Wednesday, December 29, 2010
Inuulit na Panalangin
Ito ay tugon sa tanong na, “Bakit nagbibigay ng bilang ang pari kung ilang beses uulitin ang ipinadadasal pagkatapos magkumpisal? Hindi ba ito labag sa turo ni Jesus na huwag gumamit ng maraming salita sa pananalangin?”
Hindi sinabi ni Jesus na huwag ninyong uulitin ang isang pormuladong dasal (tulad ng “Ama Namin” na siya mismo ang nagturo). Iniwan niya sa atin ang isang perpektong panalangin pero hindi siya nagmungkahi kung ilang beses ito dadasalin sa loob ng isang araw. Ganun pa man, inaasahan niyang uulitin natin ito bilang pagsunod sa itinuro niya. Ibinigay niya ang dasal na ito bilang tugon sa hiling ng kanyang mga alagad na turuan niya silang manalangin tulad ng pagtuturo ni Juan Bautista sa kanyang mga alagad. Hindi lamang siya nagbigay ng panuntunan o tularan sa pagdadasal, ang ibinigay niya ay ang mismong panalangin na gusto niyang gamitin natin. Alam natin na araw-araw tayo dapat magdasal – ang totoo, dapat nga ay maya’t maya o tulad ng sinasabi ni San Pablo: “Manalangin kayo nang walang tigil” (1 Th 5:17). At kung lagi tayong mananalangin, hindi ba’t lagi din tayong babalik sa tanong na, “Paano ba dapat manalangin?” At ang laging sagot ni Jesus ay, “Ganito kayo mananalangin: ‘Ama naming nasa langit, sambahin ang ngalan mo…’” Ngayon ay itanong ulit natin sa sarili, labag nga ba sa turo ni Jesus ang paulit-ulit na pananalangin o ang paggamit ng pare-parehong salita? Hindi ba’t siya ang nagbigay sa atin ng dasal na kailangan nating ulit-ulitin, araw-araw o maya’t maya? Kung babalikan ang konteksto ng pag-uusap ni Jesus at ng mga alagad sa bahaging ito, pagkatapos niyang bigkasin ang dasal na itinuro niya sa kanila ay nagkwento pa si Jesus tungkol sa mapilit na panalangin para maunawaan ng kanyang mga taga-sunod kung anong uri ng panalangin ang kinalulugdan ng Diyos – mapilit at makulit, o sa ibang salita ay determinado at paulit-ulit.
Hindi ito nangangahulugan na huwag na tayong gumamit ng ibang salita sa pagdarasal maliban sa “Panalangin ng Panginoon” o yung mas kilala natin sa tawag na “Ama Namin.” Ang punto lang ay hindi ang mismong pag-uulit ng parehong dasal ang tinutukoy ni Jesus noong sinabi niyang huwag kayong gagaya sa mga pagano. Ang totoo, ni hindi niya binanggit sa eksenang ito ang salitang “paulit-ulit” kundi “maraming salita”. Ganun pa man, hindi rin masama sa kanyang sarili ang paggamit ng maraming salita. Ang talagang tinutukoy niya ay ang mentalidad ng mga pagano sa kanilang pagdadasal, dahil iniisip nila na mas maririnig sila ng kanilang mga diyos kapag hinabaan nila ang kanilang dasal. Ipinahihiwatig ng kaisipan nilang ito na may posibilidad na hindi naririnig ng mga diyos ang ibang mga pagtawag sa ilang partikular na panahon dahil siguro ay masyadong abala ang mga diyos nila. Kumbaga sa raffle, “The more entries, the more chances of winning.” Sinasabi ni Jesus na hindi ganito ang totoong Diyos. “Alam ng inyong Ama ang inyong mga pangangailangan bago pa man ninyo hingin” (Mt 6:8). Hindi ang mismong paraan ng pananalangin ang binibigyang-pansin ni Jesus dito kundi ang kanilang konsepto ng Diyos, o ang mga paniniwala nila tungkol sa mga katangian ng Diyos. Si Jesus mismo ay tatlong beses nanalangin sa Gethsemane at pare-pareho lang ang mga salitang kanyang ginamit (cf. Mk 14:39), samantalang sa ibang bahagi naman ay gumamit siya ng maraming salita. Buong ika-17 bahagi ng Ebanghelyo ni Juan ay tungkol lang sa panalangin ni Jesus.
Ang pagdadasal ay pakikipag-usap sa Diyos. Hindi ang ginagamit nating salita ang mahalaga sa Diyos kundi ang kalagayan ng ating puso, pero ang paghubog sa puso ay nakasalalay sa konsepto natin ng katotohanan, at sa pamamagitan ng paggamit ng tamang mga salita sa pananalangin, ang ating puso ay nahuhubog sa katotohanan. Tayo ang nakikinabang sa mga salitang ating sinasabi, hindi ang Diyos. Tumatawag tayo sa tunay na Diyos hindi para mapaayon siya sa ating kalooban (tulad ng ginagawa ng mga pagano sa kanilang “mga diyos”), kundi para maiayon ang ating kalooban sa kanya. Bukod dito, sa pananalangin ay hindi lamang natin binubuksan ang ating puso sa Diyos, ipinahahayag din natin ang mga katotohanang ating pinanampalatayanan. Sa ganung paraan, ang mga katotohanang ito ay malalim na bumabaon sa ating mga puso at nagiging bahagi ng ating pagkatao. Dahil dito, tayo ay lalong nagiging kalarawan ni Jesus – hindi lamang isang lingkod kundi anak ng Diyos na ang pagkain araw-araw ay ang kanyang kalooban.
Muli, ang babala ni Jesus ay laban sa mga maling ideya tungkol sa Diyos kaya niya sinabing, “Huwag ninyong tularan ang mga pagano.” Ang pag-ulit ng parehong dasal at ang paggamit ng maraming salita – dalawang magkaibang bagay – ay hindi mabuti o masama sa kanilang sarili. Kung nagdarasal tayo ng paulit-ulit o gumagamit tayo ng maraming salita dahil iniisip natin na baka hindi tayo agad marinig ng Diyos, o kaya naman ay para magpakitang-tao, ang ating mga kamalian (errors and wrong intentions) ang nagpapasama sa ating ginagawa. Sa kabilang banda, tayong mga Cristiano ay nananalangin – maikli man o mahaba, isang beses man o paulit-ulit – upang magkaroon ng tuloy-tuloy na pakikipag-ugnayan sa Diyos, upang hubugin ang ating isip at puso sa pamamagitan ng mga katotohanang ating ipinahahayag sa pagdarasal, at para maiayon ang ating sarili sa kalooban ng Diyos. Bukod dito, ang pagpupuri sa pamamagitan ng panalangin ay hindi kailanman magiging “paulit-ulit” sa paningin ng Diyos. Hindi siya mababagot kung walang-tigil man natin siyang tatawaging Ama o sasabihin, “Luwalhati sa Ama, at sa Anak, at sa Espiritu Santo.” Sa langit ay makikita natin ang mga anghel na walang tigil na umaawit: “Banal, banal, banal ang Panginoong Diyos…” Sasabihin ba sa kanila ng Diyos, “Alam ko na yan, huwag na kayong makulit! Simula nung ginawa ko kayo hanggang ngayon, iyan na ang naririnig ko sa inyo. Tumigil na kayo, pwede?”
Ang paulit-ulit nating pagdarasal ay isang paraan ng pagpapatikim sa atin ng langit. Sa pamamagitan nito, matutuklasan natin kung gaano katamis ang pangalan ng Diyos at mararanasan ang kagalakan ng pagpupuri sa kanya. Nagdadasal tayo hindi para gamitin kundi para ibigin ang Diyos – “ito ang ating bokasyon” (1 Th 5:18)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment