Friday, November 26, 2010

Pasko Na Naman!

Pasko na naman! Saan kayo mamamasko o manghihingi ng aginaldo? Pangkaraniwang tanong at tema ng okasyon, di ba? Pero tama nga ba na ganito ang attitude natin tungkol sa Pasko? Sa tingin ko ay malayong-malayo ito sa kalooban ng Diyos. Ang tuwa at kasiyahang nararamdaman natin ay dapat na nagmumula sa malalim na pagkaunawa ng totoong kahulugan ng araw na ito. Ano ba ang madalas na sinasabi ng mga magulang kapag nagtatanong ang mga anak tungkol sa pagkakaroon ng Pasko? “Birthday yun ni Papa Jesus.” Pero si Jesus nga ba ang ipinagdiriwang natin? At kung kaarawan niya nga ito, ano naman sa atin? May kinalaman ba dito ang pagbili natin ng mga bagong gamit at pakikipaghabulan natin sa mga ninong, ninang, tiyuhin, tiyahin, lolo, at lola ng ating mga anak? Bakit tayo nagtatayo ng mga Christmas tree, naglalagay ng mga Christmas lantern, at nagbubukas ng mga Christmas light? Anong kinalaman sa Pasko ng mga Christmas bonus, Christmas sale, Christmas party, at kung ano-ano pang mga dinikitan ng salitang “Christmas”? At bakit sa halip na tuwa ang bumabalot sa paligid ay mas marami ang namomroblema sa pagdating ng Pasko, marami ang nagkakasamaan ng loob, at tumataas din ang bilang ng mga krimen? May kinalaman ba ang mga gawain at kasayahan natin sa awit ng mga anghel noong ipinahayag nila ang pagsilang ni Jesus: “Luwalhati sa Diyos sa kaitasan; kapayapaan sa lupa dahil pinagpapala ng Diyos ang sangkatauhan”? Kahit ang “simbang gabi” na dinadaluhan natin nang walang patlang, nagagawa ba natin itong iugnay sa araw ng Pasko at sa lahat ng pinagkakaabalhan natin sa panahong ito? O ginagawa lang natin itong “bargain” sa pag-itan ng Diyos at ng ating sarili para mangyari ang mga hinihiling natin? Sa huli, ang talagang tanong ay “Ipinagdiriwang ba talaga natin ang Pasko?”


Araw ng Bigayan

Madalas maririnig na ang Pasko ay araw ng bigayan, pero sa paraan natin ng pagbibigay sa iba, natutulungan ba natin silang matutunan ang halaga ng pagbabahagi sa kapwa; ng self-donation; ng pagiging selfless; o lalo lang silang nagiging materialistic, demanding, at hindi marunong magpasalamat? Naipapakita ba natin sa kanila ang relasyon ng Pasko at ng pagbibigay? Naididirekta ba natin ang kanilang isip at puso kay Jesus sa pamamagitan ng ating mga regalo? O baka mas alam pa nila kung ano ang kaugnayan ni Santa Claus sa Pasko? Nasasabik ba sila sa pagdating ng araw na ito dahil naipauunawa natin sa kanila kung ano ang kinalaman nito sa ating buhay o dahil inaasahan nilang mayroon ulit silang matatanggap na mga bagay? Naitatanim ba natin sa kanilang kaisipan at kultura na ito ay araw ng pagbibigay, o mas nakikita nila ito bilang araw ng paghingi at pagtanggap? Maaaring sabihin ng iba, “Mga bata pa sila, at panahon pa nila ng pagtanggap; pagtanda nila, sila naman ang magbibigay.” Siguro nga…at siguro lang! Pero mananatili pa rin ang mga naunang tanong. Sa paraan ng pagmumulat natin sa henerasyong ito ng tungkol sa Kapaskuhan, hindi natin itinuturo ang tunay na dahilan, halaga, at kinalaman nito sa ating buhay. Ang pagbibigay ng regalo o pera ay hindi automatikong magtuturo ng pagiging mapagbigay o ng pagmamalasakit sa kapwa. Hindi rin lahat ng nagsasabi ng “thank you” ay talagang nagpapasalamat. Sa kabaligtaran, mas marami pa ang nagiging makasarili dahil sa mga nakagawian tuwing Pasko. Mayroon pang iba na nag-aakalang ang pagmamano ay isang paraan ng pagsasabi ng “Pahingi ng pera,” at ang tungkulin ng mga ninong at ninang ay maghanda ng regalo tuwing sasapit ang araw na ito.


Biyaya ng Diyos

“Halina, tayo ay manalangin at nang tayo ay kanyang pagpalain.” Ano ba ang pagkaunawa natin sa biyaya ng Diyos, lalo’t higit kapag Pasko ang pinag-uusapan? Na hindi tayo matutulog nang gutom sa oras ng Noche Buena? Na sa parating na taon ay hindi na tayo kukulangin at mas magiging maalwan na ang buhay natin? Na mas magaan na ang mga susunod na problema? Hindi masama na hilingin sa Diyos ang mga bagay na ito para sa susunod na taon, pero sa ganitong paraan lang ba natin nakikita ang biyaya ng Pasko? Paano rin natin ipinauunawa sa ating mga anak ang tungkol sa pagpapala ng Diyos at kung bakit matatawag na biyaya mula sa kaitaasan ang araw na ipinagdiriwang natin? O itinuturing nga ba natin itong isang pagpapala? Kung oo, bakit marami sa atin na ito ang araw sa buong taon nila kung saan pinakanamomroblema sila nang husto? Ni itinuturing ba ng ating mga anak na mula sa Diyos ang lahat ng kanilang tinatanggap maging ito man ay ibinigay ng mga magulang, ninong at ninang, o ng mga kamag-anak? At paano natin nakikita ang biyaya ng Diyos sa kabila ng kawalan? Siguro ay narinig na ng marami sa atin ang ekspresyon na “Paskong tuyo” na ang ibig sabihin ay walang Noche Buena, at sa halip ay ang pinakamumurahing ulam (o minsan ay wala pa) ang nakahanda para sa hapunan. Maituturing ba nating pinagpala ang ating Pasko kahit na wala man lang tayong maisabit na parol, o mapagsaluhan kahit isang pirasong hopia? Ano ba ang basehan ng isang mabiyayang Pasko?

Ang Mga Hindi Ko Ginagawa Kapag Pasko

Dalawa sa apat kong pamangkin ay mga inaanak ko pero hindi ko sila binigyan ng regalo o ng pera sa loob ng unang limang taon, at wala pa rin akong balak gawin yun ngayon. Hindi Pasko ang araw ng pagbibigay ko sa kanila, at hindi rin nakabalot sa papel ang tinatanggap nila mula sa akin. Sa bawat pagkikita namin ay ibinibigay ko sa kanila ang aking pagmamahal bilang tito at bilang pangalawang tatay, hindi lang sa pangalan kundi sa aktwalidad. May mga pagkakataon noong mas malapit pa ako sa lugar nila na ako mismo ang nag-aalaga sa kanila sa buong maghapon. Ginagawa ko rin ang lahat ng paraan na alam ko para maging parang magkakapatid ang turingan nila ng anak ko na halos kasing edad nila.

Sa loob ng apat na taon, hindi ko binabanggit ang pangalang Santa Claus o ang salitang “papasko” sa panganay kong anak, maliban noong tinanong niya kung sino yung sumasayaw na display sa isang tindahan na pinuntahan namin. Noon niya lang narinig ang pangalang Santa Claus, at bukod doon ay wala na akong ibang sinabi tungkol sa kanya. Hindi ako nagsasalita ng tungkol sa medyas na nakasabit sa Christmas tree o sa bintana, o tungkol sa red-nose reindeer, o kahit ano pa.

Hindi ko iniuugnay ang mga salitang “ninong” at “ninang” sa Pasko o sa regalo. Alam ng anak ko na minsan ay may ibinibigay sa kanya ang mga ninang niya pero hindi dahil tungkulin nilang magbigay o dahil may okasyon, kundi sa parehong dahilan din kung bakit may ibang mga tao na nagbibigay sa kanya ng mga gamit o pera. Para sa kanya, walang kinalaman ang Pasko sa pagtanggap ng regalo.

Hindi ko ikinukulong ang salitang “regalo” sa loob ng pambalot. Ipinapaunawa ko sa anak ko na ang bawat bagay o pabor na tinatanggap niya nang walang kapalit ay regalo, lalo’t higit ang mga biyaya ng Diyos – pagkain, inumin, damit, bahay, hininga, buhay, lakas, pamilya, talino, paggabay, at iba pang mga tinatanggap namin sa pamamagitan man ng paggawa (sweldo) o mula sa ibang tao (libre).

Hindi ko isinasabay o iniuugnay sa Pasko ang pagbibigay ko ng regalo. Maaaring bilhin ko sa Disyembre ang bagay na gusto ng anak ko o ng mga inaanak ko pero hindi ibig sabihin ay Christmas gift o papasko ko yun sa kanila.

Ang Pagsilang ni Jesus at Ang Karangalan ng Tao

Bukod sa Muling Pagkabuhay na sukdulan ng ating mga pagdiriwang bilang mga Cristiano, ang pagsilang ni Jesus ay dapat rin na magdala sa atin ng dakilang kagalakan, dahil hindi lamang siya bumaba sa lupa para mamatay. Sa kanyang pagiging tao ay itinaas niya ang ating dignidad. Ang Diyos, sa pamamagitan ni Jesus, ay naging kaisang-kalikasan natin. Siya ay nakipamuhay sa atin at naging katulad natin sa lahat ng bagay maliban sa kasalanan. Ipinakita niya sa atin ang kaganapan ng pagiging tao at kung paano natin dapat tingnan ang ating sarili. Siya ay totoong tao na dumanas ng mga totoong problema. Bagamat siya ay Diyos, dinala niya ang lahat ng mga pasanin sa buhay na ito bilang tao – mga pasaning higit na mabigat kaysa kaninuman. Totoo ang kanyang takot sa pagpapakasakit at kamatayan, at totoo na gugustuhin niya itong maiwasan kung posible, pero sa kabila nito ay higit pa rin ang pag-ibig niya sa Ama at sa tao kung kaya kusa niyang tinanggap ang kalooban ng Diyos. Sa kanyang pagsilang at pamumuhay ay inialis niya tayo sa ating abang kalagayan. Gaya ng sinasabi ng awit na “O Holy Night”, nakilala at naramdaman ng tao ang tunay niyang halaga noong dumating si Jesus – “the soul felt its worth.” Nakikita ba natin ang halaga ng ating kaluluwa at pagkatao sa diwa ng Pasko?

Ang Pangkaraniwan at Banal na Pamilya ni Jesus

Katulad ng lahat ng mga pamilya sa mundo, ang kay Jesus ay namuhay din bilang tao – walang kasiguruhan, nalalagay sa panganib, at may mga problema. Sa umpisa pa lang ay nagdulot na ng  malalim na isipin para kay Maria ang maituturing sanang mabuting balita. Noong nagpakita sa kanya ang anghel na si Gabriel para ipaalam sa kanya ang plano ng Diyos, at para hingin ang kanyang pagsang-ayon, si Maria ay hindi pa kasama ni Jose sa kanyang bahay; siya ay birhen. Isang napakalaking iskandalo na maaaring magdulot sa kanya ng kamatayan ang dalang balita ng anghel kung pagbabasehan ang batas ng mga Judio. Si Jose ay namroblema din sa sitwasyong ito nang matagpuan niyang nagdadalantao si Maria gayong alam niyang hindi siya ang ama. Noong nagpatawag ng “census” ang emperador ay kabuwanan na ni Maria at malamang na malalagay sila sa alanganing sitwasyon kung maglalakbay sila sa panahon iyon – at ganun nga ang nangyari. Nanganak si Maria habang sila ay nasa Betlehem, at sa dami ng tao ay wala na silang nakuhang maayos na lugar para isilang ang kanilang anak. Mayroong ipinapanganak sa ospital at mayroon sa bahay, pero si Jesus ay ipinanganak sa kulungan ng mga hayop, at pakainan ang una niyang higaan. Dala ni Maria sa buong buhay niya ang mga salita ni Simeon, kasama ang hula tungkol sa kanya mismo na siya ay magdaranas ng matinding sakit ng kalooban. Hindi namuhay sa kaginhawan sina Jose, Maria, at Jesus dahil lang sila ang pamilyang pinili ng Diyos. Sa kabaligtaran, sila ang pamilyang may pinakamatitinding pagsubok na dinaanan. Ano kaya ang maiisip at mararamdaman natin kung tayo ay hinahabol ng mga pwersa ng pamahalaan para agawin at patayin ang ating anak? Hindi ba’t nakapangingilabot itong isipin man lang? Pero ganito ang nangyari sa ama at ina ni Jesus na pinaghahanap ng mga tauhan ng hari, hindi para dalawin ang sanggol kundi para patayin ito.

Ang pamilya ni Jesus ay matatawag na simple dahil sa kanilang payak na pamumuhay. Si Jesus mismo ay karpintero tulad ni Jose. Pero kung mga problema ang pag-uusapan, masyadong komplikado ang buhay nila. Hindi sila nawawalan ng mga dalahin. Ito rin ang dahilan kung bakit sila naging banal na pamilya: dahil patuloy silang nagtitiwala sa pag-ibig ng Diyos sa kabila ng mga sitwasyon sa kanilang buhay. Nakikilala ba natin ang pakikisangkot ng Diyos sa ating buhay sa kabila ng mga sitwasyong hindi umaayon sa ating mga plano, o nasasabi lang natin na mabuti ang Diyos kapag sa tingin natin ay nalutas na ang mga problema? Nakikita din ba natin ang kaugnayan ng kabanalan, ng pagiging payak, at ng mga pagsubok sa buhay sa diwa ng Pasko?

Ang Pagsilang ni Jesus at Ang Pagtatanggol sa Buhay

Buhat nang magkasala ang tao, nalulong na ito sa pagkakasala, dumilim ang pangangatwiran, at nalito na tungkol sa kahalagahan ng mga bagay. Libong mga taon bago pa man isinilang si Jesus ay bahagi na ng ibang kultura ang aborsyon, pagpatay sa bagong silang na sanggol, at pagpapakabaog, pansamantala man o permanente. Ang pagpapakabaog na ito ay katumbas sa ating panahon ng tinatawag ng kontrasepsyon na mayroon din pansamantala at panghabambuhay. Marami sa mga Katolikong Filipino na nagsisimba tuwing Linggo o higit pa sa isang beses kada linggo ay walang anumang pagtutol sa ideya ng kontrasepsyon. Ang ilan ay aktwal na gumagawa nito. Kaswal lang din na maririnig sa kanila ang tanong na, “Nagpatali ka na ba?” na para bang bahagi ng pagiging ina ang pagpapatali o anumang uri ng sinasadyang pagpapakabaog. May iba naman na umaaming masama ang aborsyon pero gumagawa, nagpapayo, o nag-uutos nito “kung kailangan”, lalo na kung ang kanilang anak ay nabuntis na walang asawa. Sa pagsilang ni Jesus ay muli niyang pinanibago ang kagalakan sa pagdating ng bawat sanggol sa mundo. Kung paanong nagalak at nagpuri ang mga anghel sa kapanganakan ni Jesus, napupuno rin ng kagalakan ang langit tuwing mayroong isinisilang sa lupa – hindi lamang kapag malusog ang bata o walang problemang medikal. Sa kabaligtaran, sigaw naman ng paghihiganti ang naririnig ng Diyos mula sa dugo ng mga sanggol na pinatay sa loob ng sinapupunan. Ang mga nagtatangka naman na gawing baog ang pagtatalik ay nagiging kasuklam-suklam sa paningin ng Diyos tulad ni Onan na itinatapon ang kanyang binhi. Nagbigay ng babala si Jesus laban sa mga nag-iisip at gumagawa ng masama sa mga bata (nasa sinapupunan man o naisilang na) dahil ang kanilang mga anghel ay nasa harapan ng Diyos sa bawat sandali.

Ang pagsilang ng isang sanggol ay pagpapala mula sa Diyos, hindi lamang kapag inaasahan ang kanyang pagdating o kung totoong bunga siya ng pagmamahalan ng dalawang tao o kapag may kakayahang pinansyal ang kanyang mga magulang. Maraming mga bulaan ang nagsasabi na “magiging tunay na biyaya” ang mga anak kung ang pagdadalantao ng ina ay planado at ginusto. Ang esensya ng anumang biyaya ay hindi nakadepende sa tumatanggap nito kundi sa Diyos mismo kung kanino ito nagmula. Sinasabi nila na ang dapat sana ay pagpapala ay nagiging sumpa para sa mga magulang kapag nagkakaroon ng hindi sinasadyang pagdadalantao na lalong nagdudulot ng kahirapan.

Ngayon, higit kailanman, ang panahon para maging Katoliko sa totoong buhay at hindi lamang sa mga ritwal, pagpipista, at mga panlabas na pagpapahayag ng pagiging Cristiano. Ang buhay at dignidad ng tao ay inaatake sa kabi-kabilang panig, at tulad noong una pa, ang mga inosente at ang mga mahihina ang madalas na biktima – ang mga sanggol sa sinapupunan, ang mga may sakit o kapansanan, ang matatanda, ang mga itinuturing na di-nararapat, at ang mga wala sa sariling bansa. Kung Katoliko lamang tayo sa loob ng simbahan, si Jesus ay nagbibigay ng babala sa atin: “Hindi lahat ng nagsasabi sa akin: Panginoon! Panginoon! ay makapapasok sa kaharian ng langit kundi ang gumagawa sa kalooban ng aking Amang nasa langit.” Kahit pa sabihin natin sa kanya na nagsalita tayo sa pangalan niya o ipinangaral natin siya sa iba o walong beses tayo nagsisimba sa loob ng pitong araw o hindi tayo lumiban sa pagsali sa mga prosisyon o nagbibigay tayo ng malaki para sa mga proyekto ng parokya o dalawampung misteryo ng Rosaryo ang dinadasal natin araw-araw at apat na Angelus sa isang araw, sasabihin pa rin niya sa atin sa huling araw: “Hindi ko kayo nakikilala. Lumayo kayo sa akin mga mapaggawa ng masama.” Ang pananahimik sa kabila ng hayagang mga pag-atake sa totoong halaga at kahulugan ng buhay ay katulad din ng pagsang-ayon sa masamang gawaing ito. Ang tahasang pakikiisa sa makakontraseptibo at makakamatayang kultura ay pagiging kaaway ng Diyos na siyang may-akda at pinagmumulan ng buhay.

Ang Pasko ay tungkol sa muling pagpapakilala ng Diyos sa tao tungkol sa kahalagahan ng buhay ayon sa sarili nitong kahulugan at tunay na esensya, at hindi ayon sa pagkaunawa ng karamihan o sa kahulugang gustong ibigay dito ng ilang nasa kapangyarihan. Ang pagtatagpo nina Jesus at Juan Bautista, na noon ay parehong nasa sinapupunan ng kanilang mga ina, ang nagbigay-patotoo sa katotohanang kamakailan lamang napatunayan ng siyensya: na ang buhay ng tao ay nagsisimula sa paglilihi o “conception”. Siguro ay may iba-ibang ideya ang mga Filipino kung kailan nangyayari ang paglilihi, pero sa usaping siyentipiko, ito ay nangyayari kapag nagsama na ang binhi ng lalaki at ng babae. Anumang pakikialam sa bahaging ito para pigilan ang pagdadalantao ay isang uri ng aborsyon o pagpatay ng tao. Sa kabila nito, hindi pa rin tinututulan ng maraming mga Cristiano ang paggamit ng mga kasangkapan at kemikal na nagdudulot ng aborsyon tulad ng hormonal pills at IUD. Ipinauunawa sa atin ng pagdating ni Jesus, na ang buhay ng tao ay hindi lamang para sa daigdig na ito, kundi para sa makalangit na Jerusalem – sa bahay ng Ama kung saan ang bawat isa ay ipinaghanda ni Jesus ng matutuluyan. Sa kabilang banda, ang mga ignorante at ang mga sarado sa kalooban ng Diyos ay walang anumang ideya tungkol sa tunay na diwa ng Inkarnasyon.

Pasko at Diwa ng Paglilingkod

Si Jesus ay dumating hindi para paglingkuran bilang Diyos kundi para ipakita sa tao kung paano dapat maglingkod, at para ipaalala sa bawat isa ang pananagutan sa ikabubuti at ikasasama ng kanyang kapwa. Ang tunay na pagdiriwang ng Pasko ay ang araw-araw na pagsisikap na mapaglingkuran si Jesus sa pamamagitan ng ibang tao, lalo’t higit sa anyo ng mahihirap, ng mga nawawalan ng pag-asa, ng mga mahihina, at ng mga nangangailangan ng kaibigan. Ang Pasko ay araw din para paalalahanan ang ating sarili na dapat nating ikahiya ang ating kayabangan. Sa araw na ito, ang Diyos na kumpleto na sa kanyang sarili at walang kailangang sinuman o anuman ay nagpakababa – mas mababa pa sa mga anghel at mas mababa pa sa mga pangkaraniwang tao. Ang Manlilikha ay naging nilikha, at ang Panginoon ay naging alipin, habang tayong mga nilikha ay umaastang parang mga diyos at naghahangad na mapaglingkuran sa halip na maglingkod. Inialay ng Diyos ang kanyang sarili para sa atin sa halip na tayo ang mag-alay ng ating buhay (sa lahat ng aspeto nito) sa Diyos. Ang araw ng Pasko ay panahon para muling lagyan ng langis ang ating mga ilawan at maghanda para sa paglilingkod.

Araw ng Pasasalamat

Sa halip na isiping ang Pasko ay araw ng pagtanggap ng mga regalo mula sa mga ninong, ninang, at mga kamag-anak, higit na dapat pag-ukulan ng pansin ang katotohanan na natanggap na natin ang lahat ng mabubuting bagay noong tinanggap natin si Jesus dahil siya ang lahat. Siya ang regalo ng Ama sa sangkatauhang nawalan na ng kahulugan buhat noong ito ay magkasala. Ang Pasko ay hindi araw ng bagong damit o bagong sapatos, ito ay araw ng bagong puso. Alalahanin natin sa araw na ito ang pangako ng Diyos: “Bibigyan ko kayo ng isang bagong puso at pagkakalooban ko kayo ng isang bagong espiritu,” dahil si Jesus ang katuparan nito. Siya ang Mabuting Balita at ang sentro ng Pasko. Kaya sa halip na paghingi kay Santa Claus ay pagkilala sa regalo ng Diyos ang dapat na nasa puso ng bawat taong nagdiriwang ng Pasko. Naliligo ka man sa dagat ng basura o nagpapasko sa gitna ng kalsada, ang araw na ito ay mananatiling araw ng pasasalamat dahil walang anumang kahirapan o kawalan ang magpapawalang kahulugan sa tunay na diwa ng pagsilang ni Jesus.

Pasko at Kahirapan

Ang kahirapan ay hindi mabuti o masama sa kanyang sarili, pero ito ay sumasalamin sa hindi pantay-pantay na pagtuturingan ng mga tao. Ipinapakita nito ang kawalan ng pakialam at pagkamakasarili ng marami. Hindi dapat umiiral ang sapilitang karukhaan sa isang maka-Diyos na lipunan. Sa kasawiampalad, mas marami ang hindi namumuhay ayon sa kalooban ng Diyos, at ipinapakita rin ng ating karanasan na lalo pang dumarami ang mga naghihirap. Sa kabila nito, marami rin mga Cristiano ang patuloy na tumutulong para maiangat ang kabuhayan ng kanilang kapwa, mananampalataya man o hindi. Isa rin ito sa ating mga tungkulin bilang mga Katoliko: ang gamitin ang ating talento at kakayahan para makatulong sa iba.

Bagamat ang kahirapan ay bunga ng pag-iral ng hindi sapat na katarungan, hindi ito dapat maging dahilan para ang sinuman ay mawalan ng pag-asa. Ang Pasko ay nagbibigay ng kahulugan sa lahat ng karanasan, kasama na ang kahirapan. Sa pagsilang ni Jesus sa isang abang kalagayan ay nakikita natin ang katotohanan na hindi tayo nag-iisa sa ating karukhaang pangmateryal at pang-espiritwal. Ang Diyos ay hindi banyaga sa kahirapang pantao dahil naranasan niya ito sa pamamagitan ni Cristo. Higit pa sa sapat ang kanyang pusong-Diyos para maunawaan ang mga pasakit ng tao, pero pinili niyang maranasan ito sa kanyang sarili mismo, kung kaya makapagtitiwala tayo na ang Diyos ay kaisa natin sa anumang uri ng paghihirap na ating nararanasan. Sinasamahan niya tayo kung pinapayagan natin siya. Sa pagdating ni Jesus ay nakita natin sa isang bagong liwanag ang lahat ng uri ng paghihirap sa mundo at natulungan tayong hanapin ang kahulugan nito. Sa pamumuhay sa lupa ng Anak ng Diyos ay nakita natin kung paano niya hinarap ang realidad ng buhay. Hindi niya tinakasan ang alinmang pasakit sa katawan at sa kalooban na kailangan niyang pagdaanan. Dahil dito ay nabibigyan tayo ng kasiguruhan na ang mga ito ay makapagdudulot ng kabutihan. Sinasabi ni San Pablo sa kanyang sulat sa mga Romano na kung kasama tayo ni Jesus sa pagpapakasakit, kasama niya rin tayo sa kaluwalhatian. Ang diwa ng Pasko ay makapagbibigay sa atin ng panibagong lakas para harapin ang buhay. Kung tayo man ay mahirap, sikapin nating magkaroon ng sapat sa pamamagitan ng sipag sa paggawa ng tama, talino sa pagpapasya kung paano gamitin ang maliit na ipinagkaloob sa atin, at determinasyon na maiangat ang estado ng ating pamumuhay upang pagkatapos nating makabangon ay matulungan naman natin na makatayo din ang iba. Kung tayo naman ay nakakaangat sa buhay, mag-ingat tayo na maipagkatiwala sa yaman ang ating kapalaran dahil tanging ang Diyos lang ang nararapat sa ating pagtitiwala. Hindi dapat isipin ninuman na ang anumang nasa kanya ay talagang kanya. Tayo ay mga katiwala ng yaman ng Diyos at tagapangalaga ng ating mga kapatid. Ang sukdulang paghihirap ng marami ay bunga ng malabis at makasariling pamumuhay ng iilan. Huwag nating hayaan na mapasama tayo sa iilan na ito. Mas mabuti pa ang maging mahirap para sa Kaharian kaysa maging mayaman para sa kapahamakan. Kilalanin natin kung sino tayo sa harapan ng Diyos sa tulong ng pag-unawa sa tunay na diwa ng Pasko.

Pasko at Kalayaan

Maging bilanggo man ng pisikal na rehas, ng karukhaan, ng kasalanan, ng hindi mapigilang mga damdamin, ng galit, ng karamdaman, ng adiksyon sa iba-ibang bagay, ng umiiral na sistema, o  ng kawalang-katarungan sa mundo, ang Pasko ay araw ng ating kalayaan. Ito ay pagkakataon para gunitain at maranasan ang pag-ibig at katotohanan na nagpapalaya sa atin. Anuman ang tinatawag nating bilangguan sa ating buhay, at gaano man kakapal ang mga rehas nito, hayaan nating ipaunawa ng Espiritu ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa atin dahil ito lamang ang magbibigay sa atin ng dahilan para masabing, “Malaya na ako.” Tayo ay nasa mundo pero hindi tayo sa mundo. Dahil sa pag-ibig na ipinararanas ng Diyos sa atin sa pamamagitan ni Jesus ay magagawa nating umangat at lumampas (transcend) sa mundo at sa mga bagay nito. Hindi na natin kailangang tawaging “sumpa” o “impyerno” ang mga sitwasyon at pangyayari na nagdudulot sa atin ng matinding mga pasakit, dahil nakikita na natin ang lahat ng ito sa isang bagong dimensyon. Nauunawaan natin na gaano man kapangit sa paningin ang ating mga sitwasyon, ang lahat ng bagay ay gumagawang sama-sama para sa kabutihan ng mga nagmamahal sa Diyos. Maaaring mayroon kang chismosang kapitbahay o makulit na nanay o drug addict na anak o palaaway na kapatid o inggiterong katrabaho, o mayroon kang pangmatagalan at lumalalang karamdaman o isang beses ka lang kumakain sa isang araw o hindi mo maiwasan ang isang bisyo o nakakasakit ka nang hindi mo sinasadya o hindi ka makawala sa isang sitwasyon na matagal mo nang gustong matakasan. Kung uunawain natin ang diwa ng Pasko at hahangarin ang kalayaang iniaalok sa atin ng Diyos, unti-unti nating makikita ang mga bagay sa pamamagitan ng mata ng pananampalataya. Hindi ito nangangahulugan na mawawala na ang kapitbahay na chismosa o gagaling na ang anumang karamdaman, pero makikita natin ang kamay ng Diyos na gumagalaw sa ating mga sitwasyon; na hindi tayo pinaglalaruan ng tadhana; na may kahulugan ang lahat; at para sa ikabubuti natin ang pagtitiwala sa Diyos sa kabila ng hindi natin maunawaan na mga pangyayari sa ating buhay. Gaano man katagal, buong-tiwala tayong maghintay sa mga solusyon na inihanda ng Diyos. Hindi natin kailangang sumbatan ang Diyos sa hindi niya agad pagkilos ayon sa naiisip nating paraan dahil ito ay paghamak sa kanyang karunungan. Ayon kay Haring David, ang naghihintay sa Panginoon ay magkakamit ng mana. Noong dumating si Jesus at tinanggap natin siya, sigurado na ang ating panalo. Anuman ang mga sitwasyong wala na sa ating kontrol ay walang takot nating maipagkakatiwala sa Diyos, dahil sa huli ay kasama niya tayong magtatagumpay. “Sa mamatay man o mabuhay, tayo ay sa Panginoon.”

Layunin ng Sumulat

Alam kong hindi sapat ang kakayahan ng isip ko para tuklasin ang kabuuan ng malawak na kahulugan at kabuluhan ng pagdating ng Anak ng Diyos sa kalikasang-tao. Isinulat ko lang ito para tulungan ang sarili na suriin ang aking pagka-Cristiano, para magbaka-sakaling ako ay makatulong na mabuksan ang isip ng mga nangangailangan ng paliwanag, at higit sa lahat ay para magbigay na kahit kaunting pag-asa sa mga nag-aakalang ang buhay ay isang sapilitang regalo na kailangan lang ipamuhay dahil “nandyan na”. Noong mas bata pa ako ay iniisip ko ang kabuluhan sa linya ng isang kantang nagsasabi, “Di ko ninais na ako’y isilang, ngunit salamat dahil may buhay.” Sinasabi ko sa sarili ko na mas mabuti pa rin ang kapalaran ng mga hindi namuhay sa mundo dahil hindi na nila naranasan ang paghihirap dito. Siguro ay marami sa atin ang ganito mag-isip, at kung papipiliin ay mas mamatamisin pang hindi na lang sila nag-umpisang mabuhay. Hindi maikukumpara ang ating karunungan sa karunungan ng Diyos. Ang paglikha sa tao ay bunga ng nag-uumapaw na pag-ibig ng Diyos, at wala nang mas mabuti pa kaysa sa mga pasya niya. Kung linikha niya ako, iyon ay dahil ito ang pinakamabuti para sa akin, at wala na akong maimumungkahing mas mabuti pa. Ang buhay ay hindi sapilitang regalo. Kung tunay lang na nauunawaan natin ang plano ng Diyos sa ating buhay, hindi natin tatanggihan ang regalong ito kung sakali man na mangyaring tanungin muna tayo ng Diyos bago niya tayo likhain. Sa halip na pag-ubusan natin ng panahon ang walang silbi at walang katapusang mga reklamo sa buhay; at sa halip na isipin nating mas mabuti pang hindi tayo isinilang, ang totoong mabuting gawin ay kilalanin natin ang kalooban ng Diyos para sa atin dahil dito lang tayo magiging tunay na masaya at magkakaroon ng kahulugan sa buhay.

Pasko na naman! Huwag na nating palampasin ang panibagong Pasko nang hindi natin nauunawaan ang halaga nito. Dumating ang Anak ng Diyos para magkaroon tayo ng makabuluhang buhay. Kalimutan na natin ang tungkol sa paghingi, sa halip ay isipin natin kung paano maibabahagi sa iba ang ating sarili. Lagi lang sasama ang loob natin kapag hindi nangyari ang gusto natin o hindi natin natanggap ang inaasahan natin, pero kung ang pagsunod sa kalooban ng Diyos ang magiging pang-araw-araw nating buhay, matututunan nating lampasan ang ating sarili, ang mga makamundong paghahangad, at ang mga materyal na bagay. Sabi nga ng isang awit: “Sapat nang si Jesus ang kasama mo, tuloy na tuloy pa rin ang Pasko.” Hindi na sanggol si Jesus, at wala siyang children’s party na pwede nating daluhan. Dalawang-libong taon na ang lumipas mula noong siya ay isilang, huwag nating hayaang ang dalawang-libong taon na kasaysayan ng ating kaligtasan ay hindi natin mapakinabangan. Kung talagang mahilig tayo sa mga regalo at mga handaan, ito ang hangarin natin: ang makasalo si Jesus sa malaking bangkete na inihanda niya para sa tagumpay ng mga tapat sa Diyos.

No comments:

Post a Comment