Kristo, kulang pa ba ang pag-ibig na dulot mo? Bakit ba ang mundo ngayo'y gulong-gulo?
Habang pinapakinggan ko ang kantang "Kristo" ni Basil Valdez, naalala ko ang mga argumento ng mga ateyista na kung mayroon daw Diyos, hindi dapat magulo ang mundo, wala dapat naghihirap, at walang mga karamdaman.
Ginagalang ko ang opinyon ng mga hindi naniniwala sa pag-iral ng Diyos pero kailangan kong sabihin na ang kanilang mga pangangatwiran tungkol dito ay bunga ng kawalang-alam at pagiging sarado ng isip. Bilang Cristiano, naiintindihan natin na bagamat ang Diyos ay nasa ating piling, ang mundo ay hindi langit; ang tao ay hindi nakatakdang manatili sa mundo habampanahon. Cristiano man o hindi, ang kamatayan ay bahagi ng ating pagkatao. Mayroong katapusan ang ating pag-iral sa lugar na ito. Pero hindi ito nangangahulugan na walang Diyos.
Una, hindi mag-uumpisang umiral ang anuman kung walang magpapairal dito. Kahit sinong ateyista, halimbawa, ay hindi tatanggap ng argumento na ang isang bagay tulad ng damit, sapatos, computer o kahit ano pa, ay bigla na lang lumitaw nang walang gumagawa. Sa kabila noon, ipinipilit nilang walang lumikha sa mga bagay na inabutan na natin tulad ng mundo, ng mga unang tao, hayop, at halaman.
Pangalawa, ang tinatawag nating "universe" ay may mga batas na sinusundan. Isang halimbawa nito na naoobserbahan ng syensya ay ang "law of gravity". Pero bukod sa pisika ay mayroon din itong batas moral. Ang mabuting ginagawa ng isang tao ay makaaapekto sa buong mundo. Ganun din, ang kasamaan ng isa ay perwisyo sa lahat. Ang sangkatauhan ay parang isang katauhan; nakikinabang o napapahamak ang lahat ng bahagi sa kagagawan ng isa. Kung ang mundo ay may batas, ibig sabihin ay kumikilala ito ng pagkabalanse. Anumang paglabag sa mga batas nito ay magdudulot ng pagkasira ng balanseng ito, at ito ay nangangahulugan ng kaguluhan.
Ang kaabahan ng mundo ay hindi patunay na walang Diyos. Sa kabaligtaran, ito ay patunay na mayroong umiiral na batas -- na ang bawat pasya ay may konsikwensya -- at dahil dito ay alam nating may Isa na nagtakda ng mga batas na ito. Ang pagiging ganid ng iba ay nangangahulugan ng pagkagutom ng iba. Ang masamang tao ay nagdudulot ng masamang epekto sa mundo. Hindi ibig sabihin ay masasamang tao ang mga nagugutom, naghihirap, at nagkakasakit; ibig sabihin lang ay may mga bahagi ng sangkatauhan ang nagdadala ng ganitong sitwasyon sa marami. Sabi nga sa kasabihan, "Ang sakit ng kalingkingan ay ramdam ng buong katawan." Dahil dito kaya walang sinuman ang dapat magsabi na, "Walang pakialaman."
Sa trabaho, halimbawa: Mayroong limang empleyado ang hindi nagtatrabaho nang maayos at may limang matapat pero nananahimik lang sa nakikita nilang kamalian. Dahil sa limang mandaraya ay nasira ang pangalan ng kompanya at unti-unti itong bumagsak. Ang limang nagkasala lang ba ang mawawalan ng trabaho o pati ang limang matapat? Lahat sila. Dahil ang una ay gumawa ng masama habang ang ikalawa ay nanahimik sa masamang nakikita. Ganito din ang pamilya, ang komunidad, ang lipunan, ang bansa, at ang mundo. Ang kasamaan ng iba, samahan mo ng pananahimik ng mga nakakakita, isang malaking kalamidad para sa lahat. Ito ay totoo sa lahat ng bagay, maging sa kahirapan, pagkakasakit, magulong relasyon, at kung ano-ano pa. Hindi na kailangan ng Diyos na parusahan ang mundo dahil ito na mismo ang nagpaparusa sa sarili.
Ganun pa man, hindi ang mga kaguluhan ang dapat nating pagtuunan ng pansin, sa halip ay kung ano ang maiaambag natin para sa ikabubuti ng lahat. May panahon ang Diyos para sa paniningil sa mga taong nagpakalayaw sa kasamaan kapalit ng pagkaapi ng iba. Kahit gaano pa kagulo ang mundo, at kahit magmistulang wala na itong pag-asa, ang mga Cristiano ay dapat manatiling umaasa sa pag-ibig, pagkalinga, at katarungan ng Diyos. Ang bayan natin ay ang langit at hindi ang mundo. Nandito tayo para paghandaan ang langit at para tulungan ang iba na matikman ang langit sa lupa upang, tulad natin, ito ay kanila rin asamin.