Nakita ko sa dalawang Facebook pages ang parehong "pasted  comment" na ito kaya pareho kong iniwanan ng sagot. Sa ibaba ay ang  buong teksto:
NO to RH Bill, NO to Culture of Death
 Anti RH Bill 
Bet Dapapac: 
"Ang Pilipinas Ngayon..." 
-Ikalabingapat na Yugto: Ang Pagbabalik ng mga Prayle... 
Simula po nung maliit ako, hinubog po ako ng aking ama at ina na  lumaki bilang isang mabuting Kristyano at anak ng Diyos. Sa awa ng Diyos  ay nadala ko po yun sa aking paglaki hanggang sa ngayon.
...
Kasabay nun ay tinuruan din nila ako at hinubog bilang isang maging  mabuting mamamayan at isang mabuting Pilipino. Katulad sa unang itinuro  sakin ay nadala ko rin po yun sa aking paglaki.
Tinuro rin po sa akin, ang isang napakahalagang bagay na kailanman ay  dapat kong isaisip at tandaan. Ang huwag manghimasok sa buhay ng ibang  tao, at makialam ng pag-aari o kaya ng buhay ng iba.
Ito pong ginagawang mga hakbangin ng Simbahang Katolika sa ating  bansa ukol sa pagtuligsa sa RH Bill o ang Responsible Parenthood Act ay  naririnig, nababasa at napapanood na natin sa mga pahayagan, radyo at  telebisyon sa loob ng mahigit na isang taon na mula nang gumulong ang  panukalang batas na ito sa Konggreso. At kung anu-ano na po ang  ibinabatong mga maaanghang na komento at debate ng magkabilang panig  ukol sa Isyu na ito.
Kung sa bagay, may karapatan po ang mga kaparian at ang Simbahan na  magpahayag ng damdamin at saloobin ukol sa mga nagaganap sa bansa natin,  bilang isang mabuti at nagmamalasakit na mamamayan ng Pilipinas.At  bilang isang alagad ng Diyos, karapatan din po nilang magpahayag ng mga  bagay, alang-alang sa ikabubuti na rin ng mga mamamayan bilang isang  mabuting Kristyano at anak ng Diyos.
Pero, ibang usapan na po yata kung ang mga kaparian po natin at ang  Simbahan ay nanghihimasok na sa mga aktibidades ng pamahalaan po natin,  na alam naman po nating lahat na ang mga kawani ng pamahalaan po lamang  ang maaring makialam. Kasi po sa ginagawang aksyon ng mga taong ito, ay  tila nakakalimutan na po yata nila na may napakanipis na linyang  naghahati sa Simbahan at sa pamahalaan...Na kung lalagpas po sila sa  linyang yun, eh maliwanag na paglabag po yun sa karapatan ng kabilang  panig.
ARTICLE 2 SECTION 6; or Seperation of the Church and State...Yan po  ang nakapaloob sa ating Saligang Batas.Nasasaad po dito na WALANG  ANUMANG KARAPATAN;ni DI MAARING PANGHIMASUKAN NG SIMBAHAN O KAHIT  ANUMANG KASAPI NG SIMBAHAN ang buhay o anumang desisyon aktibidades o  hakbangin ng isang indibidwal o ng mismong pamahalaan. 
Ayon nga po sa isang lumang kasabihan na nanggaling sa mga Romano:
"Render unto Ceasar the things that are Ceasar's and unto God and the things that are God's..."
Kung anuman po ang pag-aari ni Sesar ay kay Sesar.At kung anumang pag-aari ng mga Diyos ay sa mga Diyos... 
Ang Juan ay kay Juan...Ang kay Pedro ay kay Pedro...Napakalinaw naman  po ng nakasulat sa Konstitusyon po natin.Maari pong magkomento at  magbigay ng sariling pananaw ang Simbahang Katolika ukol sa RH Bill na  yan,PERO DI SILA KAILANMAN PWEDENG MAKIALAM!!WALANG KARAPATAN NA  PANGHIMASUKAN NG MGA DAMUHONG YAN ANG KUNG ANUMANG SINUSUONG NG  PAMAHALAAN PARA SA MGA MAMAMAYAN!! 
Eh sa mga ginagawa po ng mga taong ito na nasa Simbahan eh, malinaw  na paglabag na tinadhana ng Saligang Batas itong mga ginagawa nila eh!  Kung tutuusin, pwede na silang kasuhan ng gobyerno sa mga ginagawa nila  eh! Kasi kahit mismong mga mamamayan eh bini-brainwash na rin po nila  ukol po sa batas na ito. Kahit na sabihin pa po ninyong mga pari na  sakop ng inyong parokya ang mga taong ito at kusang loob po nila ang  pakikilahok nila sa ginagawa ninyo, eh labag pa rin po sa batas yan. Eh  mamamayan ng Pilipinas yan eh! 
Ako po pinanganak po akong Katoliko. At bilang isang Katoliko,  obligasyon ko pong sumunod sa mga utos at sakramentong nilaan po ng  Diyos sa akin. Pilipino rin po ako,at obligasyon ko po bilang Pilipino  na pangalagaan ang mga mamamayan at ang bansang nagpalaki at nag-aruga  po sa akin. 
Pero kung ang mga pinuno naman ng kahit alinman sa dalawang  mahalagang sangay ng lipunan na ito ang siyang dahilan upang masira ang  sangay na ito,ako bilang isang indibidwal ang gagawa ng hakbang upang  tuligsain ang mali at bugtot nilang ginagawa.At ngayon bilang isang  Pilipino at mamamayan ng bansang ito,obligasyon ko pong ipagtanggol ang  mga mamamayan,kinabukasan at kaunlaran ng aking bansa laban sa mga taong  gustong diktahan ang ginagawang pamamalakad ng pamahalaan,gayong alam  naman po natin na di tama. 
Kahit na kapalit po nito ay ang aking pagiging Kristyano o Katoliko.
Sa palagay ko po, dahil sa panukalang batas na ito ay tila bumabalik  nanaman po ang panahon ng mga Prayle nung panahon ng Kastila.Kung saan  dinidiktahan po nila ang kung anumang gawin ng pamahalaan.Kasi di  nalalayo ang ginagawa ng Simbahang Katolika ngayon sa mga Prayleng  Kastila noon eh.Kesyo tinatakot ang mga mambabatas na susuporta sa RH  Bill,gagawing ex-komunikado ang lahat ng magpapahayag ng suporta  dito,kesyo hihingi ng panawagan sa lahat ng mamamayan na gumawa ng  public disobedience. 
Baka po nakakalimutan nila na matagal nang tapos ang paghahari ng  simbahan!Yan pa nga ang dahilan kung bakit nag-alsa sila Francisco  Dagohoy,Diego Silang,Andres Bonifacio at iba pa pong mga bayani natin  dahil sa paghahari-harian ng mga Prayle nung panahon ng Kastila eh.Eh  ngayon pong nanghihimasok nanaman po kayo sa sinusulong na RH Bill sa  konggreso,eh baka gusto po nyo pong maulit nanaman sa inyo yung  nangyaring senaryo nung panahon ng himagsikan? 
Sige po kayo.Kapag napuno ang mga mamamayan sa mga pinaggagawa ninyo  ay baka mag-alsa din po ang mga yan.At baka yan din po ang ikabagsak nyo  at wala nang maniwala sa mga sinasabi ninyo. 
Payo ko naman po sa gobyerno,lalo na po sa mga mambabatas natin na  nagsusulong ng batas na ito na dapat banatan nyo rin po ang mga ito na  pilit na pinapakelaman ang inyo pong trabaho.Di po ba?Para patas naman  po. 
Sabihin nyo rin po sa mga paring yan na imbis na pakelaman po kayong  mga mambabatas sa trabaho ninyo,eh asikasuhin na lamang po nila yung  bumabagsak na moralidad na mga Pilipino.Pati na rin po yung kaliwat  kanang pagbubuntis ng mga kabataan na pabata ng pabata.At kaysa makisali  sila dito sa isyu na ito,ay magturo na lang po sila ng mga aral at  salita ng Diyos.Lalung lalo na po eh,sunud sunod ang mga kalamidad at  kaguluhan na nagaganap sa mundo,eh di hamak na maskelangan naman po ng  mga tao iyon di ba? 
Tama na po ang minsang pakikilahok at pakikipapel ng mga kaparian po  natin at ng mismong Simbahan sa pamahalaan nung nagdaang EDSA uno at  EDSA dos.Alam na po natin kung ano ang naging resulta ng ginawa ninyong  hakbang.At sa tingin po namin,bilang mamamayan eh dapat sana yun na po  ang huli.Hayaan nyo naman pong ang pamahalaan ang gumawa ng hakbangin  para sa ikauunlad ng ating bayan. 
At panghuli...Isang payak ngunit makabuluhang pangungusap lamang po  ang iniiwan ko sa mga kaparian,obispo at lalo n po sa arhobispo po natin  na hango po sa salitang Inggles.Madalas pong gamitin ang pangungusap na  ito.Lalo na po sa mga tao na madalas panghimasukan at pekialaman ang  kanilang mga gawain at higit po sa lahat,ang kanilang personal na buhay.
"MIND YOUR OWN BUSINESS..." uulitin ko po..."MIND YOUR OWN BUSINESS..."
Sa mga kaparian po natin...Madali naman po sigurong maintindihan yun ano??
Narito ang mga orihinal kong tugon na makikita sa mga nabanggit na page: 
Comment 1:
Bilang "Katoliko" at bilang mamamayang Filipino, hindi mo  naiintindihan  ang sinasabi mo. Bilang Katoliko, dapat alam mo na ang  Simbahan ay  itinatag ni Cristo at nagmula sa Diyos. Dapat alam mo na sa  usapin ng  moralidad at pananampalataya, ang turo ng Simbahan ay walang   pagkakamali ayon na rin sa pangako ng kanyang Panginoon: "Hindi   magtatagumpay dito kahit na ang pintuan ng impyerno." Dapat alam mo na   ang aksyon ng ilang mambabatas (hindi ng pamahalaan, dahil ang mga   mambabatas ay hindi ang pamahalaan) tungkol sa RH Bill ay may   implikasyong moral. Hindi lang basta karapatan ng Simbahan ang makialam   sa mga usaping moral ng bansa at ng mundo, ito ay kanyang misyon:   "Pakasumpain ako kung hindi ko ipahahayag ang Ebanghelyo." Yan ang hatol   ng Simbahan sa sarili kung mananahimik siya sa usaping lumalabag sa   kalooban ng Diyos. "Kayo mismo ang humatol kung matuwid sa paningin ng   Diyos ang sumunod sa inyo at hindi sa Diyos. Hindi namin puwedeng hindi   ipahayag ang aming nakita at narinig." Kaya sinasabi ni Sta. Catalina  ng  Siena, "Nakikita kong ang mundo ay bulok dahil sa pananahimik." At   totoo rin ang kasabihang, "All that is required for evil to prevail is   for good men to do nothing." Kung hindi magsasalita ang Simbahan (ang   Simbahan ay tumutukoy sa buong sambayanang Cristiano -- at dapat sana ay   kasama ka dun), nagpapakita siya ng katrayduran sa kanyang relasyon  kay  Cristo. Nagbabala si Jesus, "Ang hindi panig sa akin ay laban sa  akin,  at ang hindi nagtitipong kasama ko ay nagpapangalat." Wala sa   bokabularyo ng mga Cristiano ang kawalan ng pakialam. Either you stand   for or you stand against. Sa mga nagsasabing mananahimik na lang sila at   inuudyukan pa ang iba na manahimik, ito ang hatol ng Diyos: "Higit na   mabuti kung malamig o mainit ka. Ngunit maligamgam ka at hindi malamig   ni mainit, kaya isusuka kita sa aking bibig." Ang mga duwag ay  nakatakda  sa ikalawang kamatayan. Kaya sa halip na sabihin mo sa ibang  tao na  manahimik, panindigan mo na lang at ipagtanggol ang  ipinaglalaban mo,  baka sakaling ikabuti mo pa, but don't ask anyone to  shut up and stop  fighting for what they stand for. 
Bilang Filipino, dapat mong unawain kung bakit naging bahagi ng   kasaysayan ang People Power Revolution. Kung may sapat na isip ka na   nung panahong iyon, dapat ay nakilala mo ang katotohanan na ang bansa ay   naglakbay mula sa impyerno papunta sa purgatoryo. Hindi perpekto ang   bansang ito at ang mga tao, at hindi kailanman magiging, pero ang   desperasyon at pagkakaroon ng pag-asa at mapanghahawakang pangarap ay   magkaibang bagay. Ang diktaturya ay maka-komunistang pamamahala lalo na   kung hindi mabuti ang pagkatao ng mga nasa kapangyarihan. Wala nga tayo   sa langit, pero wala na rin tayo sa impyerno; at ito ay dahil sa   pakikialam ng Simbahan. Dahil din sa tulong ni John Paul the Great kaya   gumuho ang komunismo sa ilang bansa na matagal nang umaalipin sa mga   mamamayan. Bilang Filipino ay dapat nauuna ka sa pagtutol sa RH Bill   dahil sa maka-komunistang probisyon nito. Bilang Filipino, dapat ay   naiintindihan mo na tayo ay nasa bansa kung saan ang pamahalaan ay ang   tao -- hindi ang mga mambabatas -- at ang tungkulin ng Estado ay   katawanin at ipagtanggol ang karapatan ng bawat mamamayan mula sa   sinapupunan hanggang sa libingan. Dapat mong maintindihan na ang RH Bill   ay isang panukalang nagtatangkang labagin nang paulit-ulit ang Batas  na  saligan ng karapatan ng lahat ng mamamayan. 
Bilang Cristiano at bilang Filipino, dapat mong maintindihan na ang   paboritong bahagi ng mga tagapagsulong ng RH Bill na "Separation of   Church and State" ay hindi naglalayong pagbawalan ang bibig ng Simbahan   na magsalita tungkol sa Estado o ang bibig ng Estado na magsalita   tungkol sa Simbahan. Hindi dapat kalimutan ng mga kapanalig mo na ang   bumalangkas ng Saligang Batas ng Pilipinas ay kapwa mga sekular at mga   relihiyoso -- hindi mga taong walang pakialam sa isa't isa kundi   nagkakaisa sa kabila ng pagkakaiba. 
Comment 2: 
Ang pagsasabing walang karapatan ang Simbahan sa kung ano ang gagawin  ng  pamahalaan ay tulad na rin ng pagsasabing walang kinalaman ang   moralidad -- ang pagiging tama o mali -- sa mga gawaing ito.   Nangangahulugan din na ang mga nasa pamahalaan ay walang sense of   morality at walang konsensya, because the Church is appealing to the   conscience; hindi nito dinidiktahan ang sinuman sa gobyerno, sa halip ay   ipinapaalala sa kanila na sila ay mga tao, iniluklok ng mga tao para  sa  kapakanan ng mga tao.
Comment 3: 
"Sa palagay ko po,dahil sa panukalang batas na ito ay tila bumabalik   nanaman po ang panahon ng mga Prayle nung panahon ng Kastila." 
Tama ka. Kinitil ng mga opisyal at mga prayle ng Espanya noon ang   kalayaan ng mga tao para magsalita at ipagtanggol ang pinaniniwalaan   nilang makakabuti sa kanila, at pinarusahan ang sinumang magsasalita   laban sa kanilang mga polisiya. Kaya ang taong bayan, sa pamumuno ng mga   bayani, ay naghimagsik at nagtagumpay -- hindi sila nanahimik at   nagsawalang-kibo.
Ito ang pagkakaiba: Tanging ang mga mambabatas at nasa pamahalaan na   lang ang nagtatangkang kumitil sa kalayaan ng mga mamamayan para   magsalita at ipagtanggol ang pinaniniwalaan nilang makakabuti sa kanila,   at sila lang ang nagtatangkang parusahan ang sinumang magsasalita  laban  sa kanilang mga polisiya. Kaya ang taong bayan, sa pamumuno ng  mga  obispo, mga pari, mga relihiyoso, at lahat ng may takot sa Diyos,  ay  naghihimagsik at magtatagumpay -- hindi sila nananahimik at   nagsasawalang-kibo. Kung ikaw ay Katoliko, subukan mong ikumpara ang RH   Bill at ang mga turo ng Simbahan, at hatulan mo kung alin ang  kumikilala  sa tunay na dignidad at halaga ng tao bilang indibidwal at  bilang  malayang nilalang. 
Comment 4: 
"MIND YOUR OWN BUSINESS..." uulitin ko po..."MIND YOUR OWN BUSINESS..."
Let me educate you, then, about your being Christian and about the   Church: Mind is your business. Mind is also the Church's business. So to   mind their business means to work with your mind -- with everybody's   mind. 
"Don’t let yourselves be shaped by the world where you live, but  rather  be transformed through the renewal of your mind. You must  discern the  will of God: what is good, what pleases, what is perfect." - St. Paul
Uulitin ko, "MIND IS THEIR BUSINESS."
Sa ibaba ay mga karagdagang komento para sa mas ikalilinaw ng usaping ito:
Bet Dapapac: 
“Simula po nung maliit ako, hinubog po ako ng aking ama  at ina na lumaki bilang isang mabuting Kristyano at anak ng Diyos. Sa  awa ng Diyos ay nadala ko po yun sa aking paglaki hanggang sa ngayon.”
Hindi ito ang ipinapakita ng sarili mong mga salita. Ang isang  mabuting Cristiano ay tapat sa kanyang pananampalatayang Cristiano  hanggang sa huli, pero ngayon pa lang ay sinasabi mo nang handa ka itong  talikuran kapalit ng pagiging makabayan: “Kahit na kapalit po nito ay  ang aking pagiging Kristyano o Katoliko.” Kung talagang naiintindihan at  sinusundan mo ang mga aral ng Simbahan, malalaman mong ang pagiging  mamamayan ng Langit ay laging higit sa pagiging mamamayan ng anumang  bansa sa mundo; at kailanman na magkaroon ng hidwaan sa pag-itan nito,  hindi na kailangang magdalawang-isip kung alin ang dapat piliin. “Hindi  kayo sa mundo kundi hinirang ko kayo mula sa mundo kaya napopoot sa inyo  ang mundo” (Juan 15:19).
Bet Dapapac: 
“Tinuro rin po sa akin, ang isang napakahalagang bagay na  kailanman ay dapat kong isaisip at tandaan. Ang huwag manghimasok sa  buhay ng ibang tao, at makialam ng pag-aari o kaya ng buhay ng iba.”
Tatlo lang ang posibilidad dito: mali ang turo ng iyong mga magulang o  mali ang pagkaintindi mo dito o hindi talaga galing sa mga magulang mo  ang aral na tinutukoy mo kundi nasagap mo na lang sa ibang tao.
Hindi dapat panghimasukan ang buhay ng ibang tao kung ang layunin o  resulta ay mapangwasak o wala sa lugar. Ganito ang sinasabi ni Pablo:  “…nabalitaan naming patamad-tamad ang ilan sa inyo na hindi nag-aabala  kundi nang-aabala” (2 Tesalonica 3:11). “…nakakagawian nila ang pagiging  tamad at pangangapitbahay. Hindi lamang mga tamad, kundi mga  pakialamera pa at daldalera at kung anu-ano ang sinasabi” (1 Timoteo  5:13). Pero hindi tama ang mawalan ng pakikialam sa kapwa kung hinihingi  ito ng pag-ibig at ng sitwasyon. Sinasabi ni Jesus, “Kung nagkasala sa  iyo ang iyong kapatid, puntahan mo siya at kausapin nang sarilinan; at  kung makinig siya sa iyo, tinubo mo na ang iyong kapatid. Kung hindi  naman siya makinig sa iyo, magsama ka ng dalawa o tatlo para lutasin ang  kaso sa pagsaksi ng dalawa o tatlo. Kung tatanggi siyang makinig sa  kanila, sabihin ito sa Iglesya; at kung hindi pa rin siya makikinig sa  Iglesya, ituring siyang pagano o publikano” (Mateo 18:15-17). At  ipinapaalala din ni Juan, “Kung may makakitang magkasala ang kapatid –  ang isang kasalanang hindi pa-kamatayan, dumalangin siya at  magbibigay-buhay sa tao ang Diyos” (1 Juan 5:16). Ang kawalan ng  pakialam ay ang kaaway ng pag-ibig. Sa mga taong walang pakialam  sasabihin ni Jesus, “Mga isinumpa, lumayas kayo sa harap ko tungo sa  apoy na walang katapusan na inihanda para sa diyablo at sa mga anghel  nito! Sapagkat nagutom ako at di ninyo binigyan ng makakain, nauhaw at  di ninyo pinainom, naging dayuhan ako at di ninyo pinatuloy, maysakit at  nasa bilangguan at di ninyo binisita” (Mateo 25:41-43).
Bet Dapapac: 
“Pero, ibang usapan na po yata kung ang mga kaparian po  natin at ang Simbahan ay nanghihimasok na sa mga aktibidades ng  pamahalaan po natin…”
Nanghihimasok? Anong ibig sabihin nito? Gumagawa ba ng mga planong  pang-Estado ang Simbahan? Iniuutos ba ng mga obispo sa gobyerno kung  anong mga proyekto ang dapat gawin? Nagiging bahagi ba ng pamahalaang  sibil ang pamahalaang eklesyastiko? Kung ganito ang nangyayari, may  nagaganap ngang paglabag. Pero kung ang Simbahan ay nagsasalita tungkol  sa mga panganib at kamaliang moral na nagaganap sa politika o sa  gobyerno, ginagawa niya ang misyon na ibinigay ng kanyang Panginoon:  “Kayo ang asin ng mundo. Ngunit kung mawalan ng lasa ang asin, paano pa  ito mapaaalat na muli? Wala na itong silbi. Itatapon na lamang at  tatapakan ng mga tao. Kayo ang ilaw ng mundo. Hindi maitatago ang lunsod  na itinayo sa tuktok ng bundok. Hindi rin sinisindihan ang ilaw para  takpan ng kahon, sa halip ay inilalagay ito sa isang lampara at  tumatanglaw sa lahat ng nasa bahay” (Mateo 5:13-15).
Bet Dapapac: 
“ARTICLE 2 SECTION 6; or Seperation of the Church and  State...Yan po ang nakapaloob sa ating Saligang Batas.Nasasaad po dito  na WALANG ANUMANG KARAPATAN;ni DI MAARING PANGHIMASUKAN NG SIMBAHAN O  KAHIT ANUMANG KASAPI NG SIMBAHAN ang buhay o anumang desisyon  aktibidades o hakbangin ng isang indibidwal o ng mismong pamahalaan.”
Napakalayo sa katotohanan ng iyong pagkaunawa dito. Ayon sa Article  II Section 6 ng Saligang Batas, “Ang paghihiwalay ng Simbahan at Estado  ay hindi maaaring labagin.” Yun na ang katapusan ng nasabing bahagi.  Hindi nasasaad dito ang mga salitang binanggit mo. Kaya ang tanong ay  ano ba ang ibig sabihin ng “Separation of Church and State”? Kung  babalikan ang kasaysayan ng tinatawag na “Separation Clause”, makikitang  ang tunay na layunin nito ay kilalanin ang kalayaang pangrelihiyon at  pigilan ang mga mambabatas sa paggawa ng mga polisiya na lalabag sa  kalayaang ito. Hindi ito pagpapahayag ng lubos kawalan ng pakialam sa  isa’t isa, sa halip ay ipinapakita dito ang pagtatanggol ng Estado sa  mga karapatang pangrelihiyon. Sa Article III Section 5 ng Konstitusyon  ay sinasabing, “Walang batas ang maaaring balangkasin tungkol sa  pagtatayo ng relihiyon, o pagbabawal sa malayang pagsunod dito.” Kung  inaakala mong ang Estado ay walang pakialam sa Simbahan, at ang Simbahan  ay walang pakialam sa Estado, nagkakamali ka. Sa maraming pagkakataon  ay magkatuwang ang Simbahan at ang gobyerno para sa katuparan ng iisang  layunin.
Ang relasyong ng Estado at Simbahan ay tulad ng relasyon ng katawan  at kaluluwa – ang isa ay nasasakupan ng oras habang ang isa ay walang  hanggan, pero walang diborsyo o paghihiwalay maliban sa natura at  gawain. Mayroong bagay na magagawa ang katawan na hindi magagawa ng  kaluluwa, at mayroong magagawa ang kaluluwa na hindi magagawa ng  katawan. Kailangan ng dalawa ang isa’t isa.
Sinasabi mo na ayon sa Konstitusyon ay hindi dapat manghimasok ang  mga kasapi ng Simbahan sa mga gawain ng pamahalaan. Nakalimutan mong  isaalang-alang (o maaaring hindi mo talaga alam) na halos lahat ng mga  tao sa gobyerno ay mga “kasapi” ng isang simbahan. Ibig bang sabihin ay  dapat silang tanggalin sa trabaho dahil sinasabi ng batas na hindi  pwedeng makialam sa usaping pang-gobyerno ang mga kasapi ng Simbahan?  Hindi kaya wala nang matirang tao sa mga opisina ng gobyerno kung ganun? 
Bet Dapapac: 
“Eh sa mga ginagawa po ng mga taong ito na nasa Simbahan eh, malinaw  na paglabag na tinadhana ng Saligang Batas itong mga ginagawa nila eh!”
 Dahil mali ang interpretasyon mo sa sinasabi ng Saligang Batas, mali  din ang konklusyon mo na ito ay linalabag ng Simbahan. Ang misyon ng  Simbahan bilang liwanag ay ipahayag ang katotohanan at, bilang asin, huwag manahimik  sa gitna ng mga kamalian at inhustisya; at ayon na rin sa  Saligang Batas, dapat na malaya itong maisagawa ng Simbahan (Article III  Section 5).
Bet Dapapac: 
“Kung tutuusin, pwede na silang kasuhan ng gobyerno sa mga ginagawa nila eh!”
Hindi mo alam ang sinasabi mo. Sino ba ang tinutukoy mong “mga taong  ito na nasa Simbahan”? Kung ang mga obispo at mga pari, ginagawa lang  nila ang hinihingi ng pagiging pastol. Ito ay protektado ng Konstitusyon  at hindi tulad ng inaakala mong paglabag sa Konstitusyon. Kung ang  tinutukoy mo naman ay lahat ng mananampalataya, ginagawa lang nila ang  hinihingi ng pagiging Cristiano, at protektado din sila ng Saligang  Batas. Ang totoong lumalabag sa Konstitusyon at sa aral Cristiano ay ang  mga taong nagtatangkang busalan ang lahat ng mamamayan at ang mga  Cristianong mambabatas at pribadong indibidwal na mas piniling  tumatalikod sa mga aral ni Cristo. Sinasabi ni Jesus sa Simbahan, “Ang  nakikinig sa inyo ay nakikinig sa akin, at ang di-tumatanggap sa inyo ay  di-tumatanggap sa akin” (Lucas 10:16). Para sa kaalaman ng lahat, ang  RH Bill kung nagkataon ay ang unang batas na nagbabawal at magpaparusa  sa sinumang gagamit ng kanyang kalayaang magsalita at magpahayag. Kapag  nangyari ito, lahat ng mga susunod na batas ay maaari na rin gumamit ng  ganitong uri ng paniniil hanggang sa ang bansang ito ay tuluyan na  namang maagawan ng kalayaan.
Kaya kung tutuusin…mali ang tuus mo. Tumatahol ka sa maling puno. Ang  mga mambabatas mismo ang bumubusabos sa Saligang Batas na para bang  walang tunay na halaga ang mga sinasabi nito at ito ay piraso lang ng  papel.
Bet Dapapac: 
“Kasi kahit mismong mga mamamayan eh bini-brainwash na rin po nila ukol po sa batas na ito.”
Brainwash ba kamo? Kung pagbabasehan ang kaalamang medikal ng  napakaraming mga doktor sa Pilipinas at sa ibang bansa, lalabas na ang  mga tagapagsulong ng RH Bill – at ang mga taong nasa likod nila – ang  nagkasala ng intensyonal na pagbibigay ng maling impormasyon na  magdudulot ng kapahamakang medikal sa napakaraming mga babae, at  kapahamakang moral sa buong bansa. Ayon sa mga nagsusulong ng RH Bill,  ang pagbubuntis ay nagsisimula sa “implantation”, na ibig sabihin ay sa  oras na dumikit ang zygote sa pader ng bahay-bata. Pero ayon sa  matatapat at matatapang na doktor, kasama na ang Philippine Medical  Association, ang simula ng pagbubuntis ay sa “fertilization” o sa  pagsasanib ng itlog at binhi. Ang pagsasabing ang pagbubuntis ay  nagsisimula sa “implantation” ay isang tuwirang panlilinlang para  maitago ang katotohanan na ang ilan sa mga tinatawag na “contraceptives”  tulad ng Pill at IUD ay mga “abortifacient”.
Kung bini-brainwash ng Simbahan ang mga mamamayan tungkol sa RH Bill,  ibig sabihin ay bini-brainwash din ng PMA ang mga mamamayan tungkol  dito. Naniniwala ka bang ginagawa nila ito? Hindi kaya dapat mong  itanong sa sarili kung sino nga ba ang may napakalaking dahilan para  magsinungaling? Ang Simbahan at ang samahan ng mga doktor ba, o ang mga  politiko?
Bet Dapapac: 
“Ako po pinanganak po akong Katoliko. At bilang isang  Katoliko, obligasyon ko pong sumunod sa mga utos at sakramentong nilaan  po ng Diyos sa akin. Pilipino rin po ako,at obligasyon ko po bilang  Pilipino na pangalagaan ang mga mamamayan at ang bansang nagpalaki at  nag-aruga po sa akin.”
Mali ka, dahil walang sinuman ang ipinanganak na Katoliko. Pero tama ka na bilang Katoliko ay obligasyon mong sumunod sa Diyos sa  pamamagitan ng paninindigan sa pananampalatayang Katoliko. Pero tulad na  rin ng sinabi mo, wala kang balak ipagpalit ang pagiging makabayan sa  pagiging Cristiano. Ang masakit nga lang niyan ay hindi mo talaga  ipinagpapalit si Cristo sa iyong bansa kundi sa iyong kawalan ng alam.  Dalawang beses mong ipinapahamak ang iyong sarili, dahil sa kabila ng  pagtalikod mo sa Diyos ay hindi rin kikilalanin ng bansa ang iyong  pagiging makabayan dahil mali ang batayan mo nito. Ang tanging kikilala  lang sa iyo ay ang mga ignorante, kung hindi man mga sinungaling, na  mambabatas na nagsusulong ng RH Bill.
Bet Dapapac: 
“Sa palagay ko po, dahil sa panukalang batas na ito ay  tila bumabalik nanaman po ang panahon ng mga Prayle nung panahon ng  Kastila.Kung saan dinidiktahan po nila ang kung anumang gawin ng  pamahalaan.”
Eksakto ang pagkakasabi mo. Dahil ang panukalang batas na ito mismo  ang magiging lakas ng mga makabagong prayle – hindi ang mga pari kundi  ang mga mambabatas – para diktahan ang pamahalaan at abusuhin ang mga  mamamayan.
Bet Dapapac: 
“Kesyo tinatakot ang mga mambabatas na susuporta sa RH  Bill,gagawing ex-komunikado ang lahat ng magpapahayag ng suporta dito,  kesyo hihingi ng panawagan sa lahat ng mamamayan na gumawa ng public  disobedience.”
Tinatakot nga ba ng Simbahan ang mga mambabatas o tinatakot ng mga  mambabatas ang mga mamamayan? May nabasa ka ba o narinig mula mismo sa  isang obispo na kumakatawan sa Simbahan tungkol sa sinasabi mong  pananakot? Wala. Dahil nagmula lang ang konklusyong ito sa media.  Sabihin man o hindi ng mga obispo ang tungkol sa posibilidad ng  pagtitiwalag, ito ay batas na ng Simbahan – walang magagawa ang sinumang  obispo sa Pilipinas para baguhin ang posibilidad na ito. Mangyayari ang  dapat mangyari, sa ayaw o sa gusto ng mga obispo dahil tagapagpatupad  lang sila ng batas at hindi sila mismo ang batas.
Ang civil disobedience na sinasabi mo, kung ikaw ay Cristiano, ay  maaaring maging tungkulin mo sa mga piling pagkakataon. Hindi ito  kapritso o “tantrum” ng mga obispo, ito ay indibidwal na pasya ng mga  tagasunod ni Cristo. Kung isasabatas ang RH Bill, hinihingi ng  Cristianong prinsipyo at konsensya na ang mga tapat sa Diyos ay hindi  dapat sumunod dito. Pero sa awa ng Diyos, ang RH Bill ay hindi  maisasabatas dahil labag ito sa mismong Batas ng Bansa.
Sa kabilang banda, ang mga tagapagsulong ng panukalang ito ang may  deretsahang intensyon na takutin at parusahan ang sinumang magsasalita  man lang laban dito. Parurusahan ang mga taong susunod sa kanilang  konsensya, pamantayang moral, prinsipyong propesyonal, at relihiyon.  Sino ngayon ang “mga abusadong Kastilang prayle”? Kulang na nga lang  tawaging prayle ang mga mambabatas na ito dahil tinatangka nilang  panghimasukan ang mga usaping pangrelihiyon.
Bet Dapapac: 
“Payo ko naman po sa gobyerno,lalo na po sa mga  mambabatas natin na nagsusulong ng batas na ito na dapat banatan nyo rin  po ang mga ito na pilit na pinapakelaman ang inyo pong trabaho.Di po  ba?Para patas naman po.”
Muli, ang mga mambabatas ay hindi ang gobyerno, at alam ng gobyerno  na walang panghihimasok na ginagawa ang Simbahan sa trabaho ng  pamahalaan. Labag din sa batas ng Simbahan na ang mga kleriko ay  magkaroon ng direkta o indirektang pag-uutos sa sinumang Katoliko  tungkol sa dapat niyang gawin bilang opisyal ng gobyerno.
Sa personal kong palagay, hindi makakapagsalita nang deretsahan ang  mga mambabatas na ito laban sa ginagawa ng Simbahan dahil alam nilang  hindi sila susuportahan ng Saligang Batas tungkol dito, at dahil din  alam nilang sila ang may ginagawa nang pailalim.
Bet Dapapac: 
“Sabihin nyo rin po sa mga paring yan na imbis na  pakelaman po kayong mga mambabatas sa trabaho ninyo, eh asikasuhin na  lamang po nila yung bumabagsak na moralidad na mga Pilipino. Pati na rin  po yung kaliwat kanang pagbubuntis ng mga kabataan na pabata ng  pabata.”
Maling-mali ang iyong mungkahi kung ito ay para sa mga mambabatas.  Dahil kung sasabihin nila sa mga pari na asikasuhin nila ang bumabagsak  na moralidad ng mga Filipino, ang sagot na matatanggap nila ay, “Yun nga  ang ginagawa namin.” Ang RH Bill ay nagtutulak sa pagsamba sa katawan  at sa sex – isang dahilan ng mabilis at tuloy-tuloy na pagbagsak ng  moralidad ng napakaraming indibidwal na Filipino. Ginagawa ng mga pari  at ng mga tapat ng Katoliko ang iminungkahi mo, kaya sa loob ng mahigit  isang dekada na ngayon ay patuloy na tinututulan ang panukalang ito.
Bet Dapapac: 
“At kaysa makisali sila dito sa isyu na ito, ay magturo  na lang po sila ng mga aral at salita ng Diyos. Lalung lalo na po eh,  sunud sunod ang mga kalamidad at kaguluhan na nagaganap sa mundo, eh di  hamak na maskelangan naman po ng mga tao iyon di ba?”
Muli, makakaasa kang ginagawa nila ito. Ganun pa man, ang  sumasalungat sa ipinaglalaban mo ay ang sarili mong obserbasyon na  sunod-sunod ang mga kalamidad at kaguluhan na nagaganap sa mundo. Ang  pagiging batas ba ng RH Bill ba ay may maitutulong sa pagharap sa mga  kalamidad at kaguluhang ito? Sa gitna ng kabi-kabilang kamatayan sa  iba’t ibang panig ng bansa, mapapalitan ba ang ating populasyon sa  pamamagitan ng contraceptives? Magpapadala ba ito ng relief goods sa mga  nasalanta ng kalamidad? Ano ang laman ng mga bag na ipadadala nito,  condom, pill, at IUD habang ang mga biktima ay walang makain o maisuot  man lang? Pwede ba nilang gamiting panlamig ang condom? Maitatawid ba  sila ng pill mula sa gutom? Mabibigyan ba sila ng bagong kabuhayan sa  pamamagitan ng IUD? Ang kabaligtaran ang totoo. Mag-uubos ito ng  bilyon-bilyong piso na aagawin mula sa mga biktima ng iba’t ibang  pangyayari kaya marami sa kanila ay mamamatay habang ang pill at IUD  naman ay patuloy din na pumapatay ng mga sanggol sa iba’t ibang panig ng  bansa. Nalalarawan mo ba kung anong kinabukasan ang naghihintay sa  atin?
Totoong nagtatangkang bumalik ang mga pang-aabuso ng nakaraang  kasaysayan, at ito ay sa pamamagitan ng sapilitang pagpapasa ng  panukalang batas na ito. Sa Estados Unidos kung saan nagmumula ang mga  lasong ito, ganito ang resulta ng tinatawag nilang Reproductive Health  Rights.
Source:
http://www.abs-cbnnews.com/nation/12/11/10/doctors-warn-doh-contraceptives