|
The Pentecost - Latter half of 18th c |
Isa sa mga dapat sana ay malaking pagdiriwang, hindi lamang sa mga parokya kundi sa puso mismo ng mga Cristiano, ay ang Pentekostes. Sa araw na ito ginugunita ang pagsilang ng Simbahan. Maaaring iniisip ng iba, "Paanong naging ito ang araw ng pagsilang ng Simbahan e wala na si Jesus sa lupa noong panahong iyon?" Ang pagsilang ng Simbahan ay hindi katulad ng pagtatatag ng isang institusyon na tulad ng paaralan o pagpapalaya sa isang bayan. Sa madaling salita, hindi ito foundation day. Noong unang Pentekostes ay naging totoong isa ang lahat ng mga mananampalataya at sila ay naging mga bahagi ng iisang Katawan ni Cristo. Dahil sa pagbaba ng Espiritu Santo sa bawat mananampalataya, silang lahat bagamat marami, ay naging isang Katawan na may iisang Espiritu. Hindi lamang ito tumutukoy sa pagkakaisa ng kaisipan o mga prinsipyo; ito ay tumutukoy sa isang aktwal na pagiging isa. Ang katawan ng tao ay maraming bahagi, pero dahil iisa ang kaluluwa ng tao, ang bawat bahaging ito ay bumubuo ng iisang tao lamang. Kahit ang puso o mata o kamay o paa ng isang tao ay nagmula sa iba at hindi likas sa nagtataglay nito, ito pa rin ay kaisa ng buong katawan dahil sa iisang espiritu. Ganito natin maihahambing ang relasyon ng Simbahan (katawan) sa Espiritu Santo (espiritu). Bagamat maaaring nagkakaisa ng layunin, paniniwala, at simulain ang mga taga-sunod ni Jesus noon, tanging sa Linggo ng Pentekostes lamang sila naging isang Katawan ni Cristo at ang Katawang ito ang tinatawag nating Simbahan.
Dahil sa hindi natin pagkaunawa sa tunay na kahulugan ng Pentekostes kaya marami sa atin ang hindi ito maipagdiwang nang may kasiyahan at pasasalamat. Tulad din ng ibang kapistahan, pinapalampas lang din natin ito lalo pa't walang komersyalismong sangkot sa araw na ito, di tulad ng Pasko. Ang bawat pagdiriwang ay magiging makahulugan lamang kung tunay nating nauunawaan ang dahilan nito. Kung mananatiling mababaw ang ating pagtingin tungkol sa mga kapistahang ito, hindi natin mapakikinabangan ang tunay na layunin ng pagunita dito.
No comments:
Post a Comment