Jesus, Anak ng Diyos

Dahil nga ba sinasabi ng Kasulatan, o dahil hindi lang nila kayang paniwalaan ang kapangyarihan at karunungan ng Diyos, kaya may mga taong nagsasabing si Jesus ay hindi Diyos? Walang kontrobersya sa komunindad ng mga unang Cristiano tungkol sa kalikasan ni Cristo hanggang sa pagsilang ng heretikong kaisipan ng isang paring nagngangalang Arius. Siya, at ang kanyang mga taga-sunod, ay umaangkin na si Jesus ay isa lamang nilalang na ginawa upang maging katulong sa paglikha. Pero hindi ito ang paniniwala ng buong Simbahan, at hindi rin ito kinakatigan saanmang bahagi ng Kasulatan. Sa halip ay ganito ang sinasabi: “Sa pamamagitan niya nilikha lahat ng bagay at walang anumang nilikha nang hindi sa pamamagitan niya” (Jn 1:3). Kung si Jesus ay isa lamang sa mga nilalang, at walang nilikha nang hindi sa pamamagitan niya, ibig sabihi’y nilikha siya sa pamamagitan niya! Mas malaking pananampalataya pa ang kakailanganin ng isang tao para mapaniwalaan ang ganito kaimposibleng argumento, kaysa maniwalang si Jesus ay Diyos na nagkatawang-tao! Sa ibang bahagi ay ganito ang sinasabi: “Iisa ang Panginoon, si Jesucristo, at sa pamamagitan niya’y nilikha ang lahat ng bagay at sa pamamagitan din niya’y nabubuhay tayo” (1 Co 8:6). “Sapagkat ang lahat ng nasa langit at nasa lupa, nakikita man o hindi, pati ang mga naghahari at namamahala, mga namumuno at may kapangyarihang espiritwal ay pawang nilikha ng Diyos sa pamamagitan niya at para sa kanya” (Col 1:16). “Ngunit tungkol sa Anak ay sinabi niya, ‘Ang iyong trono, O Diyos, ay magpakailan pa man, ikaw ay maghaharing may katarungan.’ Sinabi pa rin niya, ‘Ikaw, Panginoon, ang lumikha ng sangkalupaan, at ang iyong kamay ang gumawa ng sangkalangitan.’” (He 1:8.10). “Ito ang sinasabi niya na ang pangalan ay Amen, ang matapat at tunay na saksi, at siyang pinagmulan ng lahat ng nilalang ng Diyos” (Rv 3:14). Kailangan pa bang ipaliwanag kung ano ang ibig sabihin ng “pinagmulan ng lahat”? Masasabi ba ng isang taong nakakikilala sa Diyos na mayroon pang ibang pinagmulan ang lahat maliban sa Diyos? 

Ang kasimplehan ng isip at kahit kaunting kababaan ng loob ay sapat na para makita ang malinaw na kahulugan ng mga nabanggit na bahagi ng Kasulatan. Ang mga sumusunod na halimbawa ay hindi na kailangan pa ng isang tunay na nakauunawa kundi para sa ikapapahiya na lamang ng mga nagmamarunong sa kabila ng kanilang kabulagan. “Si Cristo ang larawan ng Diyos na di-nakikita, at siyang may kapangyarihan sa lahat ng nilikha” (Col 1:15). Hindi ba’t kapag ipinagmamalaki natin ang ating larawan madalas na sinasabi nating “Ako yan!” o di kaya’y “Nandiyan ako!”, kahit na ang totoo’y hindi ikaw iyon at wala ka dun dahil iyon ay isang piraso lamang ng papel kung saan nakikita ang iyong imahe? Hindi natin sinasabing “Imahe ko yan!” o kaya’y “Nandiyan ang kopya ng itsura ko!” Kung sinasabi nating tayo ang nasa litrato samantalang kopya lamang iyon ng ating larawan na walang buhay, ano pa kaya ang Diyos na ang larawan ay hindi isang patay na marka sa papel kundi isang indibidwal na persona—larawang may buhay! Kung ang larawan na tinatawag kong “ako” ay may buhay, sasabihin ko bang hindi na ako iyon? Ano sa atin kung ang Diyos ay may buhay na larawan? Hinihingi ba ng Diyos ang opinyon natin tungkol sa kanyang kalikasan? Mababago ba ng paniniwala mo ang tunay na kalagayan ng Diyos? Hindi ba’t ang isang bumbilya na may iisang kulay ay may tatlong kulay sa katotohanan nito, na makikita sa pamamagitan ng prismo? Ano’t napakahirap yata nating paniwalaan na ang Ama at ang Anak, bagamat dalawa ay iisa (Jn 10:30)! Hindi pa rin ba malinaw ang sinabi ni Jesus kay Felipe? “Matagal na ninyo akong kasama, Felipe! Diyata’t hindi mo pa ako nakikilala? Ang nakakita sa akin ay nakakita na sa Ama” (Jn 14:9). Ang sagot ni Jesus ay may kasamang pagtataka dahil hinihiling ni Felipe sa kanya na ipakita sa kanila ang Ama samantalang kasama nila siya. “Ang anak ang maningning na sinag ng Diyos, sapagkat kung ano ang Diyos ay ganun din ang Anak” (He 1:3). Kung ang Ama ay Diyos, ganun din ang Anak; kung ang Ama ay Panginoon, ganun din ang anak. Sinabi ni Pablo na iisa lang ang Panginoon, si Jesucristo, pero sa propesiya ni David ay ganito ang sinasabi: “Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon, maupo ka sa aking kanan” (Ac 2:34). Magtataka na lang ba tayo kung bakit dalawa ang Panginoon samantalang sinasabi na iisa lang ang Panignoon? Hindi kailangang magtaka, ang kailangan ay maniwala na ang Ama at ang Anak ay iisa, at kung ano ang Ama ay ganun din ang Anak. 

Kung sa bagay, hindi maaasahang makakita ang mga bulag! Siguro ay masyadong maliit ang mga letra ng Biblia kaya hindi nila makita. Hindi ba’t ang kakayahang makaalam ng lahat ng bagay ay kapangyarihang-tangi ng Diyos? Pero pinatutunayan ng Kasulatan na ang katangiang ito’y taglay ni Jesus. Sinabi sa kanya ng mga alagad, “Alam naming batid ninyo ang lahat ng bagay, at hindi na kailangang tanungin ninuman” (Jn 16:30). Nang tinanong ni Jesus si Pedro upang itagubilin sa kanya ang buong Simbahan, ganito ang sagot niya: “Panginoon, nalalaman po ninyo ang lahat ng bagay; nalalaman ninyong iniibig ko kayo” (Jn 21:17). Hindi ba’t si Jesus ay nasa lahat din ng dako? “Sapagkat saanman may dalawa o tatlong nagkakatipon dahil sa akin, naroon akong kasama nila” (Mt 18:20). Sa sandaling ito, ilang lugar ba ang may dalawa o higit pa na nagkakatipon para sa Panginoon? Kalabisan bang sabihin na si Jesus ay kasama ng mga tao ngayon sa iba’t-ibang bahagi ng mundo? Hindi lang sa lahat ng dako kundi sa lahat ng oras: “Ako’y laging kasama ninyo hanggang sa katapusan ng sanlibutan” (Mt 28:20). 

Tungkol naman sa pinagmulan niya, sasabihin din ba natin tulad ng mga Judio na siya ay nabuhay lamang noong isinilang ni Maria? Ang kabulagan ng mga tao noong panahon ni Jesus ay tulad din ngayon. Pinatotohanan ni Juan na bagamat mas matanda siya sa kanyang pinsan, una sa kanya si Jesus: “Siya ang tinutukoy ko nang sabihin kong dumarating na kasunod ko ang isang higit sa akin sapagkat siya’y siya na bago pa ako ipinanganak” (Jn 1:30). Pinatunayan din ni Jesus ang kanyang pinagmulan sa harap ng mga Judio nang sinabi niya, “Bago ipinanganak si Abraham, “Ako’y Ako Na’” (Jn 8:58). Gusto siyang patayin ng mga Judio dahil naiintindihan nila ang ibig niyang sabihin, at ito ay ang pag-aangkin niya sa pagiging Diyos. Ito ay walang pagkakaiba sa pagsasabing “Ako’y si Ako Nga”, na ang ibig sabihi’y “Ako siyang narito na mula pa noong una.” Ito ang pangalang ginamit ni Yahweh nang tinawag niya si Moises: ”Ako’y si Ako Nga. Sabihin mong sinugo ka ni Ako Nga” (Ex 3:14). Hayagang ginamit ni Jesus ang pangalang ito, at sinabing hindi sila maliligtas kung di sila maniniwala: “Mamamatay nga kayo sa inyong mga kasalanan kung hindi kayo maniniwalang ‘Ako’y si Ako Nga’” (Jn 8:24). At kahit ang propesiya tungkol sa pagdating ng Mesiyas ay nagpapatunay sa kanyang pinagmulan: “Betlehem, Efrata, bagamat pinakamaliit ka sa mga angkan ni Juda ay sa iyo magmumula ang isang maghyahari sa Israel. Ang pinagmula’y buhat pa nang una, mula pa noong unang panahon” (Mi 5:2). 

Ang pagpatol sa mga bulag na taga-akay ay pag-uubos ng oras at lakas, pero higit na mahalaga ang kasagipan ng mga kaluluwang ipinapahamak nila. “Kapag bulag ang umakay sa bulag, kapwa sila mahuhulog sa hukay” (Mt 15:14). Malinaw pa sa salamin ang mga hayagang pagpapakilala kay Jesus bilang Diyos, pero tulad ng sinasabi ng Kasulatan, “Naging mapurol ang isip ng mga taong ito, mahirap makarinig ang kanilang mga tainga, at ipinikit nila ang kanilang mga mata” (Ac 28:27). Hindi ko uubusin ang buong araw ko sa pagpapakita ng lahat ng bahagi ng Kasulatan na nagpapatunay na si Jesus ay Diyos, dahil sapat na sa taong bukas ang isip ang isang totoo at mapagkakatiwalaang salita para maunawaan ang iba pang mga bagay na may kaugnayan dito. 

Sa huli ay iiwan ko ang ilan pang aral ng mga apostol na hindi maaaring pasinungalingan ng sinumang taong nagtataglay at nakakikilala ng katotohanan. “Magpakababa kayo tulad ni Cristo Jesus: na bagamat siya’y Diyos, hindi nagpilit na manatiling kapantay ng Diyos” (Ph 2:5-6). Hindi siya dating Diyos na naging tao, kundi Diyos na nagkatawang-tao, ibig sabihi’y nag-angkin ng kalikasang-tao. Hinubad niya ang lahat ng katangian ng pagka-Diyos pero hindi ang kanyang kalikasang-Diyos. Maaari siyang mag-angkin ng ibang kalikasan pero hindi niya maaaring alisin ang una o orihinal niyang kalikasan, ibig sabihi’y ang kanyang pagka-Diyos. Kung ano siya mula pa noong una, ganun siya habang panahon: “Si Jesucristo noong nakaraan ay siya rin sa kasalukuyan at siya rin magpakailanman” (He 13:8). Siya rin ang Salitang naging tao (Jn 1:14) na kasama na ng Diyos sa pasimula pa, at siya mismo ay Diyos (Jn 1:1-2). Nilikha ng Diyos ang lahat ng bagay sa pamamagitan ng Salita. Kung nauna ang Diyos sa Salita, ano ang Diyos noong una—piping Diyos? Kung si Jesus ang ilaw, ang maningnig na sinag ng Diyos, sa kabila ng kanyang pagiging nilalang, ano ang Diyos noong wala pa siya—kadiliman? Hindi na kailangan ng mas mahabang argumento para lang patunayan ang isang puntong hayag na hayag. Sapat nang iwan ang usaping ito sa pamamagitan ng isang simpleng aplikasyon ng lohika. Si Jesus ang Salitang naging tao, samakatwid si Jesus at ang Salita ay iisa at pareho. Kung marunong ang mga bulag na ito na wastong paggamit ng pangngalang pambalana at pangngalang pantangi, magagawa din nila ito:

Sa pasimula pa’y naroon na si Jesus. Kasama ng Diyos si Jesus at si Jesus ay Diyos (Jn 1:1).
 

No comments:

Post a Comment