Sa pagkukumpisal ay kailangang isaalang-alang ang ilang mga bagay. Unang-una dito ay ang kahulugan mismo ng sakramentong ito. May mga librong nagpapakita ng positibong sikolohikal na mga epekto ng pagkukumpisal at walang anumang tapat na pag-aaral ang nagpahayag ng kabaligtaran. Pero hindi ito ang tutok ng ating pagsasaalang-alang kundi ang utos mismo ng Diyos sa pamamagitan ng Simbahan. Makikita natin ang tunay na halaga ng sakramento ng kumpisal kung totoong naniniwala tayo na alam ng Diyos ang makabubuti para sa atin. Hindi niya ito pinagagawa sa atin para lang ilagay tayo sa isang nakakahiyang sitwasyon. Alam niya, higit kaninuman, kung paano gumagawa sa loob natin ang kapalaluan, at kung paano kumikilos mula sa labas ng ating pagkatao ang kanyang kalaban na si Satanas. Ibinigay sa atin ni Jesus ang sakramentong ito upang protektahan tayo mula sa panlilinlang ng demonyo at ng ating sarili. Hindi na bago sa atin ang linyang, “Bakit ako magkukumpisal sa pari, e sa Diyos ako nagkasala? Idideretso ko na lang sa Diyos kaysa sabihin ko sa isang tao na makasalanan din naman.” Kilala natin ang kasabihang ito dahil maaring narinig natin sa ibang tao o narinig natin sa ating sarili. Hindi mahirap maniwala sa ganitong katwiran dahil sa biglang tingin ay para ngang matuwid, pero ang Diyos ay hindi tulad ng tao kung mag-isip (tingnan: Isaias 5:8). Tuso ang demonyo at kaya niyang palabasin na siya ay nasa matuwid tuwing kinukumbinsi niya tayo. May punto siya noong sinabi niya kay Jesus na kung siya nga ang anak ng Diyos ay magagawa niyang tinapay ang bato sa halip na magpakagutom siya. Hindi rin malayo sa katotohanan ang sinabi niya kay Jesus na sa kanya ang mga kaharian ng mundo (tingnan: Juan 14:30) kaya maiibigay niya ito sa sinumang ibigin niya. May katwiran din siya noong sinabi niyang si Jesus ay iingatan ng mga anghel kaya magagawa niya ang lahat, maging ang pagtalon mula sa itaas ng templo. Ganito katalino ang demonyo kaya kailangan nating maging maingat sa ating pangangatwiran dahil baka inaalipin niya na tayo nang hindi natin nalalaman. Kailangan nating laging taglayin ang isip ni Cristo (tingnan: 1 Corinto 2:16) upang hindi tayo malinlang.
Sa panahon palang ng mga paring Levita ay ipinahayag na at inutos ng Diyos kung paano dapat ikumpisal ang ating mga kasalanan: ito ay sa harap ng komunidad (Lv 5:5 ; Lv16:21 ; Lv 26:40) Dapat rin alalahanin na ang kasalanan ay may pangalan at dapat ikumpisal ang pangalan nito. Hindi sapat ang sabihin sa pari o sa komunidad na ikaw ay nagkasala; dapat mong sabihin kung ano ang nagawa mong kasalanan.at para ito ay mapatawad, walang ni isa man ang dapat itago (tingnan: Kawikaan 28:13 ; Marcos 1:5). Ang pagtatago ng kasalanan ay lalo lamang nagpapabigat dito.
Bakit linoob ng Diyos na magkumpisal tayo sa harap ng tao sa halip na diretso sa kanya? Una ay dahil gusto niyang wasakin ang ating kayabangan na siyang pangunahing dahilan ng ating pagkakasala at pagkabilanggo sa kasalanan. Ilinalagay niya tayo sa isang abang kalagayan kung saan tayo ay walang maipagmamalaki sa halip ay kikilalanin natin ang ating kawalan at pagkamakasalanan. Ang aminin sa sarili ang pagkakamali ay isa nang mahirap na pasya, lalo pa ang pag-amin nito sa ibang tao. Ang biyaya ng Diyos sa ating kaluluwa na tinatanggap natin sa pananalangin, at ang sitwasyong pinaglalagyan niya sa atin ay magkatulong na puputol sa ugat ng ating kasalanan. Pangalawang dahilan ay upang maramdaman natin biglang tao na may nakikinig sa atin – sa ating pagsisisi at kalungkutan. Ikatlong dahilan ay upang magkaroon tayo ng damdamin ng kasiguruhan na may namamagitan sa atin sa Diyos, at ang ating pakiusap at paghigi ng tawad ay hindi tinalikuran. Ikaapat na dahilan ay upang may gumabay sa ating espiritwal na paglalakbay at magpalakas ng ating loob sa pamamagitan ng maka-amang pangangaral. Ikalima ay upang maranasan ng ating buong pagkatao – kaluluwa at katawan – ang pagpapatawad ng Diyos sa pamamagitan ng absolusyon o pagpapawalang-sala na binibigkas ng pari. Bagamat magagawa ng Diyos ang lahat ng bagay, siya ay nagsasalita sa ating kasaysayan, ibig sabihi’y sa mga pangyayari sa ating buhay at sa pamamagitan ng ibang tao. Sa Sakramento ng Kumpisal ay pinili ni Jesus na ang pari ang magdadala ng kasalanan ng tao sa harap ng Diyos at magdala ng kapatawaran pabalik sa tao, “in persona Christi.” Ibig sabihin nito ay hindi talaga ang pari ang namamagitan sa Diyos at sa tao kundi si Cristo mismo na kanyang kinakatawan. Ikaanim na dahilan ay upang may tumanggap sa atin sa ngalan ng buong komunidad. Ito ay dahil sa tuwing napuputol ang maayos nating ugnayan sa Diyos dahil sa ating kasalanan, napuputol din ang espiritwal na ugnayan natin sa Katawang Mistiko ni Cristo, ibig sabihi’y sa buong Simbahan. Ang pari ang kumakatawan sa pagtanggap ng buong komunidad sa ating maligayang pagbalik.
Taglay ang ganitong pagkaunawa sa karunungan at kabutihan ng Diyos, magkakaroon tayo ng tamang gabay at natural na damdamin (hindi ipinilit) upang maging mapagpasalamat at lalo pang ibigin ang Diyos, higit sa ano pa man. Sinasabi rin ng kaalaman ito na tayo ay walang sariling kakayahan, sa halip ay dapat nating ihingi ng tulong sa Diyos ang lahat; hindi lamang ang kapatawaran kundi ang kababaan ng loob at ang liwanag na nagpapakita sa ating tunay na kalagayan. Dahil dito, ang ikalawang dapat isaalang-alang ay kung paano dapat humingi ng tulong.
Hindi kailangan ng Diyos ng mayamang bukabolaryo o mabulaklak na pananalita sa pananalangin; ang kailangan niya ay pusong nagpapakababa at nagsisisi. Hindi niya hinahamak ang nagbabalik loob at may tunay na kalungkutan (tingnan: Salmo 51:17).
Panginoon, bigyan mo ako ng liwanag upang makita ko ang aking sarili kung paano mo ako nakikita, at ng biyaya ng tunay na pagsisisi sa mga nagawa kong kasalananan. Maria, aking Ina, tulungan mo akong gumawa ng mabuting pangungumpisal.
Pagkatapos nito ay isaalang-alang ang mga nagawang kasalanan, ang pangalan nito, at ang dami ng ulit. Dapat din isaalang alang ang sirkumtansya kung saan ang bigat ng kasalanan ay maaaring madagdagan. Isang halimbawa nito ay ang pangunguha ng gamit ng iba. Ito sa kanyang sarili ay kasalanan na kung walang pahintulot ng may-ari, pero kung may napagbintangan o nag-away dahil dito, mas pinabibigat nito ang pananagutan ng nagkasala. Dapat rin itong ikumpisal. Sa kabaligtara ay dapat naman iwasan ang malabis na padedetalye na hindi naman makapagbabago ng bigat o natura ng kasalanan. Ang kumpisal ay hindi oras ng huntahan, at ang masyadong pribadong mga detalye ay wala rin kinalaman sa pag-amin ng ksalanan; baka lalo lamang itong magdulot ng pagkakasala. Sabi nga sa Ingles, dapat ay “straight to the point”. Hingin ang basbas ng pari – “Bless me Father for I have sinned,” – sabihin kung kailan huling nagkumpisal, banggitin ang mga kasalanan (at ang mga sirkumstansya kung kailangan) at kung ilang ulit ito ginawa, pakinggan ang payo ng pari at ang ipapagawa niya bilang kondisyon ng pagpapatawad, at sa huli ay tanggapin ang ka patawaran. Kailangang maging malinaw na hindi ang awa ng Diyos ang talagang may kondisyon kundi ang pagtanggap natin nito. Ang hindi pagtupad sa “penance” o sa ipinapagawa ng pari ay nagpapakita ng kawalan ng kooperasyon sa proseso ng pakikipagkasundo sa Diyos at nagpapahiwatig ng kawalan sinseredad. Sa kasong ito, kahit bumubuhos ang biyaya at awa ng Disyos, hindi ito matatanggap ng nagkumpisal dahil hindi siya nakahanda para dito. Ito ang dahilan kung bakit kailangan ng preparasyon sa pagkukumpisal. Hindi rin dapat kalimutang magpasalamat sa Diyos sa kanyang walang-hanggang pag-ibig at awa.
Sa pagsasaalang-alang ng mga nagawang kasalanan, pinakamabuti na salaminin ang sarili sa pamamagitan ng Sampung Utos at ng mga kautusan ng Simbahan.
1)Nakalimutan ko ba o kaya ay sadyang itinago ang isang mabigat na kasalanan noong huli akong nagkumpisal?
2)Nagkumpisal ba ako ng walang sapat na paghahanda?
3)Hindi ko ba ginawa ang ibinilin ng pari?
4)Hindi ba ako tumanggap ng komunyon noong panahon ng Easter?
5)Lumampas ba ang isang taon na hindi ako nangumpisal?
6)May mga bisyo ba akong dapat unahing ikumpisal tulad ng kahalayan at paglalasing?
7)Hindi ko ba pinag-aralan ang aking pananampalataya (Pagsisi, Sumasampalataya Ako, Ama Namin, Sampung Utos , Pitong Sakaramento)?
8)Pinag-alinlangan ko ba ang mga turo ng Simbahan ? [3]
9)Sumama ba ako sa di-Katolikong pagsamba?
10)Nagabasa ba ako ng mga babasahing laban sa Katolisismo?
11)Naniwala ba ako sa mga pamahiin?
12)Ginamit ko ba ang pangalan ng Diyos sa hindi tamang paraan? [4]
13)Naging mareklamo ba ako?
14)Nagpakita ba ako ng kawalang galang sa pari o sa isang konsagrado?
15)Nanunumpa ba ako nang walang ingat o walang katotohanan?
16)Hindi ko ba tinupad ang pansariling pangako?
17)May mga Linggo at araw ng pangilin ba na hindi ako nagsimba?
18)Dumating ba ba ako nang huli sa Misa dahil sa sarili kong kapabayaan?
19)Hindi ba ako seryoso o kaya ay lumilipad ang aking isip kapag nagsisimba?
20)Gumawa ba ako ng mabigat na gawain sa araw ng Linggo? [6]
21)Nagpakita ba ako ng kawalan ng paggalang o nag-isip ng hindi tama sa aking mga magulang?
22)Hindi ko ba irinespeto ang aking kapwa?
23)Hindi ko ba naibigay ang mga pangangailangan ng aking mga anak?
24)Nakipag-away ba ako?
25)Nag-isip ba ako ng masama laban sa ibang tao?
26)Ikinatuwa ko ba ang masamang nangyari sa aking kapwa?
27) Mayroon ba akong iniwas na makikipagsundo sa akin?
28) Nagsinungaling ba ako o nannira?
29) Nanghusga ba ako? Inisip ko bang masmabuti ako kaysa iba?
30) Sumali ba ako sa chismisan o sa pagkakalat ng kahihiyan ng ibang tao?
31) Nagselos ba ako o kaya ay nainggit?
32) Ipinagkait ko ba ang karapatan ng aking asawa? [7]
33) Gumamit ba ako ng kontraseptibo? [8]
34) Inabuso ko ba ang aking karapatan bilang asawa? [9]
35) Nangalunya ba ako o kaya ay nakiapid?
36) Humawak ba ako sa ibang tao nang may malisya?
37) Inabuso ko ba ang aking katawan sa pamamagitan ng masturbation?
38) Nag-isip ba ako ng mahalay?
39) Nanamit ba ako ng malaswa?
40) Gumawa ba ako ng maaaring ipagkasala ng iba? [10]
41) Gumamit ba ako ng mahalay na pananalita?
42) Nakinig ba ako sa mahalay na kwento?
43) Tumingin ba ako sa masamang babasahin o panoorin?
44) Kumuha ba ako nang walang pahintulot ng may-ari?
45) Pinagnasaan ko ba ang pag-aari ng iba?
46) Pinaubaya ko ba ang sarili sa katamaran?
47) Nagpabigat ba ako sa iba para hindi ako mahirapan?
48) Nagpakita ba ako ng kawalan ng respeto sa pag-aari ng iba?
49) Nawalan ba ako ng tiwala sa Diyos dahil sa materyal na kakulangan? [11]
50) Mas panahalagahan ko ba ang pera o anumang materyal na bagay kaysa sa aking kabutihang espiritwal?
51) Nagtrabaho ba ako nang tapat sa lahat ng pagkakataon?
52) Naging madamot ba ako sa mga nangangailangan? [12]
53) Nandaya ba ako sa anumang paraan?
54) Nagpatubo ba ako ng labis sa aking ipinautang?
55) Bumili ba ako o tumanggap ng galing sa nakaw?
56) Sinadya ko bang hindi magbayad ng aking utang?
57) Ibinigay ko ba sa aking manggagawa ang sapat na sweldo?
58) Nag-aksaya ba ako ng pera o anumang materyal na bagay?
59) Ipinangsugal ko ba ang dapat ay para sa aking pamilya?
60) Nagpasya ba akong gumawa ng isang bagay na inaakala kong masama, natuloy man o hindi? [13]
61) Nag-ayuno ba ako o nag-abstinensya sa mga nakatakdang araw? [14]
62) Nag-ambag ba ako para sa pangangailangan ng Simbahan? [15]
63) Sinunod ko ba ang utos ng Simbahan tungkol sa kasal? [16]
[1] Ang panahon ng Easter sa Pilipinas ay nagsisimula sa Miercoles de Ceniza hanggang Todos los Santos.
[2] Mayroong mga pangunahing aral ang ang Simbahan na kailangang matutunan ng isang Katoliko, pero habambuhay ito dapat palalimin sa pamamagitan ng patuloy na pag-aaral.
[3] Hindi kailanman magiging makatwiran ang sinasabi ng ilan na ‘’Mabuting Katoliko pa rin ako kahit hindi ko paniwalaan ang ibang turo ng Simbahan.’ Kkung walang mabuting Filipino ang tahasang lumalabag sa Saligang Batas ng bansa,lalo naman hindi matatawag na mabuting alagad ni Cristo ang tahasang sumasalungat sa Simbahang kinikilala niyang itinatag ng kanyang Panginoon. Sinabi ni Jesus, "Ang nakikinig sa inyo ay sa akin nakikinig, ang nagtatakwil sa inyo ay nagtatakwil sa akin, at ang nagtatakwil sa akin ay nagtatakwil sa nagsugo sa akin." (Lucas 10:16). Mahalaga sa isang Katoliko na alamin ang tayo at turo ng Simbahan sa isang partikular na usapin at pag-aralan ang mga prinsipyo sa likod nito.
[4] Hindi man kapansin-pansin sa marami pero ang pangalan ng Diyos ay isa sa mga katagang pinakanagagamit sa mapang-abusong paraan. Pangkaraniwan na lang samga Filipino ang magsalita ng “Diyos ko”, “Panginoon ko” at “Susmaryosep” sa paraang hindi nararapat. Nasa katergoryang ito rin ang panunumpa nang walang katotohanan dahil ang pagbigkas ng isang sumpa ay pagtawag sa pangalan ng Diyos bilang saksi sa katotohanan ng sinumpaan. Ang pagsisinungaling ay paglabag sa kalikasan at persona ng Diyos na siyang Katotohanan (tingnan: Juan 14:6); ito rin ay paggawa ng kagustuhan ni Satanas na siyang ama ng lahat ng kasinungalingan (tingnan: Juan 8:44).
[5] Ang pagiging mareklamo ay hindi lamang isang simpleng pagbubukas ng damdamin tungkol sa hindi magandang nangyayari. Sa mababaw na pagtingin, ito ay para lamang paglalabas ng hinanakit o pagkadismaya, pero kung susuriing mabuti ang epekto nito, makikitang ito ay hindi nagdudulot ng anumang pakinabang. Ang nagrereklamo ay lalo lamang sumasama ang loob habang nakakasanayan niyang lagi itong gawin tuwing hindi sya natutuwa o kuntento sa nangyayari. Samantala, ang nakakarinig naman ng walang katapusang mga reklamo ay naiirita at kung minsan ay nakakapanghusga pa. Pero higit sa lahat, ang pagiging reklamador ay hindi lamang pagbigkas ng salita sa harap ng ibang tao, ito ay pagpapakita ng kawalan ng tiwala sa Diyos. Bagamat ang tao ay.may kalayaang magpasya kung ano ang kanyang gagawin, at may kakayahang pagplanuhan ang mga ito, ang Diyos pa rin ang nangangalaga sa lahat ng mga pangyayari, mabuti man o masama sa ating paningin. “Maging ang buhok ninyo'y bilang nang lahat” (Mt 10:30). Sa halip na isipin at sabihn na ang lahat ng tao at lahat ng pangyayari ay magkakasabwat sa pagpapahirap ng iyong buhay, ang tunay na makapagbibigay ng kasiyahan ay ang patuloy na pag-asa at pasasalamat sa Diyos (tingnan: Colosas 4:2 ; Efeso 6:18).
[6] Ganun na lang ang pagpapahalaga ng Diyos sa Araw ng Pamamahinga kaya nagbigay siya ng detalyadong panuntunan tungkol dito. Bagamat Linggo na ang Araw ng Pamamahinga para sa mga Cristiano, nananatili pa rin ang prinsipyo sa likod ng pagpapahalaga at pagtatalaga sa partikular na araw na ito. Sa Araw ng Pamamahinga ay ipinapaalala sa atin ng Diyos kung para saan ang ating buhay. Dito ay ipinaparanas niya sa atin ang kapahingahan sa kanyang piling – isang patikim ng kawalang-hanggan o eternity. Gusto ng Diyos na sa Araw na ito ay iwan natin ang anumang kaabalahan na aagaw sa ating kapahingahang pangkaisipan at pangkatawan. Kung ang Sabbath at 7th day, ang Linggo para sa mga Cristiano ay ang “8 day” o “eternal day”. Sa araw na ito ay gusto tayong makasama ng Diyos sa mas espesyal na paraan – bilang mga maharlikang kasama ng walang hanggang Hari sa isang walang haggang araw “∞”. Iniiwan natin ang mga araw kung saan ang oras ay mabilis na lumilipas pero kinababagutan, at dinadala ang sarili sa isang Araw kung saan parang hindi lumalakad ang panahon at ang bawat sandali ay tila walang katapusang tuwa. Pero ang Araw na ito na itinalaga ng Diyos sa kanyang sarili at para sa ating kapahingahan ay hindi natin lubos na mararanasan malibang maunawaan natin ang tunay nitong halaga at masundan ang kalooban ng Diyos ukol dito.
[7] “Huwag ninyong tanggihan ang isa’t isa maliban lang kung pinagkasunduan sa loob ng takdang panahon upang magsikap kayo sa pananalangin. At pagkatapos, magsama kayong muli nang hindi kayo matukso ni Satanas sa kawalan ninyo ng pagpipigil sa sarili” ( 1 Co 7:5). May mga pagkakataon na pinipili ng mga mag-asawang Cristiano na italaga ang sarili sa panalangin sa loob ng ilang gabi, sa halip na magkasamang matulog. Ito ay isa sa mga likas na pangangailangan ng tao na hindi halos natutugunan sa kasalulukuyang panahon – ang pangangailangang mapag-isa kasama ng Diyos. Gayunman ang mag-asawa ay hindi naman dapat magkahiwalay sa loob ng mahabang panahon dahil ito ay isang malaking pagkakataon para sa tukso. Ito rin ang dahilan kung bakit hindi dapat magkait ang mag-asawa sa isa’t isa dahil sa mga ganitong pagkakataon nagsasamantala si Satanas para hilahin ang tao sa pagkakasala.
[8] Ang tao ay linikha ng Diyos para bumuo ng isang malaking pamilya ng sangkatauhan na maninirahan sa tahanan ng Ama sa langit. Hanggat mayroong lupa, hindi dapat tumigil ang paglikha ng mga bagong mamamayan para sa Bayan ng Diyos dahil kasabay ng pagkawala ng lupa ay ang pagtigil ng tao sa pagiging kamamanlikha. Kung paanong ang pagkabaog ng lupa ay nagpapakita ng kawalan ng biyayang materyal, ang pagkabaog ng mundo sa paglikha ng tao ay tanda ng paglayo nito sa presensya ng Diyos. Bagamat ang kawalan ng anak ng isang indibidwal ay hindi laging nangangahulugan ng malayong presensya ng Diyos sa parehong tao, ang pagkabaog ng isang bayan ay siguradong tanda ng pagkakasala ng parehong bayan (Osea 9:11 ; Deuteronomio 28:18). Hindi sapat ang kaunting salita para ilarawan ang kasamaan ng kontrasepsyon, at hindi sapat ang maliit na isip para maunawaan ang mapanlinlang nitong intensyon. Ito ay sumisira ng kaisipan, nagwawasak ng pamilya, nagpapababa ng dignidad, sumusugat sa kalikasan, at lumalabag sa batas ng Diyos at sa karapatang pantao. Ito ay isang kasalanang humahantong sa mas marami pang kasalanan, at binibigo nito ang pangkalahatang plano ng Diyos. Sapat na para sa isang taong marunong kumilala sa mabuting konsensya na malaman na ang ilang mga kontraseptibo ay pumapatay ng milyon-milyong tao sa loob ng maikling panahon, at lahat ng uri ng kontrasepsyon ay nagbababa at lumilimita sa tao sa antas ng pagiging hayop na walang isip, mabuting pagpapasya, at walng kakayahang pamahalaan ang sarili. Ang kontraseptibong kaisipan ay bumubuo ng isang kultura kung saan ang tao ay nabubuhay para magpakalayaw at kung saan ang kahulugan ng responsibilidad ay ang tusong paraan ng pag-iwas dito sa isa o ibang paraan. Ang kasalanan ng kontrasepsyon ay maaaring maging simbigat ng aborsyon o pagpatay sa kapwa.
[9] Ang “marital right” o karapatan bilang asawa ay tumutukoy sa katotohanan na ang katawan ng lalaki ay hindi na sa kanyang sarili kundi sa babae, at ang katawan ng babae ay hindi na sa kanyang sarili kundi sa lalaki (tingnan: 1 Corinto 7:4 ). Dahil dito, dapat ay pagkasunduan ng mag-asawa kung kailan sila maaaring magtalik para hindi magkaroon ng pagkakait ng karapatan sa isa’t isa. Sa ganito rin paraan , ang karapatang ibinigay ng kasal sa mag-asawa ay hindi maaabuso sa pamamagitan ng pamimilit o emosyonal na pagmamanipula – bagay na hindi man lamang dapat sumagi sa isip ng isang Cristiano. Ang pisikal na pamimilit at ang pananakot ay may mas mabigat na pananagutan.
[10] Ang mga dahilan ng pagkakasala ay lagi lamang nasa paligid, pero dapat nating iwasan na tayo ang maging dahilan ng pagkakasala ng iba. Sinabi ni Jesus, “Mas makabubuti pa sa kanya na talian ng gilingang-bato sa leeg at ihagis sa dagat kaysa tisurin at pabagsakin ang isa sa maliliit na ito” (Lucas 17:2). Ang pagiging sanhi ng kasalanan ay nangangahulugan ng paglalagay sa kapwa sa isang sitwasyon kung saan maaari siyang matukso o magkasala. Ilan sa mga halimbawa nito ay ang pagsusuot ng mga makatawag-pansing kasuutan o intensyonal na pang-aakit o paggawa ng ikagagalit ng kapwa o pagliligaw ng kaisipan o paghihimok na gumawa ng mali. Nakaakit man o hindi, nakapagsanhi man ng kasalanan o hindi, nakapanggalit man o hindi, ang gumagawa ng potensyal na pagkakasala ng iba ay siguradong nagkakasala.
[11] Ang kawalan ng pag-asa ay malaking insulto sa Diyos dahil ipinapahiwatig nito na hindi alam ng Diyos ang kanyang ginagawa at hindi siya nakakakilala ng katarungan.
[12] Ang pagiging maramot ay tumutukoy hindi lamang sa hindi pagbibigay kundi sa kawalan ng kahandaang magbigay. Kilala ng Diyos ang mapagbigay na puso at lagi tayong may tungkuling magbigay sa anumang paraan. Ang pagsasabing , “Ako nga rin wala e,” ay nagpapakita ng panloob na karamutan at pagiging makasarili. Sa kabilang banda, ang mapagbigay ay nagbibigay ng may ngiti sa kalooban sa lahat ng pagkakataon.
[13] Sa puso nagmumula ang layuning gumawa ng mabuti o masama at dito rin nagsisimula ang pananagutan sa Diyos. Ang intensyong magnakaw ay masama, natuloy man o hindi ang pagsasakatuparan nito; ganun din sa lahat ng hindi mabuting intensyon. Sa kabaligtaran , ang pagsisisi ay laging mabuti, dahil ang simula ng pagsisisi ay ang katapusan ng masamang hangarin. Hindi rin dapat sabihin, “Nandito na ako, itutuloy ko na.” Ang paninindigan ay hindi kailanman dapat gamitin sa paggawa ng masama.
[14] Ang mga araw ng pag-aayuno at abstinensya sa Pilipinas ay
*Miercoles de Ceniza, Biyernes Santo – ayuno at abstinensya
*lahat ng Biyernes ng Kwaresma - abstinensya
*lahat ng Biyernes ng taon - abstinensya o pamalit
Ang nasasakop ng pag-aayuno ay mga Katolikong nasa ika-21 hanggang ika-60 taon, samantalang ang sa abstinensya ay 14 taon gulang pataas. Sa bawat Biyernes ng taon maliban sa nasasakop ng Kwaresma ay maaaring ipalit sa abstinensya ang pagbabasa ng Biblia, pagdalaw sa mga may sakit, o anumang gawain ng awa. Ang ayuno ay tumutukoy sa pagbabawas ng dami ng kinakain sa isang araw. Halimbawa ay isang kumpletong pagkain sa buong araw at tig-isang bawas na pagkain sa almusal at hapunan. Ang abstinensya naman ay hindi pagkain ng karne ng mga panlupang hayop at mga ibon.
[15] Ang binibigay ng isang Cristiano para sa pangangailangan ng Simbahan ay hindi abuloy na para bang limos sa isang pulubi o tulong sa isang institusyon; ito ay ambag at obligasyon sa Diyos at sa kapwa. Kung paanong ang isang mamamayan ay may obligasyon sa gobyerno para sa ikabubuti ng pamayanan, ganun din ang Cristiano ay may pananagutang pangmateryal – bukod sa espiritwal – ng bawat Cristianong nangangailangan. “Itinalaga ng Panginoon na mabuhay mula sa ebanghelyo ang mga nagpapahayag ng ebanghelyo” (I Co 9:14). Pero bukod dito, ang materyal na ambag ng mga Cristiano ay pinaghahati-hati sa pagpapagawa ng mga simbahan , eskwelahan, pagamutan, seminaryo, at sa pagmimisyon sa ibang mga di-Katolikong bansa. Hindi tayo inoobliga ng Simbahan na ibigay ang ikasampung bahagi ng lahat ng ating kinikita, pero ang kusang paggawa nito ay nagpapakita ng ating pagtitiwala sa Diyos.
[16] Ang mga batas ng Simbahan tungkol sa kasal ay ang mga sumusunod:
* Ang isang Katoliko ay magkakaroon lamang ng tunay na kasal sa harapan ng isang autorisadong pari at dalawang saksi. Ang hindi ikinasal sa ganitong paraan ay namumuhay sa kasalanan at hindi maaaring tumanggap ng mga sakramento o ng Katolikong libing.
* Ang pagpapakasal sa hindi Katoliko ay nangangailangan ng pahintulot ng Simbahan.
*Hindi kinikilala ng Simbahan ang diborsyo.
*Ititiwalag ang Katolikong magpapakasal sa di-Katolikong Simbahan
Salmo 51
Kaawaan mo ako, O Diyos
ayon sa tapat mong pag-ibig.
Ayon sa laki ng iyong habag,
pawiin mo ang aking kasalanan.
Hugasan mong lubos ang aking kasamaan
at sa aking kasalanan linisin ako.
Inaamin ko ang aking mga pagkakamali,
ang kasalanan ko’y lagi sa harap ko.
Laban sa iyo, sa iyo lamang ako nagkasala
gumawa ako ng kasamaan sa paningin mo,
kaya dapat lamang na ikaw ay magsalita;
matuwid ka sa iyong paghatol.
Tunay na ipinanganak akong lipos ng sala,
makasalanan na sa sinapupunan pa lamang ng aking ina.
Ngunit nais mo ng katotohanan sa kalooban
kayat turuan mo ako ng karunungan sa aking pusong lihim.
Linisin mo ako ng isopo at ako’y magiging malinis.
Hugasan mo ako at ako’y magiging simputi ng niyebe.
Puspusin mo ako ng tuwa at galak.
nang magdiwang ang mga butong iyong dinurog.
Ilayo ang mukha mo sa aking sala,
at lahat ng kabuktutan ko ay pawiin.
Ilikha mo ako ng dalisay na puso, O Diyos,
bigyan ako ng espiritung bago at matuwid.
Huwag mo akong iwaksi sa iyong harapan
ni ilayo sa akin ang banal mong Espiritu.
Ibalik sa akin ang ligaya sa iyong kaligtasan,
at pagtibayin sa akin ang diwang mabuti.
Ituturo ko sa mga makasalanan ang iyong landas
at ang mga makasalanan sa iyo’y babalik.
Iligtas mo ako sa salang pagpatay, O Diyos ng aking kaligtasan,
at aawitin ng dila ko ang iyong katuwiran.
Panginoon, buksan ang mga labi ko
at ang bibig ko’y aawit ng papuri sa iyo.
Sapagkat hindi ka nalulugod sa hain.
Magbigay man ako ng alay na susunugin,
hindi mo ito kalulugdan.
Alay ko sa Diyos ay isang diwang nasiraan,
hindi mo itatakwil, O Diyos, ang pusong wasak at nagsisisi.
1 Juan 1:8-10
Kung sasabihin nating wala tayong taglay na kasalanan, dinadaya natin ang sarili at wala sa atin ang katotohanan. Kung aaminin natin ang ating mga kasalanan, patatawarin niya na matapat at makatarungan ang ating mga kasalanan at lilinisin tayo sa kahit anumang kasamaan. Kung sasabihin natin na hindi tayo nagkasala, ginagawa natin siyang sinungaling at wala sa atin ang kanyang salita.
Ps 32:1-7
Napakasaya ng pinatawad sa kanyang mga sala,
ng pinawian ng kanyang mga kasalanan.
Napakasaya ng di pinapananagot ng Panginoon sa kanyang sala,
at walang panlilinlang sa kanyang kalooban.
Sa di ko pag-imik mga buto ko’y nanlupaypay
sa maghapong hinagpis.
Araw-gabing mabigat ang kamay mo sa akin.
Lakas ko’y natutuyong gaya ng sa tag-init.
At inamin ko nga sa ’yo ang aking mga kasalanan
at di pinagtakpan ang aking kasamaan.
Sinabi kong “Ipagtatapat ko sa Panginoon ang aking pagkakasala,”
pinatawad mo naman ang aking sala at di pinapanagot.
Kaya sa ’yo mananalangin lahat ng makadiyos sa oras ng kagipitan.
Tumaas man ang malaking baha, hinding-hindi sila maaabot.
Ikaw ang aking kublihan,
ipagsasanggalang ako sa ligalig.
At pinaliligiran mo ako ng mga awit ng paglaya.
Magandang araw po! tanong ko lang po kung bakit po ngbibigay ng bilang ang pari after na confession?? bakit po kelangan may bilang? hindi po ba ito labag sa turo ni kristo na wag tularan ang mapagimbabaw na nagdarasal ng mahahaba, ang akala nila'y diringgin sila ng diyos sa haba at bilang ng kanilang dinarasal?? tanong lang po medyo confuse po kasi ako .. maraming salamat po .. Godbless! ..
ReplyDelete