Monday, June 7, 2010

Kontrasepsyon: Moralidad at Praktikalidad

Bakit itinuturing na masama ang kontrasepsyon sa kanyang sarili? Ang kasagutan sa tanong na ito ay humihingi ng talino, malinaw na paghatol, katapatan sa sarili, at bukas na kaisipan. Mawawalang halaga lang ang anumang pagtatangkang makarating sa katotohanan kung walang kahandaan na iwanan ang nakasanayang mga paniniwala. Sa maling paraan at dahilan ay inaakala at ipinamamalita ng maraming tao, kasama na ang media, na ang Simbahan ay tutol sa kontrasepsyon dahil ito ay walang pinagkaiba sa aborsyon. Ito ay isang burarang pamamahayag. Walang matino at impormadong tao ang magsasabing ang kontrasepsyon at aborsyon ay pareho lang. Ang Simbahang Katoliko ay hindi kulang sa bilang ng mga dalubhasa sa larangan ng panggagamot, parmasyotika, biyolohiya, at iba pang mga disiplinang may kinalaman sa usapin ng kontrasepsyon.

Sa anumang usaping moral, ang nag-iisa at laging tamang tanong ay, “Linalabag ba nito ang batas ng kalikasan?” Dito magmumula ang mas malawak na mga pagsasaliksik at pagsusuri. Pagkatapos ng masusing pag-aaral, hinahatulan ang usapin ayon sa prinsipyo at pananampalatayang Katoliko. Ang pagkilala at pagrespetong ito ng mga tao ang dahilan kung bakit tinatangka ng industriya ng kontrasepsyon na alisin sa isip ng karamihan ang salitang “artipisyal”. Tuwing ikinukumpara nila ang dalawang uri ng family planning, tinatawag nila itong natural at modern, na kung iisipin ay dalawang salitang hindi maaaring ikumpara. Sa halip na ipahiwatig na ang pamamaraang artipisyal ay salungat sa paraan ng kalikasan, ginagamit nila ang salitang “modern” para alisin sa malalim na bahagi ng kamalayan ng tao ang implikasyon ng salitang “artificial” sa kalusugan ng isang babae. Isa pang layunin sa likod ng katagang ito ay ipahiwatig na ang natural na paraan ng pamamahala ng panganganak, bagamat maaaring gamitin at maging epektibo, ay nararapat sa mas malaking pag-aalinlangan dahil sa pagiging “luma” nito, habang ang artipisyal ay “moderno”. Ito ay isang malaking panlilinlang. Ang artipisyal na kontrasepsyon ay hindi isang makabagong konsepto; mas matanda pa ito sa Cristianismo. Kaya naman, hindi na rin bago ang usaping ito sa buhay ng Simbahan. Ang ideya ng IUD, halimbawa, ay ginagamit para sa mga kamelyo, libong mga taon na ang nakakaraan. Ginagawa nila ito sa pamamagitan ng paglalagay ng graba sa loob ng bahay-bata ng hayop para hindi nito tanggapin ang bilig (embryo). Ang spermicide ay ginagamit kapwa ng hayop at ng mga babaeng bayaran. Madalas ay gawa ito sa pinaghalo-halong mga katas at kemikal na kinabibilangan din ng dumi ng buwaya o ihi ng mga hayop. Hindi rin bago ang mga iniinom na mga kontraseptibo, at ito ay ginagawa ng mga mangkukulam o mga tagahalo ng kemikal. Ang mga apostol mismo ay namuhay sa gitna ng mga taong lulong sa ganitong mga gawain. Noong AD 225 ay binanggit ni Hippolytus ang tungkol sa kemikal na pampabaog (drugs of sterility) na ginagamit ng mga babae dahil ayaw nilang magkaanak sa mga alipin o sa mga pangkaraniwan. Kinondena din ni Juan Chrysostomo noong AD 391 ang paggamit nito, at inilarawan niya ito bilang “worse than murder”, dahil pinagtatangkaan nito at pinapatay ang hindi pa man isinisilang. Ang pagtawag sa mga bagong kayarian o sangkap ng kontraseptibo bilang “moderno” ay isang pagtatangkang iligaw ang kamalayan ng marami tungkol sa pagiging luma at artipisyal nito. Ang mapanlinlang na paraan ng pagpapakilala sa mga kontraseptibo ay nagpapahiwatig ng masamang kaisipan ng mga tagapagtaguyod nito.

Paano matutukoy kung ang kontrasepsyon ay lubos na masama o maaaring isaalang-alang? Para masagot ito, kailangang bumalik sa simula: para saan ba ang pagtatalik? Kung gagamitin ang bait, madaling makikita na ang katawan ng babae at lalaki ay sadyang dinisenyo (hindi aksidente lang) para sa pagpapalaganap ng sangkatauhan. Ang pamumunga ng sinapupunan ay hindi opsyonal. Simple lang ang batas ng kalikasan: kung makikipagtalik ka, asahan mong mamumunga ito. Hindi ito nangangahulugan na sinasadya mong magdalantao, sa halip ay kinikilala mo at iginagalang ang takbo ng kalikasan. Maraming mga ignorante ang nagsasabing itinataguyod ng Simbahan ang pagpaparami ng anak, pero kung imumulat ang mata at gagamitin ang isip, madaling mahalata na ang Simbahan ang isa sa mga dahilan kung bakit may mga lalaki at babaeng walang asawa at mga anak, bagamat ito ay kanilang sarili at malayang pasya. Ganun din, ang Simbahan ang nagbibigay ng pinakasiguradong paraan para mag-agwat sa panganganak. May mas sigurado pa ba sa “sexual abstinence”? Higit na mas malaki sana ang populasyon ng tao ngayon kung hindi dahil sa iba’t ibang mga disiplina ng Simbahan. Ang pagiging bukas sa buhay (open to life) ay hindi katumbas ng pagkakaroon ng maraming anak. Ito ay disposisyon ng isip kung saan ang kalikasan ng pagtatalik ay rinirespeto sa kabuuan nito. Taglay ang lubos na pagkakilala sa layunin ng pag-aasawa, sekswalidad, at pakikipagtalik, dapat suriin kung ang konsepto at pagsasagawa ng kontrasepsyon ay sumasalungat dito.

Unang-una, nagpapakita ba ng paggalang ang kontrasepsyon sa relasyon ng mag-asawa? Sa harap ng komunidad at sa harap ng Diyos ay nangako ang mag-asawa na ipagkakaloob ang buong sarili sa isa’t isa, at kasama dito, higit sa lahat ang pag-ibig na nagbibigay buhay (life-giving love), kung paanong ang pagbibigay ni Jesus sa atin ng kanyang buong sarili ay nagsilang sa atin sa isang bagong buhay. Ang kontrasepsyon ay isang kasinungalingan kung saan ihinaharap natin ang sarili bilang mangingibig na walang ipinagkakait, sa halip ay ibinibigay nang buong-buo ang pagkatao, habang ang totoo ay gusto lang natin kunin ang pansariling pakinabang sa pagtatalik nang walang intensyon na ibahagi ang ating buhay. Sa paraan natin ng pag-iisip ngayon, mahirap para sa marami ang unawain ang kahulugan nito, pero ano ang magiging kahulugan sa iyo ng isang Cristo na dumating sa lupa at ipinahayag sa atin ang kanyang pag-ibig pero ipinagkait sa atin ang isang bagong buhay; hindi ba ito ay isang kasinungalingan? Ang anumang pakikipagtalik (simbolo at akto ng pag-ibig) na may hangaring ipagkait ang posibilidad ng bagong buhay ay isang akto ng pagsisinungaling at panggagamit. Halos wala itong pinagkaiba sa pakikipagtalik sa isang masamang babae (o lalaki), kung saan ang pangunahing layunin ay palayawin ang katawan.

Pangalawa, ano ang konsekwensyang moral ng kontrasepsyon sa mag-asawa? Dahil sa mababaw na pananaw na dulot ng kontraseptibong kaisipan, mahirap para sa maraming mga lalaki (at mga babae) ang tingnan ang kabiyak nang higit sa pisikal na antas. Bilang konsekwensya, nagiging mahirap din hanapan ng kahulugan ang pagiging matapat, ang pagbibigay ng sarili, at ang pagtatanggol sa samahan at pamilya tuwing nagkakaroon ng mabigat na salungatan ang mag-asawa. Sa huli ay nagdudulot ito sa marami ng pakikiapid, sa isip man o sa gawa.

Pangatlo, ano ang epekto ng kontrasepsyon sa relasyon ng pamilya? Dahil ang kontraseptibong mentalidad ay humuhubog ng isang mababaw na pagtingin sa halaga ng buhay, maraming mga anak ang nagiging “unwelcome” sa mga magulang at sa buong pamilya. Nagiging basehan ng halaga ng tao ang nakikitang pakinabang nito. Ang walang silbi ay walang halaga. Hindi nito nakikita ang likas na halaga ng bawat indibidwal. Dahil dito, ang “walang pakinabang” ay hindi magawang mahalin, at ang hindi inaasahang pagdadalantao ay sapilitan lang na tinatanggap.


Kung iisipin, ang ekspresyon na “unexpected pregnancy” ay nagpapakita ng pagiging ignorante at iresponsable. Ang taong marunong ay nakakakilala sa resulta ng kanyang ginagawa, dahil kung hindi, tatalon siya sa bangin nang walang kamalay-malay na mamamatay siya. Ang mag-akala ng kabaligtaran ay isang mangmang. Hindi ka gagaling sa anumang karamdaman o kaya ay hahaba ang buhay kapag tumalon ka sa mas mataas pa sa kaya mo. Gumagamit man o hindi ng anumang uri ng kontraseptibo, ang paniniwalang ang babae ay hindi magdadalantao ay isang kahangalan. Una, ang posibilidad ng pagdadalantao ay likas sa babaeng nakikipagtalik. Pangalawa, alam na alam ng mga tagapagsulong ng kontrasepsyon na hindi buong-buong maaasahan na hindi magdadalantao ang babaeng gumagamit ng kontraseptibo. Bakit naman kamo iresponsable? Simple. Dahil ang mga nakikipagtalik ngunit hindi nag-iisip ng tungkol sa posibilidad ng pagdadalantao ay bumabalewala sa katotohanan, at dahil dito ay walang pinaghahandaan – walang pakialam. Mas simple pang lohika: kung may gusto kang gawin pero iniiwasan mo ang konsikwensya nito, ibig sabihin ay ayaw mo ng responsibilidad, wala kang sense of responsibility, o sa mas maikling salita: iresponsable ka.


Intrauterine Device
Pang-apat, praktikal ba ang kontrasepsyon? Tulad ng nabanggit na, hindi mapagkakatiwalaan nang sandaang porsyento ang kakayahan ng mga kontraseptibo na pigilan ang pagdadalantao. Dahil dito, hindi maaaring ilagay ang buong tiwala sa paggamit nito. Para sa mga taong may respeto sa Diyos, sa kalikasan, sa sariling katawan, at sa katawan ng kabiyak, ang “unexpected pregnancy” ay hindi bahagi ng kanilang bokabularyo. Marunong silang kumilala sa katotohanan at tumanggap ng pananagutan. Sa kanilang pagtatalik ay hindi laging hinahangad ang pagdadalantao pero lagi itong inaasahan. Bukod sa hindi kumpleto ang pagiging epektibo ng kontrasepsyon, ang paggamit ng mga artipisyal na pamamaraan ay paglalagay ng buhay ng babae sa panganib. May mga magsasabi, “Hindi naman lahat ay nakakaranas ng side effects o nagkakaroon ng komplikasyon.” Ang tanong ay bakit mo isasapalaran ang kalusugan ng isang babae para sa isang makasariling dahilan? Palalanguyin mo ba ang asawa mo sa isang ilog na pinamamahayan ng mga buwaya para ipanghuli ka ng hipon? Sasabihin mo ba sa kanya, “Hindi naman lahat ay natityempuhan ng mga buwaya dyan; mas madalas wala sila”? At papayag kaya siya kung naiintindihan niya ang konsekwensya?

Panglima, totoo bang may kinalaman ang kontrasepsyon sa aborsyon? Kung naunawaan ng bumabasa ang mga nabanggit na sa itaas, madali niya itong masasagot. Ang kontrasepsyon ay hindi lamang isang paraan ng pagpipigil sa panganganak, ito ay isang mentalidad. Humuhubog ito ng pagkatao at kultura. Halimbawa, ang Amerika ay malayo na nang libo-libong milya sa kultura nito noong itinatag ito ng mga tinatawag nilang “Founding Fathers”. Ganun din, ang Pilipinas ay lumulubog na sa kultura ng kamatayan kung saan ang pagdadalantao ay kinatatakutan sa halip na ipinamamalita; ang pagkakaroon ng anak ay isang pasanin sa halip na kagalakan; ang pag-aasawa ng mga kapos-palad ay itinuturing na salot sa halip na pagkakataon para iangat ang isa’t isa; at ang pagdidisiplina ay katumbas ng pagganti o pakikipag-away sa mga anak dahil hindi na nakikilala ng mga magulang kung ano at sino ang kanilang mga isinilang. Ang kulturang ito ang simula ng dahan-dahang pagtanggap ng mga Filipino sa katwiran ng aborsyon. Maaaring malayo pa sa pagiging pangkalahatan ang pagtanggap na ito, pero ang parami nang paraming mga indibidwal na nagkakaroon ng pagsasaisip (ideation) ng aborsyon bilang pagpipilian ay nagpapakita ng unti-unting paglubog natin sa ganitong mentalidad. May mga nagsasabi, “Dala ng kahirapan at kalituhan kaya nagagawa nilang magpalaglag.” Ang dahilang ito ay totoo sa marami, pero ang hindi totoo ay ang kaisipan na nagtutulak sa ganitong pagdadahilan. Bakit nagagawang patayin ng isang ina o ama ang nasa sinapupunan pa, pero hindi nagagawang patayin ng anak ang isang ina o ama dahil sa kahirapan? Dahil kahit sinasabi ng sarili nating bait na ang nasa sinapupunan ay tao, mas kumbinsido pa rin ang ilan sa atin na ang buhay na ito ay may mas maliit na halaga kaysa sa matanda na. Ito rin ay dahil mas madaling gawan ng masama ang hindi mo nakikita kaysa nakikita mo. Mas malakas ang epekto ng konsensya kapag tinutulungan ito ng mata. Maaaring magawa mong ipapatay sa ibang tao ang iyong anak, pero hindi mo makakayang panoorin habang ginagawa nila ito. Ang unang pandaraya dito ay ang pagpapaniwala sa atin na ang nasa labas ng sinapupunan ay “mas tao” kaysa sa nasa loob. Ito lamang ay sapat na para magawa ng magulang na patayin ang sarili niyang anak. Isa pang kasinungalingan ay ang pag-aakalang mas kaunting pagkabagabag ng budhi ay katumbas ng mas kaunting bigat ng kasalanan. Mas madaling patayin ang nasa sinapupunan dahil hindi mo makikita kung paano ito ginagawa, sa gayon ay mas kaunting masamang alaala ang maiiwan sa iyo. Isa sa pinakakaraniwang halimbawa ng konklusyon na ito ay ang paggamit ng “pills” at IUD. Marami na sa mga ina ang nakauunawa (lalo na ang mga doktor) na ang pill at IUD ay maaaring kumitil ng buhay na nasa sinapupunan pero halos hindi sila apektado ng katotohanang ito. Hindi dahil hindi nila alam kundi dahil hindi nila nakikita. Mas madali para sa kanila na balewalain ito. Isa pa, kung ang pill at IUD ay tanggap ng lipunan, paano nga naman ito magiging masama! Basta magkaroon lang tayo ng maraming kakampi sa desisyon natin, okay na tayo. Ang ugaling ito ay unang nakikita sa pagiging bata o estudyante kung saan ang pandaraya o pagsisinungaling ay nagiging pangkaraniwan lang kung marami namang gumagawa. Ang pill at IUD, bagamat mga abortifacient ay maaaring tawaging contraceptive dahil kinikilala naman ng marami. At kahit pa kumikitil ito ng hindi nakikitang buhay, okay lang, dahil bukod sa hindi naman ito nakikita, pangkaraniwan na rin ito. Para lang itong pagsusuot ng malaswang damit: sa una ka lang maiilang; pagtagal-tagal, hindi ka na sanay na hindi malaswa ang isuot. Gaano mo man kaalam na buhay ang nasa sinapupunan mo, kung isa o dalawang taon ka nang gumagamit ng kontraseptibo, wala ka nang pakialam kahit pa isa o dalawang buwang gulang na ang iyong papatayin. Bakit? Dahil sa umpisa pa lang ay alam mo nang kumikitil ka ng buhay, ano pang magiging pagkakaiba kung mas matanda man ito ng isang buwan? Hanggat hindi mo ito nakikita o nararamdaman, okay lang. Ito ang sikolohiya ng kontrasepsyon.

Isipin mo, bakit legal ang aborsyon sa mga bansang nangunguna sa pagtataguyod ng paggamit ng kontrasepsyon. Dahil ba kulang sila sa mga kontraseptibong paraan at mga gamit? Ang totoo, sila pa nga ang nag-uubos ng pera (buwis ng mga mamamayan) para mamigay ng mga kontraseptibo sa ibang mga bansa. Legal ang aborsyon sa mga bansang tagapagsulong ng kontrasepsyon dahil ang totoo, ang aborsyon ay bunga ng kontraseptibong mentalidad. Unti-unting ibinababa ng kontrasepsyon ang pagtingin ng tao sa kanyang sariling dignidad hanggang sa maging handa na siyang tanggapin na ang tao ay isa lamang materyal na linikha, tulad ng mga hayop, at kung minsan ay may katanggap-tanggap na katwiran para tanggihan ang pagsilang ng isang anak, lalo na kung ito ay dahil ayaw ng magulang na maghirap ang kanyang iluluwal. Tuso, di ba? Marami sa mga Filipino ang hindi na nga naghintay ng mas matagal pang panahon, dahil ngayon pa lang ay ganito na ang kanilang kaisipan.

2 comments:

  1. may problima po kami sa asawa ko,d2 po kami s ibang bansa nag work.kasalanan ko po na buntis ko ang asawa ko s kagagohan q.na subokan n namin palaglag pamagitan pag inum ng cytotec,pero hanggan ngayun mag 2months na wala parin.natatakot po ako kng ipapatuloy kuna lang 2 dinadala nya.baka my side effect ang bb.at aq din ang masisi sa lahat nasira q ang mga plano ng asawa q para s pamilya namin.takot po ako makasala sa panginoon.ano po ang dapat gawin?

    ReplyDelete
  2. Maraming salamat sa pagbabahagi mo ng iyong kwento. Una, gusto ko lang ipaalala sa iyo na walang anumang dahilan para maging option ang pagpapalaglag ng nasa sinapupunan. Ni hindi dapat man lang pumasok sa isip natin ang tanong na "itutuloy ko ba o hindi?" Wala tayong karapatan para itanong ito sa sarili o sa ibang tao, dahil ang lahat ng buhay ay mula sa Diyos at tanging siya lamang ang magpapasya kung buhay o patay na lalabas ang isang sanggol.

    Kung talagang mag-asawa kayo (kasal sa Simbahan), hindi kailanman mali na makipagtalik ka sa asawa mo; at lalong walang mali sa pagbubunga nito ng buhay, maging ito man ay sinasadya o hindi. Nabuo na sa isip nating mga Filipino -- bunga na rin ng impluwensya ng ibang bansa -- na ang pagbubuntis na hindi sinasadya ay isang pagkakamali o kabiguan. Ang totoong mali ay ang kaisipan natin na mayroong bagay na tinatawag na "unexpected pregnancy". Lahat ng sexual union ay may posibilidad na magbunga, at inaasahan natin ito -- dapat lang -- dahil ito ang resulta ng pakikipagtalik. Bagamat mayroong unintended pregnancy (ibig sabihin ay hindi kinusa), lahat ng pagbubuntis ay dapat na expected dahil ito ay natural na konsikwensya o bunga.

    Tungkol sa abnormalidad na maaaring mangyari sa katawan o isip ng bata, wala tayong magagawa dito, lalo pa't pinagtangkaan ninyong pigilan ang kanyang paglago at pag-develop sa loob ng katawan ng kanyang ina, pero ano pa man ang mangyari sa kanyang buhay at kinabukasan, ang mahalaga ay simulan ninyong tanggapin siya sa inyong puso at sa inyong pamilya ngayon pa lang. Magpatuloy man o hindi ang kanyang buhay hanggang sa umabot ang tamang panahon ng pagsilang, dapat ninyo siyang ituring na biyaya; hindi lang dahil "nandyan na yan" kundi dahil anak ng Diyos ang ipinagkaloob sa inyo. Mahal niya ang batang ito nang higit pa sa inyong kayang akalain o isipin. Ibinigay ni Jesus ang kanyang buhay para sa batang ito. Walang sinumang tao ang mas mahalaga sa kanya dahil taglay niya rin ang parehong dignidad at karapatan na mayroon tayong lahat; ang pagkakaiba lang ay hindi pa niya kayang mabuhay mag-isa at kailangan niya ang proteksyon ninyo bilang mga magulang. Huwag mong katakutan ang posibleng paninisi na matatanggap mo sa tao; higit mong katakutan ang hustisya ng Diyos at ang magiging tunay na itsura na inyong kaluluwa sa harap niya sa araw na kayo ay hahatulan.

    Anuman ang inyong naging pagkakasala laban sa Diyos at laban sa inyong anak, handa itong kalimutan ng Panginoon kung totoo ang pagsisisi at ang determinasyon na hindi na muling gagawa o magsasaisip man ng maling gawain. Higit sa lahat, kailangan ninyong ihingi ng tawad sa pamamagitan ng Sakramento ng Kumpisal ang mga pagkakamaling nagawa ninyo nang sa ganun ay muli kayong makapag-umpisa sa inyong paglalakbay patungo sa kabanalan. Nauunawaan kong marami kang kinatatakutan at mga pag-aalinlangan, pero ano pa man ang mga ito, kailangan mong manatili sa kung ano ang matuwid at nakalulugod sa Diyos. Huwag kang magpapalinlang sa mga taong nagsasabi na "Mas kasalanan sa Diyos kung dadalhin mo sa mundo ang isang bata para lang maghirap," o kung ano-ano pa; ang mga ito ay pandaraya ng Diablo. Dito sa mundo, ang paghihirap sa anumang paraan ay bahagi ng ating buhay dahil wala tayo sa langit, tayo ay nasa paglalakbay -- nasa lambak ng pagtangis. Ang mahalaga ay maging mabuting magulang kayo sa batang ito at maging masunurin din naman kayo sa Diyos bilang mga anak niya.

    ReplyDelete