Wednesday, June 15, 2011

Ang RH Bill at ang mga Katoliko

“Ang hindi panig sa akin ay laban sa akin, at ang hindi nagtitipong kasama ko ay nagpapangalat” (Lucas 11:23).

Tayo ay mga Cristiano hindi lamang isang araw sa isang linggo, kundi sa lahat ng araw, oras, at pagkakataon. Hindi mahalaga kung ikaw ay politiko, may-bahay, basurero, kasambahay, driver, abogado o ano pa man; bilang binyagang Katoliko, tungkulin nating mamuhay nang naaayon sa mga utos ni Jesus at maging kabahagi ng kanyang gawaing pagliligtas. Nagbabala si Cristo na ang Cristianong walang pakialam at pakikibahagi sa mga gawain kanyang Panginoon ay nagiging pabigat at nagkakasala. Sa usapin ng RH Bill, hindi pwedeng “no comment” tayo, dahil alam natin na kung hindi ito mabuti, ito ay masama, at hindi tayo maaaring manahimik sa gitna ng kasamaang ito. Bilang Cristiano, tayo ay tinawag upang makibahagi sa pagsusulong ng katotohanan, kalayaan, at katarungan dahil sa ganitong paraan natin maipakikilala ang Diyos sa lahat. Sa kabilang banda, ang pananahimik at pagpapadala sa maling agos ay tulad din ng pagsasabing, “Wala na tayong pag-asa dahil walang Diyos…bahala na!” Ito ay pag-insulto sa pag-ibig ng Diyos na tumawag sa atin para makibahagi sa kanyang kaganapan. Sa gitna ng kaguluhang at pagkakabaha-bahaging dulot ng RH Bill, kailangan natin manindigan at magkaroon ng panig. Hindi natin gustong marinig mula kay Jesus sa huling araw: “Alam ko ang iyong mga gawa. Hindi ka malamig ni mainit man. Higit na mabuti kung malamig o mainit ka. Ngunit maligamgam ka at hindi malamig ni mainit, kaya isusuka kita sa aking bibig” (Pahayag 3:15-16).

“Sumasampalataya ako…sa banal na Simbahang Katolika…”

Bilang mga Katoliko, ipinahahayag natin ang ating paniniwala sa mga turo ng Simbahang Katolika bilang institusyon na walang ibang nagtatag kundi si Jesus. Pinanampalatayanan natin na ang Iglesyang ito ay ang “haligi at saligan ng katotohanan” (1 Timoteo 3:15), at “ang pintuan ng daigdig ng mga patay ay hindi magtatagumpay laban sa kanya” (Mateo 16:18). Naniniwala tayong ang kanyang mga turo tungkol sa pananampalataya at moralidad ay walang pagkakamali, libo-libong taon man ang lumipas. Tatangkain ng Masama na iligaw ang marami patungo sa mga maling turo, pero hanggang sa huli ay mananatiling tapat ang Esposa ni Cristo – ang Simbahan. Kaya bilang paalaala at babala sa ating lahat, hindi tayo dapat maligaw sa ibang simbahan, kahit pa ito ay nagtataglay ng pangalang “katoliko”. Hindi ganap na basehan ang presensya ng isang obispo o grupo ng mga obispo para masabing sila ay kumakatawan sa Simbahan. Ang kolehiyo, halimbawa, ng mga obispo sa Amerika at sa Canada ay hindi na kumakatawan sa kaganapan ng pananampalatayang Katoliko, at hindi na ganap na kaisa ng  Simbahan. Matatagpuan ang tunay na Simbahan, at ang dalisay na katuruan, kung nasaan ang batong kinatatayuan nito. Kaya may kasabihang, “Ubi Petris, ibi Ecclesia” – Kung nasaan si Pedro, naroon ang Simbahan. Ang tunay na Simbahan ay tumutukoy sa kalipunan ng mga obispo, pari, at mga mananampalataya na may lubos na pakikipag-isa sa Santo Papa. Sinumang Katoliko na tahasang sumasalungat sa sinasampalatayanan ng buong sambahayan ng Diyos ay nagtatakwil sa kanyang sarili bilang Cristiano.

Hindi maitatanggi ang kapintasan ng mga mananampalatayang layko at pari, yayamang sila ay mga tao pa rin. Dahil dito, ang Simbahan ay inaakusahan ng pagiging mapagkunwari. Gayunman, ang bintang na ito ay nagmumula sa kawalan ng alam. Ang Simbahan, bagamat banal dahil sa presensya at pagpuspos ng Espiritu Santo, ay binubuo ng mga taong hindi perpekto. Alam ni Jesus na ang Simbahan ay may bahaging-tao, at marami sa mga kasapi nito ay hindi magiging tapat – gaya ni Judas Iscariote; ang iba naman ay paminsan-minsang maduduwag – tulad ni Pedro at ng mga apostol; habang ang iba ay maiiskandalo sa kanilang makikita at tuluyan nang hihiwalay. Hindi dapat mangyari sa atin ang alinman sa mga ito. Si Cristo lamang ang daan, katotohanan, at buhay, at iisa lang din ang Simbahang itinatag niya sa bato. Sa gitna ng mga iskandalo at mga kontrobersya, dapat nating alalahanin ang tanong ni Pedro, "Panginoon, kanino kami pupunta?" (Juan 6:68) dahil "walang Diyos maliban sa isa" (1 Corinto 8:4). Hindi dahilan ang kasalanan o kahinaan ng mga myembro ng Simbahan para pagdudahan, salungatin, at itakwil natin ito. Hindi ito lipunan ng mga taong hindi marunong magkamali, at kahit na umalis ka dito at bumalik, hindi pa rin mababawasan o madadagdagan ang mga perpektong tao dito dahil tulad mo, ang mga nandito ay may kanya-kanyang antas ng kahinaan.

Dapat ipako natin ang paningin sa mga turo ng Simbahan, sa halip na sa mga bagay na hindi nasusunod ng mga myembro nito. Titigan natin ang kasaysayan ng mga taong tinanghal na kagalang-galang, pinagpala, at banal, sa halip na ubusin ang oras, lakas, at diwa ng pag-asa sa pamimintas sa kakulangan ng iba. Tayo ay mga handog sa loob ng templo na bagamat may karumihan ay walang kakayahang dungisan ang altar. Ang altar na ito ang dumadalisay sa atin, at hindi tayo o sinuman ang makapagpaparumi dito. Kahit ano pa ang kahinaan ng mga namumuno sa Simbahan, hindi nito mababago ang katotohanan na ang boses ng Simbahan ay ang boses ng Diyos. Kaya nagbabala si Jesus tungkol dito: “Ang nakikinig sa inyo ay nakikinig sa akin, at ang di-tumatanggap sa inyo ay di-tumatanggap sa akin” (Lucas 10:16). Hindi natin ito pwedeng pasinungalingan dahil lang ayaw nating sumang-ayon sa turo, pamantayan, at disiplina ng Simbahan.

“Ang bawat tao’y dapat pasakop sa mga pinuno ng pamahalaan” (Roma 13:1).

Sa pangkalahatan, ang gobyerno ay ibinigay ng Diyos para sa ikabubuti ng tao. Ito ang namamahala sa pagpapatakbo ng isang bansa o bayan, sa paggawa at pagpapatupad ng batas, sa kaban ng yaman, at sa mga pangangailangan ng komunidad. Ang pagpapasakop sa pamahalaan ay pakikiisa sa layunin nitong tulungan ang bawat mamamayan na maging produktibo at mabuting kasapi ng lipunan. Kaya nga, kung pinoprotektahan ng Estado ang kalayaang pangrelihiyon, itinuturo naman ng Simbahan ang paggalang sa pamahalaan dahil ito ang kalooban ng Diyos.

“Wala kang anumang kapangyarihan sa akin kung hindi ito ibinigay sa iyo mula sa itaas” (Juan 19:11).

Bagamat ang pamahalaan ay may kapangyarihan sa mga nasasakupan nito, ang kapangyarihang ito ay hindi ganap at hindi nagmumula sa sarili. Ang Saligang Batas ng Pilipinas ay kumikilala sa katotohanang ito at ipinahahayag nito sa panimulang bahagi: “Kami, ang nakapangyayaring sambayanang Pilipino, na humihingi ng tulong sa Makapangyarihang Diyos…” Kinikilala nito ang katotohanan na ang kapangyarihan ng Estado ay nagmumula sa Diyos at hindi ito dapat gamitin para para labagin ang batas ng Diyos mismo.

“Kayo na ang humatol kung ano ang tama sa paningin ng Diyos: ang sumunod sa inyo o sumunod sa Diyos?” (Gawa 4:19)

Makikita natin sa kasaysayan na may mga pagkakataong nakakalimutan ng gobyerno ang pinagmulan at tungkulin nito, kung kaya minsan ay ang Diyos mismo ang kanilang kinakalaban. Sa ganitong mga pagkakataon, magiging kasalanan para sa ating mga Cristiano ang pag-ayon sa pamahalaan dahil nangangahulugan ito ng pagsalungat sa Diyos.

“Hindi maaaring di namin ipahayag ang aming nakita at narinig” (Gawa 4:20).

Tungkulin ng bawat tao na magsabi ng totoo at mamuhay sa katotohanan. Misyon naman ng Simbahan na ipahayag ang tinanggap nitong katotohanan, at tutulan, salungatin, at itama ang anumang kasinungalingan tungkol sa Diyos, sa tao, at sa relasyon ng tao sa Diyos. Ang pananahimik sa gitna ng mga kasinungalingan ay pagtataksil sa tungkuling iniatang ni Jesus na ipangaral ang katotohanan at palayain ang mundo sa pamamagitan nito. Sa liwanag ng Espiritu Santo at ng dalawang-libong taong karunungan ng Simbahan, nakikita natin ang malaking kasinungalingan sa likod ng mapalamuting mga pananalita ng RH Bill. Madali nitong napapaniwala ang karamihan dahil hindi madaling makita ang mga panlilinlang nito. “Pero taglay natin ang isip ni Cristo” (1 Co 2:16) kaya nakikilala natin ang katotohanan at ang kabaligtaran nito saanman natin ito masalubong. Ang pagsalungat at pagbibigay-babala laban sa ganitong panlilinlang at kapahamakan ay pananagutan natin sa Diyos at sa ating kapwa. Kahit ang Cristianong walang kakayahang gamitin ang pisikal na dila para magsalita ay hindi pinapayagang manahimik sa ganitong pagkakataon.

“Ang ahas ang pinakatuso sa lahat ng hayop na nilikha ng Panginoon” (Genesis 3:1).

Sa huli, dapat mag-ingat ang bawat Cristiano laban sa maling akala na siya ay sapat na sa kanyang sarili. Mas tuso si Satanas kaysa sa sinumang tao dito sa lupa. Ang pagkahulog nina Adan at Eba sa bitag ng Masama ay larawan ng sarili nating pagkahulog. Walang sinuman ang maaaring magsabing, “Kung ako ang unang tao, hindi ako malilinlang ng ahas ,” dahil hindi ito totoo. Si Satanas ang dating Lucifer (tagapagdala ng liwanag) kaya taglay niya ang napakataas na antas ng kaalaman at talino na ngayon ay ginagamit niya para ipahamak ang lahat ng taong pwede niyang linlangin. (Magtataka ka pa ba na maraming "matatalino" ang manloloko?) Hindi dapat akalain ninuman na kaya niyang pagtagumpayan ang Masama sa sarili niyang lakas at kakayahan. “Kaya mag-ingat ang may akalang matatag na siya, at baka madapa” (1 Corinto 10:12). “Si Cristo’y tulad ng isang katawan na may maraming bahagi” (1 Corinto 12:12), hindi dapat ihiwalay ng isang mananampalataya ang kanyang sarili dito. Kailangan ng bawat Katoliko ang karunungan at lakas ng buong Simbahan. Ang pagsalungat, at lalo na ang pagtuligsa, sa mga turo nito ay tanda ng siguradong kamalian.

No comments:

Post a Comment