Sunday, July 1, 2007

Kasalanan Ba?

Isa sa mga paraan ng panlilinlang na ginagawa ng demonyo ay ang paglalagay sa isip ng tao ng tanong na “Kasalanan ba?” Alam ng dyablo kung ang pagkakilala natin sa kasalanan ay pang-ibabaw lang. Kaya sa kanyang panunukso ay pinaniniwala niya ang tao na hindi masama ang kanyang mga mungkahi sa pamamagitan ng tanong na ito. Hinahayaan niyang tayo ang magdesisyon habang sinasamantala niya ang kawalan natin ng pagkaunawa. Sa mapanlinlang na paraan ay sasabihin niya, “Sinabi ng Diyos na huwag mong pagnasaan ang asawa ng iba kaya hindi mo ito dapat gawin.” Pero sa pamamagitan din ng ating mahinang isip ay maglalagay siya ng pagdududa sa pagsasabing, “Ang sinabi ng Diyos ay huwag mong pagnasaan ang asawa ng iyong kapwa, kasalanan bang magnasa sa walang asawa?” Naalala ko ang katwirang sinabi sa akin ng isang kakilalang babae tungkol sa pakikipagtalik sa hindi asawa. Inamin niyang masamang makiapid sa asawa ng iba pero ayos lang kung wala naman itong asawa. Sa pananamit din, halimbawa, madalas na maririnig ang buong pagmamatuwid na pangangatwiran ng ilang mga babae: “Nasa tao yun, kung talagang masama ang isip, kahit balot na balot, huhubaran nun sa tingin.” Tuso ang demonyo at hindi tayo mananalo sa kanya kung hindi natin alam kung paano, at kung handang-handa nating gawin ang kahit anong maibigan natin na ang tanging pamantayan ng pagiging mabuti o masama ay ang tanong na “kasalanan ba?” “Kasalanan bang magsuot ng damit na nagiging dahilan ng kawalan ng respeto sa kapwa kung ang sinasabi naman ng Diyos ay masama ang pagtingin nang may mahalay na pagnanasa?” Sa tanong na ito ay maraming sasagot sa kanilang sarili ng “Oo nga, ang masama ay ang pagtingin sa babae nang may malisya, hindi ang pagsusuot ng gusto kong damit.” May mangangatwiran pa ng ganito: “Utos yan tungkol sa mga lalaki; kung ang babae ang titingin nang may kahalayan, walang utos laban dun.” May mga nagsasabi rin, “Hindi masama kung napatingin ka lang, ang masama e kung liningon mo ulit; kaya sa unang pagkakita pa lang, titigan mo na dahil masama na yung pangalawa.” Ganito rin ang isyung binigyang linaw ni Apostol Pablo—tungkol ito sa hindi tamang paggamit ng kalayaan. Kasalanan nga bang gamitin ang kalayaan kung sinasabing tinawag tayo upang maging malaya (cf. Ga 5:13)? Sa isang sulat ay nagbigay si Pablo ng halimbawa ng kaisipan ng mga taong nalilinlang ng demonyo. Sinasabi nila, “Ano’t ang kalayaan ko ay hahadlangan ng budhi ng iba?” (1 Co 10:29). Madali tayong mapaglalangan ng Masama at malinlang ng ating sariling budhi dahil sa kahandaan nating gumawa ng kahit ano alang-alang sa kasiyahang huwad na iniaalok sa atin ng mundo at ni Satanas, sa halip na maging handa sa paggawa ng tama at mabuti, at sa pagiging masigasig sa pagkilala sa Diyos at sa kanyang kalooban.

Ang tanong na “kasalanan ba” na nabubuo sa ating isip dahil sa ating pagkahirati sa pagpapalayaw sa sarili, at dahil sa hindi natin nakikilalang pang-iisa ng dyablo, ay nagtutulak sa atin sa pagkakaroon ng kaisipang “samantalahin lahat ng pwede.” Dahil din dito ay unti-unti tayong nagiging manhid sa kung ano nga ba ang tama at mali. Sa ganitong sitwasyon, ang tulad natin ay isang taong nagmamaneho nang buong tulin pero naniniwalang wala siyang ginagawang masama dahil hindi naman siya nagpapakamatay o nananagasa. Ang paglalagay sa panganib ng sariling buhay at ng buhay ng iba ay kasalanan na sa kanyang sariling dahilan pa lang, lalo pa kung ang layunin nito ay bigyang-layaw lang ang sarili. Kung ang mga pari o mga madre na matitingkad na larawan ng kapayapaan ni Jesus ay makikitaan ng uri ng paglilibang na gumagamit ng mga bagay na salungat sa kapayapaan at buhay tulad ng baril o patalim, hindi kaya sila nagkakasala sa dahilang hindi naman nila ito ginagamit sa tao? Sapat na ang iskandalong dulot ng kanilang gawa para masabing nagkakasala sila. Ang kasalanan ay hindi lamang pagpatay, pagnanakaw, pakikiapid, o ang mga kasama nito; ang kasalanan ay lahat ng pagsalungat sa kalooban ng Diyos. Kaya ang sinumang gustong maging matapat sa kanyang bokasyon at relasyon sa Diyos ay hindi dapat magpalinlang sa tanong na “kasalanan ba?” Ang layunin ng mga lingkod ng Diyos ay matupad ang kanyang kalooban, kaya sa kanilang pagpapasya ay hindi kasama ang tanong na ito, kundi ang patuloy na pagtatanong sa sarili, “Kalooban ba ito ng Diyos?” Kasabay ng tanong na ito ay ang aktibong pagkilala sa kalooban ng Diyos sa pamamagitan ng pagbasa sa sariling kasaysayan sa liwanag ng Salita ng Diyos.

Wednesday, June 27, 2007

Magulang

Una sa lahat, ang pagiging kamanlilikha ng Diyos ay hindi karangalan at kapangyarihang nagmumula sa tao kundi isang prebilehiyo at libreng kaloob mula sa Diyos. Kasama nito, ang mga anak ay regalong tinanggap ng mga magulang galing sa Lumikha. Sa makatwid, walang anak ang pagmamay-ari ng sinumang magulang kundi nasa ilalim lamang ng kanilang pangangalaga at pananagutan. Ang mga magulang ay katiwala ng Diyos sa Kanyang mga anak kung paanong ang tao ay tagapamahala niya sa lahat ng mga bagay sa mundo. Kung paanong hindi maaaring gawin ng tao ang lahat ng maibigan niya na para bang pag-aari niya ang mundo, hindi rin maaaring gawin ng mga magulang ang anumang maisipan nila sa mga anak na para bang sila ang may-ari ng mga ito. Ang totoo, walang sinuman ang may-ari ng kanyang kapwa; ang lahat ay tagapangalaga ng isa’t-isa.

Ikalawa, bukod sa pagiging katiwala at tagapangalaga ng mga anak ng Diyos, ang mga magulang ay may tungkulin din at pananagutan na ipaabot ang pag-ibig ng Diyos sa Kanyang mga anak. Dahil hinatian ng Diyos ang mga magulang ng Kanyang pagiging Ama (at Ina), inaasahan niyang ang mga ama ang magpapakita ng Kanyang pag-ibig bilang ama, at ang mga ina ang magpapahayag ng Kanyang maka-inang pag-ibig sa pamamagitan ng kanilang pagkalinga at pagmamahal sa kani-kanilang mga anak. Matuwid lamang at  marapat na tanungin ng mga magulang ang kanilang sarili bawat sandali, “Ipinahahayag ko ba ang pag-ibig ng Diyos sa ginagawa ko? Kung ang Diyos ang nasa lugar ko, ganito ba ang gagawin niya?” Pinarurusahan ba tayo ng Diyos dahil sa bugso ng kanyang damdamin? Mas ipinapakita ba niya ang galit kaysa pagmamahal? Natatakot ba tayo sa kanya dahil siya ay mapagparusa o dahil natatakot tayong makita ang ating mga kasalanan sa liwanag.ng kanyang pagmamahal? Kung ano ang ginagawa ng mga magulang sa kanilang mga anak, ito ang ipinahahayag nila bilang pag-ibig at katangian ng Diyos, at ito rin sa kanilang mga puso ang pinaniniwalaan nilang ginagawa sa kanila ng Diyos. Kung pinagmamalupitan ng magulang ang kanyang anak, nangangahulugan na nakikita niya rin ang kanyang sariling buhay bilang pagmamalupit ng Diyos, at ipinahahayag din niya sa kanyang anak na ang Diyos ay Diyos ng kalupitan. Sa kabaligtaran, ang magulang na mapagmahal at mahinahon ay nagpapatunay ng kanyang sariling karanasan tungkol sa pag-ibig ng Diyos, at sa gayon ay nagpapahayag din sa kanyang anak ng isang katotohanan na ang Diyos ay pag-ibig.

Ikatlo, tungkulin ng mga magulang na imulat ang mga anak sa kalooban ng Diyos, at hindi sa kanilang makasariling kalooban. Ang buhay ng tao ay may iisang layunin—ang kalooban ng Diyos. Dalawa lang ang uri ng desisyon sa buhay: sang-ayon o salungat sa kaloobang ito. Habang ang isang magulang ay nabubuhay, responsibilidad niyang itutok ang direksyon ng kanyang anak patungo sa Diyos, at gagawin niya ito sa pamamagitan ng sariling buhay bilang halimbawa, pangangaral, panalangin, at sakripisyo; hindi sa pananakot o pamimilit. Ang pagmumulat ng magulang sa anak tungkol sa kalooban ng Diyos sa paraang hindi nararapat ay pagkakasala sa anak na sana ay nakaunawa kung tama ang ginagawa ng magulang; at pagkakasala sa Diyos na siniraan sa harap ng kanyang anak sa pamamagitan ng maling gawain ng magulang.

Ang pagiging magulang ay isang marangal na tungkulin na karapat-dapat sa malalim na pagrespeto at mataas na pagtingin ng mga anak at mismong ng mga magulang. Ito ay pakikibahagi sa karangalan ng Diyos, sa kanyang kapangyarihan bilang manlilikha at tagakalinga ng kanyang mga anak. Ang mga magulang ang unang-unang dapat na matutong kumilala at gumalang sa karangalang ito, at sa gayon ay maituro nila sa kanilang mga anak kung paanong maging magulang, at sa huli ay makilala nila ang Diyos na tunay nilang Ama.

Friday, June 22, 2007

Bakit Kailangan Ko ang Diyos?

Minsan, iniisip ko, “Bakit nga ba umiikot ang buhay ko sa pagsasaalang-alang kung ano ang kalooban ng Diyos para sa akin araw-araw?” Sa lahat ng oras at gawain, pangkaraniwan man o espesyal, sa paggawa man ng mabuti o sa pagkakasala, bakit nga ba nasa isip ko lagi ang Diyos? Noong nasa teenage years ako, madalas akong magka-crush o magkaroon ng isang kaibigan na itinuturing kong espesyal. Tuwing may binibili ako sa mga supermart, laging una sa isip ko, “Ano kaya ang pwede kong bilhin para sa kanya?” Ganun din sa ibang mga gawain, nandun lagi ang pagsasaalang-alang kung ano ang iisipin, sasabihin, o maramdaman ng taong iyon tungkol sa gagawin ko. Noong naging mulat ako sa pagkilos ng Diyos sa aking buhay, hindi na naging madali, o possible man lang, na balewalain ang kalooban niya. Totoong mas madalas, ang kalooban ko ang sinusunod ko sa kabila ng katotohanang  wala isa man saglit na nawala sa isip ko ang presensya ng Diyos sa buhay ko, at ang kamulatan tungkol sa kanyang kalooban. Pero kasabay din ng mga pagtatangkang magsarili—ng pagsasabing mas alam ko kung ano ang makakabuti sa akin—ay ang kawalan ng tunay na kaligayahan o satispaksyon. Oo, pwede kong gawin ito o iyan, walang pipigil sa akin, pero ang tanong ay "Totoo bang nasiyahan ako?" Madali nating masabi sa sarili na “Oo, masaya ako!” “Masaya ako na nagantihan ko na ang kaaway ko!” “Masaya ako na namatay na yung nang-api sa akin!” “Masaya ako dahil nagsawa na ng kasisingil yung pinagkakautangan ko!” Madaling dayain ang sarili tungkol sa mga bagay na gusto nating mangyari. Dahil sa katotohanang walang tunay na kaligayahang hiwalay sa kalooban ng Diyos, matuwid lang na hindi ito alisin sa isip, dahil ang pagtalikod dito ay pagtalikod sa tunay na kaligayahan

Madalas, madali para sa iba ang sabihing nilikha nga tayo ng Diyos, biniyayaan ng mga likas na yaman, ng lakas at isip na maaaring pagyamanin, pero hanggang doon na lang ang kaugnayan natin sa Diyos. Inaakala natin na ang kaligayahan ay nakasalalay sa pagamit natin ng kalayaan at ng mga biyaya ng Diyos sa paraang gusto natin. May mga nag-iisip na hindi ito matatawag na kalayaan kung may limitasyon, pero ang tunay na kalayaan ay ang kakayahang supilin ang sarili. Kung hindi ka nga alipin ng ibang tao pero hindi mo naman magawang makalaya sa sariling emosyon, kayabangan, at masasamang kaisipan, higit ka pang alipin kaysa mga taong inaalipin ng kanilang kapwa. Hindi madalang na naririnig ang linyang “Kung gugustuhin ko, kaya ko!” Isa itong pangungusap ng pagtanggi sa katotohanan ng pagiging alipin. Sa likod ng mga salitang ito ay ang mensaheng nagsasabing “Kontrolado ko ang sarili ko, hindi ako alipin.” Pero gaano katotoo ang pahayag na ito? Kung talagang kontrolado ng isang tao ang kanyang sarili, loloobin niyang lagi na piliin at gawin ang mabuti dahil ang masama ay labag sa tunay na kalooban at kalikasan ng sarili—kaya nga ito tinawag na masama. Sa makatwid, kung gumagawa ka ng hindi mabuti, alipin ka ng hindi mabuting bahagi ng iyong sarili. Madaling sabihing “Kaya ko itong gawin kung gugustuhin ko,” pero ang tanong ay hindi “Gusto mo ba?” kundi “Kaya mo bang gustuhin?” Ipagpalagay na kaya mong gawin kung gugustuhin mo, pero ang katotohanan na hindi mo ito ginugustong gawin ay nagpapakita na hindi mo ito kayang gustuhin.

Kailangan ng tao ang Diyos hindi lang dahil siya ang lumikha sa lahat at nagbibigay ng mga materyal na biyaya, o dahil sa katotohanang titigil sa pag-iral ang tao kung mawawala siya sa isip ng Diyos, kundi higit sa lahat ay dahil ang Diyos ang tunay na dahilan, layunin, at hantungan ng buhay ng tao. Mauuwi sa wala ang bawat araw na ginugol ng tao sa mundo kung hindi niya kikilalanin ang Diyos bilang nag-iisang kahulugan ng kanyang buhay. Ang lahat ay magiging kapahamakan gaano man ito kaganda at kabuti sa paningin niya. Hindi opsyon ang Diyos kung paanong hindi opsyon ang paghinga at pagdaloy ng dugo para magkaroon ng buhay. Hindi man lahat ay mulat, hindi rin mababago ang katotohanan na ang hinahanap ng ating pagkatao ay ang kasiyahan at buhay na walang katapusan, dahil ito ang pagkauhaw ng ilinagay ng Diyos sa ating puso—pagkauhaw na siya rin ang papawi sa pamamagitan ng pagbibigay ng kanyang sarili—ng tunay na buhay at kasiyahan.

Sunday, May 27, 2007

Simon, iniibig mo ba ako?

Pagkakain nila, tinanong ni Jesus si Simon Pedro, “Simon, anak ni Juan, iniibig mo ba ako nang higit kaysa mga ito?” “Opo, Panginoon, nalalaman ninyong iniibig ko kayo,” tugon niya. Sinabi sa kanya ni Jesus, “Pakanin mo ang aking mga batang tupa.” Muli siyang tinanong ni Jesus, “Simon, anak ni Juan, iniibig mo ba ako?” “Opo, Panginoon, nalalaman ninyong iniibig ko kayo.” Ani Jesus, “Pangalagaan mo ang aking mga tupa.” Pangatlong ulit na tinanong siya ni Jesus, “Simon, anak ni Juan, iniibig mo ba ako?” Nalungkot si Pedro dahil makaitlo siyang tinanong: “Iniibig mo ba ako? At sumagot siya, “Panginoon, nalalaman po ninyo ang lahat ng bagay; nalalaman ninyong iniibig ko kayo.” Sinabi sa kanya ni Jesus, “Pakanin mo ang aking mga tupa.” (Jn 21:15-17)

Sa tagpong ito ay makikita ang dalawang katotohanan na pinanampalatayaan ng Simbahan mula pa noong panahon ng mga apostol hanggang ngayon. Una ay ang espesyal na tungkuling ibinigay ni Jesus kay Pedro bago siya bumalik sa Ama. Tatlong ulit na tinanong ni Jesus si Pedro kung iniibig siya nito, hindi dahil pinagdududahan niya ang sagot nito kundi upang bigyang diin ang pagiging espesyal at “pang-isahan” ng tungkuling iniaatang sa kanya. Sa oras na iyon ay bumuo si Jesus ng isang herarkiya ng mga mananampalataya na binubuo ng mga batang tupa, ng mga tupa, at ng tagapagpakain at tagapangalaga ng lahat. Si Pedro ay ginawa niyang lingkod ng mga lingkod ng Panginoon. Ang lahat ng mananampalataya ay lingkod ng Panginoon, pero sila man ay pinaglilingkuran din ng mga apostol na pinaglilingkuran naman ni Pedro kasama ng lahat. Hindi itinanong ni Jesus sa lahat, “Iniibig ba ninyo ako?” O kaya ay sinabi, “Pakanin ninyo at pangalagaan ang aking mga tupa at mga batang tupa.” Bakit hindi pa nakuntento si Jesus sa salitang “pangalagaan” samantalang nangangahulugan din naman na kasama sa pangangalaga ang pagpapakain? At bakit hindi pa siya nakuntento sa paggamit ng salitang “tupa” at ibinukod pa niya ang mga “batang tupa”. At bakit pakakainin lang ang mga batang tupa samantalang pangangalagaan at pakakainin ang mga tupa?
Ano ang ipakakain ni Pedro sa mga batang tupa (mga mananampalataya)? Katulad din ng ipakakain niya sa mga tupa (mga apostol): ang katotohanan. Dahil ba hindi pa sapat ang katotohanang tinanggap nila? Hindi, kundi dahil sa kabila ng pagiging kumpleto ng rebelasyon, ang kalaliman ng Pananampalataya ay patuloy na daraan sa mahabang pagtuklas. Patuloy na tutuklasin ng Simbahan ang kalaliman ng misteryo ng kanyang sarili. Alam ng mga apostol kung ano ang kanilang pinanaligan pero nakay Pedro ang huling pasya (sa usapin ng pananampalataya at moralidad) sa mga pagkakataon ng pagkakaiba ng pananaw. Walang nabanggit sa Kasulatan tungkol sa kahit isang pangyayari na nagsasabing nagkaroon ng hindi pagkakasundo tungkol sa pananampalataya ang mga apostol dahil mula nang isinilang ang Simbahan hanggang sa kamatayan ng lahat ng mga apostol, iisang Espiritu ang kanilang sinusundan. Nangyari lang ang mga salungatan noong may ilang mga taong nagtangkang ipilit ang sarili nilang mga opinyon sa usapin ng pananampalataya. Ganun pa man, lininaw ang mga usaping ito sa unang konseho ng Simbahan, at patuloy itong nangyayari tuwing may ilang mga taong gustong palitan ng sarili nilang mga opinyon ang katotohanang ipinahahayag ng mga inatasang magpahayag nito. Marami ang mga pagkaing nakahain na maaaring kanya-kanyang piliin ng mga mananampalataya; ang tungkulin ni Pedro, at ng mga kapalit niya sa Upuan, ay ibigay lamang sa lahat ng tupa kung ano ang dapat—ang pagkaing nagdadala ng buhay sa kawan ni Jesus.

Paano pangangalagaan ni Pedro ang mga tupa? Hindi ba’t pare-pareho naman silang mga apostol, bakit kailangang may tagapangalaga pa? Tulad ng nabanggit, si Jesus ay bumuo ng herarkiya sa pamamagitan ng mga salitang ito. Ang pangulo ng Pilipinas, bagamat siya ang may huling salita sa mga isyu tungkol sa bansa, hindi ito nangangahulugan na hindi siya lider kasama ng iba pang mga lider; hindi rin dahil siya ang presidente, hindi na siya mamamayan kasama ng lahat ng mamamayan. Ang pagkakaiba niya lang sa lahat ay ang kanyang tungkulin at kapangyarihan—ibig sabihi’y karapatang magpasya para sa kabuuan ng bansa. Si Pedro, bagamat tagapangalaga ng mga apostol, siya ay isa din sa kanila; at kahit na siya ay tagapagpakain ng mga mananampalataya, siya rin ay kapwa manananampalataya. Pero kung paanong may dalawang paa, dalawang kamay at isang ulo ang tao, ang Simbahan na siyang Katawan ni Cristo ay may iisa ring ulo—si Jesus—na kinakatawan ni Pedro at ng mga sumunod sa kanya. Tulad ng Israel na bagamat teyokratiko ay may isang tagapamunong nakikita, ganun din ang Simbahan, bagamat mistkong Katawan ni Cristo, ay binubuo ng nakikitang mga tao at tagapangalaga.

Inatasan si Pedro na pangalagaan ang mga tupa ni Jesus sa paraang una ng sinabi sa kanya: “Idinalangin ko na huwag lubusang mawala ang iyong pananampalataya. At kapag nagbalik-loob ka na, patatatagin mo ang iyong mga kapatid” (Lk 22:32). Ang pangangalaga ni Pedro ay sa paraang magpapatatag sa pananampalataya ng mga kapatid. Sa bahaging ito ng kanyang tungkulin, kailangan niyang siguruhin na walang mga apostol (obispo) ang tatalikod at magtuturo ng “ibang ebanghelyo”; o kung mangyari man ito, kailangan niyang siguruhin na ang kabuuan ng kolehiyo ng mga tapat na apostol ay manatili ring tapat sa Pananampalatayang ipinasa sa kanila at magkaisa sa lahat ng usapin ng pananampalataya. Sa madaling salita, si Pedro, at ang mga kasunod niya, ay ang nakikitang ulo ng Simbahan, kinatawan ni Cristo sa lupa, tagapagkaisa sa pamamagitan ng iisa at hindi nababagong katuruan, at sa pamamagitan ng pagpapatatag sa lahat.

Ikalawang katotohanan na nakikita natin sa usapang ito sa pag-itan nina Jesus at Pedro ay ang pagiging Diyos ni Jesus, na pilit namang itinatanggi ng mga taong nagsasabing sinasamba nila sa Cristo pero hindi siya Diyos. Bagamat ikinalungkot ni Pedro ang tatlong beses na pagtatanong sa kanya ni Jesus ng pareho ding tanong, dito naman ipinahayag ng Diyos sa pamamagitan ng bibig ni Pedro ang tunay na kalikasan ni Jesus. Sa unang dalawang sagot ni Pedro, sinabi niya, “Opo, Panginoon, nalalaman ninyong iniibig ko kayo.” Maaaring alam nga ni Jesus na mahal siya ni Pedro dahil nababasa niya ang isip at intensyon nito, o dahil sa isang karanasan ng pagpapatunay ng pag-ibig nito sa kanya. Pero higit pa sa sikolohiyang kakayahan ang ipinahayag ni Pedro tungkol kay Jesus. “Panginoon, nalalaman po ninyo ang lahat ng bagay; nalalaman ninyong iniibig ko kayo.” Ang pagkaalam sa lahat ng bagay ay katangiang Diyos lamang ang nagtataglay. Ang pahayag na ito ni Pedro, bagamat parang bagong paghahayag ng isang katotohanan, ay matagal nang alam ng mga apostol. Ginamit lang ito ni Pedro dahil tatlong beses siya tinanong ni Jesus gayong alam naman nilang lahat na alam niya ang lahat ng bagay. Pinatunayan ni Jesus ang katotohanang ito noong una pa lang nang sinabi niya kay Natanael, “Bago ka pa tawagin ni Felipe, nakita na kita nang ikaw ay nasa ilalim ng puno ng igos” (Jn 1:48). Marami pang pagkakataon na ipinakita ni Jesus na alam niya ang lahat ng bagay, maging ang nasa puso ng bawat isang tao.

Ang mga ito ay ilan lamang sa mga katotohanang lantarang nababasa sa Kasulatan pero nakatago sa iba ang kahulugan, dahil totoo sa marami ang hula ni Isaias: “Makinig man kayo nang makinig ay hindi kayo makauunawa, at tumingin man kayo nang tumingin ay hindi kayo makakikita” (Is 6:9).