Wednesday, October 12, 2011

Nag-iisang Bansa na Walang Diborsyo

Nakakalungkot makita na may ilang mga grupo na pilit kinukondisyon ang isip ng mga Filipino na ang kawalan ng diborsyo sa bansa ay isang nakakahiyang katotohanan. Ito daw ay dahil tayo na lang sa buong mundo (bukod sa Vatican City) ang walang batas tungkol sa diborsyo. Ang totoo ay may batas tayo tungkol sa diborsyo, at sinasabi dito na hindi ito pinapayagan sa ating bansa, maliban kung ang usapin ay mas matimbang sa batas pangrelihiyon ng isang indibidwal tulad ng sa mga Muslim.

Kahit sabihin na ang batas ng Pilipinas ay hindi Cristiano, ang pagpapahalaga o values ng mga Filipino ay nakalinya sa pagiging Cristiano kaya hindi tamang lasunin ng kung sino-sino ang ating isipan tungkol sa usapin ng kasal o pag-aasawa dahil inaari natin itong isang mabuting pamana ng ating mga magulang. Kahit mangyari na magkaroon ng matinding polusyon ang ating kultura dahil sa pananakop ng ibang lahi sa ating kaisipan, mananatili para sa atin ang katotohanan na ang pagkilala natin sa kasal bilang mga Filipino ay tulad ng pagkilala dito ng mga tunay na Cristiano sa buong mundo.

Dahil dito, dapat nating ipagmalaki, at hindi ikahiya -- tulad ng gustong mangyari ng ilang makasariling mga tao -- ang paninindigan at pagtatanggol natin sa institusyon ng pag-aasawa. Alam natin, bilang mga Cristiano, na ang Diyos ay galit sa diborsyo, at wala itong puwang sa puso ng mga taong nakakikilala sa kanilang Lumikha.

Tuesday, September 6, 2011

Salamat Sa Wala Pa!

Bakit kailangan nating magpasalamat para sa hindi pa natin natatanggap? Ang dahilan ay may tatlong bahagi, at ito ay ang mga sumusunod na paniniwalang Cristiano:

1. Ang Diyos ay pag-ibig.
2. Ang Diyos ay makapangyarihan.
3. Ang Diyos ay walang-hanggan.

Ang Diyos ay pag-ibig. Alam ng Diyos kung ano ang pinakamabuti para sa kanyang minamahal dahil ang lahat ng kanyang pagkilos ay dahil sa pag-ibig. Walang sinuman ang makapagsasabi na may kasalanan o pagkukulang man lang sa kanila ang Diyos, dahil bukod sa walang karapatan ang tao na humingi mula sa kanyang Manlilikha na para bang siya ay utusan niya, ang Diyos ay kusang nagkakaloob nang higit pa sa kayang hingin at naisin ng tao para sa kanyang sarili. Walang masamang nagmumula sa Diyos ng pag-ibig; lahat ay bilang pagpaparanas ng pagmamahal. Anuman ang ipahintulot ng Diyos na ating tanggapin at maranasan, ito ay bunga ng kanyang pag-ibig sa atin, at tiyak itong makabubuti kung atin lang kikilalanin ang tunay na kalikasan nito.

Ang Diyos ay makapangyarihan. Anuman ang loobin ng Diyos, ito ay nangyayari. Hindi siya tulad ng tao na bagamat maraming mabubuting intensyon ay madalas na walang kakayahang isakatuparan ang mga ito.


Ang Diyos ay walang-hanggan. Sa mundo nating mga tao ay may oras at panahon; mayroong kahapon, bukas, at ngayon. Para sa Diyos, ang lahat ng panahon ay ngayon. Hindi siya lumikha "kanina" at magpapahinga "mamaya". Kung sinasabi man na siya ay lumikha at nagpahinga, ginawa niya iyon sa iisang pagkakataon. Ito ay dahil wala siyang simula at katapusan; lagi lang siyang umiiral. Kaya niya tinatawag ang sarili na Ako Nga -- I am He, the One who always exists. Mahirap man mahawakan ng isip ng tao ang konsepto ng kawalang-hanggan, ito ang katotohanan ng Diyos. Pero hindi rin naman ito napakaimposible para sa tao, dahil kahit ang pisikal na agham ay nagsasabing ang enerhiya ay walang simula kundi palagiang umiiral.

At dahil sa Diyos ay wala ang konsepto ng panahon, lahat ng ginawa, ginagawa, at gagawin niya ay naganap, nagaganap, at magaganap sa iisang pagkakataon. Hindi pa man natin hinihingi ang isang pabor mula sa kanya, nagawa na niya ito, dahil nga tapos na niyang gawin ang lahat bagamat patuloy niya itong ginagawa sa kasalukuyan. Lahat ng dapat mong matanggap ay naibigay na niya, bagamat hindi mo pa natatanggap. Hindi ibig sabihin noon ay walang halaga ang pagdadasal. Habang tayo ay nananalangin, ang Diyos ay nakikinig at binibiyayaan tayo ayon sa kanyang kalooban, ang ginawa niyang pagsagot sa ating mga pagsamo ay nangyari na bago pa man natin ito isiping gawin, pero ginawa niya rin ito habang at pagkatapos ng ating panalangin. Kaya sinabi ni Jesus, "Anuman ang hingin ninyo sa pana­langin, sumampalataya kayo na natang­gap na ninyo at tatang­gapin ninyo." Ito ay dahil naibigay na ng Diyos ang lahat ng dapat niyang ibigay sa atin.

Ito ang mga dahilan kung bakit dapat nating pasalamatan ang hindi pa man natin natatanggap. Una, alam natin na gusto ng Diyos kung ano ang pinakamabuti para sa atin. Hindi na mahalaga kung ito ba ay naisip nating hingin o hindi; hindi na mahalaga kung umaayon ba o sumasalungat ito sa gusto nating hingin. Ang mahalaga ay ito ang kalooban ng Diyos at makasisiguro tayong maraming ulit na higit itong makabubuti para sa atin. Tama si San Pablo sa pagsasabing hindi tayo marunong manalangin nang tama, dahil hindi natin alam kung ano ang totoong makakabuti sa atin, pero ang espiritu na nakakikilala sa atin ang siyang tumutulong para itaas sa Diyos ang totoong laman ng ating puso.

Ikalawa, ang dalisay nating panalangin ay laging pinakikinggan ng Diyos at may kakayahan siyang ipagkaloob ang lahat ng ito sa atin. Kaya sa saling Ingles ay may isang taong nagsabi kay Jesus, "Lord, if you will, you can..." "Kung gusto mo, magagawa mo." At kung bukas tayo sa kalooban ng Diyos, hindi niya lang gugustuhing ipagkaloob ang hinihingi natin, gagawin niya ito. Tulad ng sagot niya sa nasabing tao, maririnig din natin ang sagot ni Jesus: "Gusto ko."

Ikatlo, dahil ang Diyos ay walang-hanggan, alam natin naibigay na niya sa atin ang lahat ng linoob niyang tanggapin natin. Dahil sa katotohanang ito kaya natin nagagawang manalangin nang may pananampalataya. Kung ang ating hinihingi ay naayon sa kanyang kalooban, sigurado na tayong ito ay ating matatanggap sa panahon ng Diyos. Kung hindi niya naman ito kalooban, nakasisiguro tayong mas mabuti pa dito ang matatanggap natin.

Walang dahilan para isipin nating tayo ay pinagkaitan o hindi pinakikinggan ng Diyos. Sa napakaraming pagkakataon, tayo ang hindi nakikinig sa kanya dahil gusto nating ipilit ang gusto natin, na para bang lagi tayong mas magaling sa Diyos at siya ang laging may maling desisyon. Ang Diyos ay may sariling panahon o "timetable". Kung mayroon man siyang ibibigay, hindi natin maaasahang matatanggap natin ito sa oras na gusto natin, pero makasisiguro tayo sa pagdating nito. Tulad nito ay isang kamag-anak na nasa ibang bansa na nagsabing, "Naipadala ko na." Sa pagkakataong iyon, masasabi nating naibigay na niya ang dapat niyang ibigay, hindi pa nga lang natin natatanggap. "On the way," sabi nga. Hindi naman tama na sabihin sa kanya, "Saka na ako magpapasalamat pag natanggap ko na yung package." Nagpapasalamat na tayo sa nagbigay kahit wala pa. Ito ay dahil alam nating nagawa na niya ang bahagi niya. Ganun din ang Diyos. Mula sa kawalang-panahon ay naibigay na niya ang lahat ng nakatakda nating matanggap, bagamat sa mundo ng panahon ay hindi pa natin ito natatanggap. Tama lang na pasalamatan natin ang Diyos para sa mga bagay na wala pa dahil alam nating nagawa na niya ang kanyang bahagi.

Wednesday, June 15, 2011

Ang RH Bill at ang mga Katoliko

“Ang hindi panig sa akin ay laban sa akin, at ang hindi nagtitipong kasama ko ay nagpapangalat” (Lucas 11:23).

Tayo ay mga Cristiano hindi lamang isang araw sa isang linggo, kundi sa lahat ng araw, oras, at pagkakataon. Hindi mahalaga kung ikaw ay politiko, may-bahay, basurero, kasambahay, driver, abogado o ano pa man; bilang binyagang Katoliko, tungkulin nating mamuhay nang naaayon sa mga utos ni Jesus at maging kabahagi ng kanyang gawaing pagliligtas. Nagbabala si Cristo na ang Cristianong walang pakialam at pakikibahagi sa mga gawain kanyang Panginoon ay nagiging pabigat at nagkakasala. Sa usapin ng RH Bill, hindi pwedeng “no comment” tayo, dahil alam natin na kung hindi ito mabuti, ito ay masama, at hindi tayo maaaring manahimik sa gitna ng kasamaang ito. Bilang Cristiano, tayo ay tinawag upang makibahagi sa pagsusulong ng katotohanan, kalayaan, at katarungan dahil sa ganitong paraan natin maipakikilala ang Diyos sa lahat. Sa kabilang banda, ang pananahimik at pagpapadala sa maling agos ay tulad din ng pagsasabing, “Wala na tayong pag-asa dahil walang Diyos…bahala na!” Ito ay pag-insulto sa pag-ibig ng Diyos na tumawag sa atin para makibahagi sa kanyang kaganapan. Sa gitna ng kaguluhang at pagkakabaha-bahaging dulot ng RH Bill, kailangan natin manindigan at magkaroon ng panig. Hindi natin gustong marinig mula kay Jesus sa huling araw: “Alam ko ang iyong mga gawa. Hindi ka malamig ni mainit man. Higit na mabuti kung malamig o mainit ka. Ngunit maligamgam ka at hindi malamig ni mainit, kaya isusuka kita sa aking bibig” (Pahayag 3:15-16).

“Sumasampalataya ako…sa banal na Simbahang Katolika…”

Bilang mga Katoliko, ipinahahayag natin ang ating paniniwala sa mga turo ng Simbahang Katolika bilang institusyon na walang ibang nagtatag kundi si Jesus. Pinanampalatayanan natin na ang Iglesyang ito ay ang “haligi at saligan ng katotohanan” (1 Timoteo 3:15), at “ang pintuan ng daigdig ng mga patay ay hindi magtatagumpay laban sa kanya” (Mateo 16:18). Naniniwala tayong ang kanyang mga turo tungkol sa pananampalataya at moralidad ay walang pagkakamali, libo-libong taon man ang lumipas. Tatangkain ng Masama na iligaw ang marami patungo sa mga maling turo, pero hanggang sa huli ay mananatiling tapat ang Esposa ni Cristo – ang Simbahan. Kaya bilang paalaala at babala sa ating lahat, hindi tayo dapat maligaw sa ibang simbahan, kahit pa ito ay nagtataglay ng pangalang “katoliko”. Hindi ganap na basehan ang presensya ng isang obispo o grupo ng mga obispo para masabing sila ay kumakatawan sa Simbahan. Ang kolehiyo, halimbawa, ng mga obispo sa Amerika at sa Canada ay hindi na kumakatawan sa kaganapan ng pananampalatayang Katoliko, at hindi na ganap na kaisa ng  Simbahan. Matatagpuan ang tunay na Simbahan, at ang dalisay na katuruan, kung nasaan ang batong kinatatayuan nito. Kaya may kasabihang, “Ubi Petris, ibi Ecclesia” – Kung nasaan si Pedro, naroon ang Simbahan. Ang tunay na Simbahan ay tumutukoy sa kalipunan ng mga obispo, pari, at mga mananampalataya na may lubos na pakikipag-isa sa Santo Papa. Sinumang Katoliko na tahasang sumasalungat sa sinasampalatayanan ng buong sambahayan ng Diyos ay nagtatakwil sa kanyang sarili bilang Cristiano.

Hindi maitatanggi ang kapintasan ng mga mananampalatayang layko at pari, yayamang sila ay mga tao pa rin. Dahil dito, ang Simbahan ay inaakusahan ng pagiging mapagkunwari. Gayunman, ang bintang na ito ay nagmumula sa kawalan ng alam. Ang Simbahan, bagamat banal dahil sa presensya at pagpuspos ng Espiritu Santo, ay binubuo ng mga taong hindi perpekto. Alam ni Jesus na ang Simbahan ay may bahaging-tao, at marami sa mga kasapi nito ay hindi magiging tapat – gaya ni Judas Iscariote; ang iba naman ay paminsan-minsang maduduwag – tulad ni Pedro at ng mga apostol; habang ang iba ay maiiskandalo sa kanilang makikita at tuluyan nang hihiwalay. Hindi dapat mangyari sa atin ang alinman sa mga ito. Si Cristo lamang ang daan, katotohanan, at buhay, at iisa lang din ang Simbahang itinatag niya sa bato. Sa gitna ng mga iskandalo at mga kontrobersya, dapat nating alalahanin ang tanong ni Pedro, "Panginoon, kanino kami pupunta?" (Juan 6:68) dahil "walang Diyos maliban sa isa" (1 Corinto 8:4). Hindi dahilan ang kasalanan o kahinaan ng mga myembro ng Simbahan para pagdudahan, salungatin, at itakwil natin ito. Hindi ito lipunan ng mga taong hindi marunong magkamali, at kahit na umalis ka dito at bumalik, hindi pa rin mababawasan o madadagdagan ang mga perpektong tao dito dahil tulad mo, ang mga nandito ay may kanya-kanyang antas ng kahinaan.

Dapat ipako natin ang paningin sa mga turo ng Simbahan, sa halip na sa mga bagay na hindi nasusunod ng mga myembro nito. Titigan natin ang kasaysayan ng mga taong tinanghal na kagalang-galang, pinagpala, at banal, sa halip na ubusin ang oras, lakas, at diwa ng pag-asa sa pamimintas sa kakulangan ng iba. Tayo ay mga handog sa loob ng templo na bagamat may karumihan ay walang kakayahang dungisan ang altar. Ang altar na ito ang dumadalisay sa atin, at hindi tayo o sinuman ang makapagpaparumi dito. Kahit ano pa ang kahinaan ng mga namumuno sa Simbahan, hindi nito mababago ang katotohanan na ang boses ng Simbahan ay ang boses ng Diyos. Kaya nagbabala si Jesus tungkol dito: “Ang nakikinig sa inyo ay nakikinig sa akin, at ang di-tumatanggap sa inyo ay di-tumatanggap sa akin” (Lucas 10:16). Hindi natin ito pwedeng pasinungalingan dahil lang ayaw nating sumang-ayon sa turo, pamantayan, at disiplina ng Simbahan.

“Ang bawat tao’y dapat pasakop sa mga pinuno ng pamahalaan” (Roma 13:1).

Sa pangkalahatan, ang gobyerno ay ibinigay ng Diyos para sa ikabubuti ng tao. Ito ang namamahala sa pagpapatakbo ng isang bansa o bayan, sa paggawa at pagpapatupad ng batas, sa kaban ng yaman, at sa mga pangangailangan ng komunidad. Ang pagpapasakop sa pamahalaan ay pakikiisa sa layunin nitong tulungan ang bawat mamamayan na maging produktibo at mabuting kasapi ng lipunan. Kaya nga, kung pinoprotektahan ng Estado ang kalayaang pangrelihiyon, itinuturo naman ng Simbahan ang paggalang sa pamahalaan dahil ito ang kalooban ng Diyos.

“Wala kang anumang kapangyarihan sa akin kung hindi ito ibinigay sa iyo mula sa itaas” (Juan 19:11).

Bagamat ang pamahalaan ay may kapangyarihan sa mga nasasakupan nito, ang kapangyarihang ito ay hindi ganap at hindi nagmumula sa sarili. Ang Saligang Batas ng Pilipinas ay kumikilala sa katotohanang ito at ipinahahayag nito sa panimulang bahagi: “Kami, ang nakapangyayaring sambayanang Pilipino, na humihingi ng tulong sa Makapangyarihang Diyos…” Kinikilala nito ang katotohanan na ang kapangyarihan ng Estado ay nagmumula sa Diyos at hindi ito dapat gamitin para para labagin ang batas ng Diyos mismo.

“Kayo na ang humatol kung ano ang tama sa paningin ng Diyos: ang sumunod sa inyo o sumunod sa Diyos?” (Gawa 4:19)

Makikita natin sa kasaysayan na may mga pagkakataong nakakalimutan ng gobyerno ang pinagmulan at tungkulin nito, kung kaya minsan ay ang Diyos mismo ang kanilang kinakalaban. Sa ganitong mga pagkakataon, magiging kasalanan para sa ating mga Cristiano ang pag-ayon sa pamahalaan dahil nangangahulugan ito ng pagsalungat sa Diyos.

“Hindi maaaring di namin ipahayag ang aming nakita at narinig” (Gawa 4:20).

Tungkulin ng bawat tao na magsabi ng totoo at mamuhay sa katotohanan. Misyon naman ng Simbahan na ipahayag ang tinanggap nitong katotohanan, at tutulan, salungatin, at itama ang anumang kasinungalingan tungkol sa Diyos, sa tao, at sa relasyon ng tao sa Diyos. Ang pananahimik sa gitna ng mga kasinungalingan ay pagtataksil sa tungkuling iniatang ni Jesus na ipangaral ang katotohanan at palayain ang mundo sa pamamagitan nito. Sa liwanag ng Espiritu Santo at ng dalawang-libong taong karunungan ng Simbahan, nakikita natin ang malaking kasinungalingan sa likod ng mapalamuting mga pananalita ng RH Bill. Madali nitong napapaniwala ang karamihan dahil hindi madaling makita ang mga panlilinlang nito. “Pero taglay natin ang isip ni Cristo” (1 Co 2:16) kaya nakikilala natin ang katotohanan at ang kabaligtaran nito saanman natin ito masalubong. Ang pagsalungat at pagbibigay-babala laban sa ganitong panlilinlang at kapahamakan ay pananagutan natin sa Diyos at sa ating kapwa. Kahit ang Cristianong walang kakayahang gamitin ang pisikal na dila para magsalita ay hindi pinapayagang manahimik sa ganitong pagkakataon.

“Ang ahas ang pinakatuso sa lahat ng hayop na nilikha ng Panginoon” (Genesis 3:1).

Sa huli, dapat mag-ingat ang bawat Cristiano laban sa maling akala na siya ay sapat na sa kanyang sarili. Mas tuso si Satanas kaysa sa sinumang tao dito sa lupa. Ang pagkahulog nina Adan at Eba sa bitag ng Masama ay larawan ng sarili nating pagkahulog. Walang sinuman ang maaaring magsabing, “Kung ako ang unang tao, hindi ako malilinlang ng ahas ,” dahil hindi ito totoo. Si Satanas ang dating Lucifer (tagapagdala ng liwanag) kaya taglay niya ang napakataas na antas ng kaalaman at talino na ngayon ay ginagamit niya para ipahamak ang lahat ng taong pwede niyang linlangin. (Magtataka ka pa ba na maraming "matatalino" ang manloloko?) Hindi dapat akalain ninuman na kaya niyang pagtagumpayan ang Masama sa sarili niyang lakas at kakayahan. “Kaya mag-ingat ang may akalang matatag na siya, at baka madapa” (1 Corinto 10:12). “Si Cristo’y tulad ng isang katawan na may maraming bahagi” (1 Corinto 12:12), hindi dapat ihiwalay ng isang mananampalataya ang kanyang sarili dito. Kailangan ng bawat Katoliko ang karunungan at lakas ng buong Simbahan. Ang pagsalungat, at lalo na ang pagtuligsa, sa mga turo nito ay tanda ng siguradong kamalian.

Monday, May 2, 2011

Mga Dapat Mong Malaman Tungkol Sa RH Bill

  1. Ang salitang "reproductive health" ay binigyan ng pangkalahatang pakahulugan ng United Nations, at deretsahang sinasabi ng Amerika na kasama sa reproductive healthcare ang aborsyon. Kaya saanman sa mundo may batas na sumusuporta sa "reproductive healthcare" ng UN, hindi maihihiwalay dito ang aborsyon.
     
  2. Ang konsepto at pagsasabatas ng reproductive healthcare, ayon sa pakahulugan ng RH Bill, ay labag sa Saligang Batas ng Pilipinas, unang-una na dahil ilegal ang aborsyon sa ating bansa. Pero hindi pa yun dun natatapos.
     
  3. Desperado ang mga sumulat ng bersyon ng RH Bill para sa Pilipinas kaya hindi sila nagdalawang-isip na labagin ang karapatan ng mga pamilya at mga samahang pampamilya na makibahagi sa pagbabalangkas at pagpapatupad ng mga polisiya na may kinalaman sa kanila. Tungkulin ng Estado na ang karapatang ito ay ipagtanggol (Art XV, Sec 3, Par 4 of Constitution). Hindi rin sila natakot na matawag na maka-komunista sa pagpapanukala ng batas na lalabag sa kalayaan ng pananalita at pagpapahayag na pinoprotektahan ng Saligang Batas (Art III, Sec 4).
     
  4. Ang Reproductive Health Bill ay hindi tungkol sa reproduction kundi sa pagsugpo dito. Ang pangunahing layunin nito ay pigilan ang pagdadalantao ninuman hanggang maaari; kumbinsihin ang lahat na ang "tamang bilang" ng anak ay dalawa sa bawat mag-asawa (o partners); at doktrinahan ang mga susunod na henerasyon mula sa Grade 5 hanggang fourth year sa high school para mawala na sa kamalayan ng mga susunod na dalawa hanggang tatlong henerasyon ang ideya ng malaking pamilya, at tuluyan na itong maging "imoral" sa paningin ng lipunan. Mind conditioning at brainwashing ang laro ng RH Bill.
     
  5. Ang Reproductive Health Bill ay hindi tungkol sa health. Wala itong pakialam sa anumang panandalian at pangmatagalang panganib ng mga kontraseptibong pamamaraan na isinusulong nito. Kahit ano pa ang sapitin ng mga babae at mga sanggol sa sinapupunan, ang mahalaga sa mga may-akda ay magkaroon ng patuloy na pagbili ng mga contraceptive dahil ito ay tungkol sa "budget". Sa halip na ang libre, ligtas, at epektibong Billing's Ovulation Method na kinikilala ng World Health Organization ang isulong ng RH Bill, ipinagpipilitan nito ang mapanganib, hindi laging epektibo, maaaring makamatay, at may bayad na contraceptives. Bakit kaya?
     
  6. Ang Reproductive Health Bill ay hindi tungkol sa reproduction at hindi rin tungkol sa health; ito ay tungkol sa bill -- sa perang magpapatupad dito. Tungkol ito sa billions of peso bill.
     
  7. Ang idealismo ng pagkakaroon ng dalawang anak lamang sa bawat tahanan ay lumalabag sa autonomiya ng pamilya, at sa karapatan nitong mabuo nang naaayon sa kanilang paniniwalang pangrelihiyon (Art XV, Sec 3, Par 1). Sa pamamagitan ng RH Bill, ang gobyerno ay magiging tagakumbinsi ng mamamayan na ang pagkakaroon ng higit sa dalawang anak ay nangangahulugan ng hindi pakikiisa sa layunin ng pamahalaan na paunlarin ang bansa. Dahil dito, ang pamilyang mayroong higit sa apat na myembro ay maituturing na pabigat sa lipunan.
     
  8. Tungkulin ng Estado na tulungan ang pamilyang Filipino na patatagin ang pagsasama at pagiging buo nito (Art XV, Sec 1), pero sa kabaligtaran, gusto itong wasakin ng RH Bill sa pamamagitan ng pagsasabing ang mga magulang ay walang pakialam sa mga usapin at desisyong sekswal ng kanilang mga anak, kahit pa ang mga ito ay menor de edad; at ang mag-asawa ay walang pakialam sa isa't isa pagdating sa mga usaping reproduktibo at kontraseptibo. Hinahamak nito ang konsepto ng conjugal decision making, parental consent, at family decision.

  9. Ang promosyon ng contraceptives, lalo pa kung ito ay inisyatibo ng pamahalaan, ay lumalabag sa karapatan ng ina at ng sanggol na maipagtanggol ng Estado ang kanilang buhay at kalusugan (Art II, Sec 12). Alam ng mga doktor na ang ilang mga kontraseptibo ay maaaring magdulot ng malubhang mga kondisyon sa babae, at inamin mismo ng Philippine Medical Association na ang birth control pill at ang IUD ay maaaring maging sanhi ng aborsyon. Sa kabila nito, ang mga tagapagsulong ng RH Bill ay hindi nagpapakita na anumang pakialam.

  10. Ipinagpipilitan ng mga tagapagsulong ng RH Bill na ang Simbahan ay nakikialam sa usaping pang-Estado dahil sa mariin nitong pagtutol sa panukalang batas, pero hindi nila binabato ng parehong bintang ang mga relihiyon at sektang umaayon sa kanila tulad ng INC at ibang mga Protestante.

  11. Layunin ng mga sumulat ng RH Bill na agawin mula sa mga magulang ang tungkulin at karapatang magturo sa mga anak ng tungkol sa moralidad ng mga sekswal na gawain; at agawin mula sa Simbahan ang nasasakupan ng relihiyon tulad ng paghubog ng konsensya.

  12. Ang RH Bill ay may dalawang mukha na nagpapahayag ng pagsasalungatan.
    Halimbawa: [1] Sinasabing ito ay pro-choice...pero layunin nitong pilitin ang mga manggagamot na labagin ang kanilang konsensya at sinumpaang tungkulin; ang mga magulang na isuko sa Estado ang kanilang mga karapatan; ang mga amo na ipagwalang-bahala ang kanilang mga paniniwala; ang mga estudyante na paniwalaan ang mga bagay na salungat sa kanilang kinamulatan; ang Simbahan na huwag gawin ang kanyang misyon; ang lahat ng mamamayan na manahimik sa kabila ng naghihimagsik na kalooban; at ang mga sanggol sa sinapupunan na huwag nang ituloy ang buhay. [2] Sinasabi ng RH Bill na kung inaakala ng isang doktor na ang ipinagagawa sa kanya ay masama, pwede niya itong tanggihan basta maghahanap siya ng ibang doktor na gagawa nito para sa kanya. Ibig sabihin, kung pinagnanakaw ka, pwede mong hindi gawin basta siguruhin mong may ibang magnanakaw para sa iyo. [3] Sinasabing ito ay makatutulong sa pagliit ng bilang ng mga kaso ng aborsyon... pero kasama sa mga programa nito ang promosyon ng paggamit ng mga kontraseptibong maaaring maging sanhi ng aborsyon. [4] Isinusulong daw ng RH Bill nang walang diskriminasyon kapwa ang natural family planning at ang artificial contraception...pero bilyong piso ang itinatakda nito para sa mga kontraseptibo, at halos dito na umiikot ang buod ng panukala, samantalang ang NFP ay binanggit lamang para sa paimbabaw na pagpapakita ng balanse o ng tinatawag nilang "choice".

  13. Ang RH Bill ay hindi tungkol sa responsible parenthood kundi sa paggawa ng anumang posibleng paraan para takasan ang natural na konsikwensya ng isang akto. Ito ay tulad ng pagsasabing, "Ang responsableng estudyante ay hindi nagpapahuli pag nangongopya." Sinasabi nitong mas responsable ang pagiging tapat, PERO kung hindi maiiwasang mandaya, huwag na lang magpapahuli. Ayon sa RH Bill, "Pinakamabuting solusyon ang pagpipigil sa sarili, pero kung hindi kayang pigilan ang sarili, basta huwag mabubuntis."

    Kailan pa naging katanggap-tanggap na dahilan ang kawalan ng kakayahang pigilan ang sarili? Ganito ba talaga kababa ang pagtingin nila sa tao? Maaabswelto ba ang isang rapist sa dahilang hindi niya napigilan ang sarili?

  14. Ang RH Bill ay mapanghimasok, walang respeto sa autonomiya ng pamilya, at maka-komunista. Pinanghihimasukan nito ang pagiging magulang; di kinikilala ang karapatan ng pamilya na magpasya nang walang anumang hindi imbitadong impluwensya mula sa gobyerno; at ipinipilit nang may kasamang pananakot ang mga desisyon na hindi dapat sinasakupan at pinakikialaman ng Estado.

  15. Ang RH Bill ang totoong lumalabag sa "separation of Church and State," dahil tinatangka nitong ibigay sa Estado ang gawaing dapat ay sa Simbahan.

  16. Binabalewala ng mga tagapagsulong ng RH Bill ang sinasabi ng maraming mga ekonomista, doktor, psychologist, bioethicist, mga relihiyoso, mga pilosopo, at iba pang mga eksperto tungkol sa kamalian ng panukala. Nakalimutan ng mga mambabatas na hindi nila karapatan at tungkulin na ipagpilitan ang mga panukalang tinututulan ng mga mas nakauunawa kaysa sa kanila.

  17. Ang sumulat ng RH Bill ay mga banyaga kaya wala itong paggalang sa maka-Pilipinong pagpapahalaga. Nagkataon lang na ilegal ang aborsyon sa Pilipinas kaya hindi nila ito hayagang isinama sa panukala, pero ang parehong mga may-akda nito ay naniniwala sa "pangangailangan" ng aborsyon. Ang paborito nilang laro ay "political/legal manipulation" at "propaganda".

  18. Inampon ng RH Bill ang kasinungalingang medikal na nagsasabing ang "conception" ay tumutukoy sa proseso kung saan ang embryo ay kumakapit sa matres (implantation), at hindi sa oras ng pagtatagpo ng sperm cell at egg cell (fertilization). Ginawa nila ito upang pasinungalingan na ang birth control pill at ang IUD ay pumapatay ng tao sa pamamagitan ng aborsyon.