Saturday, April 3, 2010

Libre Mula sa Diyos

Bakit mahirap para sa tao ang magbigay lalo na kung ang ibibigay ay hindi magmumula sa kanyang mga sobra? Ito ay dahil sa maling pag-aakala na ang lahat ng nasa kanya ay kanya, at idinadahilan niyang ito ay pinagpaguran niya. Sa isip nya ay ganito ang kanyang sinasabi, “Kung yumaman man ako, iyon ay dahil sa aking pagsisikap; nasa akin na iyon kung gusto ko man magbigay o hindi.”Kahit sa mga bata ay umiiral ang kaisipang anumang nasa kanya ay kanya, at anumang ibibigay niya sa iba ay nagmumula sa kanyang sarili. Wala siyang pakialam kung ito man ay galing sa kanyang magulang o sa ibang nakatatanda na umaasang ibabahagi niya rin ito sa iba. Ang isang estudyante, halimbawa, ay hindi magawang ibigay ang kaunting bahagi ng kanyang baon sa dahilang ito ay kanya.

Ang lahat ng ito ay dahil sa isang katotohanan na napakahirap nating maintindihan at tanggapin – na ang lahat ng bagay ay libre mula sa Diyos; na ang tao ay walang sariling pag-aari, materyal man o espiritwal. Sa puso ng tao, lahat ng bagay ay “akin”: buhay ko, katawan ko, anak ko, bahay ko, yaman ko, karapatan ko. Hindi natin nauunawaan, o ayaw nating unaawain, na sa kahit anong proseso dumaan ang mga bagay na nasa atin, ang mga ito ay sa Diyos pa rin. Hindi natin pwedeng ikatwirang, “Ibinigay niya na kaya sa akin na.” Masdan mo na lang, halimbawa, ang mismong buhay: gaano mo man pilitin na patagalin ito, babawiin ito sa panahong nakatakda at wala kang magagawa. Simple lang ang dahilan: Ito ay hindi sa iyo. Gaano mo man ingatan o itago ang iyong kayamanan, hindi mo ito tataglayin habampanahon; darating ang oras na ihihiwalay ito sa iyo. Maging ang iyong karapatang pantao na dapat sana ay walang makaagaw ay hindi mo magagamit nang buo sa lahat ng pagkakataon. Ito ay  sa dahilang wala kang ganap na pagmamay-ari sa anuman maliban sa iyong kalayaang pumili -- bagay na mula sa Diyos. Gaano ka man kayaman, wala kang nabili sa Diyos. Ikaw man ang pinakamakapangyarihan sa lahat ng tao, wala kang naagaw mula sa Diyos; sa kanya pa rin ang lahat ng nasa iyo.

http://farm3.static.flickr.com/2492/
Tayo ay mga katiwala. Anumang nasa atin ay para sa kapakinabangan ng lahat. Mayroong mas matalino kaysa iba, mayroong mas maraming talento, mayroong mas malakas, mayroong nagsimula sa mas maraming yaman, at mayroong pinagyaman ang maliit na nasimulan. Ang mga pagkakaibang ito sa estado ng buhay ng tao ay hindi para i-grupo ang lahat ayon sa kanya-kanyang uri kundi upang pagkaisahin ang lahat tulad ng isang katawan na may iba-ibang bahagi at gawain ngunit laging iisa ang hangarin. Hindi lahat ay mata, hindi lahat ay bibig, hindi lahat ay kamay; mawawalan ng silbi ang isang lipunan kung ang lahat ay tagapamahala o kaya naman ay pangkaraniwang mamamayan ang lahat at walang nagsisilbing pamahalaan. Hindi na rin natin kakailanganin ang isa’t- isa kung ang lahat ay nasa iisang estado  ng buhay. Ang lahat ay wala na rin silbi dahil wala nang paglilingkuran. Dahil dito, wala na rin isisilang at wala nang mabubuhay. Madaling hangarin na sana ay pantay-pantay na lang ang lahat  pero isa itong mangmang na panaginip -- hindi pwedeng magkatotoo at hindi dapat magkatotoo. Tanging sa dignidad   lamang maaaring magkapantay-pantay ang mga tao, hindi sa gawain at estado sa buhay. Ang ating pagkakaiba-iba ay ayon sa karunungan ng Diyos. Walang sinuman ang may karapatang umabuso dahil sa harap ng Diyos ay iisa lang ang ating kalagayan – tagahiram at katiwala. Walang sinuman ang pag-aari ninuman, at walang anuman ang maaaring ipagdamot kaninuman dahil ang lahat ay sa Diyos. Pinaghirapan mo man ang kinita mo, sa Diyos pa rin galing ang iyong lakas; hindi mo ito binili. Ikaw man ang nagbungkal at nagtanim, ang Diyos pa rin ang nagpatubo. Ikaw man ang nakatuklas at umimbento, sa Diyos pa rin ang iyong natuklasan; hindi mo ito linikha mula sa wala. Ang binabayaran at pinaghihirapan ng tao ay ang proseso ng paggawa o kaya ay ang serbisyong tinatanggap. Ang biniling lupa ay hindi ganap na pagmamay-ari ng bumili; maaari itong mawala sa kanya anumang oras. Ang binabayaran dito ay ang karapatang magbakod -- at maging ang karapatang ito ay nasasakupan pa rin ng batas. Ang isang bahay ay hindi rin ganap na pagmamay-ari ng nakatira dito; maaari rin itong mawala sa kanya anumang oras. Ang lahat ng pinagpaguran natin ay hindi talagang sa atin, mananatili itong hiram at habilin. Inihabilin sa atin ang mga bagay na ito upang sa pamamagitan ng ating talino ay maipamahagi natin nang tama ang yaman ng Diyos. May mga nagsasabing, “Marami ang naghihirap dahil sa kanilang katamaran,” pero ang hindi natin matanto ay ang katotohanan na mas marami ang naghihirap dahil sa ating karamutan. Oras man lang o talino o atensyon o talento ay hindi pa natin maibigay sa ikabubuti ng mga nangangailangan nito. Noong sinabi mo sa isang pulubi, “Ang tamad-tamad mo,” may itinulong ka ba para turuan siyang maging masipag? Noong sinabi mo sa isang magulang, “Anak kasi nang anak, wala naman pampakain,” may ginawa ka ba para turuan siya ng responsibilidad? Mabilis lang tayong pumuna, mamintas, at humatol sa kapwa pero ang sarili nating karamutan na nagpapanatili sa iba sa miserableng buhay ay hindi natin pinapansin. Hindi tayo nagdadalawang-isip na magbigay ng mga walang pakinabang na komento pero kahit isang pintig ng utak o isang galaw ng daliri ay hindi natin kayang ibigay para sa kabutihan ng iba.

Isang praktikal na halimbawa ang paghihirap ng sarili nating mga kababayan. Dahil ba mahirap ang bansa kaya sila mahirap? Hindi. Ang Pilipinas ang isa sa mga may pinakasaganang likas na yaman, anupa’t pinag-iimbutan ito ng ibang mga bansa. Dahil ba walang laman ang kaban ng bansa kaya may mahihirap? Hindi. Bilyon-bilyong piso ang kayang gastusin ng gobyerno para lang sa malabis na pamumuhay ng iilang indibidwal na nasa kapangyarihan. Dahil ba sa kamangmangan kaya maraming mahirap? Oo. Kamangmangang bunga ng pagsasamantala ng mayayaman sa mahihirap. Dahil rin ba sa katamaran? Oo. Katamarang bunga ng kamangmangan tungkol sa tunay na halaga ng paggawa. May tao bang isinilang na tamad? Wala. Lahat tayo ay pinapakilos ng sarili nating mga dahilan; mga dahilan na iniimpluwensyahan ng tamang pagkaunawa na bunga naman ng sapat na pinag-aralan. Sa huli ay iisa pa rin ang salarin sa paghihirap ng marami: ang kaisipan na “ang lahat ng nasa akin ay akin.” Dahil dito ay hindi naiibigay sa iba ang kailangan nila upang mapagyaman ang sarili at makapag-ambag sa lipunan.

Kalabisan bang ibigay mo nang libre ang tinanggap mo nang libre? O baka hindi mo pa rin matanggap na wala kang binayaran sa Diyos para ang isang bagay ay maging sarili mong pag-aari. Ang totoo niyan, mayroon ka pang utang dahil bukod sa katotohanang sa kanya ang lahat ng nasa iyo, binayaran pa niya ang iyong kaligtasan. Tama bang sabihin ng kamay sa bibig, “Ikaw ang magsubo ng pagkain mo, may sarili kang lakas”? O kaya ng mata sa paa, “Bahala ka sa pupuntahan mo, may kakayahan kang lumakad”? Ang pagkamakasariling tulad nito ay siguradong papatay sa buong katawan. Ganito rin ang ginagawa natin kapag ipinagkakait natin sa iba ang ating sarili. Tanging sa pagbibigay tayo tumatanggap. Ang pagdadamot sa iba ay pagdadamot sa sarili. Kung sinasabi mong tamad ang iba at ikaw ay masipag, sipagan mo ang paggawa ng mabuti. Kung iniisip mong mangmang ang iba at ikaw ay matalino, ipakita mo ang iyong talino sa pamamagitan ng pagabahagi nito sa iba. Sa halip na isipin mo kung ano ang wala sa iyo para hindi ka magbigay, isipin mo kung ano ang mayroon ka, at huwag mong kalilimutang ang lahat ng ito ay libre mula sa Diyos  kaya wala kang dahilan para ipagdamot ito.

No comments:

Post a Comment