Monday, January 21, 2013

Divorce Naman

Pagkatapos ng Reproductive Health Bill, atat na ang mga “death culture” lawmaker na pagdebatihan at isabatas ang diborsyo sa bansa. Hindi na ito bago sa pandinig ng mga pro-life group, dahil sa umpisa pa lang ay bistado na ang intensyon ng mga nasa likod nito. Kailangan lang nilang maipilit ang RH law sa isang bansa, at ito na ang magsisilbing pinto para maipasok ang mga polisiyang gusto nilang ipatupad sa lahat. Sa kaso ng Pilipinas, pinakamadaling isulong ang divorce dahil mas madaling manipulahin ang damdamin ng mga Filipino tungkol sa mga relasyon. Sunod dito ay homosexuality at abortion. Siguro ay magiging panghuli na sa priority ng mga mambabatas na ito ang euthanasia o pagpatay sa mga may sakit. Asahan na rin na kung tuluyang maipatutupad ang RH Bill ay magkakaroon tayo ng kultura kung saan ang pagkakaroon ng higit sa dalawang anak ay magiging kahiya-hiyang estado, at ang fertility ng mga babae at lalaki ay susubukang kontrolin ng gobyerno sa paraang totalitarian.


Women’s Right at Women EmpowermentAng divorce, tulad ng “reproductive health” at abortion, ay isinusulong sa ngalan ng women’s rights at ng women empowerment—mga katagang may positibong tunog pero negatibo ang intensyon at epekto. Ang human rights ay karapatang likas ng tao—babae man o lalaki. Ang paglikha at pagamit ng salitang “women’s rights” ay hindi totoong nagsusulong sa karapatan ng kababaihan, sa halip ay humahati sa natural na pagkakaisa ng mga lalaki at mga babae bilang myembro ng sangkatauhan. Idinadahilan ng mga feminist, at ng mga may simpatya sa kanila, na ang lipunan ay kumikilala lamang sa mga lalaki at nagwawalang-bahala sa mga babae bilang mga tao, kung kaya hindi lubusang nare-recognize ang kanilang karapatan. Ganun pa man, sa ganoong sitwasyon, ang problema ay wala sa pagkilala ng karapatan kundi sa pagkilala ng kalikasan. Ang pagsasabing ang mga babae ay may mga karapatang bukod o iba kaysa sa likas na mga karapatang pantao ay pagsasabi na rin na sila ay hindi bahagi ng sangkatauhan. Ito ay salungat sa mismong layunin ng kanilang pakikipaglaban. Kung ang problema ay iniitsapwera ka ng lipunan na parang hindi ka katulad ng iba, bakit ka gagawa ng hakbang na lalong magbubukod sa iyo sa iba? Hindi ba’t ang layunin ay maipakita sa lahat na ang mga babae ay kasintao rin ng lahat ng tao? Kung mag-iimbento tayo ng mga “karapatan” na espesyal para sa kababaihan, parang tayo na rin ang nagsabi na iba ang human rights sa women’s rights—iba ang tao kaysa sa babae. Kasunod niyan, agresibo na rin isusulong ang LGBT rights o ang mga karapatang pang-bakla, tomboy, bisexual, at transgender. Ang mangyayari ay magkakaroon ng mga karapatan para sa tatlong grupo ng mga nilalang: human rights, women’s rights, at LGBT rights. Ang layunin natin ay kilalanin ang pagiging tao ng bawat tao, sila man ay lalaki, babae, bakla o tomboy; pero dahil sa walang katapusang pag-iimbento ng mga tinatawag na “karapatan”, lalo lang nagiging iba ang dati nang itinuturing na iba. Ang pagkakaiba lang ngayon ay mas kinikilala na ang mga tinatawag nilang “karapatan” pero iba pa rin sila. Parang walang pinagkaiba sa mundo ng M.I.B. kung saan malayang nakikipamuhay ang mga alien at kinikilala ang kanilang mga karapatan, pero sa pagkilalang ito ay hindi sila nagiging mga tao; sila ay mga alien pa rin na may mga karapatang iginagalang ng mga tao. Sa pagkakaroon ng women’s rights at LGBT rights, sino na lang ang walang special rights? Ang mga lalaki. Ibig sabihin, sa kanila yung human rights. Sila lang ang tao. Kaya nahati na tayo sa apat na kalikasan: tao, babae, sirena, at t-bird—o baka meron pang iba. Mabuti nga sa Pilipinas dahil maraming mga babae at lalaki na tao ang tingin sa mga babae; di tulad sa ibang lugar na mapababae o mapalalaki ay sanay na sa kultura at indibidwal na pananaw na ang mga babae ay mas mababang uri. Kung lubusan natin ipapasok sa ating bansa ang ideolohiya ng mga feminist, lalo lang magiging malala ang pagkakahati-hati sa ating lipunan sa pag-itan ng mga makababae at mga makalalaki.Kaagapay ng women’s rights ay ang tinatawag na women empowerment. Mabuti sana ito dahil kinikilala nito ang potensyal ng sangkababaihan, pero dahil madalas ay may impluwensya ng mga feminist ang pakahulugan at aplikasyon nito, ito ay nagiging makasarili at hindi makatao. Alam natin na anumang hindi makatao ay hindi totoong makababae dahil ang ating kababaihan ay mga tao din. Anumang lumalabag sa karapatang pantao ay lumalabag din sa karapatan ng mga babae. Ang totoong empowerment ay naaayon sa likas na kakanyahan ng isang indibidwal at ito ay dapat na may positibong epekto tulad ng paghasa ng talento at mga kakayahan. Hindi kasali dito ang pagmanipula sa fertility, pagpatay sa mga batang nasa sinapupunan, at ang pagwasak ng pamilya o relasyong mag-asawa. Walang sinuman ang may likas na karapatang gawin ang mga ito dahil labag ito sa karapatang pantao at sinisira nito ang lipunan na nakasalig sa bawat pamilya.

Natural LawMay mga bagay na alam nating hindi kayang sakupin ng kapangyarihan ng tao tulad ng mga batas ng kalikasan. Mapapahamak ang sinumang magwawalang-bahala sa “batas ng gravity” dahil hindi niya alintana kung anong mangyayari sa kanya kapag lumabas siya sa bintana ng ika-20 palapag at maglakad sa hangin. Maaari niyang balewalain o subukang labagin ang batas na ito pero ang konsekwensya nito ay mananatili at hindi magbabago. Hindi man kilalanin ng tao na ang apoy ay nakakasunog, walang magbabago sa apoy at sa epekto nito. Masusunog pa rin ang balat o laman ng taong masisilaban nito. May kakayahan tayong gamitin ang mga bagay sa mundo pero kailangan nating manatili sa hangganan ng mga batas na sumasakop sa mga ito. Ganito rin ang kasal. Ang lalaki at babae ang nagkakasal sa kanilang sarili pero hindi nangangahulugang ito ay sa pag-itan lamang nilang dalawa. Katunayan, walang bisa ang pag-iisang-dibdib kung walang saksi. Hindi rin maaaring kung sino-sino lang ang sumaksi sa aktong ito. Siya ay dapat na may kaukulang kapangyarihan na kinikilala o ibinigay ng Estado o ng relihiyong kinaaaniban ng magpapakasal. Ang kapangyarihang ito ay hindi nagmula sa mismong relihiyon o Estado; ito ay nagmula sa Diyos na nagtakda ng saligang batas para sa lahat, at ipinamamahala sa human authorities. Hindi ito kapritso lamang ng mga Ama ng bansa o ng mga mambabatas, sa halip ay pagkilala sa mas mataas na Kapangyarihan na sumasakop sa lahat. Sa ating bansa, ang pagkilalang ito ay pinatutunayan ng mga paunang salita sa ating Saligang Batas.


Ayon sa pagkilala ng Estado sa batas ng kalikasan, ang pag-aasawa o kasal ay isang institusyon na hindi maaaring labagin at hindi rin malulusaw, maliban ng kamatayan. Hindi maaaring labagin. Ibig sabihin ay walang anumang akto o batas na maaaring gawin ang sinuman kung ito ay salungat sa likas na kalagayan at kahulugan ng pag-aasawa. Ang kasal ay tumutukoy sa pag-iisa (union) ng isang lalaki at isang babaeng nagmamahalan at bukas sa pagtatatag ng isang pamilya. Dito ay nangangako ang magkapareha ayon sa kanilang paniniwala na sila ay mananatiling isa hanggang sa paghiwalayin sila ng kamatayan—“till death do us part”—kung kailan ang kontrata o kasunduan ay kusang nawawalan ng bisa. At obviously, salungat sa paniniwalang ito ang konsepto ng diborsyo, kung saan pinawawalang-bisa sa kapangyarihan ng tao ang isang balidong kontrata na pinagtibay ng batas natural. Ang ganitong akto ay katulad ng pagsunggab o paglangoy sa naglalagablab na apoy. Ito ay isang pagtatangkang baguhin ang kalikasan ng isang bagay na lampas sa nasasakupan ng tao.Maaaring may isang mapagmarunong na magsasabing, “Kayang labagin at paglalangan ng tao ang kalikasan, anupa’t nagagawa niyang lumipad sa kabila ng batas na nagsasabing ang lahat ng inihahagis pataas ay walang ibang pupuntahan kundi sa ibaba.” Ganitong mag-isip ang ilang mga nagsasabing sila ay “scientific people”. Hindi naiisip ng mga taong ito na ang mga formula at mga law na sinusundan ng mga imbentor at siyentista ay hindi nagmula sa kanilang sarili kundi natuklasan lamang nila. Ang batas ng Pisika, halimbawa, ay kalipunan ng mga batas natural na may kinalaman sa pagkilos ng mga bagay. Ito ay mga batas ng kalikasan at hindi mga batas na nilikha ng tao. Natural lang na magawang lumipad ng tao kung alam niya ang mga batas sa paglipad. Hindi ito paglabas sa nasasakupan ng batas. Hindi nangangahulugan na ang tao ay maaaring maging “above the Law”. Gravity is inviolable, and so is marriage.


Divorce and PracticalityMayroon lang iisang malaking argumento ang mga nagsusulong ng diborsyo sa Pilipinas, at ito ay ang paniniwala nilang may mga kasal (pagsasamang mag-asawa) na hindi na maaaring kumpunihin. May katotohanan rin sa argumentong ito, dahil may mga taong hindi talaga nakahandang pagbutihin ang sarili o ang anumang bagay sa kanyang paligid. Ganun pa man, hindi natin maaaring isulat ang mga batas ng bansa ayon sa idinidikta ng ating emosyon o para lamang sa mabilisang remedyo kahit na labagin nito ang ating kalikasang tao at ang batas natural na sumasakop dito. Ang pag-atake sa natural na layunin ng mga bagay ay hindi kailanman magbibigay sa atin ng totoong pakinabang.


Ganito ang paulit-ulit nating maririnig mula sa mga nagtutulak ng diborsyo sa Pilipinas:“Mas masama sa bata na nakikita niya araw-araw nagbubugbugan yung kanyang mga magulang.”


“Maraming factors sa ating lipunan na nag-uukok at nagwawasak na ng pamilya. Kaya yung sa mga pamilyang ang tingin natin ay nagkakaroon na ng hindi pagkakaunawaan, nagkakaroon na ng life threatening situation lalo na sa kababaihan, dapat may remedy sila na makakaalis sila sa ganung sitwasyon.”


Gamit ang mga argumentong ito ay sinasabi nilang kailangang magkaroon ng diborsyo sa ating bansa. Para sa ilang mga Filipinong mag-asawa, na nasa nakakapagod at di-pamilyar na mga sitwasyon, ang mga argumentong patungo sa diborsyo ay mukhang makatwiran at katanggap-tanggap, lalo na kung ito ay nagmula sa bibig ng mga taong atat na atat paghiwalayin ang mga mag-asawa at ang mga pamilya.


Ganun pa man, ang unang tanong ay gaano ba kapraktikal ang diborsyo? Ito ba ay magbibigay ng kasiguruhang mapapabuti ang dalawang partido at ang kanilang mga anak? Ang mga gulo at sigalot ba sa unang kasal ay hindi na mauulit sa ikalawang kasal? Wala na bang magiging ikatlo, ikaapat, at ikalimang kasal? Kung sinasabi ng bawat partido na nagkamali sila ng napiling mapangasawa, hindi na ba sila magkakamali sa susunod?Ayon sa panukalang Divorce Bill, walang limitasyon ang bilang ng paghahain at pagproseso ng diborsyo. Hindi ba’t ipinakikita lang nito ang realidad na hindi nangangahulugang titigil na sa pagkakamali ang isang indibidwal sa ikalawang ulit niyang pagpapakasal? Dahil kung mayroong ganung kasiguruhan, hindi na kailangan ang ikalawa, ikatlo o higit pang bilang ng pakikipagdiborsyo.


Ibig bang sabihin ay dapat tiisin na lang ang masamang sitwasyon ng mag-asawa? May kanya-kanyang paraan tayo ng pag-aayos sa ating mga problema, pero hindi kasama doon ang pagpapakita ng kawalan ng pakialam at ang pagtakas sa sitwasyon. Hindi kusang mawawala ang anumang problema sa pamamagitan lamang ng pagpapanggap na hindi ito umiiral—na okay ang lahat. Hindi rin ito masosolusyunan sa pamamagitan ng pag-iisip na wala na itong pag-asa. “Ang umaayaw ay hindi nagwawagi,” sabi nga. Maraming paraan para ayusin ang pagsasama ng mag-asawa; ang diborsyo ay hindi isa sa mga iyon, dahil wala itong naaayos. Para sa lahat ng uri ng suliraning unti-unting sumisira o nakasira na sa samahang mag-asawa, maaari nilang subukan ang programa ng Retrovaile. Hindi na dapat pang hintayin na dumating sa puntong pagod na ang magkabilang panig, at wala nang maisip na paraan kundi isuko ang relasyon.


Kung talagang hinihingi ng pagkakataon ang agarang paghihiwalay, hindi ito ipinagbabawal ng batas. Anumang oras, sa anumang dahilan, ay maaaring umalis ang isa sa mag-asawa para bigyan ng panahon at espasyo ang isa’t isa. Ang hindi pagkakasundo sa ganitong areglo ay maaari din idaan sa legal na paraan tulad ng kung sino ang mananatili sa bahay at kung kanino maiiwan ang mga anak. Kung mayroon namang pagbabanta mula sa partidong ayaw makipaghiwalay, pwede rin itong ihingi ng tulong sa punong-barangay o sa pulisya. Kung pagkatapos ang mga counseling ay wala na talagang balak magsama ang mag-asawa—nagkapatawaran man o hindi—isasampa ang kaso ng legal separation para ideklara ng batas na sila ay nagkasundong maghiwalay at may mga kondisyong susundin.Dahil doon, wala nang dahilan para sabihing “nagbubugbugan” pa ang mag-asawa, o nakikita ng mga anak na araw-araw silang nag-aaway, o na ang pamilya ay nagkakaroon ng “life-threatening situation”. Ganun pa man, ang mag-asawa ay mananatiling kasal sa isa’t isa dahil ang bigkis na nagbuklod sa kanila ay hindi na sakop ng kapangyarihan ng tao. Walang sinuman ang may karapatan o autoridad na magpawalang-bisa ng isang balidong kasal. Lahat ng diborsyo o paglusaw sa bisa ng kasal ay ilusyon lamang. Ang katulad nito ay ang pagpapawalang-sala ng masamang hukom sa isang kriminal na gumawa ng krimen sa harap ng isang batalyong saksi. Sa madaling salita, ito ay isang malaki at garapalang paglolokohan lamang, na hindi kailanman magiging totoo o magkakaroon ng bisa.


Playing the Catholic Card“Ang Simbahan ay may annulment of marriage din.”“Karamihan sa mga pabor sa divorce ay Katoliko.”“Kahit sa Italy kung nasaan ang Vatican, may divorce.”Panis at nabubulok na ang istilo ng mga samahang malisyosong nagsusulong ng “kultura ng kamatayan”. Noong RH Bill ang nasa kainitan ng debate, ganito rin ang mga linyang narinig natin sa mga nagtutulak nito: “Pinapayagan din ng Simbahan ang ‘natural contraception,’” “Pinakamalaking porsyento ng pabor sa RH Bill ay mga Katoliko,” “Sa panahon ni Benedict XVI ay naging maluwag na ang Simbahan sa pagamit ng condom sa mga piling pagkakataon.” Ganyang tema din ang gagamitin nila sa mga susunod nilang agenda. Nagsimula pa kay Margaret Sanger at sa NARAL ang ganyang taktika, at simbaho na ng basura, pero yan pa rin ang ginagamit ng mga taong ito dahil sa maraming pagkakataon ay epektibo pa rin ito. Pero epektibo man o hindi, nananatili itong kasinungalingan at desperadong pagpupumilit na paniwalain ang marami na ang mali ay nagiging tama minsan, depende sa sitwasyon.Walang kapangyarihan ang Simbahan, o ang sinuman, na ipawalang-bisa ang kasal na likas na may bisa. Ang tanging pwedeng gawin ng pamunuan ng Simbahan ay ideklarang walang bisa ang kasal na talagang walang bisa sa umpisa pa, o kaya ay nawalan na ng bisa dahil ang isang partidong matagal nang nawawala ay inaakalang patay na.Ang pag-ayon ng sinumang Katoliko, kaunti man o marami, ay walang kinalaman sa kawastuhan ng katuruang Katoliko. Maniwala man ang lahat ng tao na ang isa at isa ay tatlo, mananatili pa rin itong dalawa. Hindi ang tao ang pinagmumulan ng katotohanan. Ang tangi niyang magagawa ay tuklasin at gamitin ito, pero hindi niya ito mababago.Wala rin kinalaman ang lokasyon ng Vatican sa katuruan ng Simbahan tungkol sa diborsyo. Si Lot na pamangkin ni Abraham ay nakatira sa gitna ng mga taong isinumpa dahil sa walang kapantay nilang pagkamakasalanan, pero hindi iyon nangangahulugan na sumasang-ayon si Lot sa paraan ng kanilang pamumuhay. Ipinauna na ni Jesus na ang mga Cristiano ay mamumuhay na parang mga tupa sa piling ng mga asong lobo.


Christian Teaching on Divorce“Hindi ba masama sa paningin ng Diyos ang diborsyo?” Ito ang tanong sa isang Protestanteng pastor (o baka pastor-pastoran lang) tungkol sa isyu ng divorce. Ang mabilis na sagot ng pastor ay, “Ang masama ay yung nagpapatayan kayong mag-asawa at nakikita pa ng mga anak.” Wala naman nagsasabing hindi yun masama, pero hindi naman iyon ang itinatanong. Ang tanong ay kung masama ba sa paningin ng Diyos ang diborsyo—oo o hindi lang ang sagot. Sa tanong na, “Kasalanan ba ang paggamit ng contraceptives,” ang sagot ng mga pro-RH na Protestanteng pastor ay, “Mas malaking kasalanan yung magsisilang ka ng sanggol na hindi mo kayang buhayin.” Wala naman nagsasabing mabuti iyon, pero ang tanong ay tungkol sa moralidad ng contraception.


Kahit anong manipulasyon ang gawin sa pagsagot tungkol sa katuruan ni Cristo, hindi magbabago ang katotohanan. Pwedeng dayain ng tao ang kanyang sarili pero hindi niya pwedeng dayain ang Diyos. Ikinakatwiran din ng mga nagkukunwaring tagapag-akay sa Diyos na may diborsyo na sa lumang tipan pa lamang. Ipinapakita lamang nito kung gaano kaignorante ang mga taong ito tungkol sa kalooban ng Diyos.Ang kasal ay kasunduan sa pag-itan ng isang lalaki at isang babae ni sinasaksihan at pinagtitibay ng Diyos. Lahat ng pangako at panatang ginagawa natin ay hindi lamang natin sinasabi sa ating sarili o sa ibang tao; ginagawa natin ito sa harapan ng Diyos na nakakakita ng lahat. Ang pagtataksil o hindi pagtupad sa mga pangakong ito ay nangangahulugan ng paghamak sa pag-iral, presensya, at karangalan ng Diyos. Dahil dito kaya sinabi ni Propeta Malakias na ang Diyos ay galit sa diborsyo, at ito ay itinuturing niyang karahasan laban sa babaeng asawa. Hindi mangmang ang Diyos, at alam niya ang sinasabi niya. Ang mga taong nagmamarunong at nagtatangkang manipulahin ang salita ng Diyos ay silang mga mangmang at hangal. Ang katulad nila ay ang mga Pariseo na nag-aakalang si Moises ay gumawa ng batas na pumapabor sa diborsyo.


Sa harap ng lahat ay lininaw ni Jesus na gumawa si Moises ng batas tungkol sa diborsyo, hindi para ipahiwatig na ito ay katanggap-tanggap sa Diyos, sa halip ay para kontrolin ang pagiging talamak nito sa kanyang panahon. Sinabi ni Jesus, “Alam ni Moises na matigas ang inyong puso kaya pinayagan kayong diborsiyuhin ang inyong mga asawa.” Bago iyon ay ipinaalala niya sa kanila ang kalikasan at layunin ng kasal: “Sa simula’y ginawa sila ng Maykapal na lalaki at babae, at sinabi rin nitong iiwanan ng lalaki ang kanyang ama at ina, at pipisan sa kanyang asawa, at magiging iisang katawan ang dalawa? Kung gayo’y hindi na sila dalawa kundi iisang katawan lamang; kaya huwag paghiwalayin ng tao ang pinagbuklod ng Diyos.”Malinaw ang sinabi ni Jesus: “Huwag paghiwalayin ng tao ang pinagbuklod ng Diyos.” At malinaw din ang babala ni Propeta Malakias: “Ang Diyos ay galit sa diborsyo.” Paikut-ikutin man ng mga mangmang ang aral ng Biblia tungkol sa paghihiwalay, sa pagsasabing, “Ito at iyan ang masama,” walang magbabago. Ipinapahamak lang nila ang kanilang sarili dahil sa pagsasabi nilang ang Diyos ay sinungaling at sa pag-aakalang pwede nila siyang malinlang.