Saturday, November 3, 2007

Araw ng mga patay?

Kung ang titingnan ay ang paraan ng pagkakilala at pagdiriwang ng marami sa araw na ito, marahil nga ay matatawag itong “araw ng mga patay”. Sa kalye ay nagkalat ang mga bata at matatanda na lumalarawan sa mga demonyo sa pamamagitan ng pagsusuot ng sungay na may pulang ilaw. Ang iba naman ay nakasuot ng mga “nakakatakot” na costume. Bawat lilingunan mo ay may makikita kang simbolo ng kamatayan, kadiliman, at takot. Sa ganitong dahilan kaya matatawag ang unang araw ng Nobyembre bilang araw ng mga patay. Pero hindi ito ang dahilan kung bakit ginawang espesyal ang araw na ito, at hindi rin wasto ang katawagang ibinigay dito ng mga Filipino. Ang All Saints Day o Todos los Santos ay hindi araw ng mga patay kundi araw ng paggunita sa mga kaibigan ng Diyos na kasama niya ngayon sa kanyang kaharian. May kanya-kanyang kapistahan ang mga Santo pero dahil hindi lahat ng nasa langit ay kilala natin, itinakda ang araw na ito para sa paggunita sa kanilang lahat na minsang namuhay din sa mundo ngunit ngayon ay tumanggap na ng putong ng tagumpay dahil nalampasan nila ang lahat ng dapat nilang daanan sa buhay na ito. Hindi sila mga patay tulad ng nakasanayan na nating isipin o sabihin dahil kasama nila ang Buhay -- ang Diyos ng mga buhay. Hindi inaalala sa araw na ito ang kanilang iniwang katawan kundi ang kanilang buhay na bahagi na ngayon ay nasa harapan ng Diyos at naghihintay sa “pagkabuhay na muli ng mga namatay na tao”.

cross.jpgSa susunod na araw naman ay ipagdiriwang ang All Souls Day o araw ng mga kaluluwang nangangailangan ng ating panalangin. Sila yung naririnig natin na binabanggit sa Misa kapag sinasabi ng pari, “Alalahanin mo rin...ang lahat ng mga pumanaw.” Sa madaling salita, sila ang mga kaluluwang nasa purgatoryo na naghihintay ng kanilang maluwalhating pagpasok sa kaharian ng Langit. Araw-araw silang ipinapanalangin ng Simbahan at ng mga indibidwal na mananampalataya pero itinakda ang isang araw para alalahanin sila sa mas espesyal na paraan. Natural lang na alalahanin natin ang ating mga pumanaw na mahal sa buhay tulad ng pag-alala natin sa kanila sa mga panahong hindi natin sila nakakasama noong nandito pa sila sa mundo. Katoliko man o Protestante o Judio, walang kinalaman sa relihiyon ang pag-alala sa mga minamahal, nasa mundo man o pumanaw na, dahil ito ay natural sa tao. Isang malaking pagkukunwari ang pagsasabing hindi na dapat alalahanin pa ang mga namatay na. At hindi rin natin dapat isipin na sila ay namatay, na para bang tumigil na sila sa pag-iral. Tanging ang katawan nila ang namatay dahil linisan na nila ito para lumipat sa isang ganap na buhay, at para hintayin ang muling pag-iisa ng kaluluwa at katawan sa Huling Araw.

Huwag nating pagkamalian ang pagpanaw sa pagkamatay. Ang pagpanaw ay nangangahulugan ng pag-alis dahil ang ating mga mahal sa buhay ay umaalis sa kanilang katawang-lupa at humaharap sa Diyos. Ang pagkamatay naman ay pagtigil sa pagkakaroon ng buhay. Tuwing inaalala natin ang mga taong dati nating nakasama sa mundo, ang kanilang persona ang ating ginugunita, hindi ang kanilang iniwang katawan. Ang mga kasama ng Diyos sa langit ay hindi mga patay kundi mga buhay at dumaranas ng ganap na buhay, dahil ang Diyos ay hindi Diyos ng mga patay kundi Diyos ng mga buhay.