Monday, March 21, 2011

RH Bill: Mga Isyu

Para sa mga hindi pa nakakabasa o nakakaintindi sa ibig sabihin ng Reproductive Health Bill, ang Knights of Columbus ay gumawa ng mga pagsasadula (audio) na nagbibigay liwanag sa mga isyu tungkol dito. I-click ang larawan sa kaliwa.

Ang mga punto ng pagsasadula ay nakalagay sa mga pamagat. Ito ay ang mga sumusunod:
  • Labag sa Saligang Batas
  • Anti women and children
  • Sex education
  • Anti employer
  • Populasyon
  • Anti reproductive
  • Anti culture
  • Korupsyon
  • Mapaniil
  • Natural Family
Lahat tayo ay apektado ng panukalang ito, at walang sinumang Katoliko o Filipino ang maaaring magsawalang-bahala. Kung hindi tayo magiging bahagi ng solusyon, magiging bahagi tayo ng problema.

Monday, March 14, 2011

Radio Maria Philippines

Radio Maria was founded as a parish radio station in 1983, in Arcellasco d'Erba, in the province of Como in the Diocese of Milan. In 1987, the Radio Maria Association was founded making Radio Maria independent from the parish. In 1990, Radio Maria became a national radio. The following years, by God's grace, it began expanding to other countries. In 1998, the World Family of Radio Maria was formed to ensure promotion, sharing, and development of the Radio Maria Project worldwide.

Radio Maria Foundation, Inc. was founded when Fr. Melvin P. Castro, with the blessing of Bishop Florentino F. Cinense (Bishop of Tarlac), requested the World Family of Radio Maria to put up a radio station in the Philippines. On February 11, 2002 Radio Maria Foundation was born. Its main studio was constructed in Sunrise Subdivision, Maliwalo, Tarlac City.

In 2007, Radio Maria obtained its national franchise. Our efforts now are focused on making Radio Maria a true national radio station. Tuguegarao City, Santiago City, and Olongapo City became the first focus of expansion. The dream of making Radio Maria a national radio station was initially fulfilled when the newly constructed repeater station in Tuguegarao City was inaugurated on June 19, 2010. The occasion was graced by Archbishop Diosdado Talamayan (Archbishop of Tuguegarao), Bishop Florentino Cinense (Bishop of Tarlac), and the new members of the Board of Trustees (Joy Catalina Gallardo, Fr. Jay Policarpio, Maritel Balingit, Allen Galan, and Dr. Mary Ann Enriquez).

Currently, Radio Maria is present in more than 50 countries.

 

(Fr. Jay Policarpio - RM Philippines, Program Director)

Bakit Magulo Ang Mundo?

Kristo, kulang pa ba ang pag-ibig na dulot mo? Bakit ba ang mundo ngayo'y gulong-gulo?
Habang pinapakinggan ko ang kantang "Kristo" ni Basil Valdez, naalala ko ang mga argumento ng mga ateyista na kung mayroon daw Diyos, hindi dapat magulo ang mundo, wala dapat naghihirap, at walang mga karamdaman.

Ginagalang ko ang opinyon ng mga hindi naniniwala sa pag-iral ng Diyos pero kailangan kong sabihin na ang kanilang mga pangangatwiran tungkol dito ay bunga ng kawalang-alam at pagiging sarado ng isip. Bilang Cristiano, naiintindihan natin na bagamat ang Diyos ay nasa ating piling, ang mundo ay hindi langit; ang tao ay hindi nakatakdang manatili sa mundo habampanahon. Cristiano man o hindi, ang kamatayan ay bahagi ng ating pagkatao. Mayroong katapusan ang ating pag-iral sa lugar na ito. Pero hindi ito nangangahulugan na walang Diyos.

Una, hindi mag-uumpisang umiral ang anuman kung walang magpapairal dito. Kahit sinong ateyista, halimbawa, ay hindi tatanggap ng argumento na ang isang bagay tulad ng damit, sapatos, computer o kahit ano pa, ay bigla na lang lumitaw nang walang gumagawa. Sa kabila noon, ipinipilit nilang walang lumikha sa mga bagay na inabutan na natin tulad ng mundo, ng mga unang tao, hayop, at halaman.

Pangalawa, ang tinatawag nating "universe" ay may mga batas na sinusundan. Isang halimbawa nito na naoobserbahan ng syensya ay ang "law of gravity".  Pero bukod sa pisika ay mayroon din itong batas moral. Ang mabuting ginagawa ng isang tao ay makaaapekto sa buong mundo. Ganun din, ang kasamaan ng isa ay perwisyo sa lahat. Ang sangkatauhan ay parang isang katauhan; nakikinabang o napapahamak ang lahat ng bahagi sa kagagawan ng isa. Kung ang mundo ay may batas, ibig sabihin ay kumikilala ito ng pagkabalanse. Anumang paglabag sa mga batas nito ay magdudulot ng pagkasira ng balanseng ito, at ito ay nangangahulugan ng kaguluhan.

Ang kaabahan ng mundo ay hindi patunay na walang Diyos. Sa kabaligtaran, ito ay patunay na mayroong umiiral na batas -- na ang bawat pasya ay may konsikwensya -- at dahil dito ay alam nating may Isa na nagtakda ng mga batas na ito. Ang pagiging ganid ng iba ay nangangahulugan ng pagkagutom ng iba. Ang masamang tao ay nagdudulot ng masamang epekto sa mundo. Hindi ibig sabihin ay masasamang tao ang mga nagugutom, naghihirap, at nagkakasakit; ibig sabihin lang ay may mga bahagi ng sangkatauhan ang nagdadala ng ganitong sitwasyon sa marami. Sabi nga sa kasabihan, "Ang sakit ng kalingkingan ay ramdam ng buong katawan." Dahil dito kaya walang sinuman ang dapat magsabi na, "Walang pakialaman."

Sa trabaho, halimbawa: Mayroong limang empleyado ang hindi nagtatrabaho nang maayos at may limang matapat pero nananahimik lang sa nakikita nilang kamalian. Dahil sa limang mandaraya ay nasira ang pangalan ng kompanya at unti-unti itong bumagsak. Ang limang nagkasala lang ba ang mawawalan ng trabaho o pati ang limang matapat? Lahat sila. Dahil ang una ay gumawa ng masama habang ang ikalawa ay nanahimik sa masamang nakikita. Ganito din ang pamilya, ang komunidad, ang lipunan, ang bansa, at ang mundo. Ang kasamaan ng iba, samahan mo ng pananahimik ng mga nakakakita, isang malaking kalamidad para sa lahat. Ito ay totoo sa lahat ng bagay, maging sa kahirapan, pagkakasakit, magulong relasyon, at kung ano-ano pa. Hindi na kailangan ng Diyos na parusahan ang mundo dahil ito na mismo ang nagpaparusa sa sarili.

Ganun pa man, hindi ang mga kaguluhan ang dapat nating pagtuunan ng pansin, sa halip ay kung ano ang maiaambag natin para sa ikabubuti ng lahat. May panahon ang Diyos para sa paniningil sa mga taong nagpakalayaw sa kasamaan kapalit ng pagkaapi ng iba. Kahit gaano pa kagulo ang mundo, at kahit magmistulang wala na itong  pag-asa, ang mga Cristiano ay dapat manatiling umaasa sa pag-ibig, pagkalinga, at katarungan ng Diyos. Ang bayan natin ay ang langit at hindi ang mundo. Nandito tayo para paghandaan ang langit at para tulungan ang iba na matikman ang langit sa lupa upang,  tulad natin, ito ay kanila rin asamin.

Wednesday, December 29, 2010

Inuulit na Panalangin


Ito ay tugon sa tanong na, “Bakit nagbibigay ng bilang ang pari kung ilang beses uulitin ang ipinadadasal pagkatapos magkumpisal? Hindi ba ito labag sa turo ni Jesus na huwag gumamit ng maraming salita sa pananalangin?”

Hindi sinabi ni Jesus na huwag ninyong uulitin ang isang pormuladong dasal (tulad ng “Ama Namin” na siya mismo ang nagturo). Iniwan niya sa atin ang isang perpektong panalangin pero hindi siya nagmungkahi kung ilang beses ito dadasalin sa loob ng isang araw. Ganun pa man, inaasahan niyang uulitin natin ito bilang pagsunod sa itinuro niya. Ibinigay niya ang dasal na ito bilang tugon sa hiling ng kanyang mga alagad na turuan niya silang manalangin tulad ng pagtuturo ni Juan Bautista sa kanyang mga alagad. Hindi lamang siya nagbigay ng panuntunan o tularan sa pagdadasal, ang ibinigay niya ay ang mismong panalangin na gusto niyang gamitin natin. Alam natin na araw-araw tayo dapat magdasal – ang totoo, dapat nga ay maya’t maya o tulad ng sinasabi ni San Pablo: “Manalangin kayo nang walang tigil” (1 Th 5:17). At kung lagi tayong mananalangin, hindi ba’t lagi din tayong babalik sa tanong na, “Paano ba dapat manalangin?” At ang laging sagot ni Jesus ay, “Ganito kayo mananalangin: ‘Ama naming nasa langit, sambahin ang ngalan mo…’” Ngayon ay itanong ulit natin sa sarili, labag nga ba sa turo ni Jesus ang paulit-ulit na pananalangin o ang paggamit ng pare-parehong salita? Hindi ba’t siya ang nagbigay sa atin ng dasal na kailangan nating ulit-ulitin, araw-araw o maya’t maya? Kung babalikan ang konteksto ng pag-uusap ni Jesus at ng mga alagad sa bahaging ito, pagkatapos niyang bigkasin ang dasal na itinuro niya sa kanila ay nagkwento pa si Jesus tungkol sa mapilit na panalangin para maunawaan ng kanyang mga taga-sunod kung anong uri ng panalangin ang kinalulugdan ng Diyos – mapilit at makulit, o sa ibang salita ay determinado at paulit-ulit.

Hindi ito nangangahulugan na huwag na tayong gumamit ng ibang salita sa pagdarasal maliban sa “Panalangin ng Panginoon” o yung mas kilala natin sa tawag na “Ama Namin.” Ang punto lang ay hindi ang mismong pag-uulit ng parehong dasal ang tinutukoy ni Jesus noong sinabi niyang huwag kayong gagaya sa mga pagano. Ang totoo, ni hindi niya binanggit sa eksenang ito ang salitang “paulit-ulit” kundi “maraming salita”. Ganun pa man, hindi rin masama sa kanyang sarili ang paggamit ng maraming salita. Ang talagang tinutukoy niya ay ang mentalidad ng mga pagano sa kanilang pagdadasal, dahil iniisip nila na mas maririnig sila ng kanilang mga diyos kapag hinabaan nila ang kanilang dasal. Ipinahihiwatig ng kaisipan nilang ito na may posibilidad na hindi naririnig ng mga diyos ang ibang mga pagtawag sa ilang partikular na panahon dahil siguro ay masyadong abala ang mga diyos nila. Kumbaga sa raffle, “The more entries, the more chances of winning.” Sinasabi ni Jesus na hindi ganito ang totoong Diyos. “Alam ng inyong Ama ang inyong mga pangangailangan bago pa man ninyo hingin” (Mt 6:8). Hindi ang mismong paraan ng pananalangin ang binibigyang-pansin ni Jesus dito kundi ang kanilang konsepto ng Diyos, o ang mga paniniwala nila tungkol sa mga katangian ng Diyos. Si Jesus mismo ay tatlong beses nanalangin sa Gethsemane at pare-pareho lang ang mga salitang kanyang ginamit (cf. Mk 14:39), samantalang sa ibang bahagi naman ay gumamit siya ng maraming salita. Buong ika-17 bahagi ng Ebanghelyo ni Juan ay tungkol lang sa panalangin ni Jesus.

Ang pagdadasal ay pakikipag-usap sa Diyos. Hindi ang ginagamit nating salita ang mahalaga sa Diyos kundi ang kalagayan ng ating puso, pero ang paghubog sa puso ay nakasalalay sa konsepto natin ng katotohanan, at sa pamamagitan ng paggamit ng tamang mga salita sa pananalangin, ang ating puso ay nahuhubog sa katotohanan. Tayo ang nakikinabang sa mga salitang ating sinasabi, hindi ang Diyos. Tumatawag tayo sa tunay na Diyos hindi para mapaayon siya sa ating kalooban (tulad ng ginagawa ng mga pagano sa kanilang “mga diyos”), kundi para maiayon ang ating kalooban sa kanya. Bukod dito, sa pananalangin ay hindi lamang natin binubuksan ang ating puso sa Diyos, ipinahahayag din natin ang mga katotohanang ating pinanampalatayanan. Sa ganung paraan, ang mga katotohanang ito ay malalim na bumabaon sa ating mga puso at nagiging bahagi ng ating pagkatao. Dahil dito, tayo ay lalong nagiging kalarawan ni Jesus – hindi lamang isang lingkod kundi anak ng Diyos na ang pagkain araw-araw ay ang kanyang kalooban.

Muli, ang babala ni Jesus ay laban sa mga maling ideya tungkol sa Diyos kaya niya sinabing, “Huwag ninyong tularan ang mga pagano.” Ang pag-ulit ng parehong dasal at ang paggamit ng maraming salita – dalawang magkaibang bagay – ay hindi mabuti o masama sa kanilang sarili. Kung nagdarasal tayo ng paulit-ulit o gumagamit tayo ng maraming salita dahil iniisip natin na baka hindi tayo agad marinig ng Diyos, o kaya naman ay para magpakitang-tao, ang ating mga kamalian (errors and wrong intentions) ang nagpapasama sa ating ginagawa. Sa kabilang banda, tayong mga Cristiano ay nananalangin – maikli man o mahaba, isang beses man o paulit-ulit – upang magkaroon ng tuloy-tuloy na pakikipag-ugnayan sa Diyos, upang hubugin ang ating isip at puso sa pamamagitan ng mga katotohanang ating ipinahahayag sa pagdarasal, at para maiayon ang ating sarili sa kalooban ng Diyos. Bukod dito, ang pagpupuri sa pamamagitan ng panalangin ay hindi kailanman magiging “paulit-ulit” sa paningin ng Diyos. Hindi siya mababagot kung walang-tigil man natin siyang tatawaging Ama o sasabihin, “Luwalhati sa Ama, at sa Anak, at sa Espiritu Santo.” Sa langit ay makikita natin ang mga anghel na walang tigil na umaawit: “Banal, banal, banal ang Panginoong Diyos…” Sasabihin ba sa kanila ng Diyos, “Alam ko na yan, huwag na kayong makulit! Simula nung ginawa ko kayo hanggang ngayon, iyan na ang naririnig ko sa inyo. Tumigil na kayo, pwede?”

Ang paulit-ulit nating pagdarasal ay isang paraan ng pagpapatikim sa atin ng langit. Sa pamamagitan nito, matutuklasan natin kung gaano katamis ang pangalan ng Diyos at mararanasan ang kagalakan ng pagpupuri sa kanya. Nagdadasal tayo hindi para gamitin kundi para ibigin ang Diyos – “ito ang ating bokasyon” (1 Th 5:18)