Saturday, April 3, 2010

ELEKSYON AT HB 5043

Sa parating na halalan ngayong  taon, mayroon bang kinalaman  at halaga ang paninindigan ng mga kandidato tungkol sa reproductive health bill o HB 5043 sa pagpili natin sa kanila? May pagkakaiba ba kung iboboto man natin o hindi  ang mga sumusuporta dito?

Dapat  nating alalahanin na ang mga nasa kapangyarihan ang gumagawa at nagpapatupad ng batas, bagamat nangangailangan muna ito ng pagsang-ayon ng mga mamamayan. Minsang maipatupad ang isang batas, mahirap na itong bawiin pa. Pangalawang kailangan nating tandaan  ay  ang  katotohanan  na ang mga batas ang nagpapasya kung  paano  dapat tumatakbo ang isang bansa. Sa tuwiran man o hindi  tuwirang paraan, naaapektuhan nito ang pang-araw araw nating pamumuhay. Kontrolado nito ang halaga ng ating kikitain sa isang  araw, ang laki ng buwis  na ibinabawas sa ating sweldo, bukod pa sa buwis na ipinapapasan sa atin tuwing bumibili tayo ng mga naprosesong pagkain at gamit, ang pagtaas at pagbaba ng presyo ng mga bilihin at pamasahe, ang karapatan nating magnegosyo at ang  mga panuntunang kailangan nating sundin  sa pagsasagawa nito, at maging ang kalayaan nating  pumunta sa simbahan tuwing Linggo. Depende sa porma ng gobyerno,ang uri at paraan  ng ating pamumuhay ay laging nakadepende sa mga iniuutos, pinahihintulutan, at ipinagbabawal ng batas ng isang bansa.

Ang kasunod na bahagi ay naglalayong magbigay ng ideya sa bumabasa kung paano maaapektuhan ng RH BILL ang buhay ng mga  Filipino bilang indibidwal, pamilya, at lipunan.Marami pang mga tao at mga artikulo ang makapagbibigay ng malawakang  pagtingin at masusing pag-susuri sa  paksang ito; ang mg narito ay ang aking lamang nakayanan.

Paano isinasalarawan ang RH BILL? Ayon na rin sa mismong teksto ng  HB 5043, ito ay naglalayong mapabuti ang kalusugan ng ina at ng sanggol, i-promote  ang breastfeeding, magbigay ng kaalaman at serbisyo tungkol sa family planning, maiwasan ang aborsyon; at matugunan ng  mga manggagamot ang kumplikasyon ng naisagawang aborsyon; mapabuti ang kalusugan ng mga kabataan, mapigilan at matugunan ang mga kaso ng reproductive tract infection, hiv/aids, at iba pang mga sexually transmittable infection [STI], mapuksa ang lahat ng uri ng kalupitan sa mga babae, magkaroon ng pagtuturo at pagpapayo tungkol sa sekswalidad, kalusugang  sekswal, at reproductive health, matugunan at magamot ang mga kanser sa suso at sa reproductive tract, at iba pang mga kondisyong pambabae, magkaroon ng pakikipagtulungan at pakikisangkot  ang mga lalaki sa reproductive health, maiwasan  at magamot ang pagiging baog at ang sexual dysfunction, at makapagbigay edukasyon sa mga kabataan tungkol sa reproductive health. Hindi ko alam kung alin sa mga ito ang maganda sa pandinig ng karamihan at alin ang hindi, pero sa bansang ito kung saan ang politika at pamamahala ay mas madalas na katumbas ng pagnanakaw, pandaraya, pagpatay, panlilinlang, at pang-aaabuso, ay iminumungkahi ko na maging maingat ang lahat at laging imulat  ang mata.

Sa kabilang banda, maisasalarawan ang  RH BILL sa ganitong paraan:

Labag sa batas: [1] Linabag ng mga tagapagsulong ng HB 5043 ang karapatan ng mga pamilya at samahang pampamilya na mahingan at makapagbigay  ng opinyon tungkol sa mga usapin at polisiyang may kinalaman sa kanila (Art. XV Sec. 3 Par. 4, 1987 Constitution). [2] Unang bahagi pa lang ng panukala ay lumabag na sa tuntunin ng batas na nagsasabing ang bawat panukala ay dapat na tumutukoy lamang sa iisang paksa, at ito ay dapat na sinasalamin ng pamagat (Art. VI Sec. 26 Par. 1, 1987 Constitution; Sec. 1 Par. 3, Rules of Congress). Binabalewala lang ng mga patron ng RH Bill ang panuntunang ito kahit lubos nila itong nauunawaan. [3] Innobliga nito ang mga paaralan na hubugin ang kaisipan at moralidad ng mga kabataan tungkol sa sekswalidad ayon sa kontraseptibong mentalidad, bagay na sumasalungat sa pagkilala ng Estado sa karapatan ng mga magulang bilang pangunahing tagahubog ng kanilang anak ayon na rin sa kanilang paninindigang pangrelihiyon (Art. II Sec. 12, Art. XV Sec. 3 Par. 1, Constitution). [4] Pinanghihimasukan nito ang mga usaping pampamilya tulad ng kung ano ang dapat ituring ng mag-asawa bilang “sapat” na dami ng anak, kung paano palalakihin ang mga bata, at kung hanggang saan ang autoridad ng magulang. Ito ay lumalabag sa autonomiya ng pamilya.

Naglalayon ng totalinaryanismo: [1] Nasasaad sa panukalang ito na kahit labag sa konsensya ng isang doktor ang ipinapagawa sa kanya, wala siyang ibang pagpipilian kundi gawin ito o irekomenda ang pasyente sa ibang katrabaho – bagay na kapwa lalabag sa kanyang paninindigan bilang manggagamot at bilang tao. Wala itong pagkakaiba sa pagsasabing, “Kung hindi kaya ng konsensya mo ang pumatay, ipapatay mo sa iba.” Kung may pangatlong pagpipilian man, iyon ay ang tanggapin ang parusa sa paglabag sa kautasang ito. [2] Mapaparusahan din ang sinumang magsasalita laban sa intensyon at linalaman ng panukalang ito – isang tuwirang pagsikil sa karapatang magpahayag, magsalita, at kumwestyon sa mga bagay na hindi inaayunan ng mamamayan. Minsang maisabatas ang ganitong panukala, magiging sunod-sunod na ito – bagay na magliligtas sa mga abusado mula sa kamay ng batas, at maglalagay naman sa ating kalayaan at karapatan sa likod ng rehas. Dahil dito, ang paggawa at pagsasakatuparan ng mga susunod na batas ay dedepende na lang sa kamay at kapritso ng mga nasa kapangyarihan, at hindi na sa boses at tunay na pangangailangan ng mga mamamayan.

Labag sa karapatan ng mga magulang, mga manggagamot, at ng mga taong kumikilala sa matuwid na konsensya: [1] Tulad ng nabanggit, sa ayaw man o sa gusto ng mga magulang, obligado silang ipaubaya sa mga makakontraseptibong guro ang paghubog sa kaisipan at moralidad ng kanilang mga anak–tungkuling nararapat sa magulang at sa Simbahan, hindi sa Estado. At dahil nga bawal ang magsalita laban sa mga impormasyong  nagmumula at may kinalaman sa “batas”na ito, hindi malayo ang posibilidad na maparusahan ang mga magulang dahil sa pagtuturo ng inaakala nilang tama kung ito ay mangangahulugan ng pagsalungat sa mga doktrina ng gobyerno. [2] Sinasabi rin ng RH Bill na walang karapatan ang magulang na pagbawalan ang isang menor de edad na anak na humingi ng “tulong” sa isang manggagamot para hindi matuloy ang kanyang pagdadalantao kung siya ay biktima ng panghahalay. [3] Ang doktor naman na tatanggi sa gusting mangyari ng nasabing menor ay maaaring makulong, magmulta o pareho. Ganito rin ang mangyayari sa kanya sa pagtangging gumawa ng pagtatali (tubal ligation) o paglalagay ng kontraseptibong kasangkapan sa isang babae. Kaya kung labag man sa konsensya ng mga estudyante, mga magulang, mga manggagamot, at ng mga mamamayan ang iniuutos ng RH Bill, wala silang pagpipilian kundi tanggapin na ang kanilang karapatan ay yinuyurakan ng isang masamang gobyerno.

Mapangwasak ng pamilya: [1] Hindi lamang ang autoridad ng magulang sa anak ang winawalang halaga ng panukalang ito, sinsabi rin nito na walang kinalaman ang isang lalaki sa desisyon ng kanyang asawa na magpatali. Wala itong paggalang sa halaga ng kooperasyon at pagkakasundo ng mag-asawa sa pagbuo ng mga desisyon. Binubunot nito sa ugat ang dahilan kung bakit buo at matatag ang isang pamilya – respeto. Ginagawa nitong depensibo ang mga anak “laban” sa pakikisangkot ng mga magulang sa kanilang buhay; at ang mag-asawa laban sa isa’t isa. [2] Dahil sa kawalan ng pakikisangkot, at dahil sa pader na gusting ilagay ng panukalang ito sa pag-itan ng imga myembro ng pamilya, ang bawat isa ay magiging miserable. At kapag dumating na ang pagkakataong iyon, magsisilbing “tagapagligtas” ang kontraseptibong kaisipan na itinanim ng gobyerno sa mag-asawa at sa mga anak. Sa paghahanap ng pagmamahal, kahulagan, at kasiyahan, ang mga biktima ng mentalidad na ito ay mahuhulog at maaalipin sa pakikiapid, pangangalunya, papalit-palit at maramihang sekswal na relasyon, at maging sa homosekswalidad na ngayon pa lamang ay nagsisimula nang maging pangkaraniwan. Ang kaisipan at kalagayang ito ang papatay sa kanilang pagkatao, sa halip na magbibigay ng tunay na kasiyahan. Hindi masusukat ang lawak at lalim ng pagkawasak ng dulot ng hungkag na pagkatao na sinamahan pa ng maling kaisipan.

Mapanlinlang: [1] Kung susuriing mabuti ay hindi maitatago ang intensyonal na pagpapalabo ng mga salitang ginamit sa RH Bill. Isa dito ay ang bahaging tumutukoy sa karapatan ng isang menor de edad na malapatan ng “karampatang lunas” sa kaso ng panghahalay. Kung sakali ay malalaman na lang ng madla ang totoo nilang kahulugan kapag naisabatas na ito at wala nang magagawa ang sinumang hindi sasang-ayon. At dapat kong ipaaalalang muli sa bahaging ito na ang pagsasalita laban dito ay mangangahulugan ng kaparusahan. [2] Mapapansin din sa mga debate at panayam ang deretsahang pag-iwas ng mga tagapagsulong ng RH Bill sa mga katanungan tungkol sa implikasyon ng panukala sa magiging kaisipan, kilos, at ugali ng mga kabataan. Hindi rin nila tinutugunan sa tama at malinaw na paraan ang mga tumututol sa HB 5043. Luma man ang istilo nilang ito, patuloy lang nila itong ginagamit dahil wala naman silang ibang mapagpipilian, dahil alam nila na kahit paano nila paikut-ikutin ang mga argumento ay babagsak pa rin sila maling konklusyon. Kapag tinatanong sila tungkol sa moralidad, ang isinasagot nila ay tungkol sa ekonomiya. Iliniligaw din nilang pilit ang mga nakikinig sa pamamagitan ng pagsasabing ang mga Filipino ay biktima ng mga “maton” ng lipunan sa pangunguna ng Simbahang Katoliko. [3] Itinatago rin ng panukalang ito ang katotohanan sa likod ng mga pangakong kalusugan ng mga kontraseptibo. Hindi nito sinasabi sa tao ang mga depekto at masasamang epekto ng oral contraceptive pill (OCP), at ang mga sakit at kondisyon na maaaring idulot nito. Higit sa lahat, hindi nito inaamin maraming “kontraseptibo”ang hindi talaga nararapat sa katawagang ito, dahil hindi lamang nila pinipigilan ang paglilihi, tinatapos din ng mga ito ang umiiral na pagdadalantao; sa madaling salita, pinapatay ng mga kemikal na ito ang tao na nasa sinapupunan ng kanyang ina. [4] Tungkol sa agarang aksyon na tinutukoy ng RH Bill sa kaso ng mga babaeng pinagsamantalahan, ang “lunas” na iniaalok nila ay isang hatol na kamatayan para sa isang taong walang kakayahang ipagtanggol ang kanyang sarili. Sinadyang hindi ilagay ang mahahalagang detalye kung paano “tutulungan” ang isang biktima ng panghahalay, basta inuutusan nito ang mga manggagamot na gawin ang hinihiling ng pasyente. [5] Sinasabi ng RH Bill na mananatiling labag sa batas ang aborsyon pero nais nitong isabatas ang pagtulong ng mga doktor sa mga babaeng nakapagpalaglag na. Bakit kailangan itong isabatas? Hindi ba’t tungkulin talaga ito ng mga doktor, nakasaad man sa batas o hindi? Kailangan pa bang takutin ng pagkakulong at pagmumulta ang mga taong ito para lang gawin nila ang kanilang sinumpaang tungkulin bilang mga tagapangalaga ng kalusugan? Gusto itong isabatas ng mga tagapagsulong ng HB 5043 para siguruhin sa mga babaeng naguguluhan ang isip, na kailanman nila mapagpasyahan tapusin ang kanilang pagdadalantao – sa anuman paraan – suportado sila ng gobyerno dahil sagot nito ang lahat ng gastusin pagkatapos ng aborsyon.

Dalawang malaking mga mata ang kailangan para mabasa ang pandara, masamang intension, at tunay na epekto ng HB 5043. Minsang maipasa ang panukalang ito, lalabas ang halimaw sa mala-anghel nitong itsura. Kung paanong ang mayayamang bansa ay unti-unting lumulubog para maghintay ng kamatayan, ang Pilipinas din ay mamamatay kung hindi nito sasansalain ang mga maka-kamatayang polisiya na pilit isinusulong ng mga politikong mangmang kung hindi man bulok ang pagkatao.

Kamatayang indibidwal, kamatayang espiritwal, at kamatayang panlipunan ang tunay na isinusulong ng HB 5043 at ng mga taga-suporta nito.

D - divorce
E - euthanasia
A - abortion
T - two-child policy
H - homosexuality

Isa itong ahas na may dilang sintamis ng mansanas at ang laging bukambibig ay “karapatan para sa kababaihan”, “labanan ang kahirapan”, “malusog at matalinong lipunan”, “matatag na pamilya”, at lahat ng magagandang salitang umaakit sa mababaw na pag-iisip. Alam ni Satanas na hindi pa rin nagbabago ang tao. Kung paanong ang ating mga magulang ay kumagat sa kamatayan dahil sa isang mungkahing maganda sa paningin, masarap, at para bang magbibigay ng ganap na pamamahala, ang ating henerasyon ay nagpapalinlang pa rin sa matatamis na salita ng Masama.

Sa likod ng masaganang buhay na iniaalok ng HB 503 ay kamatayan; sa liko ng pangakong matatag na pamilya ay mga wasak na relasyon at pagkatao; sa kabila ng konklusyon tungkol sa pagkakaroon ng ganap at kasiya-siyang sekswalidad ay walang katapusang paghahanap, homosekswalidad, at sari-saring mga bisyo; sa kabila ng ipinagmamalaking mabubuti at responsableng mamamayan ay mga taong walang pagkilala sa moralidad; sa kabila ng pag-asang lalakas ang ekonomiya ay isang lipunan ng matatanda at mahihina na wala nang magpapakain at hindi na mapapalitan ng mas maraming bilang ng mga kabataang magtatrabaho.

Ang RH Bill, mula ulo hanggang paa, ay isang malaki at ganap na panlilinlang. Wala kahit kaunting mabuting intension ang mga tunay na nasa likod nito. Ang paghalal sa mga kandidatong sumusuporta sa panukalang ito ay pagwasak sa ating demokrasya, pag-iikot ng lubid sa ating leeg para hilahin ng mga nasa kapangyarihan, pagpatay sa mga inosenteng nilalang na nasa sinapupunan, pagtangap sa isang kultura kung saan ang kababaihan ay sekswal na kasangkapan lamang, pagbalewala sa batas ng bansa na nagsasabing  dapat protektahan ng estado ang buhay at karapatan ng bawat  tao mula pa man sa  unang  sandali ng  kanyang pag-iral sa sinapupuna, pagbibigay ng kaisipan sa mga kabataan at sa lahat ng mamamayan na ang tunay na responsibilidad ay ang pagtakas sa konsikwensya ng kanilang mga gawa, pagbibigay ng karapatan sa gobyerno na magpasya sa ating buhay pampamilya, at kung paano tayo dapat kumilos mula sa labas hanggang sa kaloob-looban na ating tahanan. Ang  RH bill ay isang malaking pinto na magpapasok –at walang makakapigil –sa mga polisiyang tatapos sa kalayaan, mabuting pag-uugali, karapatang  mamuhay ng pribado,at pagpapahalaga sa buhay na maraming taon na nating ipinakipaglaban mula sa mga pwersang galit dito.

Hindi nakakapagtaka na walang katapusan ang mga pagkilos laban sa buhay at sa pamilya dahil si satanas ang prinsipe ng mundong ito [cf.jn14:30]; siya ay mamamatay –tao sa pasimula pa [jn8:4]. Pero lagi rin mananatili ang ating tungkulin bilang mga pinahaharian na diyos na sansalain at labanan ang mga gawain ng masama. Sa pakikibakang ito ay walang lugar ang kaduwagan [cf.rv 21:8], ana pananahimik, at kawalan ng panig. “ kung hindi kayo panig sa akin, kayo’y laban sa akin”[Lk 11:23].

No comments:

Post a Comment