Ngayon, ito ang masayang bahagi: Matapat ninyong pag-isipan kung ano ang ibig sabihin ng mga salitang “mga wakas ng lupa” o “ends of the earth”. Alin sa sumusunod ang tamang paggamit: [1] “Umabot ang kanyang mga salita hanggang sa mga wakas ng lupa” o [2] “Magbalik-loob na kayo, malapit na ang mga wakas ng lupa”? Ang una ay tumutukoy sa lugar o heograpiya, samantalang ang ikalawa ay nagtatangkang tumukoy sa panahon. Ang “mga wakas ng lupa” ba ay nangangahulugang “dulo ng mundo” o tumutukoy sa kamatayan nito?
Ito ang isang ekspresyon sa Biblia na kinailangang baguhin ng INC ang kahulugan para umayon sa kanilang katuruan. Sinasabi ng relihiyong ito na ayon kay Propeta Isaias ay si Felix Manalo ang ipinadala ng Diyos sa mga huling araw kaya ipinipilit nila na ito ang ibig sabihin ng “mga wakas ng lupa”. Magandang ideya at matapang na manipulasyon pero walang sinumang matalino ang magagawa nitong linlangin. Sapat na sa isang tao ang magkaroon ng tamang bokabularyo para makilala ang malaking kamalian sa panlilinlang na ito. Hindi kailanman magiging posible na gamitin ang mga katagang “mga wakas ng lupa” o kahit pa “mga wakas ng mundo” para tumukoy sa panahon. Hindi maaaring sabihin, “Iibigin kita hanggang sa mga wakas ng mundo,” sa halip ay dapat sabihin, “Iibigin kita hanggang sa wakas ng panahon,” o kaya ay “hanggang sa magwakas ang mundo.” Ano na lang ang sasabihin ng iyong sinusuyo kung ang una ang pipiliin mong sasabihin?
http://farm3.static.flickr.com/2436 |
Pangalawang dapat bigyang-diin ay ang katotohanan na ang mga huling araw ay hindi nagsimula sa ating panahon o sa panahon man ni Felix Manalo kundi sa panahon ng mga apostol kung saan ang mga hula ni Jesus tungkol sa darating na kahirapan ay nagsimulang matupad. Ni wala pa sa mundo ang lolo ng lolo ni Mang Felix noong panahong iyon. Si Jesus ang sugo na tinutukoy ng mga hula ni Isaias tungkol sa mga huling araw. May magtatanong naman, “Akala ko ba ay hindi maaaring gamitin ang ‘mga’ kapag tumutukoy sa isang siguradong panahon?” Tama. Ang mga huling araw ay hindi tumutukoy sa isang siguradong araw kundi sa isang “era” o kahabaan ng panahon na kinapapalooban ng mga araw na ito. Tama ang sabihing, “Sa darating na bakasyon ay pupunta kami sa aming mga kamag-anak,” at tama din naman na sabihin, “Parating na ang masasayang araw ng bakasyon.” Bagamat iisa lang ang panahong tinutukoy, ito rin ay tumutukoy sa maraming mga araw na bumubuo dito. Pero kung sasabihing, “Pupunta kami sa aming mga kamag-anak sa paparating na mga bakasyon,” hindi na ito tama.
Sa huli ay pinatutunayan lang na ang ekspresyon na “mga wakas ng lupa” ay hindi maaaring tumukoy sa isang panahon; ito ay mananatiling tumutukoy sa lugar. Dahil din dito kaya alam nating mananatiling mali at mapanlinlang ang katuruan ni Felix Manalo.
No comments:
Post a Comment