Ang Anticristo, ayon sa paglalarawan ni Apostol Juan sa kanyang mga sulat, ay mayroong tatlong pagkakakilanlan. Una ay ang pagiging “dating kasamahan”. Marami ang mga nagtatayo ng sarili nilang relihiyon bagamat dati rin silang mga bahagi ng tunay na Simbahan. Pero tulad ng sinasabi ni Juan, sila ay “hindi natin tunay na kaisa” (1 Juan 2:19).
Pangalawa ay ang pagtanggi sa katotohanan na si Jesus ay “naging tao”. Sinasabi ni Juan na “ang hindi nagpapahayag ng gayon tungkol kay Jesus ay hindi kinaroroonan ng Espiritung mula sa Diyos. Ang espiritu ng Anticristo ang nasa kanya” (1 Juan 4:3). Sa ibang sulat ay sinabi din niya, “Sapagkat nagkalat sa sanlibutan ang mga magdaraya – mga taong hindi nagpapahayag na si Jesucristo’y naging tao. Ang gayong mga tao ay magdaraya at anticristo” (2 Juan 7). Ano ba ang ibig sabihin ng “naging tao”? Kung paano ito nakasulat, ganun din ang ibig sabihin. Si Jesus ay may ibang kalikasan bago pa siya naging tao. Umiiral na siya bago pa man siya isinilang. Hindi siya katulad natin na nagmula sa wala. Bago pa man si Abraham ay siya na. Siya ay nagmula sa una, ayon kay Juan Bautista. Sinabi ni Pablo, “Sa kanyang pagiginga tao, siya’y ipinanganak mula sa lipi ni David…” (Roma 1:3), at “Siya’y nahayag nang maging tao” (1 Timoteo 3:16). Sa sulat sa mga taga-Filipos ay sinasabi, “Hinubad niya ang lahat ng katangian ng pagka-Diyos, nagkatawang-tao at namuhay na isang alipin” (2:7), tulad din ng sinabi ni Juan: “Naging tao ang salita at siya’y nanirahan sa piling natin” (Juan 1:14).
Itinuturo ng ilang relihiyon tulad ng “Iglesia ni Cristo” at Saksi ni Jehovah na si Jesus ay tao lamang katulad ng lahat at nagkaroon lamang ng pag-iral noong siya ay isinilang. Pero tulad ng sinasabi ni Juan, ito ay “ibang turo”, dahil tinanggap natin mula sa mga apostol na si Jesus ay “naging tao” o “nagkatawang-tao”. Ito ang ikatlong pagkakakilanlan ng Anticristo: ang pagdadala ng ibang turo. Nagbabala si Juan na “sinumang dumating sa inyo na ibang turo ang dala ay huwag ninyong tanggapin sa inyong bahay, ni huwag ninyong batiin” (2 Juan 10).
No comments:
Post a Comment