Pagkakain nila, tinanong ni Jesus si Simon Pedro, “Simon, anak ni  Juan, iniibig mo ba ako nang higit kaysa mga ito?” “Opo, Panginoon,  nalalaman ninyong iniibig ko kayo,” tugon niya. Sinabi sa kanya ni  Jesus, “Pakanin mo ang aking mga batang tupa.” Muli siyang tinanong ni  Jesus, “Simon, anak ni Juan, iniibig mo ba ako?” “Opo, Panginoon,  nalalaman ninyong iniibig ko kayo.” Ani Jesus, “Pangalagaan mo ang aking  mga tupa.” Pangatlong ulit na tinanong siya ni Jesus, “Simon, anak ni  Juan, iniibig mo ba ako?” Nalungkot si Pedro dahil makaitlo siyang  tinanong: “Iniibig mo ba ako? At sumagot siya, “Panginoon, nalalaman po  ninyo ang lahat ng bagay; nalalaman ninyong iniibig ko kayo.” Sinabi sa  kanya ni Jesus, “Pakanin mo ang aking mga tupa.” (Jn 21:15-17)
Sa tagpong ito ay makikita ang dalawang katotohanan na  pinanampalatayaan ng Simbahan mula pa noong panahon ng mga apostol  hanggang ngayon. Una ay ang espesyal na tungkuling ibinigay ni Jesus kay  Pedro bago siya bumalik sa Ama. Tatlong ulit na tinanong ni Jesus si  Pedro kung iniibig siya nito, hindi dahil pinagdududahan niya ang sagot  nito kundi upang bigyang diin ang pagiging espesyal at “pang-isahan” ng  tungkuling iniaatang sa kanya. Sa oras na iyon ay bumuo si Jesus ng  isang herarkiya ng mga mananampalataya na binubuo ng mga batang tupa, ng  mga tupa, at ng tagapagpakain at tagapangalaga ng lahat. Si Pedro ay  ginawa niyang lingkod ng mga lingkod ng Panginoon. Ang lahat ng  mananampalataya ay lingkod ng Panginoon, pero sila man ay  pinaglilingkuran din ng mga apostol na pinaglilingkuran naman ni Pedro  kasama ng lahat. Hindi itinanong ni Jesus sa lahat, “Iniibig ba ninyo  ako?” O kaya ay sinabi, “Pakanin ninyo at pangalagaan ang aking mga tupa  at mga batang tupa.” Bakit hindi pa nakuntento si Jesus sa salitang  “pangalagaan” samantalang nangangahulugan din naman na kasama sa  pangangalaga ang pagpapakain? At bakit hindi pa siya nakuntento sa  paggamit ng salitang “tupa” at ibinukod pa niya ang mga “batang tupa”.  At bakit pakakainin lang ang mga batang tupa samantalang pangangalagaan  at pakakainin ang mga tupa?
Ano ang ipakakain ni Pedro sa mga batang tupa (mga mananampalataya)?  Katulad din ng ipakakain niya sa mga tupa (mga apostol): ang  katotohanan. Dahil ba hindi pa sapat ang katotohanang tinanggap nila?  Hindi, kundi dahil sa kabila ng pagiging kumpleto ng rebelasyon, ang  kalaliman ng Pananampalataya ay patuloy na daraan sa mahabang pagtuklas.  Patuloy na tutuklasin ng Simbahan ang kalaliman ng misteryo ng kanyang  sarili. Alam ng mga apostol kung ano ang kanilang pinanaligan pero nakay  Pedro ang huling pasya (sa usapin ng pananampalataya at moralidad) sa  mga pagkakataon ng pagkakaiba ng pananaw. Walang nabanggit sa Kasulatan  tungkol sa kahit isang pangyayari na nagsasabing nagkaroon ng hindi  pagkakasundo tungkol sa pananampalataya ang mga apostol dahil mula nang  isinilang ang Simbahan hanggang sa kamatayan ng lahat ng mga apostol,  iisang Espiritu ang kanilang sinusundan. Nangyari lang ang mga  salungatan noong may ilang mga taong nagtangkang ipilit ang sarili  nilang mga opinyon sa usapin ng pananampalataya. Ganun pa man, lininaw  ang mga usaping ito sa unang konseho ng Simbahan, at patuloy itong  nangyayari tuwing may ilang mga taong gustong palitan ng sarili nilang  mga opinyon ang katotohanang ipinahahayag ng mga inatasang magpahayag  nito. Marami ang mga pagkaing nakahain na maaaring kanya-kanyang piliin  ng mga mananampalataya; ang tungkulin ni Pedro, at ng mga kapalit niya  sa Upuan, ay ibigay lamang sa lahat ng tupa kung ano ang dapat—ang  pagkaing nagdadala ng buhay sa kawan ni Jesus.
Paano pangangalagaan ni Pedro ang mga tupa? Hindi ba’t pare-pareho  naman silang mga apostol, bakit kailangang may tagapangalaga pa? Tulad  ng nabanggit, si Jesus ay bumuo ng herarkiya sa pamamagitan ng mga  salitang ito. Ang pangulo ng Pilipinas, bagamat siya ang may huling  salita sa mga isyu tungkol sa bansa, hindi ito nangangahulugan na hindi  siya lider kasama ng iba pang mga lider; hindi rin dahil siya ang  presidente, hindi na siya mamamayan kasama ng lahat ng mamamayan. Ang  pagkakaiba niya lang sa lahat ay ang kanyang tungkulin at  kapangyarihan—ibig sabihi’y karapatang magpasya para sa kabuuan ng  bansa. Si Pedro, bagamat tagapangalaga ng mga apostol, siya ay isa din  sa kanila; at kahit na siya ay tagapagpakain ng mga mananampalataya,  siya rin ay kapwa manananampalataya. Pero kung paanong may dalawang paa,  dalawang kamay at isang ulo ang tao, ang Simbahan na siyang Katawan ni  Cristo ay may iisa ring ulo—si Jesus—na kinakatawan ni Pedro at ng mga  sumunod sa kanya. Tulad ng Israel na bagamat teyokratiko ay may isang  tagapamunong nakikita, ganun din ang Simbahan, bagamat mistkong Katawan  ni Cristo, ay binubuo ng nakikitang mga tao at tagapangalaga.
Inatasan si Pedro na pangalagaan ang mga tupa ni Jesus sa paraang una  ng sinabi sa kanya: “Idinalangin ko na huwag lubusang mawala ang iyong  pananampalataya. At kapag nagbalik-loob ka na, patatatagin mo ang iyong  mga kapatid” (Lk 22:32). Ang pangangalaga ni Pedro ay sa paraang  magpapatatag sa pananampalataya ng mga kapatid. Sa bahaging ito ng  kanyang tungkulin, kailangan niyang siguruhin na walang mga apostol  (obispo) ang tatalikod at magtuturo ng “ibang ebanghelyo”; o kung  mangyari man ito, kailangan niyang siguruhin na ang kabuuan ng kolehiyo  ng mga tapat na apostol ay manatili ring tapat sa Pananampalatayang  ipinasa sa kanila at magkaisa sa lahat ng usapin ng pananampalataya. Sa  madaling salita, si Pedro, at ang mga kasunod niya, ay ang nakikitang  ulo ng Simbahan, kinatawan ni Cristo sa lupa, tagapagkaisa sa  pamamagitan ng iisa at hindi nababagong katuruan, at sa pamamagitan ng  pagpapatatag sa lahat.
Ikalawang katotohanan na nakikita natin sa usapang ito sa pag-itan  nina Jesus at Pedro ay ang pagiging Diyos ni Jesus, na pilit namang  itinatanggi ng mga taong nagsasabing sinasamba nila sa Cristo pero hindi  siya Diyos. Bagamat ikinalungkot ni Pedro ang tatlong beses na  pagtatanong sa kanya ni Jesus ng pareho ding tanong, dito naman  ipinahayag ng Diyos sa pamamagitan ng bibig ni Pedro ang tunay na  kalikasan ni Jesus. Sa unang dalawang sagot ni Pedro, sinabi niya, “Opo,  Panginoon, nalalaman ninyong iniibig ko kayo.” Maaaring alam nga ni  Jesus na mahal siya ni Pedro dahil nababasa niya ang isip at intensyon  nito, o dahil sa isang karanasan ng pagpapatunay ng pag-ibig nito sa  kanya. Pero higit pa sa sikolohiyang kakayahan ang ipinahayag ni Pedro  tungkol kay Jesus. “Panginoon, nalalaman po ninyo ang lahat ng bagay;  nalalaman ninyong iniibig ko kayo.” Ang pagkaalam sa lahat ng bagay ay  katangiang Diyos lamang ang nagtataglay. Ang pahayag na ito ni Pedro,  bagamat parang bagong paghahayag ng isang katotohanan, ay matagal nang  alam ng mga apostol. Ginamit lang ito ni Pedro dahil tatlong beses siya  tinanong ni Jesus gayong alam naman nilang lahat na alam niya ang lahat  ng bagay. Pinatunayan ni Jesus ang katotohanang ito noong una pa lang  nang sinabi niya kay Natanael, “Bago ka pa tawagin ni Felipe, nakita na  kita nang ikaw ay nasa ilalim ng puno ng igos” (Jn 1:48). Marami pang  pagkakataon na ipinakita ni Jesus na alam niya ang lahat ng bagay,  maging ang nasa puso ng bawat isang tao.
Ang mga ito ay ilan lamang sa mga katotohanang lantarang nababasa sa  Kasulatan pero nakatago sa iba ang kahulugan, dahil totoo sa marami ang  hula ni Isaias: “Makinig man kayo nang makinig ay hindi kayo makauunawa,  at tumingin man kayo nang tumingin ay hindi kayo makakikita” (Is 6:9).
 
Hi. I am looking for Filipino Catholic bloggers. I hope you don't mind that I've added your site in my blogroll.
ReplyDeleteOk, we'll help each other's site and faith that way. Thanks!
ReplyDeleteHi! i also added you to my linked sites. Thanks
ReplyDeleteThanks, Fr. Chito!
ReplyDelete