pero alinman sa mga ito ay hindi tama. Kung dumaranas man tayo ng mga paghihirap at kabiguan, iyon ay dahil lamang sa katotohanan na tayo ay nasa mundo. Dito ay hawak ng bawat isa ang kani-kanilang pasya kahit pa sabihing ang taong ito ay isang alipin o kaya ay isang bilanggo. Hindi maitatali o maikukulong ang ating kalayaang mamili, kaya nga ang iba ay nagiging biktima ng mga maling pagpapasya ng mga taong may masasamang hangarin o kaya ay may maling pagkaunawa. Kahit gaano kahirap o kayaman ang isang tao, maaari siyang gumawa ng mabuti o masama sa kanyang kapwa ayon sa kanyang pasya. Bukod dito, ang mga aksidenteng bunga ng natural na kalamidad o personal na kakulangan ay umaambag din nang malaki sa mga hirap natin sa buhay. Tayo man ang biktima ng hindi perpektong mundo, nasa atin pa rin ang pasya kung paano natin ito haharapin. Ang pagpapasan ng krus na tinutukoy ni Jesus ay ang pagtanggap sa mga pangyayaring hindi natin kayang baguhin. Maaaring ikaw ay isinilang ng isang alipin, at dahil dito ay alipin ka rin, pero hindi ito nangangahulugan na wala kang kalayaan; may kalayaan kang mamili kung ikaw ay magiging mabuti o masamang tao sa kabila ng iyong pagiging alipin. Halimbawa naman ay isinilang kang may pisikal na kapansanan, hindi ito nangangahulugan na wala ka nang maitutulong sa iba. Kung iisa man ang iyong kamay at iisa ang iyong paa, maaari mo pa rin gawin ang mga bagay na nangangailangan lamang ng isang kamay o isang paa. At kahit na wala kang kamay at paa, hanggat ikaw ay nabubuhay, palagi kang may magagawa para sa iba. Unang-una na dito ang pagbibigay mo ng mabuting halimbawa ng tunay na katatagan, pagtitiyaga, kasiyahan, pagiging mapagpasalamat, at pagtitiwala sa Diyos. Maraming mga “normal” ang duwag, tamad, malungkot, at walang kahulugan ang buhay; sila ang mga taong nangangailangan ng isang tagapagpatunay na napakaraming mga bagay ang dapat ipagpasalamat sa buhay. Ang pusong mapagpasalamat at may tiwala sa Diyos ay siyang tunay na nagpapasan ng krus, nagpapako ng kanyang sarili, at tumutupad sa kanyang panata sa Diyos.
Ang uri ng mga “panata” na nakikita natin tuwing Mahal na Araw ay walang anumang pakinabang kahit kanino. Patuloy lamang nitong linilinlang ang sarili at iliniligaw ang iba. Higit sa lahat, hinahamak nito ang pag-ibig ng Diyos. Tayo ay tinubos ni Jesus mula sa kaparusahan at sa miserableng buhay dahil sa kanyang pag-ibig sa atin. Hindi natin ito tinanggap bilang gantimpala o bayad sa anumang ating ginawa, at hindi rin natin mapipilit ang Diyos na gawin ang gusto natin dahil lang nangako tayong gawin ang isang bagay bilang kapalit ng ating hinihiling. Alam ng Diyos kung ano ang mabuti at sa kanya nagmumula ang lahat ng kabutihan, hindi mababago ng ating mga “palabas” o mga “panata” ang kaloobang ng Diyos. Tayo ay nananalangin hindi para umayon sa atin ang Diyos, sa halip ay upang ang kanyang kalooban ang nasain ng ating puso.
No comments:
Post a Comment